Ang Salita ni Jehova ay Buháy

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Gawa

ANG aklat ng Bibliya na Mga Gawa ay nagbibigay ng detalyadong kasaysayan ng pagkatatag ng kongregasyong Kristiyano at ng kasunod nitong paglawak. Ito ay isinulat ng manggagamot na si Lucas at nagbibigay ito ng buháy-na-buháy na ulat ng gawain ng mga Kristiyano sa loob ng 28 taon—mula 33 C.E. hanggang 61 C.E.

Ang unang bahagi ng aklat ng Mga Gawa ay pangunahin nang tungkol sa gawain ni apostol Pedro, at ang huling bahagi naman ay tungkol sa gawain ni apostol Pablo. Sa paggamit ng mga panghalip na “kami” at “amin,” ipinahihiwatig ni Lucas na siya ay naroroon mismo nang maganap ang ilang mga pangyayari. Ang pagbibigay-pansin sa mensahe ng aklat ng Mga Gawa ay magpapasidhi ng ating pagpapahalaga sa kapangyarihan ng nasusulat na Salita ng Diyos at ng kaniyang banal na espiritu. (Heb. 4:12) Mag-uudyok din ito sa atin na maging mapagsakripisyo at mapapatibay nito ang ating pananampalataya sa pag-asa sa Kaharian.

GINAMIT NI PEDRO ANG “MGA SUSI NG KAHARIAN”

Matapos makatanggap ng banal na espiritu, walang takot na nagpatotoo ang mga apostol. Ginamit ni Pedro ang una sa “mga susi ng kaharian ng langit” upang buksan ang pinto ng kaalaman at pagkakataon para sa mga Judio at proselitang “yumakap sa kaniyang salita” at sa gayo’y makapasok sila sa Kaharian. (Mat. 16:19; Gawa 2:5, 41) Nangalat ang mga alagad dahil sa sunud-sunod na pag-uusig, pero nagbunga naman ito ng paglawak sa gawaing pangangaral.

Pagkarinig na tumanggap ang Samaria ng salita ng Diyos, isinugo sa kanila ng mga apostol sa Jerusalem sina Pedro at Juan. Ginamit ni Pedro ang pangalawang susi nang buksan sa mga Samaritano ang pagkakataong makapasok sa Kaharian. (Gawa 8:14-17) Marahil wala pang isang taon mula nang buhaying-muli si Jesus, isang kamangha-manghang pagbabago ang nangyari kay Saul ng Tarso. Noong 36 C.E., ginamit ni Pedro ang pangatlong susi, at ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu ay ibinuhos sa mga di-tuling tao ng mga bansa.—Gawa 10:45.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

2:44-47; 4:34, 35—Bakit ipinagbili ng mga mananampalataya ang kanilang mga pag-aari at ipinamahagi ang mga pinagbilhan? Marami sa naging mananampalataya ang nanggaling sa malalayong lupain at walang sapat na panggastos para makapanatili pa sa Jerusalem. Sa kabila nito, gusto nilang manatili pa roon upang matuto pa nang higit tungkol sa bago nilang pananampalataya at para makapagpatotoo sa iba. Para matulungan sila, ang ilan sa mga Kristiyano ay nagbenta ng kanilang pag-aari at ipinamahagi ang pinagbilhan sa mga nangangailangan.

4:13—Talaga bang sina Pedro at Juan ay hindi marunong bumasa’t sumulat o hindi nakapag-aral? Hindi naman. Tinawag silang “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” dahil hindi sila pumasok sa mga paaralang rabiniko para sa relihiyosong pagsasanay.

5:34-39—Paano kaya nalaman ni Lucas ang sinabi ni Gamaliel sa isang pribadong pagpupulong ng Sanedrin? May di-kukulangin sa tatlong posibilidad: (1) sinabi iyon kay Lucas ng dating estudyante ni Gamaliel na si Pablo; (2) sumangguni si Lucas sa isang may-simpatiyang miyembro ng Sanedrin, gaya ni Nicodemo; (3) nalaman ni Lucas ang impormasyon mula sa banal na espiritu ng Diyos.

7:59—Kay Jesus ba nanalangin si Esteban? Hindi. Ang pagsamba ng isa—at samakatuwid ang panalangin niya—ay dapat na iukol lamang sa Diyos na Jehova. (Luc. 4:8; 6:12) Maliwanag, si Esteban ay kay Jehova lamang nananalangin sa pamamagitan ng pangalan ni Jesus. (Juan 15:16) Pero sa pagkakataong ito, nakita ni Esteban sa isang pangitain “ang Anak ng tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.” (Gawa 7:56) Yamang alam na alam niyang binigyan ng kapangyarihan si Jesus na bumuhay ng patay, tuwirang kinausap ni Esteban si Jesus, anupat hiniling sa Kaniya na ingatan sana ang kaniyang espiritu, pero hindi siya nanalangin.—Juan 5:27-29.

Mga Aral Para sa Atin:

1:8. Hindi maisasagawa ng mga mananamba ni Jehova ang gawaing pagpapatotoo sa buong daigdig kung walang tulong ng banal na espiritu.

4:36–5:11. Si Jose ng Ciprus ay binigyan ng huling pangalang Bernabe, na nangangahulugang “Anak ng Kaaliwan.” Maaaring ibinigay sa kaniya ng mga apostol ang pangalang Bernabe dahil siya ay magiliw, mabait, at matulungin sa iba. Dapat tayong maging tulad niya at hindi tulad nina Ananias at Sapira na mapagkunwari, mapagpaimbabaw, at mapanlinlang.

9:23-25. Hindi isang karuwagan na iwasan ang ating mga kaaway para makapagpatuloy sa pangangaral.

9:28-30. Kung ang pagpapatotoo sa ilang lugar o ilang indibiduwal ay nagsasapanganib ng ating pisikal, moral, o espirituwal na kalagayan, dapat tayong maging maingat at mapamili kung saan at kailan tayo mangangaral.

9:31. Habang payapa pa ang kalagayan, dapat tayong magsikap na patibayin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral at pagbubulay-bulay. Makatutulong ito sa atin na lumakad sa pagkatakot kay Jehova sa pamamagitan ng pagkakapit ng ating natututuhan at maging masigasig sa ministeryo.

MASIGASIG NA PAGLILINGKOD NI PABLO

Noong 44 C.E., nagpunta si Agabo sa Antioquia kung saan nagturo sina Bernabe at Saul “sa loob ng isang buong taon.” “Isang malaking taggutom” ang inihula ni Agabo na naganap pagkalipas ng dalawang taon. (Gawa 11:26-28) “Pagkatapos na lubusang maisakatuparan ang tulong bilang paglilingkod sa Jerusalem,” bumalik sina Bernabe at Saul sa Antioquia. (Gawa 12:25) Noong 47 C.E.—mga 12 taon matapos makumberte si Saul—isinugo ng banal na espiritu sina Bernabe at Saul sa isang paglalakbay bilang misyonero. (Gawa 13:1-4) Noong 48 C.E., bumalik sila sa Antioquia “kung saan ipinagkatiwala sila sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.”—Gawa 14:26.

Makalipas ang mga siyam na buwan, pinili ni Pablo (kilala rin bilang Saul) si Silas na maging kasama niya at umalis sila para sa kaniyang pangalawang paglalakbay. (Gawa 15:40) Sumama rin sina Timoteo at Lucas kay Pablo. Nanatili si Lucas sa Filipos samantalang nagpatuloy naman si Pablo sa paglalakbay patungong Atenas at pagkatapos ay sa Corinto, kung saan niya nakilala sina Aquila at Priscila at namalagi siya roon nang isang taon at anim na buwan. (Gawa 18:11) Iniwan ni Pablo sina Timoteo at Silas sa Corinto, at isinama niyang maglayag patungong Sirya sina Aquila at Priscila noong pasimula ng 52 C.E. (Gawa 18:18) Sinamahan siya nina Aquila at Priscila hanggang Efeso, at nanatili sila roon.

Pagkatapos gumugol ng ilang panahon sa Antioquia ng Sirya, nagsimula na si Pablo sa kaniyang pangatlong paglalakbay noong 52 C.E. (Gawa 18:23) Sa Efeso, “patuloy na lumalago at nananaig ang salita ni Jehova.” (Gawa 19:20) Namalagi si Pablo roon nang mga tatlong taon. (Gawa 20:31) Noong Pentecostes ng 56 C.E., nasa Jerusalem si Pablo. Matapos arestuhin, buong-tapang siyang nagpatotoo sa harap ng mga awtoridad. Sa Roma, ibinilanggo ang apostol sa tinitirhan niya sa loob ng dalawang taon (c. 59-61 C.E.), pero nakagawa pa rin siya ng paraan para ipangaral ang tungkol sa Kaharian at ituro “ang mga bagay may kinalaman sa Panginoong Jesu-Kristo.”—Gawa 28:30, 31.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

14:8-13—Bakit tinawag ng mga taga-Listra na “Zeus si Bernabe, ngunit Hermes naman si Pablo”? Si Zeus ang pinuno ng mga diyos sa Griegong mitolohiya, at ang kaniyang anak na si Hermes ay kilala sa kahusayan sa pagsasalita. Yamang si Pablo ang nangunguna sa pagsasalita, tinawag siya ng mga taga-Listra na Hermes at tinawag naman nilang Zeus si Bernabe.

16:6, 7—Bakit pinagbawalan ng banal na espiritu sina Pablo at ang kaniyang mga kasamahan na mangaral sa distrito ng Asia at Bitinia? Iilan lamang noon ang manggagawa. Kaya isinugo sila ng banal na espiritu sa mas mabubungang teritoryo.

18:12-17—Bakit hindi nakialam si Proconsul Galio nang bugbugin ng mga tao si Sostenes? Marahil inisip ni Galio na nararapat lamang iyon sa lalaking wari’y lider ng mga mang-uumog laban kay Pablo. Gayunman, maganda rin naman ang ibinunga ng pangyayaring iyon dahil naging tulay ito para makumberte si Sostenes sa Kristiyanismo. Nang maglaon, tinukoy ni Pablo si Sostenes na “ating kapatid.”—1 Cor. 1:1.

18:18—Anong panata ang ginawa ni Pablo? Sinasabi ng ilang iskolar na nanata si Pablo ng panata ng pagka-Nazareo. (Bil. 6:1-21) Gayunman, hindi sinasabi ng Bibliya kung anong panata ang ginawa ni Pablo. Sabihin pa, hindi binabanggit ng Kasulatan kung ang panata ay ginawa bago o pagkatapos makumberte ni Pablo o kung nagsisimula pa lamang o patapos na ang kaniyang panata. Anuman iyon, hindi kasalanan ang gumawa ng gayong panata.

Mga Aral Para sa Atin:

12:5-11. Maaari at dapat tayong manalangin para sa ating mga kapatid.

12:21-23; 14:14-18. Agad na tinanggap ni Herodes ang kaluwalhatiang dapat lamang ibigay sa Diyos. Ibang-iba ito sa reaksiyon nina Pablo at Bernabe na mabilis at mariing tumanggi sa papuri at parangal na hindi nauukol sa kanila! Hindi tayo dapat maghangad ng papuri para sa anumang maaaring nagawa natin sa paglilingkuran kay Jehova.

14:5-7. Tutulong sa atin ang pagiging maingat para manatiling aktibo sa paglilingkuran.—Mat. 10:23.

14:22. Inaasahan ng mga Kristiyano ang mga kapighatian. Hindi nila ikinokompromiso ang kanilang pananampalataya para lamang makaiwas sa mga ito.—2 Tim. 3:12.

16:1, 2. Dapat magsikap ang mga kabataang Kristiyano sa kanilang paglilingkuran sa Diyos sa loob ng kongregasyon at humingi ng tulong kay Jehova para magkaroon ng mabuting reputasyon.

16:3. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya kasuwato ng maka-Kasulatang mga simulain para tanggapin ng iba ang mabuting balita.—1 Cor. 9:19-23.

20:20, 21. Isang mahalagang pitak ng ating ministeryo ang pagpapatotoo sa bahay-bahay.

20:24; 21:13. Mas mahalaga ang pananatiling tapat sa Diyos kaysa sa pag-iingat ng ating buhay.

21:21-26. Dapat tayong maging handa at sabik na tumanggap ng mahusay na payo.

25:8-12. Maaari at dapat gamitin ng mga Kristiyano sa ngayon ang mga probisyon ng batas “sa pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita.”—Fil. 1:7.

26:24, 25. Dapat nating sabihin ang “mga pananalita ng katotohanan at ng katinuan ng isip” kahit na kamangmangan ang mga ito sa “isang taong pisikal.”—1 Cor. 2:14.

[Larawan sa pahina 30]

Kailan ginamit ni Pedro ang “mga susi ng kaharian”?

[Larawan sa pahina 31]

Hindi maisasagawa ang gawaing pagpapatotoo sa buong daigdig kung walang tulong ng banal na espiritu