Maaaring Iligtas ang Inyong Pag-aasawa!

Ang Bibliya ay sagana sa praktikal na payo na maaaring maging kapaki-pakinabang sa mga mag-asawa. Hindi ito kataka-taka, sapagkat ang Isa na nagkasi sa Bibliya ang siya ring Pinagmulan ng kaayusan sa pag-aasawa.

INILALARAWAN ng Bibliya ang pag-aasawa sa makatotohanang paraan. Kinikilala nito na ang mag-asawa ay magkakaroon ng “kapighatian” o, gaya ng pagkakasalin dito ng New English Bible, “pasakit at pighati.” (1 Corinto 7:28) Gayunman, sinasabi rin ng Bibliya na ang pag-aasawa ay maaari at dapat na magdulot ng kagalakan, masidhing ligaya pa nga. (Kawikaan 5:18, 19) Hindi magkasalungat ang dalawang kaisipang ito. Ipinakikita lamang nito na sa kabila ng malulubhang problema, maaari pa ring matamo ng mag-asawa ang isang malapit at maibiging kaugnayan.

Wala ba iyan sa iyong pag-aasawa? Nadaig na ba ng pasakit at kabiguan ang matalik at may-kagalakang ugnayan ninyo noon? Kahit na kung ang iyong pag-aasawa ay nawalan na ng pag-ibig sa loob ng maraming taon, ang nawala ay maaaring matamong muli. Sabihin pa, kailangan mong maging makatotohanan. Walang di-sakdal na lalaki at babae ang maaaring magkaroon ng isang sakdal na pag-aasawa. Gayunpaman, may mga hakbang na maaari mong gawin upang baligtarin ang negatibong mga bagay.

Samantalang binabasa ang sumusunod na materyal, sikaping kilalanin kung aling mga punto ang partikular na kumakapit sa iyong pag-aasawa. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga pagkukulang ng iyong kabiyak, piliin ang ilang mungkahi na maaari mong gawin, at ikapit ang maka-Kasulatang payo. Maaaring masumpungan mo na may higit pang pag-asa sa iyong pag-aasawa kaysa sa inaakala mo.

Una nating talakayin ang saloobin sapagkat ang pangmalas mo sa pananagutan at sa damdamin mo sa iyong asawa ay pinakamahalaga.

Ang Pangmalas Mo sa Pananagutan

Ang pangmatagalang pangmalas ay mahalaga kung gusto mong magtagumpay ang iyong pag-aasawa. Tutal, ang kaayusang pangmag-asawa ay dinisenyo ng Diyos upang pagsamahin ang dalawang tao. (Genesis 2:24; Mateo 19:4, 5) Kaya, ang kaugnayan mo sa iyong asawa ay hindi tulad ng isang trabaho na maaari mong iwan o isang apartment na maaari mong takasan sa pamamagitan ng basta pagsira sa kontrata sa upa at pag-alis. Bagkus, kapag nag-aasawa, ikaw ay gumagawa ng isang taimtim na pangako na mananatili sa iyong kabiyak, anuman ang mangyari. Ang malalim na pagpapahalaga sa pananagutan ay kasuwato ng sinabi ni Jesu-Kristo mga 2,000 taon na ang nakalipas: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:6.

Ang ilan ay maaaring magsabi, ‘Buweno, nagsasama pa naman kami. Hindi ba patunay iyan na pinahahalagahan pa rin namin ang aming pananagutan?’ Marahil nga. Gayunman, gaya ng nabanggit sa pasimula ng seryeng ito, ang ilang mag-asawa na nananatiling magkasama ay nananatili sa di-umaagos na tubig, nakukulong sa pag-aasawang walang pag-ibig. Ang iyong tunguhin ay gawin ang iyong pag-aasawa na kasiya-siya, hindi lamang basta napanatili. Dapat ipaaninaw ng pananagutan ang pagkamatapat hindi lamang sa institusyon ng pag-aasawa kundi rin naman sa taong pinangakuan mong iibigin at mamahalin.—Efeso 5:33.

Ang mga bagay na sinasabi mo sa iyong kabiyak ay nagsisiwalat kung gaano kataimtim ang iyong pananagutan. Halimbawa, sa silakbo ng isang pagtatalo, ang ilang mag-asawa ay padalus-dalos na nagsasabing “Iiwan na kita!” o “Hahanap ako ng isa na magpapahalaga sa akin!” Kahit na hindi naman talaga gayon ang ibig sabihin ng mga komentong iyon, sinisira nito ang pananagutan sa pamamagitan ng pagpapahiwatig na nariyan ang posibilidad ng paghihiwalay at na ang nagsasabi nito ay matatag at handang kumalas sa pag-aasawa.

Upang maibalik ang pag-ibig sa iyong pag-aasawa, alisin ang gayong mga pagbabanta sa inyong usapan. Tutal, lalagyan mo ba ng dekorasyon ang isang apartment kung alam mong sa anumang araw ay maaari kang umalis dito? Kaya, bakit mo aasahan ang iyong kabiyak na makipagtulungan sa isang pag-aasawa na maaaring hindi magtagal? Tiyakin na pagsisikapan mong mabuti na magkaroon ng mga solusyon.

Ito ang ginawa ng isang asawang babae pagkatapos dumanas ng isang maligalig na panahon sa piling ng kaniyang asawa. “Bagaman kung minsan ay naiinis ako sa kaniya, hindi ko inisip na kumalas sa aming ugnayan,” aniya. “Anuman ang nasira, aayusin namin ito sa paano man. At ngayon, pagkaraan ng dalawang napakahirap na taon, tapatan kong masasabi na talagang maligaya kaming magkasamang muli.”

Oo, ang pananagutan ay nangangahulugan ng pagtutulungan—hindi lamang pag-iral na magkasama kundi paggawa tungo sa iisang layunin. Gayunman, baka akalain mo na sa puntong ito ay pagkadama lamang ng tungkulin ang siyang nagpapanatili sa inyong pagsasama bilang mag-asawa. Kung gayon nga, huwag kang mawalan ng pag-asa. Maaaring muling mapanumbalik ang pag-ibig. Paano?

Pagpaparangal sa Iyong Asawa

Ang Bibliya ay nagsasabi: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat.” (Hebreo 13:4; Roma 12:10) Ang mga anyo ng salitang Griego na isinalin dito na “marangal” ay isinalin sa ibang bahagi ng Bibliya bilang “mahal,” “minamahalaga,” at “mahalaga.” Kung lubos nating pinahahalagahan ang isang bagay, pinagsisikapan nating mainam na ingatan ito. Marahil napansin mong totoo iyan sa isang lalaking nagmamay-ari ng isang mamahaling bagong kotse. Pinananatili niya ang kaniyang mahal na kotse na makintab at nasa mabuting kondisyon. Para sa kaniya kahit na ang pinakamaliit na gasgas ay isang malaking sakuna! Gayunding pangangalaga ang ginagawa ng ibang tao sa kanilang kalusugan. Bakit? Sapagkat pinahahalagahan nila ang kanilang kalusugan, kaya nais nilang ingatan ito.

Ipakita ang gayunding maingat na pangangalaga sa iyong pag-aasawa. Sinasabi ng Bibliya na ang pag-ibig ay ‘umaasa sa lahat ng bagay.’ (1 Corinto 13:7) Sa halip na padaig sa negatibong kaisipan—na marahil ay inaalis ang posibilidad na bumuti ang ugnayan sa pagsasabing, “Talagang hindi naman kami kailanman nagmahalan,” “Napakabata pa namin nang kami’y magpakasal,” o “Hindi namin alam ang aming ginagawa”—bakit hindi umasa sa mas mabubuting bagay at gumawa upang mapasulong ito, na matiyagang naghihintay sa mga resulta? “Naririnig kong sinasabi ng napakarami kong kliyente, ‘Hindi ko na kaya ito!’ ” sabi ng isang tagapayo sa pag-aasawa. “Sa halip na suriing mabuti ang ugnayan upang makita ang mga bahagi nito na nangangailangang pasulungin, dali-dali nilang tinatalikuran ang lahat ng pagsisikap, pati na ang mga pamantayang pareho nilang pinaniniwalaan, ang mga nakalipas na maingat nilang tinipon, at ang anumang posibilidad sa hinaharap.”

Anong nakalipas na mga karanasan mayroon kayo ng iyong kabiyak? Anumang problema sa inyong ugnayan, tiyak na may maiisip kang kaayaayang mga panahon, mga tagumpay, at mga hamon na napaharap sa inyo bilang magkatuwang. Gunitain ang mga okasyong ito, at ipakitang pinararangalan mo ang iyong pag-aasawa at ang iyong kabiyak sa pamamagitan ng taimtim na paggawa upang mapabuti ang inyong ugnayan. Ipinakikita ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay may masidhing interes sa kung paano nakikitungo ang mga mag-asawa sa isa’t isa. Halimbawa, noong kaarawan ni propeta Malakias, hinatulan ni Jehova ang mga Israelitang lalaki na nakitungo nang may panlilinlang sa kani-kanilang asawa sa pamamagitan ng pagdiborsiyo sa kanila dahil lamang sa maliliit na bagay. (Malakias 2:13-16) Nais ng mga Kristiyano na ang kanilang pag-aasawa ay magdulot ng karangalan sa Diyos na Jehova.

Pag-aaway—Gaano Kalubha?

Ang isang pangunahing dahilan sa mga pag-aasawang walang pag-ibig ay waring ang kawalang-kakayahan ng mag-asawa na pakitunguhan ang isang pag-aaway. Yamang walang dalawang tao na magkamukhang-magkamukha, lahat ng pag-aasawa ay magkakaroon ng mga di-pagkakasundo paminsan-minsan. Subalit maaaring masumpungan ng mga mag-asawang laging nagtatalo na lumamig na ang kanilang pag-ibig sa paglipas ng mga taon. Maaari pa nga silang maghinuha, ‘Talagang hindi kami magkabagay. Lagi kaming nag-aaway!’

Gayunman, ang basta pag-aaway lamang ay hindi nangangahulugan ng katapusan ng isang pag-aasawa. Ang tanong ay, Paano ba pinakikitunguhan ang pag-aaway? Sa isang matagumpay na pag-aasawa, natutuhan ng mag-asawa na pag-usapan ang kanilang mga problema nang hindi nagiging, gaya ng tawag dito ng isang doktor, “matalik na magkaaway.”

“Kapangyarihan ng Dila”

Alam ba ninyong mag-asawa kung paano pag-uusapan ang inyong mga problema? Dapat na kapuwa nila handang pag-usapan ang mga ito. Totoo, isa itong kasanayan—isa na maaaring mahirap matutuhan. Bakit? Una sa lahat, tayong lahat ay “natitisod sa salita” paminsan-minsan dahil sa pagiging di-sakdal. (Santiago 3:2) Isa pa, ang ilan ay lumaki sa mga tahanan kung saan madalas nagagalit ang magulang. Mula pa sa pagkabata, sila, sa diwa, ay nasanay nang maniwala na ang mga silakbo ng galit at mapang-abusong pananalita ay normal lamang. Ang isang batang lalaki na lumaki sa gayong kapaligiran ay maaaring lumaki tungo sa pagiging isang “taong magagalitin,” isa na “madaling magngalit.” (Kawikaan 29:22) Sa katulad na paraan, ang isang batang babae na lumaki sa gayong kapaligiran ay maaaring maging “isang babaing masakit magsalita at magagalitin.” (Kawikaan 21:19, The Bible in Basic English) Mahirap bunutin ang malalim ang pagkakaugat na mga kaisipan at pakikisama.*

Kung gayon, ang pakikitungo sa pag-aaway ay nagsasangkot ng pagkatuto ng mga bagong paraan upang ipahayag ang niloloob ng isa. Hindi ito maliit na bagay, sapagkat isang kawikaan ng Bibliya ang nagsasabi: “Ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila.” (Kawikaan 18:21) Oo, maaaring simpleng bagay lamang ito, subalit kung paano ka nagsasalita sa iyong asawa ay maaaring makasira o makapagpanumbalik sa inyong ugnayan. “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak,” ang sabi ng isa pang kawikaan sa Bibliya, “ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.”—Kawikaan 12:18.

Kahit na ang iyong kabiyak ay waring siyang nagkasala sa bagay na ito, pag-isipan mo ang mga bagay na sinasabi mo sa panahon ng isang di-pagkakasundo. Ang iyo bang pananalita ay nakasasakit, o ito ba’y nakagagaling? Pumupukaw o pumapawi ba ito ng galit? “Ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit,” sabi ng Bibliya. Sa kabaligtaran, “ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit.” (Kawikaan 15:1) Ang nakasasakit na mga salita—bagaman sinalita nang mahinahon—ay magpapasidhi ng galit.

Mangyari pa, kung may nakababahala sa iyo, may karapatan kang ipahayag ang iyong sarili. (Genesis 21:9-12) Subalit magagawa mo ito nang hindi nanunuya, nang-iinsulto, at nanghahamak. Maglagay ng matatag na mga hangganan para sa iyong sarili—ilang bagay na ipinasiya mong hindi sasabihin sa iyong kabiyak, gaya ng “Kinamumuhian kita” o “Sana’y hindi na tayo kailanman nagpakasal.” At bagaman ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay hindi espesipikong tumalakay sa pag-aasawa, makabubuting iwasang masangkot sa tinatawag niyang “mga debate tungkol sa mga salita” at “mararahas na pagtatalo tungkol sa maliliit na bagay.”* (1 Timoteo 6:4, 5) Kung ginagamit ng iyong asawa ang gayong pamamaraan, hindi mo kailangang gumanti sa gayunding paraan. Hangga’t nakasalalay sa iyo, itaguyod mo ang kapayapaan.—Roma 12:17, 18; Filipos 2:14.

Walang alinlangan, kapag sumiklab ang galit, mahirap nang kontrolin ang pagsasalita ng isa. “Ang dila ay isang apoy,” sabi ng manunulat ng Bibliya na si Santiago. “Walang isa man sa sangkatauhan ang makapagpaamo nito. Isang di-masupil at nakapipinsalang bagay, ito ay punô ng nakamamatay na lason.” (Santiago 3:6, 8) Kung gayon, ano ang magagawa mo kapag nagsimulang tumindi ang galit? Paano ka magsasalita sa iyong kabiyak sa isang paraan na makasusugpo sa galit sa halip na makagatong dito?

Pagpapakalma sa Maiinit na Pagtatalo

Nasumpungan ng ilan na mas madaling pahupain ang galit at pakitunguhan ang mahahalagang isyu kung pagtutuunan nila ng pansin ang kanila mismong mga damdamin sa halip na ang kilos ng kanilang kabiyak. Halimbawa, ang pagsasabi ng “Nasaktan ako sa sinabi mo” ay mas mabisa kaysa sa “Sinaktan mo ako” o “Hindi mo dapat sinabi iyan.” Sabihin pa, kapag ipinahahayag mo ang iyong nadarama, ang tono ng iyong boses ay dapat na walang kasamang galit o paghamak. Dapat na ang iyong layunin ay pagtuunan ng pansin ang problema sa halip na tuligsain ang tao.—Genesis 27:46–28:1.

Isa pa, laging tandaan na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:7) Kapag sabay na nagsasalita ang dalawang tao, walang isa man sa kanila ang nakikinig, at walang natatapos. Kaya kapag ikaw na ang dapat makinig, maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” Mahalaga rin na maging “mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Huwag mong gawing literal ang bawat masakit na salitang binibigkas ng iyong kabiyak; ni “magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu.” (Eclesiastes 7:9) Sa halip, sikaping unawain ang mga damdaming nasa likod ng mga salita ng iyong kabiyak. “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit,” sabi ng Bibliya, “at kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.” (Kawikaan 19:11) Ang kaunawaan ay makatutulong sa mag-asawa na tingnan kung ano ang nasa likod ng isang di-pagkakasundo.

Halimbawa, ang reklamo ng isang asawang babae na ang kaniyang asawa ay hindi na gumugugol ng panahon na kasama niya ay malamang na hindi lamang tungkol sa mga oras at minuto. Maaaring nadarama niyang siya’y napababayaan o hindi napahahalagahan. Sa katulad na paraan, ang hinanakit ng isang asawang lalaki tungkol sa pabigla-biglang pamimili ng kaniyang asawa ay malamang na hindi lamang tungkol sa salaping ginugugol niya. Maaaring ito ay higit na tungkol sa damdamin niya na siya ay hindi na isinasangkot sa pagpapasiya. Susuriin ng asawang lalaki o babae na may kaunawaan kung ano ang nasa likod nito at aalamin ang pinagmulan ng problema.—Kawikaan 16:23.

Madali ba itong sabihin ngunit mahirap gawin? Talaga! Kung minsan, sa kabila ng pinakamabuting pagsisikap, nasasabi pa rin ang masasakit na salita at sumisiklab pa rin ang galit. Kapag nakita mong nangyayari ito, baka kailangan mong sundin ang payo ng Kawikaan 17:14: “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.” Walang masama sa pagpapaliban ng pag-uusap hanggang sa humupa ang galit. Kung mahirap mag-usap nang may pagpipigil, makabubuting isama ang isang maygulang na kaibigan na mauupong kasama ninyong dalawa upang matulungan kayong ayusin ang inyong mga di-pagkakaunawaan.*

Panatilihin ang Makatotohanang Pangmalas

Huwag masiraan ng loob kung ang iyong pag-aasawa ay hindi gaya ng inaakala mo noong panahon ng ligawan. Ganito ang sabi ng isang pangkat ng mga eksperto: “Para sa karamihan, ang pag-aasawa ay hindi isang walang-katapusang lubos na kaligayahan. Kung minsan ay napakasaya nito at kung minsan naman ay napakahirap.”

Oo, ang pag-aasawa ay maaaring hindi isang kathang-isip na kuwento ng pag-ibig, subalit hindi rin naman ito kailangan na maging isang trahedya. Bagaman may mga panahon na kakailanganin ninyong pagtiisan ang isa’t isa, magkakaroon din ng mga pagkakataon na kailangan ninyong alisin sa isipan ang inyong mga di-pagkakaunawaan at masiyahan na lamang sa piling ng isa’t isa, magkatuwaan, at mag-usap na parang magkaibigan. (Efeso 4:2; Colosas 3:13) Ito ang mga panahon kung kailan maaari ninyong muling paningasin ang pag-ibig na kumupas na.

Tandaan, ang dalawang di-sakdal na tao ay hindi maaaring magkaroon ng sakdal na pag-aasawa. Subalit maaari silang makasumpong ng isang antas ng kaligayahan. Oo, kahit na may mga problema, ang ugnayan ninyong mag-asawa ay maaaring maging isang bukal ng matinding kasiyahan. Isang bagay ang tiyak: Kung kayong mag-asawa ay kapuwa magsusumikap at handang makibagay at tingnan ang kapakanan ng isa’t isa, may makatuwirang dahilan na maniwala na maaari ngang iligtas ang inyong pag-aasawa.—1 Corinto 10:24.

[Mga talababa]

Hindi binibigyang-matuwid ng impluwensiya ng magulang ang masasakit na pananalita na itinutuon sa kabiyak. Gayunman, maaaring ipaliwanag nito kung paanong ang gayong hilig ay maaaring malalim ang pagkakaugat at mahirap alisin.

Ang orihinal na salitang Griego na isinaling “marahas na pagtatalo tungkol sa maliliit na bagay” ay maaari ring isalin na “pagkakainisan sa isa’t isa.”

Ang mga Saksi ni Jehova ay may madudulugang matatanda sa kongregasyon. Bagaman hindi sila nakikialam sa personal na mga bagay ng mga mag-asawa, ang matatanda ay maaaring maging isang nakagiginhawang tulong sa mga mag-asawang napipighati.—Santiago 5:14, 15.

[Blurb sa pahina 12]

Ang iyo bang pananalita ay nakasasakit, o ito ba’y nakagagaling?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]

MARAHANG IHAGIS ANG BOLA

  Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Colosas 4:6) Tiyak na kapit nga ito sa pag-aasawa! Upang ilarawan: Sa isang laro ng paghahagis at pagsalo sa bola, inihahagis mo ang bola upang madali itong masalo. Hindi mo ito ibabato nang napakalakas anupat masasaktan ang iyong kapareha. Ikapit ang simulain ding iyan kapag nagsasalita sa iyong asawa. Ang pagsasabi ng masasakit na salita ay magdudulot lamang ng pinsala. Sa halip, magsalita nang banayad—nang may kagandahang-loob—upang masalo ng iyong asawa ang iyong punto.

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

ALALAHANIN ANG NAKARAAN!

  Basahin ang mga lumang sulat at mga kard. Tingnan ang mga litrato. Tanungin mo ang iyong sarili: ‘Ano ang nagustuhan ko sa aking kabiyak? Anong mga katangian ang lubos kong hinangaan? Anong mga gawain ang ginawa naming magkasama? Ano ang nagpatawa sa amin?’ Pagkatapos ay pag-usapan ninyong mag-asawa ang mga alaalang ito. Ang isang pag-uusap na nagsisimula sa pananalitang “Naaalaala mo pa ba nang . . . ?” ay maaaring makatulong sa inyong mag-asawa na muling buhayin ang mga damdamin na dati ninyong nadarama sa isa’t isa.

[Kahon sa pahina 12]

BAGONG KABIYAK, PAREHONG MGA PROBLEMA

  Ang ilang asawa na nakadaramang sila’y nakulong sa isang pag-aasawang walang pag-ibig ay natutuksong magsimulang muli sa piling ng isang bagong kabiyak. Subalit hinahatulan ng Bibliya ang pangangalunya, na sinasabing ang isang taong nagsasagawa ng kasalanang ito “ay kapos ang puso [“ay isang mangmang,” New English Bible]” at “nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa.” (Kawikaan 6:32) Sa wakas, naiwawala ng isang di-nagsisising mangangalunya ang pagsang-ayon ng Diyos—ang pinakamasamang uri ng pinsala na maaaring mangyari.—Hebreo 13:4.

  Ang lubos na kamangmangan ng isang mapangalunyang landasin ay ipinakikita rin sa ibang paraan. Una sa lahat, ang mangangalunya na kumukuha ng isang bagong asawa ay malamang na mapaharap sa gayunding problema na sumira sa kaniyang unang pag-aasawa. Binanggit ni Dr. Diane Medved ang isa pang salik na dapat isaalang-alang: “Ang unang bagay na napag-alaman ng iyong bagong kabiyak tungkol sa iyo,” sabi niya, “ay na handa kang magtaksil. Alam niyang maaari kang mandaya sa isa na pinangakuan mong pakikisamahan. Na ikaw ay magaling sa pagdadahilan. Na ikaw ay madaling makalimot sa iyong pananagutan. Na ang pisikal na kaluguran o pagkamakasarili ay tuksong aakit sa iyo. . . . Paano malalaman ng iyong bagong asawa na hindi ka muling matutukso sa iba?”

[Kahon sa pahina 14]

KARUNUNGAN MULA SA MGA KAWIKAAN NG BIBLIYA

Kawikaan 10:19: “Dahil sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang labi ay kumikilos nang may kapantasan.”

Kapag tayo ay galit, nakapagsasalita tayo ng mga bagay na hindi natin sinasadya—at pagkatapos ay pinagsisisihan natin ito.

Kawikaan 15:18: “Ang taong nagngangalit ay pumupukaw ng pagtatalo, ngunit ang mabagal sa pagkagalit ay nagpapatahimik ng pag-aaway.”

Ang nakasasakit na mga akusasyon ay malamang na magpangyari sa iyong asawa na ipagtanggol ang kaniyang sarili, samantalang ang matiyagang pakikinig ay tutulong sa inyong dalawa upang makagawa ng isang kalutasan.

Kawikaan 17:27: “Ang sinumang nagpipigil ng kaniyang mga pananalita ay nagtataglay ng kaalaman, at ang taong may kaunawaan ay malamig ang espiritu.”

Kung napapansin nating tumitindi ang ating galit, makabubuti na manahimik na lamang upang maiwasan ang matinding komprontasyon.

Kawikaan 29:11: “Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu, ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.”

Mahalaga ang pagpipigil sa sarili. Lalo lamang ilalayo ng silakbo ng malulupit na pananalita ang iyong asawa.