Kabanata 6

Ano’ng Nangyayari sa Aking Katawan?

“Ang bilis kong tumangkad. Tuwang-tuwa naman ako, pero masakit ito sa katawan dahil pinupulikat ang aking paa at binti. Nakakainis!”—Paul.

“Alam mong nagbabago na ang iyong katawan, at ayaw mo sanang may makapansin nito. Tapos, kahit hindi naman sinasadyang makasakit, may babati sa iyo na, ‘Ang lapad na ng balakang mo’—kaya parang gusto mo na lang sumuot sa isang lungga!”—Chanelle.

NASUBUKAN na ba ng inyong pamilya na lumipat ng tirahan sa isang bagong lugar? Nakakapanibago, hindi ba? Kasi, kailangan mong iwan ang lahat ng bagay na pamilyar sa iyo—ang inyong bahay, paaralan, at mga kaibigan. Malamang na matagal-tagal din bago ka nasanay sa bagong kapaligiran.

Ang panahon ng pagbibinata o pagdadalaga—kung kailan nadedebelop ang iyong katawan—ang isa sa pinakamalalaking pagbabago sa buhay ng isang tao. Para kang lilipat sa isang bagong lugar. Kapana-panabik? Sigurado! Pero magkakahalo ang nagiging damdamin ng isang nagbibinata o nagdadalaga, at baka manibago ka nang husto. Anu-anong pagbabago ang mararanasan mo sa kapana-panabik pero mahirap na yugtong ito ng iyong buhay?

Sa mga Nagdadalaga

Malaking pagbabago ang nararanasan ng mga nagdadalaga. Kapansin-pansin ang ilang pagbabago. Halimbawa, dahil sa ilang partikular na hormon, tutubuan ng buhok ang iyong ari. Bukod diyan, mapapansin mong lumalaki ang iyong dibdib, balakang, at hita. Nagkakahubog na ang iyong katawan, kaya hindi ka na mukhang bata. Wala kang dapat ikabahala—talagang normal ito. At indikasyon ito na naghahanda na ang katawan mo para sa pagdadalang-tao sa hinaharap!

Bahagi ng pagdadalaga ang pagkakaroon ng buwanang dalaw. Kung hindi ka handa, baka ikatakot mo ang malaking pagbabagong ito sa iyong buhay. Ganito ang naalaala ni Samantha: “Nabigla talaga ako nang una akong datnan. Ang dumi-dumi ng pakiramdam ko. Kinukuskos kong mabuti ang katawan ko kapag naliligo at diring-diri ako sa aking sarili. Takot na takot ako kapag naiisip kong buwan-buwan na akong magkakaroon sa loob ng maraming taon!”

Pero tandaan na ang pagkakaroon mo ng buwanang dalaw ay indikasyon na nadedebelop na ang iyong mga sangkap sa pag-aanak. Bagaman maraming taon pa naman ang lilipas bago ka maging handa sa pagiging isang magulang, unti-unti ka nang nagiging isang ganap na babae. Pero talagang nakababalisa pa rin kapag dinatnan ka na. “Ang pinakamalaking hamon para sa akin ay ang pagiging sumpungin ko,” ang sabi ni Kelli. “Hindi ko talaga maintindihan kung bakit napakasaya ko sa buong maghapon, pero mamumugto naman ang mga mata ko kinagabihan dahil sa kaiiyak.”

Kung ganiyan ang nadarama mo ngayon, huwag kang masiraan ng loob. Masasanay ka rin. Ganito ang sinabi ng 20-anyos na si Annette: “Dumating sa punto na natanggap ko ring kailangan ito para maging ganap na babae ako at na binigyan ako ni Jehova ng kakayahang magkaanak. Mahirap talaga itong tanggapin sa una, at malaking hamon ito para sa ilang babae; pero sa kalaunan, matututuhan mo ring tanggapin ang mga pagbabagong ito.”

Nararanasan mo na ba ang ilan sa pisikal na mga pagbabagong tinalakay sa itaas? Sa mga linya sa ibaba, isulat ang anumang naiisip mong tanong hinggil sa mga pagbabagong nararanasan mo.

 ․․․․․

Sa mga Nagbibinata

Kapag nagbinata ka na, malaki ang magiging pagbabago ng iyong hitsura. Halimbawa, baka maging masyadong malangis ang iyong balat, kaya maaaring tagihawatin ka at magkaroon ng blackheads.* “Nakakairita at nakakadismaya kapag tinagihawat ka,” ang sabi ng 18-anyos na si Matt. “Mahirap kalaban ang tagihawat. Hindi mo alam kung maaalis pa ito o kung mag-iiwan ito ng peklat o kung mamaliitin ka ng mga tao dahil dito.”

Sa kabilang panig, maaaring mapansin mo na mas lumalaki at lumalakas ka na. Lumalapad na rin ang iyong mga balikat. Maaaring tubuan ka ng bigote, balahibo sa binti at dibdib, at ng buhok sa kilikili. Siya nga pala, hindi sukatan ng pagkalalaki ang pagiging balbon; namamana lang ‘yan.

Dahil hindi sabay-sabay ang paglaki ng mga bahagi ng iyong katawan, baka maasiwa kang kumilos. “Asiwa akong kumilos. Para akong nag-i-skating na giraffe,” ang naalaala ni Dwayne. “Hindi agad makasunod ang mga bisig at binti ko sa sinasabi ng utak ko!”

Kapag tin-edyer ka na, unti-unting lálakí ang boses mo. May pagkakataong baka mapahiya ka dahil bigla ka na lang mapapapiyok habang nagsasalita. Pero huwag kang mag-alala, pansamantala lang iyan. Kaya kung mapapiyok ka man, tawanan mo na lang ang iyong sarili para hindi ka masyadong mapahiya.

Habang gumugulang ang iyong mga sangkap sa pag-aanak, lálakí ang iyong ari at tutubuan ito ng buhok sa palibot. Magsisimula na rin itong gumawa ng semilya. Ang likidong ito ay may milyun-milyong pagkaliliit na punlay, na lumalabas sa panahon ng pagtatalik. Kayang pertilisahin ng punlay ang selula mula sa obaryo ng babae upang makabuo ng sanggol.

Naiipon ang semilya sa iyong katawan. Ang ilan ay natutunaw na lamang sa loob ng katawan, pero paminsan-minsan, nailalabas ito sa gabi samantalang natutulog ka. Wet dream ang karaniwang tawag dito. Normal lamang ito. Binabanggit pa nga ito sa Bibliya. (Levitico 15:16, 17) Palatandaan ito na gumagana ang iyong mga sangkap sa pag-aanak at malapit ka nang maging ganap na lalaki.

Nararanasan mo na ba ang ilan sa pisikal na mga pagbabagong tinalakay sa itaas? Sa mga linya sa ibaba, isulat ang anumang naiisip mong tanong hinggil sa mga pagbabagong nararanasan mo.

․․․․․

Kung Paano Haharapin ang Pagbabago sa Iyong Damdamin

Habang nadedebelop ang mga sangkap sa pag-aanak ng mga lalaki at babae, nagkakaroon sila ng interes sa kanilang di-kasekso. “Nang magbinata ako, saka ko lang napansin na napakarami palang magagandang babae,” ang sabi ni Matt. “Pero wala naman akong magawa kasi napakabata ko pa para manligaw.” Mas detalyadong tatalakayin sa Kabanata 29 ng aklat na ito ang aspektong ito ng paglaki. Samantala, tandaan na mahalagang pag-aralan mong pigilin ang iyong seksuwal na pagnanasa. (Colosas 3:5) Bagaman waring mahirap itong gawin, makakaya mong kontrolin ang iyong sarili!

May iba pang mga damdamin na kailangan mong harapin sa panahon ng pagbibinata/pagdadalaga. Halimbawa, baka madali kang mainis sa iyong sarili. Karaniwan nang malungkutin ang mga kabataan, at paminsan-minsa’y nanlulumo. Sa gayong mga pagkakataon, makabubuting makipag-usap ka sa iyong magulang o sa iba pang adulto na pinagkakatiwalaan mo. Isulat ang pangalan ng adulto na maaari mong mapaghingahan ng iyong niloloob.

․․․․․

Higit na Mahalaga Kaysa sa Pisikal na Paglaki

May mas mahalaga pa kaysa sa iyong pagtangkad at pagbabago ng iyong hitsura o hubog ng katawan. Ito ay ang pagsulong mo sa mental, emosyonal at, higit sa lahat, sa espirituwal na paraan. Sinabi ni apostol Pablo: “Noong ako ay sanggol pa, nagsasalita akong gaya ng sanggol, nag-iisip na gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol; ngunit ngayong ganap na ang aking pagkatao, inalis ko na ang mga ugali ng isang sanggol.” (1 Corinto 13:11) Maliwanag ang aral. Hindi sapat na magmukha kang adulto. Kailangang matutuhan mong kumilos, magsalita, at mag-isip na gaya ng isang adulto. Huwag kang masyadong mabahala sa nangyayari sa iyong katawan anupat hindi mo na nabibigyang-pansin ang iyong pagkatao!

Tandaan din na “tumitingin [ang Diyos] sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Sinasabi ng Bibliya na si Haring Saul ay matangkad at makisig, pero hindi siya naging mabuting hari ni naging mabuting tao man siya. (1 Samuel 9:2) Sa kabaligtaran, si Zaqueo ay “maliit,” pero may lakas siya ng loob na magbago at maging alagad ni Jesus. (Lucas 19:2-10) Maliwanag, mas matimbang ang pagkatao kaysa pisikal na hitsura.

Isang bagay ang tiyak: Walang ligtas na paraan para pabilisin o pabagalin ang pisikal na paglaki. Kaya sa halip na kainisan o katakutan ang mga pagbabago, tanggapin ito nang maluwag sa kalooban—at daanin na lamang ito sa tawa. Hindi isang sakit ang pagbibinata o pagdadalaga, at hindi ikaw ang kauna-unahang dumanas nito. At huwag kang mag-alala, hindi naman ito nakamamatay. Kapag nalampasan mo na ang mahirap na yugtong ito ng pagbibinata/pagdadalaga, isa ka nang ganap na adulto!

SA SUSUNOD NA KABANATA

Paano kung ayaw mo sa iyong hitsura? Paano ka magkakaroon ng timbang na pangmalas sa iyong hitsura?

[Talababa]

Tinatagihawat din ang mga babae. Maiiwasan ang pagdami nito sa pamamagitan ng mabuting pangangalaga sa balat.

TEMANG TEKSTO

“Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.”—Awit 139:14.

TIP

Ngayong nagbabago na ang hubog ng iyong katawan, iwasan ang mapang-akit na istilo ng pananamit. Laging manamit nang “may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”—1 Timoteo 2:9.

ALAM MO BA . . . ?

Maaaring magsimula ang pagbibinata o pagdadalaga sa edad na 8, 14, o mas huli pa rito. Nagkakaiba-iba ito sa bawat indibiduwal.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Ngayong nagbibinata/nagdadalaga na ako, ang katangiang kailangang-kailangan kong linangin ay ․․․․․

Upang maingatan ko ang aking kaugnayan sa Diyos, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

Bakit isang malaking hamon ang pisikal at emosyonal na mga pagbabagong kakambal ng pagbibinata o pagdadalaga?

Para sa iyo, ano ang pinakamahirap sa mga pagbabagong ito?

Bakit maaaring manlamig ang pag-ibig mo sa Diyos sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, at paano mo ito maiiwasan?

[Blurb sa pahina 61]

“Marami kang ikinababahala ngayong nagbibinata o nagdadalaga ka na, kasi hindi mo alam kung anu-ano pang pagbabago ang mangyayari sa iyong katawan. Pero habang lumalaki ka, matututuhan mo ring tanggapin at pahalagahan pa nga ang mga ito.”—Annette

[Kahon sa pahina 63, 64]

Paano Ako Magtatanong kay Itay o Inay Hinggil sa Sex?

“Ayokong tanungin ang mga magulang ko tungkol sa sex.”—Beth.

“Wala akong lakas ng loob na ibangon ang paksang ito.”—Dennis.

  Katulad ka ba ni Beth o ni Dennis? Kung gayon, mahirap nga ang situwasyon mo. Gusto mong malaman ang tungkol sa sex, pero asiwang-asiwa ka namang magtanong sa mga taong makasasagot nito—ang mga magulang mo mismo! Marami kang ikinababahala:

Ano na lang ang iisipin nila sa akin?

“Baka pagdudahan nila ako kapag nagtanong ako tungkol sa sex.”—Jessica.

“Gusto nilang manatili kang bata at inosente, kaya kapag nagtanong ka na tungkol sa sex, magbabago na ang tingin nila sa iyo.”—Beth.

Ano ang magiging reaksiyon nila?

“Nag-aalala ako na baka hindi pa ako tapos magsalita ay kung ano na ang isipin nila tungkol sa akin at bigyan ako ng katakut-takot na sermon.”—Gloria.

“Prangka ang mga magulang ko, kaya takót akong makitang nakasimangot sila. Sa katunayan, baka nagsasalita pa lamang ako ay nag-iisip na ng isesermon sa akin si Itay.”—Pam.

Hindi kaya pagdudahan nila ang motibo ko sa pagtatanong?

“Baka masyado silang mag-alala at magtanong nang magtanong, ‘May nagyayaya ba sa iyo na makipag-sex?’ o ‘Pinipilit ka ba ng mga kaibigan mo?’ Pero ang totoo, gusto mo lang namang magtanong.”—Lisa.

“Kapag may ikinukuwento akong isang kabataang lalaki, kitang-kita ko sa mukha ni Itay ang pag-aalala. Tapos, susundan niya ito agad ng sermon tungkol sa sex. Sa loob-loob ko, ‘Itay, nagaguwapuhan lang ako sa kaniya. Wala akong sinabi tungkol sa pag-aasawa o sex!’”—Stacey.

  Kung naaasiwa kang ipakipag-usap sa iyong mga magulang ang tungkol sa sex, alam mo bang maaaring naaasiwa rin ang mga magulang mo na ipakipag-usap ito sa iyo? Iyan marahil ang dahilan kung bakit sa isang surbey, 65 porsiyento ng mga magulang ang nagsabing nakipag-usap sila sa kanilang mga anak tungkol sa sex, samantalang 41 porsiyento lamang ng mga bata ang nakaalaalang nagkaroon nga sila ng gayong pag-uusap.

  Marahil ay naaalangan ang iyong mga magulang na makipag-usap sa iyo tungkol sa sex dahil kadalasan na, hindi rin ito ipinakipag-usap sa kanila ng kanila mismong mga magulang! Anuman ang dahilan, huwag mong masyadong hanapan ang iyong mga magulang. Malay mo, baka kung ikaw mismo ang maglalakas-loob na lumapit sa kanila para magtanong hinggil sa sex, hindi lamang ikaw kundi pati mga magulang mo ang makinabang. Ano ang puwede mong gawin?

Paano Ko Kaya Uumpisahan?

  Napakaraming mahuhusay na payo hinggil sa sex ang maibibigay ng iyong mga magulang. Kailangan mo lang pag-aralan kung paano mo pasisimulan ang inyong pag-uusap. Subukin ang sumusunod na mungkahi:

 1 Sabihin mong nag-aalangan ka pero kailangan mo talaga silang makausap. “Nag-aalangan po akong magtanong dahil natatakot po akong baka isipin ninyo na . . .”

 2 Saka sabihin kung bakit ka lumapit sa kanila. “May tanong po ako na gusto kong kayo ang sumagot.”

 3 Magtanong. “Gusto ko pong itanong . . .”

 4 Pagkatapos ninyong mag-usap, sabihin na gusto mo silang makausap muli sa ibang pagkakataon hinggil sa paksang ito. “Kapag may tanong pa po ako, puwede po ba akong lumapit uli sa inyo?”

  Bagaman alam mong oo ang isasagot nila, mas magkakaroon ka ng lakas ng loob na lumapit sa kanila kapag narinig mo mismo ang kanilang sagot. Kaya bakit hindi mo ito subukan? Baka sumang-ayon ka rin sa sinabi ni Trina, na ngayo’y 24 anyos na: “Noong nag-uusap na kami ni Inay, sa loob-loob ko’y hindi na lang sana ako nagtanong. Pero ngayon ko naiisip na mabuti na lang at naging tapat at prangka si Inay. Mabisang proteksiyon ito!”

[Larawan sa pahina 59]

Ang pagbibinata o pagdadalaga ay gaya ng paglipat sa ibang lugar—nakakapanibago, pero masasanay ka rin