Mga Kristiyano Noong Unang Siglo

“Ang Karpintero”

“Hindi ba ito ang anak ng karpintero?”—MATEO 13:55.

NAKILALA si Jesus hindi lamang bilang “ang anak ng karpintero” kundi bilang “ang karpintero” din. (Marcos 6:3) Malamang na natutuhan niya ang hanapbuhay na ito mula sa kaniyang ama-amahang si Jose.

Bilang isang karpintero, anu-anong kasanayan at kagamitan ang kailangan ni Jesus? Anong mga produkto at serbisyo ang ginawa niya para sa mga taga-Nazaret? At paano nakaimpluwensiya sa kaniya nang dakong huli ang maagang pagsasanay niya bilang karpintero?

Hanapbuhay ng Pamilya Makikita sa larawan ang isang ama na nagtuturo sa kaniyang panganay na anak ng tamang paggamit ng barena, habang nakikinig at nagmamasid ang nakababatang anak.

Ang pagsasanay sa mga batang lalaki ay kadalasang nagsisimula sa edad na 12 hanggang 15. Karaniwan nang ang tatay nila ang nagtuturo sa kanila at umaabot ito nang maraming taon. Kailangang magsikap nang husto ang mga batang ito kung gusto nilang maging isang maestro karpintero. Isipin ang masasayang panahon na ginugol ni Jose kasama si Jesus—ang paggawang kasama niya, pakikipag-usap sa kaniya, at pagsasanay sa kaniya. Tiyak na buong-pagmamalaking pinagmasdan ni Jose si Jesus habang unti-unti itong nagiging dalubhasang karpintero!

Kailangan ang Kaalaman, Lakas, at Kasanayan Ang karpintero ay kailangang marunong kumilatis ng kahoy na gagamitin niya. Puwede siyang pumili mula sa mga kahoy sa kanilang lugar, gaya ng sipres, ensina, sedro, sikomoro, at olibo. Pero noong unang siglo, ang karpintero ay walang mapupuntahang lumber yard o tindahan ng mga materyales kung saan makakukuha siya ng tabás nang mga kahoy. Sa halip, pupunta siya sa gubat, pipili ng angkop na mga punungkahoy, puputulin ang mga ito, at hahakutin ang mabibigat na troso sa kaniyang gawaan.

Anu-ano ang puwedeng gawin ng karpintero sa mga kahoy? Maaari siyang tumulong sa paggawa ng mga bahay. Gagawa siya ng mga hagdan, pinto, bintana, pamakuan ng mga dingding, at tahilan para sa bubong.

Gumagawa rin ang karpintero ng mga muwebles. Makikita sa larawan ang ilan sa mga ito—kabinet (1); bangkito (2), upuan (3), at mesa (4) na iba-iba ang laki at hugis; at kuna. Maaari din niyang palamutian ang ilang muwebles ng kahoy na iba’t iba ang hugis at disenyo. Para protektahan at pagandahin ang mga muwebles, maaari niya itong pahiran ng barnis, langis, o wax na galing sa pukyutan.

Gumagawa rin siya ng mga kagamitan ng mga magsasaka—mga pamatok (5) na yari sa matibay na kahoy, gayundin ng mga tinidor, kalaykay, at pala (6). Dapat na matibay ang mga araro (7) na gagawin niya dahil ang mga pansudsod nitong bakal ay magbubungkal ng mga tudling sa mabatong lupa. Gumagawa siya ng mga kariton (8) at karwahe na may mga solido o de-rayos na gulong. Maaaring nagkukumpuni rin siya at nagmamantini ng mga muwebles, kagamitan, at sasakyang ginawa niya.

Naiisip mo ba ang hitsura ni Jesus bilang karpintero—ang kaniyang kayumangging balat na bilad sa araw ng Gitnang Silangan, ang kaniyang malalakas na bisig dahil sa maraming taon ng pagtatrabaho, at ang kaniyang matitigas na kamay dahil sa paghawak ng kahoy at paggamit ng palakol, martilyo, at lagari?

Pinagkunan ng mga Ilustrasyon May-kahusayang gumamit si Jesus ng simple at pamilyar na mga bagay upang magturo ng malalalim na espirituwal na katotohanan. Ginamit ba niya sa kaniyang mga ilustrasyon ang kaalaman niya sa pagkakarpintero? Tingnan natin. Sinabi ni Jesus: “Bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata?” Tiyak na alam ng isang karpintero kung gaano kalaki ang isang tahilan. (Mateo 7:3) Minsan naman ay sinabi niya: “Walang taong naglagay ng kaniyang kamay sa araro at tumitingin sa mga bagay na nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.” Malamang na gumawa rin siya ng maraming araro. (Lucas 9:62) Sa isa sa kaniyang pinakamagigiliw na paanyaya, binanggit din ni Jesus ang isang kagamitan na gawa ng karpintero. “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin,” ang sabi ni Jesus. “Ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mateo 11:29, 30) Tiyak na marunong gumawa si Jesus ng isang pamatok na hindi nakagagasgas kundi “may-kabaitan,” o lapát na lapát.

Malamang na iniinsulto ng mga mananalansang si Jesus nang tawagin nila siyang “ang anak ng karpintero.” Magkagayunman, para sa mga Kristiyano noong unang siglo at sa ngayon, isang karangalan ang pagsunod sa mapagpakumbabang karpinterong ito.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 26]

Ang mga Kagamitan ng Karpintero

  Noong unang siglo, kailangang alam ng isang karpinterong gaya ni Jesus kung paano gagamitin ang mga kagamitang nakalarawan dito. Ang kaniyang lagari (1) ay may balangkas na kahoy at aserong talim na may mga ngiping pumuputol sa kahoy. Gumagamit siya ng eskuwala (2) sa pagguhit ng kaniyang plano at ng hulog (3) para matiyak na tuwid ang kaniyang ginagawa. Mayroon din siyang nibél (4), patpat na panukat (5), katam (6) na pangkinis ng kahoy, at palakol (7) para sa pagputol ng mga punungkahoy.

  Ang turnuhan (8) at paít na panturno (9) ay ginagamit ng karpintero sa pagputol at paghugis ng mga ikiran. Makikita rin sa larawan ang malyeteng kahoy (10) na pamukpok ng mga mitsa sa hugpungan o ng mga paít, ang maliit na lagari (11), kutsilyong panghugis (12), at mga pako (13). Nariyan din ang martilyo (14), darás (15) na pantabas ng troso, kutsilyo (16), mga paít (17) na iba-iba ang lapad, at barena (18).