Ang mga Maya—Noon at Ngayon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

SINASABING sila ang isa sa pinakadakilang sibilisasyon sa Kanlurang Hemispero. At hindi naman kataka-taka, sapagkat ang sinaunang mga naninirahan sa Belize, El Salvador, Guatemala, Honduras, at Mexico ay mga tagalikha ng natatanging arkitektura, ipinintang larawan, palayok, at eskultura! Nakagawa sila ng masulong na anyo ng pagsulat at nangunguna noon sa larangan ng matematika. Nakagawa pa nga sila ng isang kalendaryo na batay sa solar na taon. Sino ang mga taong ito? Ang mga Maya—mga tagapagtatag ng isa sa pinakamarangya at pinakamatalinong sinaunang sibilisasyon sa Amerika.

Karamihan sa nalalaman natin tungkol sa mga Maya ay natutuhan natin mula sa mga nakaukit sa bato at mga eskultura. Sa paggamit ng isang sistema sa pagsulat na may mahigit sa 800 titik, na marami rito ay hieroglyphic, iniulat ng mga Maya ang kanilang kasaysayan at mga kaugalian sa mga hagdan, lintel (tulad-biga na bato), at sa malalapad at makakapal na tipak ng bato o mga haligi. Sumulat din sila sa papel na gawa mula sa panloob na balat ng ligaw na mga punong igos. Sa pamamagitan ng pagtiklop sa mga pilyego, nakagawa sila ng mga aklat (tinatawag na mga codex), na binalutan naman nila ng balat ng jaguar. Ang karamihan sa mga tomong ito ay nasira nang sakupin ng mga Kastila ang mga Maya noong mga 1540 C.E., subalit ang ilan ay umiiral pa rin.

Ang unang mga magsasakang Maya ay maaaring nanirahan sa mga kapatagan sa gawing hilaga ng Guatemala mga isang libong taon bago ang kapanahunan ni Kristo. Subalit ang tugatog ng sibilisasyon ng mga Maya ay nasa pagitan ng 250 C.E. at 900 C.E.—na karaniwang tinatawag na Panahong Klasiko. Suriin natin sandali kung ano ang napag-alaman tungkol sa sinaunang mga Maya.

Dalubhasang mga Arkitekto at mga Tagapagtayo

Ang mga Maya ay mga dalubhasa sa pag-ukit sa bato, at gumawa sila ng malalaking piramide at mga templo mula sa argamasa at batong-apog. Ang mga piramideng ito ay kahawig na kahawig ng mga piramide ng Ehipto, at umakay ito sa ilan noon upang maghinuha—nang may kamalian—na ang mga Maya ay inapo ng mga Ehipsiyo.

Nasumpungan ang mga kagibaan ng mga lunsod ng Maya na yari sa bato sa Guatemala at Honduras at sa Yucatán, sa gawing timog ng Mexico. Sa tugatog nito, may mahigit na 40 gayong mga lunsod ang imperyo ng Maya, bawat isang lunsod ay may mga residente na nasa pagitan ng 5,000 at 50,000. Ayon sa The New Encyclopædia Britannica, “ang pinakamataas na bilang ng populasyon ng mga Maya ay maaaring umabot nang 2,000,000 katao, na ang karamihan ay nakatira sa mga kapatagan ng tinatawag sa ngayon na Guatemala.”

Naging imposible sana ang pagtatayo ng mga lunsod na ito taglay ang kanilang kahanga-hangang mga gusaling bato kung hindi dahil sa pagpapagal ng mga Maya na nagtatanim ng mais. Bukod pa sa pagtatanim upang may makain ang kani-kanilang pamilya, ang masisipag na lalaking ito ay inaasahang tutulong sa gawaing pagtatayo. Karagdagan pa, kailangan nilang magtanim upang may makain ang mga maharlika at mga saserdote, na ayon sa pangangatuwiran ay may mas mahalagang gawaing dapat asikasuhin.

Buhay Pampamilya ng mga Maya

Malapit sa isa’t isa ang mga pamilyang Maya. Sa katunayan, kadalasang nakatira ang mga lolo’t lola, mga magulang, at mga anak sa iisang bubong. Ginagawa ng mga kalalakihan at ng nakatatandang mga batang lalaki ang karamihan ng gawain sa bukid. Nag-aaral namang magluto, manahi ng mga damit, at magpalaki ng kanilang nakababatang mga kapatid ang mga batang babae.

Nagtatanim ng mga abokado, sili, at kamote ang mga magsasakang Maya. Subalit mais ang pangunahing pagkain ng mga Maya. Iniluluto ito ng mga kababaihan at mga batang babae sa iba’t ibang paraan. Nariyan ang lapad na keyk, o ang kilala natin sa ngayon bilang tortilla. Kahit na ang inuming de alkohol na tinatawag na balche ay gumagamit ng mais bilang isa sa mga pangunahing sangkap nito. Tinatayang sa ngayon mga 75 porsiyento ng mga pagkain ng Maya ay may halong mais, at ang proporsiyon ay maaaring mas mataas pa noon.

Ang Maraming Diyos at Diyosa

Gumanap ng prominenteng papel sa buhay ng mga Maya ang relihiyon. Sumamba sila sa maraming diyos, 160 sa mga ito ang binanggit sa isang dokumento. Upang banggitin lamang ang ilan, may diyos na maylalang, diyos ng mais, diyos ng ulan, at diyos-araw. Naglakbay ang mga babae sa templo ng diyosang si Ixchel sa isla ng Cozumel upang manalangin para magkaanak o, kung sila’y nagdadalang-tao na, upang magsumamo para sa isang matagumpay na panganganak.

Para sa mga Maya, may relihiyosong kahalagahan ang bawat araw, at may sariling kapistahan ang bawat buwan sa kalendaryong Maya. Idinaraos din ang pantanging mga seremonya may kaugnayan sa paglilibing ng mga patay. Pagkatapos pintahan ng pula, binabalot sa mga banig ang mga bangkay kasama ang ilan sa kanilang personal na mga ari-arian. Saka inililibing ang mga ito sa silong ng bahay na kanilang tinirhan. Iba naman kung para sa mga pinuno, sapagkat inihihimlay sila sa mga piramide, sa ilalim ng mga templo. Pinapatay ang kanilang mga alipin at saka inililibing na kasama nila, pati na ang iba’t ibang kasangkapan na pinaniniwalaan ng mga Maya na magiging kapaki-pakinabang sa kabilang buhay.

Bilang bahagi ng kanilang relihiyosong mga pagdiriwang, binubutas kung minsan ng mga Maya ang mga tainga o ang mga binti at paa. Binubutas pa nga nila ang kanilang dila. Maliwanag na ipinakikita ng mga tagpong nakalarawan sa eskultura at mga myural at sa mga palayok na bahagi rin ng pagsamba ng mga Maya ang paghahain. “Madalas nilang ginagawa ito sa iba’t ibang hayop,” ang sulat ni Dr. Max Shein sa kaniyang aklat na The Precolumbian Child, “subalit ang buhay ng tao ang pinakamataas na uri ng hain. Ang mga biktima sa mga ritwal na ito ay ang mga kalabang sundalo at mga alipin, at gayundin ang mga anak na lalaki’t babae ng mga taong-laya.” Sinasabi ng ilang istoryador na ang mga kabataang babae ay dating iniaalay sa diyos ng ulan bilang mga nobya sa pamamagitan ng paghahagis sa kanila nang buháy sa sagradong lawa sa Chichén Itzá. Kung makaligtas ang batang babae hanggang sa paglubog ng araw, binibigyang-kahulugan ito na kontento na ang diyos ng ulan sa nobya na naunang inihandog. Kaya, ang dalagita ay iaahon mula sa tubig.

Ang mga Maya Ngayon

Pagkaraan ng 900 C.E., ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “lubhang humina ang sibilisasyon ng klasikong Maya, anupat naiwang walang laman at tinubuan ng mga dawag ang malalaking lunsod at mga sentrong panseremonya.” Walang nakaaalam nang lubusan kung ano ang dahilan at naglaho ang mga Maya. Sinasabi ng ilan na nasaid na ang mga bukid. Sinasabi naman ng iba na ang kakapusan ng pagkain ang nagtulak sa mga magsasaka na maging mapangwasak sa paraan ng pagsasaka, samantalang ang iba naman ay tumakas tungo sa mga lunsod na siksikan na sa tao at naghihirap. Anuman ang dahilan, hindi lubusang naglaho ang mga Maya. Mga dalawang milyon ang buháy sa ngayon, karamihan sa hilagang bahagi ng Yucatán at sa Guatemala.

Katoliko sa turing ang nangingibabaw na relihiyon ng makabagong-panahong mga Maya, at puspusang nagsikap ang simbahan na makamit ang pagsang-ayon ng mga katutubo. Halimbawa, binanggit ng isang ulat ng Associated Press na “noong 1992—ang ika-500 anibersaryo ng pananakop ng Kastila sa Guatemala—naglabas ang Simbahang Katoliko sa Guatemala ng isang paghingi ng paumanhin sa publiko para sa mga pang-aabusong ginawa laban sa mga Indian noong panahon ng pag-eebanghelyo nito sa Guatemala.”

Subalit ang pagtanggap sa Katolisismo ay hindi nangangahulugan na tinalikdan na ng mga Maya ang relihiyon ng kanilang mga ninuno. Sa kabaligtaran, tinatanggap ng maraming paring Katoliko ang pagsasama ng mga gawain at mga turo ng simbahan sa mga katutubong ritwal. Halimbawa, malaon nang naniniwala ang mga Maya sa animismo, ang paniniwala na ang mga bagay—may buhay man o walang buhay—ay nagtataglay ng isang puwersa ng buhay. Tinanggap ng simbahan ang ideyang ito, bagaman ito’y isang pagbabalatkayo ng Katolisismo, anupat ipinagtaka ng ilang lider ng simbahan kung gaano pa karaming paganismo ang maipahihintulot ng simbahan subalit itinuturing pa rin ang sarili nito na Kristiyano.*

Ang mga Maya at ang mga Saksi ni Jehova

Itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang dalisay na mga katotohanan ng Bibliya sa mga lupain kung saan maraming Maya. Mahusay na tumutugon ang marami. Isaalang-alang ang dalawa lamang halimbawa.

“Nasisiyahan ako sa karangalan at katanyagan sa gitna ng mga katutubong kinalakhan ko,” ang sabi ni Caridad, “bagaman hindi ako nahadlangan niyan mula sa bulagsak na pamumuhay na kinakitaan ng labis-labis na pag-iinuman.” Katulad ng maraming Maya, si Caridad ay nagsasagawa ng Katolisismo na sinamahan ng espiritismo. “Kapag nagkakasakit ako,” ang sabi niya, “nagtutungo ako sa isang albularyo.” Nagsimulang makipag-aral ng Bibliya ang mga anak na babae ni Caridad sa mga Saksi ni Jehova. “Unti-unti, naging interesado ako,” inamin ni Caridad, “lalo na nang makita ko kung paano nagbago ang pag-uugali ng aking mga anak na babae. Di-nagtagal ay nagsimula na rin akong mag-aral.” Ang resulta? “Natulungan ako ng katotohanan na makilala at ibigin si Jehova,” ang sabi ni Caridad. “Tinalikdan ko na ang lahat ng gawain at mga kaugalian na hindi nakalulugod kay Jehova, at napalaya na ako mula sa takot at pamahiin.”

Si Paula, isang Maya mula sa Guatemala, ay nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng kaniyang dalawang anak na lalaki. “Lagi akong gumagawa ng mga altar para sa kanila,” ang salaysay niya. “Mayroon akong Bibliya na ibinigay sa akin ng isang madreng Katoliko, at binabasa ko ito sa loob ng dalawang oras gabi-gabi upang masumpungan ang kasagutan sa aking katanungan, ‘Nasaan ang aking patay na mga anak?’” Di-nagtagal ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya si Paula sa mga Saksi ni Jehova, at agad siyang dumalo sa kanilang mga pulong. “Ipinaliwanag nila sa akin nang malinaw ang Salita ng Diyos,” ang sabi niya. “Natutuwa ako’t nalaman ko na aalisin ng Kaharian ng Diyos ang sakit at kamatayan. Lagi kong iniisip ang tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli.” (Juan 5:28, 29) Ibinabahagi ngayon ni Paula ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa iba. “Marami pa rin ang nangangailangan ng tulong,” ang sabi niya.

[Talababa]

Karaniwang makikita ang mga Maya na nagkukrus na gaya ng mga Katoliko pagkatapos maglakad ng milya-milya upang dumalaw sa dambana ni San Simón, isang diyus-diyosang kahoy na ang pinagmulan ay hindi malinaw.

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

Ang Kalendaryo ng mga Maya

  Nakagawa ng isang tumpak na taunang sistema ng kalendaryo ang mga Maya na kabilang pa nga sa pagbilang nito ang leap year.

  Ang taon ng mga Maya ay binubuo ng 365 araw. Sa mga ito, ang 364 na araw ay hinati sa 28 sanlinggo, na ang bawat isa’y may 13 araw. Ang bagong taon ay nagsisimula sa ika-365 araw, sa Hulyo 16. Kumusta naman ang mga buwan? Ang kalendaryo ng mga Maya, na nakalarawan sa itaas, ay may 18 buwan, at ang bawat isa sa mga ito ay binubuo ng 20 araw. Kaya ang mga sanlinggo at mga buwan ay tumatakbo nang magkaiba sa isa’t isa—yaon ay, may isang eksepsiyon. Minsan tuwing 260 araw (ang pagpaparami ng 13 at 20), ang sanlinggo at ang buwan ay nagsisimula sa iisang araw. Ayon sa isang reperensiyang akda, “ang kalendaryo ng mga Maya, bagaman lubhang masalimuot, ang pinakatumpak na nalalaman ng tao hanggang ipakilala ang kalendaryong Gregorian.”—Funk Wagnalls New Encyclopedia.

[Graph/Larawan sa pahina 16, 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Kronolohiya ng mga Maya

             Olmec

1000 B.C.E.

 500 B.C.E.

             Olmec

                     Zapotec

                                 Teotihuacan

B.C.E. | C.E.

 500 C.E.

                                 Teotihuacan

                     Zapotec

                                           Toltec

1000 C.E.

                                           Toltec

                                                    Aztec

1500 C.E.

                                                    Aztec

[Credit Line]

Mayan art: Dover Publications, Inc.

[Mapa sa pahina 16, 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MEXICO

PENINSULA NG YUCATÁN

BELIZE

GUATEMALA

EL SALVADOR

HONDURAS

[Credit Line]

Map: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 16]

Mga labí ng 75-piye-ang-taas na templong piramide sa sinaunang lunsod ng Maya na Palenque

[Larawan sa pahina 16]

Paggawa ng mga tortilla

[Mga Larawan sa pahina 18]

Chichén Itzá

Templong Kukulcán

Nagbabantay sa pasukan ng Templo ng mga Mandirigma, isang estatuwa ang may hawak na sisidlan sa paghahain, na malamang na ginamit upang tanggapin ang mga puso ng tao

[Larawan sa pahina 19]

Si Caridad kasama ang kaniyang asawa at mga anak na babae