Masasabi Mo ba ang Pagkakaiba?

“Isang piyano iyon!” “Hindi, parang isang synthesizer ang naririnig ko.” “Isang organo talaga iyan!” “Hindi, mali kayong lahat. Isang harpsichord iyon.” Ano ba talaga iyon?

ANG totoo, halos magkakahawig ang mga teklado ng lahat ng instrumentong ito sa musika. Subalit napakalaki ng pagkakaiba ng tunog na nalilikha at ng paraan ng paglikha ng tunog kapag pinindot ang isa sa mga tipahan nito. Paano nga ba nagsimula at nabuo ang teklado? Suriin natin ang mga teklado sa paglipas ng mga dantaon.

Ano ba ang Hydraulus?

Ang pinakasinaunang nakilalang teklado ay pinaniniwalaang kabilang sa instrumentong tinatawag na hydraulus, o de-tubig na organo. Ipinapalagay na ito ay nabuo ni Ktesibios, isang inhinyero na taga-Alexandria, noong unang kalahatian ng ikatlong siglo B.C.E. Ayon sa aklat na Musical Instruments of the West, “binobomba ang hangin . . . sa butas-butas na lalagyan (pnigeus) na nakapatong sa sisidlan ng tubig, at mula sa pnigeus ay pumapasok pa ito sa mga pitak para sa hangin na nasa ibaba ng [magkakasunod na] pipa, anupat ang presyon ng tubig ang nagpapanatili sa presyon ng hangin.” Ang mga pipa ay lumilikha ng tunog sa pamamagitan ng mga slider na gumagana sa tulong ng ilang malalaking tipahan. Dahil sa malakas at garalgal na tunog ng mga nota, ang hydraulus ay tamang-tama sa mga palabas sa sirkus, perya, at mga pista. Narating nito ang rurok ng kabantugan noong panahon ng Imperyo ng Roma—maging si Emperador Nero ay sinasabing isang bihasang manunugtog.

Bakit Nabuo ang Pneumatic Organ?

Dahil sa napalitan ang kompresor na tubig ng bulusan (bellows) na nagsisiksik sa hanging may presyon, ito ang umakay sa kapanahunan ng pneumatic organ. Nakauupo ang isa habang tumutugtog ng instrumento dahil sa bulusan, na ginagamit ang mga paa o kamay para magbomba ng hangin. Ang mga nahukay na labí ng pneumatic organ ay may petsang kasing-aga ng ikatlong siglo C.E., at ito ang patuloy na ginamit at nakilala sa loob ng sumunod na ilang daang taon. Palibhasa’y ginagawa pa noon ang isang simpleng teklado, ang himig ay matutugtog lamang sa napakabagal na mga tiyempo. Ito’y dahil sa kailangang kasukat ng bawat tipahan ang mismong pipa ng organo. Para matugtog ang mababang nota, baka kinailangang gamitin ng tumutugtog ang buong kamay niya o maging ang kamao pa nga upang idiin ang malapad na tipahan.

Noong ika-14 na siglo, ang organo ang naging “halos nag-iisang instrumento ng simbahan sa kanluraning Europa.” (The Encyclopedia of Music) Ang pagkabuo ng de-makinang rodrilyo ay nagpabago nang malaki sa hitsura at gamit ng teklado ng organo. Dahil sa mekanismong ito, nailayo ang mga pipa mula sa teklado at naging mas makitid ang mga tipahan. Sa wakas, sa paggamit ng isa lamang daliri sa bawat tipahan, makatutugtog nang napakaganda ang isa na may mabibilis na tiyempo ng musika. Labis na nagustuhan ni Mozart ang organo anupat tinawag niya itong hari ng mga instrumento.

Ang Sinaunang De-kuwerdas na Teklado

Masusumpungan sa Genesis 4:21 ang unang pagbanggit ng Bibliya sa de-kuwerdas na instrumento, at paulit-ulit na binanggit ito may kaugnayan sa bansang Israel. Subalit noon lamang halos ika-15 siglo C.E. pinagsama ang de-kuwerdas na mga instrumento (karaniwan nang kinakalabit ng mga daliri o tinatamaan ng pinakamartilyo [hammer] o pamalo) at ang teklado. Ang teklado gaya ng alam natin sa ngayon ay unang nakita sa isang instrumentong tinawag na clavichord. Iyon ay isang simple at tulad-kahong instrumento na may mga kuwerdas na nagmumula sa kaliwa pakanan. Kapag pinindot ng isang tumutugtog ang tipahan, tumataas ang isang tansong blade at tumatama sa kuwerdas sa ibaba.

Sumunod naman dito ang harpsichord, spinet, at virginal.* Ang mga ito, lalo na ang harpsichord, ang naging pangunahing de-tekladong instrumento noong ika-16 at ika-17 siglo. Isang pagsulong ang bagong mekanismo ng harpsichord. Ganito ang paglalarawan ng The History of Musical Instruments: “Ang mga kuwerdas ay kinakalabit ng mga quill sa halip na tinatamaan ng mga tangent gaya ng sa clavichord. Sa dulo ng bawat tipahan ay may isang jack, iyon ay isang maliit at patayong piraso ng kahoy na pinapatungan ng maliit na quill o isang maliit na piraso ng katad. . . . Tumataas ang jack kapag pinindot ang tipahan, anupat nakakalabit ng quill ang kuwerdas, at pagkatapos, dahil sa ispring, ay bumabalik ito nang hindi na muling tinatamaan ang kuwerdas.”

Ang bagong mekanismong ito ang nagbigay sa harpsichord ng kakaibang tunog nito. Ganito inilarawan ng isang dating piyanista sa konsiyerto ang tunog ng harpsichord, na naiiba sa modernong piyano: “Ito ay may matinis na tunog, at hindi tumatagal ang himig ng nota nito.”

Ang disenyo ng harpsichord ay nagbago nang napakalaki sa paglipas ng mga taon. Ang mga naunang modelo ay may iisang teklado at may iisa lamang kuwerdas sa bawat tipahan. Nang maglaon, ang mas masalimuot na mga modelo ay may dalawang teklado, napakaraming kuwerdas sa bawat tipahan, at iba pang kagamitan para mabagu-bago ang tono. Ang bantog na mga kompositor noon, gaya nina Johann Sebastian Bach (1685-1750) at Domenico Scarlatti (1685-1757), ay nakinabang nang husto sa tono at teknikal na mga kahusayan ng harpsichord at nakakatha ng napakaraming musika, na tinutugtog pa rin hanggang sa ating kapanahunan.

Ang mga akordyon ay nabuo noong ika-19 na siglo, at naging labis na popular naman ang piyano akordyon noong ika-20 siglo. Ito ay pinagsamang teklado at hinihipang instrumento, yamang ito’y may bulusan na pumupuwersa sa hangin na pumasok sa mga pipa na gumagalaw. Ang modernong akordyon ay may 140 bajo na pinatutunog ng pitong hanay ng mga buton at isang tekladong de-kompas na mula sa dalawa hanggang apat na oktaba.

Ang Panahong Elektroniko

Nakilala ang panahon ng elektronikong mga teklado noong ika-20 siglo. Ang pinakaluma sa mga ito ay ang telharmonium na nabuo ni Thaddeus Cahill noong 1906. Lumitaw ang de-kuryenteng mga organo noong dekada ng 1930 at nasundan agad ng de-kuryenteng harpsichord at de-kuryenteng mga piyano. Palibhasa’y lubusang naiiba ang mekanismo ng hydraulus, kapag pinindot ang tipahan ng isang de-kuryenteng organo, ang elektronikong signal ay naglalabas ng nota, na nababago at napalalakas.

Ang isa sa pinakakilalang elektronikong mga teklado sa ngayon ay ang synthesizer, na nabuo noong dekada ng 1940 at naging pangunahing instrumento na nagustuhan ng pinakamakabagong mga banda at grupo ng mga mang-aawit. Kapag pinindot ang tipahan ng synthesizer, talagang maririnig ang lahat ng tunog na maiisip ng isa—mula sa tumatahol na aso hanggang sa orkestra ng simponiya.

Hindi nakapagtataka na may ginagampanang bahagi rin ang computer sa makabagong musika. Ang mga synthesizer sa ngayon ay malimit na may computer, o maaaring gamitin ang isang computer para pagmulan ng tunog at sa gayon ay nagiging isang instrumento sa musika mismo. Bagaman malimit na ginagamit ang musikal na teklado bilang pangkontrol sa computer, maaaring pagpilian ng manunugtog sa ngayon ang pagpoprograma sa kaniyang computer sa pamamagitan ng isang mouse o paggamit ng isang pangkaraniwang tipahan ng computer. “Sa ngayon, halos lahat ng recording studio ay may napakaraming kagamitang nauugnay sa computer. Ang musika ay inilalagay sa isang hard disk sa digital na paraan at pagkatapos ay inaayos sa isang mixing desk na gumagamit ng makabagong programa sa computer bago gawin ang orihinal na kopya ng huling bersiyon sa isang digital audio tape.”—The Encyclopedia of Music.

Nangangahulugan ba ito na bilang na ang araw ng musikal na teklado dahil sa pinakabagong mga instrumento sa ngayon? Malayong mangyari iyan kapag naaalaala natin ang simple ngunit madamdaming himig ng “Moonlight Sonata” ni Beethoven, ang kaniyang “Für Elise,” o ang “Clair de Lune” ni Debussy. Subalit kapag ginugunita natin ang musikang nagmumula sa teklado sa nakalipas na daan-daang taon at ang naging epekto nito sa buhay ng milyun-milyong tao, mauudyukan tayong kilalanin ang napakalaking nagawa ng teklado sa daigdig ng musika at sa kaligayahan ng mga tao sa pagdaan ng maraming siglo.

[Talababa]

Ang virginal ay nabuo noong ika-15 siglo. Ito ay may 32 metal na kuwerdas at katulad ng clavichord ang hitsura nito subalit gaya naman ng harpsichord ang tunog nito. Ang spinet ay ang maliit na uri ng harpsichord.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 20, 21]

Bakit Naimbento ang “Pianoforte”?

  Noong huling kaapat na bahagi ng ika-18 siglo, unti-unting napalitan ang harpsichord yamang itinuring na pinakamahusay ang teklado ng pianoforte, mas kilala bilang piyano. Paano nito nakuha ang pangalang ito? Labis na pinagtalunan kung sino ang nag-imbento ng instrumentong ito at kung kailan, subalit inieksperimento noon ng Italyanong nagngangalang Bartolomeo Cristofori ang pianoforte noong pasimula ng ika-18 siglo. Ang itinawag ni Cristofori sa instrumento, gravicembalo col piano e forte (harpsichord na mahina at malakas ang tunog), ay nagbigay-diin sa bentaha nito kaysa sa harpsichord, na hindi nakokontrol ng tumutugtog ang lakas ng musika. Kapag pinindot ang tipahan ng pianoforte, isang bagong pinaghusay na mekanismo ang tumatama sa hammer na nasa ilalim na siya namang tumatama sa kuwerdas. Ang lakas ng tunog ng nota ay tumutugma sa puwersa ng pagdiin sa tipahan. Napangyayari nito ngayon na malayang tugtugin ng isa ang ninanais na damdamin at lakas sa musika, iyon man ay piano, mahina, o forte, malakas.

  Ang isa pang salik ay ang ginagamit na tatlong uri ng pedal—ang sustaining, ang sostenuto, at ang soft. Ayon sa pagkakasunud-sunod, pinangyayari nito na tumagal ang tunog, bahagyang mapigil ang tunog, at mapahinto ang tunog.

  Sa buong panahon ng ika-18 siglo, patuloy na sumulong at nagbago ang pianoforte sa Europa. Noong unang mga taon ng dekada ng 1740, ang square piano ay nabuo, isang mas maliit at mas abot-kayang modelo. Ang piyano de-kola, o concert grand, ay kumukuha ng malaking espasyo, yamang may mga kuwerdas ito na iba’t iba ang haba na pahiga ang posisyon. Sa pagpasok ng ika-19 na siglo ay dumating ang upright piano, na kilala pa ring modelo hanggang sa ngayon.

  Tinanong ng Gumising! ang isang piyanista tungkol sa malalaking pagkakaiba sa tunog ng piyano de-kola at ng upright piano. Sinabi niya: “Sa tatlong salita, ang tunog, ang pagiging malinaw ng tunog, at ang taginting nito. Mas malawak ang pagkakaiba-iba ng katagintingan ng piyano de-kola. Napakalinaw at malakas ang tunog nito. Kung paghahambingin, mas mahina ang tunog ng upright piano. Ito’y dahil na rin sa bagay na inilalagay ang upright piano sa may dingding, na nagpapahina sa tunog ng soundboard sa likuran.”

[Larawan]

Isang piyano de-kola na pangkonsiyerto na 2.7 metro ang haba

[Mga Larawan sa pahina 18]

Ang “virginal” na may larawan ng isang tagpo sa parke, 1666, Inglatera

Ang “harpsichord,” na yari sa bahay ng pagong ang mga tipahan, (nakasingit na larawan), 1760, Alemanya

“Clavichord,” 1906, E.U.A.

Piyano akordyon, 1960, Italya

Modernong “synthesizer” at ang computer

[Credit Line]

Apat na larawan sa itaas: Courtesy of the Yale University Collection of Musical Instruments

[Larawan sa pahina 19]

“Hydraulus”

[Credit Line]

Courtesy Macedonian Heritage

[Larawan sa pahina 19]

Organo, Sydney Opera House, Australia

[Credit Line]

By courtesy of Australian Archives, Canberra, A.C.T.