Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Kaya ang Payat-Payat Ko?

SI Justin ay balingkinitan at malusog ngunit hindi lubos na nasisiyahan sa kaniyang katawan. “Gusto kong tumaba nang kaunti,” pag-amin niya. Kaya naman limang beses siyang kumakain ngayon sa isang araw, na umaabot sa 4,000 kalori. Gayunman, ang gusto niya’y puro kalamnan ang higit na magpabigat sa kaniya. Kaya idinagdag niya: “May mga araw na gumigising kaming magkaibigan nang maaga at magkasamang pumupunta sa gym bago magtrabaho para mag-weights.”

Si Vanessa ay may kapayatan din. Subalit medyo kontento na siya sa kaniyang timbang. “Noong bata pa ako, tinutukso ako noon ng mga bata at tinatawag akong tingting,” nagunita ni Vanessa. “Pero hindi ko na iniintindi iyon ngayon. Tanggap ko na kung ano ako.”

‘Tanggapin mo kung ano ka.’ Sa wari nga’y magandang payo iyan. Subalit iyan ay maaaring isang payo na mahirap ikapit. Bilang isang tin-edyer, baka ikaw ay nasa “kasibulan ng kabataan.” (1 Corinto 7:36) Ang lalo nang nakababahala ay ang yugtong iyan ng mabilis na pagbabago sa pisikal na tinatawag na pagbibinata o pagdadalaga. Sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, ang mga bahagi ng iyong katawan ay maaaring lumaki sa magkakaibang antas; ang iyong mga braso, binti, at mga bahagi ng mukha ay maaaring sa wari’y mananatili nang di-proporsiyonál.* Nagiging dahilan tuloy ito upang ikaw ay makadama ng pagkaasiwa at pagkadi-kaakit-akit. Saka nariyan din ang katotohanan na hindi lahat ng kabataan ay pare-pareho ang bilis ng paglaki. Kaya naman habang ang ilan sa iyong mga kasamahan ay maaaring matitipuno na ang pangangatawan o nagkakakorte na bilang isang dalaga, baka ikaw naman ay nananatili pa ring waring payat kung ihahambing.

Bagaman napakarami nang nabanggit tungkol sa mga kabataang ang tingin sa sarili ay napakataba, madalas na di-nabibigyan ng pansin ang mga kabataang ang tingin naman sa sarili’y napakapayat. Maaaring partikular ang kasong ito sa mga kabilang sa ilang etnikong grupo at sa ilang bansa na ang pagiging payat ay di-itinuturing na tanda ng kagandahan. Sa gayong mga lugar, ang isang payat na babae ay maaaring dumanas ng walang-awang panunukso sa pagiging “patpatin.”

Kumusta naman ang mga kabataang lalaki? Ayon sa mananaliksik na si Susan Bordo, “ipinahihiwatig ng mga pag-aaral na ilang dekada nang ginawa bago pa ang dekada ’80 hinggil sa sariling tingin sa pangangatawan na kapag nananalamin ang mga kababaihan, wala silang nakikita kundi pawang kapintasan.” At ang mga kalalakihan? Nagpatuloy si Bordo: “Ang kalalakihan ay nananalamin at sa palagay nila’y OK naman ang kanilang nakikita o mas maganda pa nga kaysa sa talagang totoo.” Subalit nitong nakalipas na mga taon, nagsimula nang mabago iyan. Yamang napansin na mahigit sa ikaapat na bahagi ng mga kalalakihan ang kabilang sa mga pasyenteng nagpapakisig sa pamamagitan ng operasyon, iniuugnay ni Bordo ang kasalukuyang pagkahilig ng mga kabataang lalaki na mag-ehersisyo para sa “walang-kapintasan[g]” pangangatawan ng lalaki na gaya ng ipinakikita ng mga iniaanunsiyong nagsusuot ng damit-panloob sa Estados Unidos at iba pang mga bansa sa Kanluran. Mangyari pa, napakalaki ng epekto nito sa mga kalalakihang tin-edyer. Baka isipin nilang sila’y mahinang klase kung hindi nila taglay ang matipunong pangangatawan ng mga lalaking modelo.

Kaya kung ikaw ay payat, baka masumpungan mo ang iyong sarili na nagtatanong, ‘Ano ba ang nangyayari sa akin?’ Ang mabuting balita ay na malamang na wala namang masamang nangyayari sa iyo.

Kung Bakit Ka Payat

Para sa maraming kabataan, ang pagiging payat ay talagang likas lamang. Madalas na ito’y epekto lamang ng biglang paglaki at mabilis na metabolismo na dala ng pagbibinata o pagdadalaga. Karaniwan nang huhupa ang iyong metabolismo habang ikaw ay nagkakaedad. Gayunman, kung ikaw ay napakapayat pa rin sa kabila ng pagkakaroon ng masustansiyang pagkain, makabubuting magpatingin ka sa iyong doktor upang matiyak ang anumang karamdaman, gaya ng diyabetis, na maaaring nagiging dahilan ng pamamayat.

Sinabi ni Steven Levenkron, isang kilalang eksperto sa mga problema sa pagkain, sa Gumising!: “Naalaala ko ang isang pagkapayat-payat na kabataang babae na ikinonsulta sa akin na may anorexia raw, at talaga naman mukhang may problema nga siya sa pagkain. Subalit di-nagtagal ay napagtanto kong ang kaniya palang problema ay sa pisikal at hindi sa isip. Hindi nakita ng doktor ng kanilang pamilya ang sakit na tinatawag na Crohn’s disease, isang malubhang sakit sa bituka. Ang di-sinasadyang pagkakamaling iyan ay maaari sanang nakamatay sa batang babaing ito.” Kung ikaw ay may diyabetis o anumang sakit na nagiging dahilan ng pamamayat, isang katalinuhan para sa iyo na maingat na sundin ang payo ng iyong doktor.

Mangyari pa, ang pamamayat kung minsan ay maaaring isang sintomas ng emosyonal na pagkabagabag. Sa kaniyang aklat na Anatomy of Anorexia, sinabi ni Dr. Levenkron ang tungkol sa pag-aangkin ng ilang mananaliksik na napakaraming bilang daw “ng mga may diyabetis na nag-i-insulin ang may problema sa pagkain, mula sa walang-habas na sobrang pagkain hanggang bulimia hanggang anorexia.” Nalalaman ng isang may-kakayahang doktor kung may gayon ngang problema sa pagkain.*

Praktikal na mga Mungkahi

Ipagpalagay nating nagpatingin ka na sa iyong doktor at na ikaw ay payat ngunit malusog. Ano ngayon? Sa Job 8:11, sinasabi ng Bibliya: “Tataas ba ang halamang papiro kung walang latiang dako? Lálakí ba ang tambo kung walang tubig?” Kung paanong ang isang halaman ay tumutubo kapag taglay ang tamang kapaligiran at pagkain, kailangan mo rin ang timbang na pagkain upang lumaki tungo sa pagiging isang malusog na adulto. Ito’y mahalaga alinman sa kung nais mong magdagdag ng timbang o magbawas nito.

Gayunman, huwag kang matutuksong kumain ng napakaraming matatabang pagkain upang tumaba ka kaagad. Nang magsagawa ng pag-aaral hinggil sa ipinakakain sa mga nagba-bodybuilding, napansin ng dalubhasa sa nutrisyon na si Susan Kleiner na ang mga ito’y umuubos ng 6,000 kalori araw-araw! Subalit ayon kay Kleiner, “ang nakababahalang natuklasan sa pag-aaral na ito ay na sila pala’y kumakain, sa katamtaman, ng mahigit sa 200 gramo ng taba araw-araw. Iyan ay halos kasindami ng taba na nasa dalawang pakete ng mantikilya! Sa maikling panahon, sapat na iyan upang magkasakit ang karamihan sa mga tao. Kapag nakagawiang kumain nito sa isang yugto ng panahon, ang gayong napakaraming taba ay hahantong sa pagkakaroon ng sakit sa puso.”

Ayon sa U.S. Department of Agriculture (USDA), ang pundasyon ng isang timbang na pagkain ay binubuo ng mga carbohydrate gaya ng tinapay, cereal, kanin, at pasta. Ang sumunod na mahalaga ay mga gulay at prutas. Iminumungkahi ng USDA na katamtaman lamang ang kakaining karne at mga produktong may gatas.

Upang masubaybayan kung ano at gaano karami ang iyong kinakain, maaari mong subuking mag-ingat ng isang talaarawan ng pagkain. Magdala ng isang maliit na kuwaderno sa loob ng isang linggo, at isulat ang lahat ng iyong kinain at kung kailan mo iyon kinain. Baka magulat ka kapag nakita mong hindi mo pala nakakain ang sa akala mo’y nakakain mo, lalo na kapag lagi kang nagmamadali. Bilang isang aktibong tin-edyer, madali mong matutunaw ang 3,000 kalori o higit pa sa bawat araw! Maaari mo ring matuklasan na ang iyong pagkain pala ay hindi gayon katimbang ayon sa nararapat—na may napakaraming pagkaing nakukuha sa mga fast food gaya ng mga burger at pizza at kulang sa prutas at gulay.

Kumusta naman ang mga mamahaling food supplement? Maaaring hindi naman kailangan ang mga ito. Naniniwala ang maraming eksperto na makukuha mo ang lahat ng nutrisyon na kailangan ng iyong katawan sa pamamagitan ng pagkain ng nakapagpapalusog na mga pagkain. Higit sa lahat, iwasan ang mga tinimplang gamot na gaya ng anabolic steroids. Nakalulungkot sabihin, ang pag-abuso sa steroid ay hindi lamang isang problema sa mga tin-edyer na batang lalaki. Ganito ang pag-uulat ng The New York Times: “Ang dumaraming paggamit [ng steroid] ng mga kabataang babae, na sa isang antas ay isinisi ng ilang mananaliksik sa isang uri ng reverse anorexia, ay umabot na sa antas na nagawa ng mga kabataang lalaki noong dekada ng 1980.” Isang nakagugulat na 175,000 tin-edyer na batang babae sa Estados Unidos ang umamin na umiinom sila ng anabolic steroids. Ang mga drogang ito ay iniuugnay sa napakaraming masasamang epekto na nakamamatay, lakip na ang di-kanais-nais na pagtubo ng mga balahibo sa mukha, iregular na pagreregla, at kanser sa suso sa kababaihan, kanser sa prostate sa kalalakihan, at baradong ugat at kanser sa atay kapuwa sa kababaihan at kalalakihan. Ang mga steroid ay hindi kailanman dapat inumin nang walang reseta at pangangasiwa ng isang doktor.

Pagiging Mahinhin at Makatotohanan

Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na maging ‘mahinhin sa paglakad na kasama ng ating Diyos.’ (Mikas 6:8) Kasangkot sa pagiging mahinhin ang kabatiran sa sariling mga limitasyon ng isa. Ang kahinhinan ay tutulong sa iyo na maging makatotohanan tungkol sa iyong hitsura. Hindi, wala namang masama sa pagnanais na maging maganda. Subalit walang makikinabang sa iyong labis na pagkabahala sa iyong hitsura—maliban marahil sa mga nagnenegosyo ng kausuhan sa damit at pagdidiyeta. Ang mga eksperto sa pisikal na kalusugan ay sumasang-ayon na ang isang katamtamang lalaki ay sadyang walang angkop na mga gene upang maging isang pandaigdig na bodybuilder, gaano man karami ang kainin niya o gaano man katindi ang kaniyang pagsasanay. At kung ikaw naman ay isang babae, maaaring ang iyong katawan ay hindi magkalaman, gaano man karami ang kainin mo.

Kapuna-puna, ang kaunting pagbibigay-pansin sa iyong pananamit ay maaaring makatulong nang malaki upang maitago ang inaakala mong pisikal na kapintasan. Iwasan ang mga kasuutan na magpapatingkad lamang sa gayong mga aspekto ng iyong katawan. Ang ilan ay nagmumungkahi na magsuot ng mga murang kulay, sapagkat ang matitingkad na kulay ay lalong nakapagpapapayat sa mga payat.

Tandaan din na makapupong higit na mahalaga ang iyong personalidad kaysa sa iyong hitsura. Sa kalaunan, ang isang matamis na ngiti, at mabait na pag-uugali ay mas may magagawa upang maging kaakit-akit ka sa iba kaysa sa pagiging maskulado o pagsusuot ng isang partikular na sukat ng damit. Kapag lagi kang hinahamak ng iyong mga kaibigan dahil sa iyong hitsura, humanap ng mga taong magpapahalaga sa kung sino ka talaga—sa tinatawag ng Bibliya na “lihim na pagkatao ng puso.” (1 Pedro 3:4) Katapus-tapusan, huwag kailanman kalilimutan na “ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.

[Mga Talababa]

Tingnan ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” na “Normal ba ang Aking Paglaki?” sa Setyembre 22, 1993, isyu ng Gumising!

Tingnan ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” na “Bakit Masyado Akong Nababahala sa Aking Timbang?” at “Paano Ko Mapagtatagumpayan ang Labis na Pagkabahala sa Aking Timbang?,” sa aming Abril 22 at Mayo 22, 1999, na mga isyu.

[Larawan sa pahina 14]

Ang ilang kabataan ay naiinis sa sarili dahil sa kanilang kapayatan