Ang Masalimuot na Kawing ng Buhay

“Ang pagkakasari-sari ng buhay ay ang ating polisa sa seguro. Dito nakasalalay ang ating buhay at kabuhayan.”—UNITED NATIONS ENVIRONMENT PROGRAMME.

ANG buhay sa lupa ay sagana at lubhang iba-iba. Ang terminong “biyolohikal na pagkakasari-sari,” o “biodiversity” sa maikli, ay tumutukoy sa lahat ng buháy na uri ng daigdig, mula sa pinakamaliit na baktirya hanggang sa pinakamalalaking sequoia; mula sa mga bulati hanggang sa mga agila.

Ang lahat ng buhay na ito sa lupa ay bahagi ng isang malaking kawing na umaasa sa isa’t isa na kalakip din dito ang mga elementong walang buhay. Nakasalalay ang buhay sa mga sangkap na walang buhay tulad ng atmospera ng lupa, mga karagatan, tubig-tabang, mga bato, at mga lupa. Ang komunidad na ito ng buhay ay tinatawag na biosphere, at ang mga tao ay likas na bahagi nito.

Saklaw sa biodiversity ang lahat ng baktirya at iba pang mikrobyo. Marami sa mga ito ang nalalamang gumagawa ng mahahalagang kemikal na tungkulin na patuloy na nagpapatakbo sa mga sistema ng ekolohiya. Kasama rin sa biodiversity, o sa kawing ng buhay, ang mga berdeng halamang gumagawa ng oksiheno sa pamamagitan ng photosynthesis, na siyang pagkuha ng enerhiya sa araw at pag-iimbak nito sa anyo ng mga asukal, na siyang pangunahing pinagmumulan ng enerhiya para sa halos lahat ng iba pang anyo ng buhay.

Naglalahong Pagkakasari-sari

Nakalulungkot, sa kabila ng kagandahan at pagkakasari-sari ng mga uring buháy, sinasabi ng ilang mananaliksik na itinutulak ng tao ang mga uring ito tungo sa pagkalipol sa isang nakababahalang bilis. Sa anong mga paraan?

Pagsira sa tirahan. Ito ang pangunahing dahilan ng pagkalipol. Kasama rito ang pagtotroso, pagmimina, pagputol ng mga punungkahoy para sa mga bakahan, at paggawa ng mga prinsa at mga haywey kung saan dating umiiral ang ilang. Habang lumiliit ang mga sistema ng ekolohiya, nawawala ang mga bagay na kinakailangan ng mga uri upang mabuhay. Ang mga likas na kapaligiran ay pinagbubukud-bukod, sinisira, at nililipol. Naaapektuhan ang mga ruta sa pandarayuhan ng mga hayop. Naglalaho ang henetikong pagkakasari-sari. Ang lokal na mga populasyon ng mga bagay na buháy ay hindi makabangon mula sa sakit at iba pang kaigtingan. Kaya, isa-isa, ang mga uri ay unti-unting namamatay.

Ang pagkalipol ng ilang uri ay maaari pa ngang magbunga ng sunud-sunod na pagkalipol, yamang kapag nawala ang isang bahagi ng kawing ng buhay, maaaring maapektuhan ang iba. Ang pagkalipol ng mahahalagang uri—tulad ng mga nagsasagawa ng pollination—ay maaaring makaapekto sa napakaraming iba pang uri.

Pagdadala ng mga uri sa ibang lugar. Kapag dinala ng mga tao ang dayuhang uri sa isang sistema ng ekolohiya, maaaring bahayan ng mga uring iyon ang mga tirahan ng ibang mga uri. Ang dayuhang uri ay maaaring may sapat na kakayahan din na baguhin ang sistema ng ekolohiya sa di-tuwirang paraan upang palitan ang mismong katutubong uri, o baka magdulot ito ng mga sakit kung saan ang mga katutubo ay walang imyunidad. Lalo na sa mga isla, kung saan ang mga uri ay matagal nang umiiral nang bukod at walang kakayahang harapin ang mga bagong dating, ang orihinal na mga naninirahan ay maaaring mahirapang makibagay at mabuhay.

Ang isang karaniwang halimbawa ay ang “mamamatay” na lumot, ang Caulerpa taxifolia, na pumapatay sa ibang uri sa Dagat Mediteraneo. Di-sinasadyang dinala sa baybayin ng Monaco, nagsimula na itong kumalat sa sahig ng dagat. Nakalalason ito, at wala pang nalalamang mga uring pumapatay at kumakain nito. “Maaaring nakikita na natin ang pasimula ng isang malaking kasakunaan sa ekolohiya,” ang sabi ni Alexandre Meinesz, propesor ng biyolohiya ng dagat sa University of Nice, Pransiya.

Sobrang pagsasamantala. Nagbunga ito ng pagkalipol sa ilang uri. Ang karaniwang halimbawa ay yaong nangyari sa passenger pigeon. Noong kaagahan ng ika-19 na siglo, ito ang pinakamaraming ibon sa Hilagang Amerika. Kapag nandayuhan ito—sa mga pangkat ng isang bilyon o higit pa—pinadidilim nito ang kalangitan sa loob ng ilang araw. Gayunman, sa katapusan ng ika-19 na siglo, pinatay ang mga ito hanggang sa bingit ng pagkalipol, at noong Setyembre 1914, sa isang zoo sa Cincinnati, ang huling nabubuhay na passenger pigeon ay namatay. Sa katulad na paraan, ang American bison, o bupalo, ng Great Plains ay halos pinatay tungo sa pagkalipol.

Paglaki ng populasyon ng tao. Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang pamilya ng tao ay may populasyon na isang bilyon. Pagkalipas ng isa’t kalahating siglo at populasyon na limang bilyon, nagsisimulang mag-isip ang mga tao kung nanganganib na mahigitan nila ang limitasyon ng kanilang mga pinagkukunan ng pangangailangan. Taun-taon, habang patuloy na lumalaki ang populasyon ng tao, nalilipol ang mga uri sa bilis na nakababahala.

Banta ng pag-init ng globo. Ayon sa Intergovernmental Panel on Climate Change, posible na sa siglong ito, ang mga temperatura ay maaaring tumaas nang 3.5 digri Celsius. Maaaring napakabilis ang pagtaas na ito para mabuhay ang ilang uri. Ayon sa mga mananaliksik, lumilitaw na ang isang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga bahura ng korales (mga pangunahing suporta ng karamihan sa biodiversity sa dagat) ay ang pag-init ng tubig.

Sinasabi ng mga siyentipiko na maaaring pawiin ng isang metrong pagtaas sa kapantayan ng dagat ang malaking bahagi ng mga latian sa baybayin ng daigdig, na siyang tahanan ng saganang biodiversity. Naniniwala ang ilan na ang pag-init ng globo ay maaaring may epekto sa mga bunton ng yelo sa Greenland at Antartiko. Kung matutunaw ang mga ito, isang malubhang kasakunaan sa kapaligiran ang maaaring sumunod na mangyari.

Isang Epidemya ng mga Pagkalipol

Gaano kabilis maglaho ang mga uri? Ang mga sagot sa tanong na iyan ay lubhang di-eksakto. Karamihan sa naglalahong uri ay isang hiwaga pa rin sa mga siyentipiko. Una ay kailangan nilang matiyak kung gaano karaming uri ang umiiral. Ayon kay John Harte, siyentipiko sa ekolohiya sa University of California, Berkeley, “may humigit-kumulang na isa at kalahating milyong uri sa lupa ang pinanganlan na, ngunit alam natin na maraming umiiral na uri ang wala pang pangalan, at ang kabuuang bilang nito ay marahil nasa pagitan ng 5 at 15 milyon.” Itinataas ng ilan ang pagtaya sa 50 milyong uri o higit pa. Halos imposibleng tiyakin ang eksaktong bilang dahil “karamihan sa mga pagkalipol ay magaganap bago pa mabigyan ng pangalan at mailarawan ang mga uri,” ayon sa siyentipiko na si Anthony C. Janetos.

Halos nagsisimula pa lamang ang makabagong siyensiya sa pag-unawa sa masasalimuot na mekanismo ng ekolohiya na nagpapanatili sa mga likas na komunidad na tumatakbo nang maayos. Kung hindi alam ng mga tao kung gaano karaming uri ang umiiral, paano nila mauunawaan ang masalimuot na kawing ng buhay at kung paano ito naaapektuhan ng mga pagkalipol? Paano nila masasabi kung ano ang maaaring maging epekto ng pagkawala ng mga uri sa sistemang tumutustos ng buhay sa planeta?

Kapag sinisikap ng mga siyentipiko na malaman ang bilis ng pagkalipol, ang kanilang mga pagtaya, bagaman iba-iba, ay madalas na nakasisiphayo. “Mga 50 porsiyento ng mga halaman at hayop sa daigdig ay baka patungo na sa pagkalipol sa loob ng isang daang taon,” sabi ng isang manunulat. Mas nakalulungkot pa ang inihula ni Harte: “Tinataya ng mga biyologo na ang pagkalbo sa mga kagubatan sa tropiko ay magbubunga ng pagkawala ng kalahati o higit pa sa bilang ng uring umiiral sa lupa sa susunod na 75 taon.”

Salig sa mga kalkulasyon ng siyentipikong si Stuart Pimm ng University of Tennessee, sinasabi ng National Geographic na “11 porsiyento ng mga ibon, o 1,100 uri mula sa halos 10,000 uri sa daigdig, ay nasa bingit na ng pagkalipol; kaduda-duda kung ang karamihan sa 1,100 ito ay mabubuhay nang mas matagal pa sa katapusan ng [ika-21 siglo].” Sinabi ng magasin ding iyon: “Kamakailan ay iniulat ng isang pangkat ng iginagalang na mga botaniko na isa sa walong halaman ang nanganganib na malipol. ‘Kalakip dito hindi lamang ang mga uri sa mga isla o sa maulang mga kagubatan o basta mga ibon o malalaki at kaakit-akit na mga mamalya,’ ang sabi ni Pimm. ‘Ito’y lahat ng bagay at ito’y sa lahat ng dako. . . . Ito’y isang pandaigdig na epidemya ng mga pagkalipol.’”

Kailangan ba Natin ang Lahat ng Uring Ito?

May dahilan ba para mabahala sa pagkawala ng pagkakasari-sari ng buhay? Talaga bang kailangan natin ang gayong pagkakaiba-iba ng mga uri? Iginigiit ng maraming iginagalang na mga eksperto na ang sagot ay oo. Ang pagkakaroon ng lupa ng maraming uri ay naglalaan sa mga tao ng pagkain, kapaki-pakinabang na mga kemikal, at marami pang ibang mga produkto at mga serbisyo. Isip-isipin din ang hinggil sa posibleng mga kapakinabangang maidudulot ng mga uring hindi pa natutuklasan para sa sangkatauhan. Halimbawa, tinataya na ang 120 sa nangungunang 150 inireresetang gamot na ginagamit sa Estados Unidos ay nagmumula sa mga likas na sangkap. Kaya, sa paglaho ng mga halaman sa daigdig, nawawala rin ang pagkakataon ng sangkatauhan na makapaghanap ng bagong mga gamot at mga kemikal. “Sa bawat pagkakataon na maiwala natin ang isang uri, naiwawala natin ang isang mapagpipilian sa hinaharap,” sabi ni Sir Ghillean Prance, direktor ng Kew Gardens sa London. “Naiwawala natin ang isang posibleng lunas para sa AIDS o isang halaman na di-tinatablan ng virus. Kaya sa paanuman ay kailangan nating pigilan ang paglaho ng mga uri, hindi lamang alang-alang sa ating planeta kundi alang-alang din sa ating sariling . . . mga pangangailangan at kapakinabangan.”

Kailangan din natin ang likas na mga sistema ng ekolohiya upang ilaan ang mahahalagang serbisyo kung saan umaasa ang lahat ng bagay na buháy. Ang paggawa ng oksiheno, ang pagdalisay sa tubig, ang pag-alis sa mga dumi, at ang pagpigil sa pagkaagnas ng lupa ay pawang mahahalagang gawain na ginagampanan ng maaayos na sistema ng ekolohiya.

Inilalaan ng mga insekto ang mga serbisyo ng pollination. Sinusupil ng mga palaka, isda, at ibon ang mga peste; nililinis ng mga tahong at iba pang organismo sa tubig ang ating suplay ng tubig; binubuo ng mga halaman at mikrobyo ang ating mga lupa. Napakalaki ng halaga ng lahat ng serbisyong ito sa ekonomiya. Ang isang katamtamang pagtaya sa mga kapakinabangan sa salapi ng biodiversity sa buong daigdig ay mga 3,000 bilyong dolyar bawat taon, batay sa mga presyo noong 1995.

Gayunman, bagaman umaasa tayo sa pagkakasari-sari ng buhay, tila ang daigdig ay nasa gitna ng isang krisis ng pagkalipol na nagbabanta sa masalimuot na kawing ng buhay. Ngayon, sa panahong nasisimulan na nating maunawaan ang mahalagang papel ng biodiversity, lalo pang nagdudulot ng mga pagkalipol ang mga tao nang higit kailanman! Subalit ang tao ba ay nasa kalagayan upang lutasin ang suliranin? Ano ang inilalaan ng kinabukasan para sa pagkakaiba-iba ng buhay sa lupa?

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Gaano ba Kahalaga ang Buhay?

  Ang lahat ng pagtalakay hinggil sa kahalagahan ng biodiversity ay tila nagpapahiwatig na dapat nating pangalagaan ang iba pang uring buháy hangga’t tinutustusan nito ang ating mga pangangailangan. Nadarama ng ilan na ang gayong pangmalas ay kakitiran ng pag-iisip. Binanggit ng paleontologo na si Niles Eldredge ang likas na kahalagahan ng buhay: “Pinahahalagahan din nating mga tao ang buhay sa palibot natin—ang mga uring magaganda at nakapupukaw ng pansin, mga lugar sa ilang na nakabibighani at di-napinsala—dahil sa natural na kahalagahan nito. May isang bagay sa loob natin ang kumikilala na tayo’y nauugnay sa likas na daigdig na ito at nakapagtatamo tayo ng kapayapaan at kaluguran mula sa pagiging bahagi nito kailanma’t magagawa natin.”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]

Ang Red List

  Ang “Red List” ay inilathala ng International Union for Conservation of Nature and Natural Resources, isang organisasyon na tumataya sa kalagayan ng mga uring nanganganib malipol. Ang ilan sa mga uring nanganganib na kasama sa “Red List” para sa taóng 2000 ay itinampok sa pahinang ito:

Wandering albatross (Diomedea exulans)

  Ito ay isa sa 16 na uri ng albatross na kinilalang nanganganib sa buong daigdig. Ipinapalagay na marami ang nalunod matapos na mahuli ang mga ito nang di-sinasadya sa mga kawit na may mga pain mula sa mga bangkang gumagamit ng kitáng sa pangingisda.

[Credit Line]

Larawang kuha ni Tony Palliser

Red-shanked douc langur (Pygathrix nemaeus)

  Ang magandang unggoy na colobine na ito sa Asia ay matatagpuan sa gitnang bahagi ng katimugan ng Vietnam at sa mga bahagi ng Laos. Nanganganib ito dahil sa pagkasira ng tirahan nito at sa pangangaso. Hinahanap ito para sa pagkain at sa mga bahagi ng katawan nito, na ginagamit bilang mga sangkap sa tradisyunal na mga gamot.

[Credit Line]

Unggoy sa pahina 7 at 32: Larawang kuha ni Bill Konstant

Corsican snail (Helix ceratina)

  Ang tirahan ng susóng ito na malapit nang malipol ay halos 7 ektarya lamang sa mga arabal ng Ajaccio, sa timog-kanlurang baybayin ng Corsica. Maaaring manganib ang buhay nito dahil sa pag-unlad na doo’y kabilang ang paggawa ng isang paliparan at ng mga daanan patungo sa dalampasigan.

[Credit Line]

Larawang kuha ni G. Falkner

Golden pagoda (Mimetes chrysanthus)

  Ang marikit na bulaklak na ito ay natuklasan noong 1987 sa Western Cape, Timog Aprika. Ang madalas na mga sunog sa ilang at pagpasok ng mga uring hindi katuwang sa kinabubuhayan ng golden pagoda ay naghaharap ng patuluyang panganib sa halamang ito.

[Credit Line]

Larawang kuha ni Craig Hilton-Taylor

Freshwater sawfish (Pristis microdon)

  Ang isdang ito na nanganganib malipol ay matatagpuan sa mga karagatang Indian at West Pacific, gayundin sa katabing mga baybayin, wawa, at ilog. Ito ay lubhang nanganganib dahil sa pangingisda at lubhang umuunti ang bilang. Nanganganib din ito dahil sa pagkawala at pagkasira ng tirahan nito.

[Credit Line]

Larawan sa kagandahang-loob ng Sun International Resorts, Inc.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

Paglipol sa Buhay-Dagat

  Ang yaman ng mga karagatan, na dati’y pinaniniwalaang di-nauubos, ay napatunayang may hangganan. Inilarawan ng paleontologong si Niles Eldredge, na sumusulat sa magasing Natural History, ang lawak ng sobrang pagsasamantala sa mga karagatan: “Lubhang pinahusay ng modernong teknolohiya ang pangingisda anupat ang malalaking lugar ng sahig ng karagatan ay kinakalbo kagaya ng nangyayari sa kagubatan. Gayunman, ang mismong teknolohiyang ito ay di-halatang maaksaya; ang mga pawikan at ang mga poka (seal), kasama na ang maraming di-naipagbibiling uri ng mga isda at hayop na walang gulugod, ay namamatay sa bawat hila ng lambat o pagdaan ng mga bangkang gumagamit ng taksay na lambat.”

  Bilang komento sa tinatawag nitong “maaksayang epekto ng panghuhuli ng hipon,” ipinaliwanag ng magasing National Geographic na “sa tabi ng Gulf Coast [sa baybayin ng Texas, E.U.A.], maaaring isakripisyo ang napakaraming libra ng buhay sa dagat—karamihan dito ay maliliit pang isda—para sa isang libra ng hipon.” Ang di-kanais-nais na mga isda at kabibing ito ay tinatawag na bycatch (mga hayop na nahuli nang di-sinasadya). Nanaghoy ang isang biyologo ng estado: “Ang katamtamang proporsiyon ng bycatch ay mga apat sa isa.” Hindi kataka-taka na ang ating mga karagatan ay nagiging mga lugar ng lansakang pagpatay sa maraming uring nanganganib malipol!

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Natatagong Buhay sa mga Kagubatan

  Ang mga kagubatan ng ating planeta ay namumutiktik sa buhay, kasama na rito ang mga uri na tutuklasin pa ng tao. Sinabi ng siyentipiko sa ekolohiya na si John Harte: “Wala pang dalawang porsiyento ng planeta ang sinasaklaw ng maulang mga kagubatan sa tropiko ngunit ang mga ito ang tanging tahanan ng di-kukulangin sa 50 porsiyento at marahil ay kasindami ng 90 porsiyento ng lahat ng uri sa lupa. Ang mas mataas na pagtaya ay nakasalig sa palagay na ang karamihan sa mga uring tutuklasin pa ay nabubuhay sa tropiko dahil sa ang biyolohikal na paggagalugad sa mga tropiko ay isinasagawa sa maliliit at kalat-kalat na mga lugar. Gayunman, ang ibang mga tirahan ay hindi rin lubusang nagalugad, at tiyak na naglalaman ang mga ito ng maraming uri na hindi pa nakikilala ng siyensiya sa ngayon. Ang ilan sa mga ito ay mga lupa ng mga kagubatang may katamtamang temperatura, tulad ng matatagal na at maalinsangang mga kagubatan sa Hilagang-kanlurang Pasipiko ng Estados Unidos.”

  Sino ang makapagsasabi kung anong mga sorpresa ang naghihintay sa tao kung magkakaroon siya ng pagkakataon na galugarin ang natatagong buhay sa mga kagubatan?

[Larawan sa pahina 5]

Ang passenger pigeon na ngayo’y lipol na

[Credit Line]

U.S. Fish Wildlife Service, Washington, D.C./Luther C. Goldman