Isang Siglo ng Karahasan

NANINIWALA si Alfred Nobel na mapananatili ang kapayapaan kung magtataglay ang mga bansa ng nakamamatay na mga sandata. Tutal, madali namang magkaisa at magdulot ng nakapanghihilakbot na pagkalipol ang mga bansa sa sinumang sumalakay. “Ito’y magiging isang puwersa na magpapangyaring maging imposible ang digmaan,” ang sulat niya. Ayon sa pangmalas ni Nobel, walang makatuwirang bansa ang magsusulsol ng labanan kung ang mga kahihinatnan mismo nito ay magiging mapangwasak. Subalit ano ba ang isiniwalat ng nakaraang siglo?

Wala pang 20 taon pagkamatay ni Nobel, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Nasaksihan ng digmaang ito ang paggamit ng bago at nakamamatay na mga armas, kasali na ang mga machine gun, nakalalasong gas, flamethrower, tangke, eroplano, at mga submarino. Halos sampung milyong sundalo ang namatay, at mahigit sa doble ng bilang na iyan ang nasugatan. Ang kalupitan ng Digmaang Pandaigdig I ang naging sanhi ng binuhay-muling interes sa kapayapaan. Ito ang umakay sa pagbuo ng Liga ng mga Bansa. Ang presidente ng Estados Unidos na si Woodrow Wilson, ang kilalang tao sa likod ng nabuong organisasyong ito, ang nanalo ng Nobel Peace Prize noong 1919.

Subalit, ang anumang pag-asa na mawawakasan na nang lubusan ang digmaan ay gumuho nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939. Sa maraming aspekto, ito ay mas kahila-hilakbot kaysa sa Digmaang Pandaigdig I. Sa digmaang ito, pinalawak ni Adolf Hitler ang pagawaan ni Nobel sa Krümmel upang maging isa sa pinakamalalaking pabrika ng munisyon sa Alemanya, na may mahigit sa 9,000 trabahador. Pagkatapos, sa pagwawakas ng digmaan, lubusang winasak ang pagawaan ni Nobel nang bombahin ito ng puwersang Allied, na naghulog ng mahigit sa sanlibong bomba. Balintuna, ang mga bombang iyon ay nagawa sa tulong ng imbensiyon mismo ni Nobel.

Hindi lamang nasaksihan ng siglong nagdaan pagkamatay ni Nobel ang dalawang digmaang pandaigdig kundi nakita rin nito ang di-mabilang na maliliit na labanan. Naglipana ang mga armas noong panahong iyon, at ang ilan sa mga ito ay naging higit na kakila-kilabot pa nga. Isaalang-alang ang ilang kagamitan sa militar na naging kilala sa loob ng mga dekada sapol nang mamatay si Nobel.

Maliliit na armas at magagaan na sandata. Kasali rito ang mga baril na nagagamit ng isang kamay lamang, mga riple, granada, machine gun, mortar, at iba pang nabibitbit na mga kagamitan. Ang maliliit na armas at magagaan na sandata ay mura, madaling imantini, at mas mabilis pa ngang gamitin.

Ang pagkakaroon ba ng ganitong mga sandata—at ang panganib na dulot nito sa mga sibilyan—ay nakahadlang sa digmaan? Hinding-hindi! Sa Bulletin of the Atomic Scientists, isinulat ni Michael Klare na ang magagaan na sandata ay naging “pangunahing kagamitang pandigma sa karamihan ng lumulupig na mga digmaan noong panahon pagkatapos ng Cold War.” Sa katunayan, mahigit sa 90 porsiyento ng mga nasawi nitong nakaraang mga digmaan ay dahil sa maliliit na armas at magagaan na sandata. Mahigit sa apat na milyon katao ang napatay ng mga kagamitang ito noon lamang dekada ng 1990. Sa maraming kaso, ang magagaan na sandata ay ginagamit ng mga kabataang walang pagsasanay sa militar at na hindi man lamang inuusig ng kanilang budhi na lumabag sa tradisyonal na mga tuntunin ng digmaan.

Nakatanim na mga bomba. Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, halos 70 katao sa katamtaman ang nababalda o napapatay ng mga nakatanim na bomba bawat araw! Karamihan sa mga ito ay mga sibilyan, hindi mga sundalo. Malimit, ang mga nakatanim na bomba ay ginagamit, hindi para pumatay, kundi puminsala at maghasik ng takot at sindak sa mga taong nakaranas ng malupit na kapinsalaang idinulot ng mga ito.

Sabihin pa, malaking pagsisikap ang ginawa nitong mga taóng nagdaan upang alisin sa lupa ang mga bomba. Subalit sinasabi ng ilan na sa bawat inalis na bomba, 20 pa ang itinatanim at maaaring may 60 milyong nakatanim na bomba ang nakabaon sa palibot ng mundo. Ang bagay na hindi makilala ng mga nakatanim na bomba ang pagkakaiba ng yabag ng isang sundalo at ng isang batang naglalaro sa kaparangan ay hindi nakahadlang sa paggawa at paggamit ng kahila-hilakbot na mga kagamitang ito.

Mga sandatang nuklear. Sa pagkaimbento ng mga sandatang nuklear, sa kauna-unahang pagkakataon maaaring malipol sa loob ng mga segundo ang buong lunsod, nang wala man lamang sagupaan sa pagitan ng mga sundalo. Halimbawa, isaalang-alang ang kahindik-hindik na pagkawasak na ibinunga nang ihulog ang mga bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki noong 1945. Ang ilang tao ay nabulag dahil sa di-makayanang tindi ng liwanag. Ang iba naman ay nalason ng radyasyon. Marami ang namatay dahil sa sunog at init. Ang pinagsamang kabuuang bilang ng mga namatay sa dalawang lunsod ay tinatayang halos 300,000!

Mangyari pa, baka ipangatuwiran ng ilan na nahadlangan sana ng pagbomba sa mga lunsod na iyon ang maraming kamatayan kung nagpatuloy ang digmaan na di-gumagamit ng sandatang nuklear. Magkagayunman, palibhasa’y nagitla sa pagkarami-raming nasawing buhay, sinimulang ipakipaglaban ng ilan ang hinggil sa pandaigdig na pagkontrol sa kasuklam-suklam na mga sandatang ito. Ang totoo, ikinatakot ng marami ang bagay na napasulong ng tao ang kakayahang lipulin mismo ang kaniyang sarili.

Naging posible ba ang kapayapaan dahil sa pagkagawa ng mga sandatang nuklear? Oo ang sabi ng ilan. Pinatutunayan nila ang bagay na hindi naman talaga nagamit sa digmaan sa mahigit na kalahating siglo ang malalakas na sandatang ito. Gayunman, napatunayang hindi totoo ang paniniwala ni Nobel na mahahadlangang sumiklab ang digmaan dahil sa mga sandata para sa lansakang paglipol, sapagkat may mga digmaan pa rin na gumagamit ng pangkaraniwang mga sandata. Bukod pa rito, sa lahat ng panahon, ang sabi ng Committee on Nuclear Policy, libu-libong kagamitang nuklear ang nakahandang pasabugin anumang oras. At sa panahong ito na lubhang ikinababahala ang terorismo, ikinatatakot ng marami kung ano ang maaaring mangyari kapag ang nuklear na mga pampasabog ay mapunta sa “masasamang” kamay. Kahit na mapunta pa ito sa “mabubuting” kamay, ikinababahala pa rin ang isang pagkakamali na makapagpapabulusok sa daigdig sa isang kasakunaang thermonuclear. Maliwanag, pagdating sa mapangwasak na mga sandata, hindi ito ang kapayapaang nakini-kinita ni Nobel.

Biyolohikal at kemikal na mga sandata. Kasali sa mga sandatang may nakapipinsalang mga mikrobyo ang paggamit ng nakamamatay na baktirya, gaya ng anthrax, o ng isang virus, gaya ng bulutong. Lalo nang mapanganib ang bulutong dahil sa ito’y talagang nakahahawa. Nariyan din ang panganib ng kemikal na mga sandata, gaya ng nakalalasong gas. Ang nakalalasong mga substansiyang ito ay maraming uri, at bagaman ipinagbawal na ang mga ito sa loob ng mga dekada, hindi nito nahadlangan ang paggamit sa mga ito.

Ang nakatatakot na mga sandata bang ito at ang panganib na idinulot nito ay nagpangyari sa mga tao na tumugon man lamang sa inihula ni Nobel—na ‘umurong sa takot at buwagin ang kanilang mga tropa’? Sa kabaligtaran, pinasidhi lamang nila ang takot na isang araw ay maaaring gamitin ang mga sandatang ito—kahit ng mga baguhan. Mahigit na isang dekada na ang nakalipas, ganito ang sinabi ng direktor ng Arms Control and Disarmament Agency ng Estados Unidos: “Maaaring gawin ang kemikal na mga sandata sa halos kaninumang garahe, hangga’t may kaunti kang nalalaman tungkol sa kemistri noong nasa haiskul ka.”

Walang alinlangan na kinakitaan ang ika-20 siglo ng mga digmaan na mas mapangwasak kaysa sa anumang iba pang kapanahunan. Ngayon sa pagpapasimula ng ika-21 siglo, ang pag-asa para sa kapayapaan ay waring mas naging guniguni na lamang—lalo na pagkatapos ng mga pagsalakay ng terorista na naganap sa New York City at Washington, D.C., noong Setyembre 11, 2001. “Halos walang naglalakas-loob na magtanong kung magagamit kaya sa pagbibigay-kapangyarihan sa kasamaan ang kapaki-pakinabang na layunin ng teknolohiya,” ang sulat ni Steven Levy sa magasing Newsweek. Idinagdag pa niya: “Sino ang may ideya kung paano pangangasiwaan ang situwasyong iyan? Kilalá ang mga tao sa pagiging masikap sa pagtuklas ng mga bagay na itinuturing nilang pagsulong at pagkatapos ay sa pag-aanalisa ng mga ito. Samantalang hindi man lamang pinag-iisipan ang di-malirip na kapaha-pahamak na pangyayari na maaaring maganap, nalilikha natin ang mga kalagayang nagpapahintulot na mangyari ito.”

Samakatuwid, itinuro sa atin ng kasaysayan na ang pagkaimbento ng nakatatakot na mga pampasabog at nakamamatay na mga sandata ay hindi nagdulot ng anumang kapayapaan sa daigdig na ito. Kung gayon, ang pandaigdig na kapayapaan ba ay isang panaginip lamang?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]

Pagkontrol sa Nitroglycerin

  Natuklasan ng kimikong Italyano na si Ascanio Sobrero ang nitroglycerin, isang mabigat at malangis na likidong pampasabog, noong 1846. Ang substansiya ay napatunayang mapanganib. Si Sobrero ay malubhang nasugatan sa mukha ng mga durog na salamin mula sa isang pagsabog, at sa dakong huli’y inihinto niya ang paggamit sa substansiya. Bukod dito, may problema sa likido na hindi malutas ni Sobrero: Kapag ibinuhos at minartilyo, ang bahagi lamang ng likido na tinamaan ng martilyo ang sumasabog, nang hindi naaapektuhan ang kalakhang bahagi ng langis.

  Nalutas ni Nobel ang problema nang maimbento niya ang madaling gamitin na kagamitang pampasabog, na gumagamit ng kaunti ng isang uri ng pampasabog na maaaring magpasiklab sa maraming kantidad ng isa pang pampasabog. Pagkatapos, noong 1865, naimbento ni Nobel ang isang blasting cap—isang maliit na kapsula na naglalaman ng sumasabog na asoge na siniksik sa isang lalagyan ng nitroglycerin at pagkatapos ay pinagdiringas ng isang mitsa.

  Gayunman, mapanganib pa ring gamitin ang nitroglycerin. Halimbawa, noong 1864, isang pagsabog sa pagawaan ni Nobel sa labas ng Stockholm ang pumatay ng limang tao—kasama na ang bunsong kapatid na lalaki ni Nobel, si Emil. Dalawang beses na sumabog ang pagawaan ni Nobel sa Krümmel, Alemanya. Pagkatapos, ginamit din ng ilang tao ang likido bilang langis sa gasera, pampakintab ng sapatos, o bilang grasa sa mga gulong ng bagon—na may nakapipinsalang mga resulta. Kahit kapag pinasasabog ang mga bundok, ang sobrang langis ay tumatagas sa mga bitak at pagkatapos ay nagiging sanhi ng mga aksidente.

  Noong 1867, ginawa ni Nobel na solido ang langis nang haluan niya ng kieselguhr ang nitroglycerin, hindi sumasabog at hindi siksik na substansiya. Nalikha ni Nobel ang katagang dinamita mula sa salitang Griego na dynamis, na nangangahulugang “lakas.” Bagaman nang dakong huli’y nakagawa si Nobel ng mas malalakas na pampasabog, itinuring ang dinamita bilang isa sa mga pinakamahalagang imbensiyon niya.

  Mangyari pa, ang mga dinamita ni Nobel ay may mga gamit din na hindi naman pamuksa. Halimbawa, may pangunahing papel na ginampanan ito sa paggawa ng mga tunel ng St. Gotthard (1872-82), sa pagpapasabog ng matatarik na dalisdis sa ilalim ng tubig sa East River ng New York (1876, 1885), at sa paghuhukay ng Corinth Canal sa Gresya (1881-93). Subalit, mula nang maimbento ito, mabilis na nakilala ang dinamita bilang isang kasangkapan sa pagwasak at kamatayan.

[Larawan]

Nawasak ang istasyon ng pulisya sa Colombia dahil sa mga pampasabog na may mga dinamita

[Credit Line]

© Reuters NewMedia Inc./CORBIS

[Larawan sa pahina 4]

Wala pang 20 taon pagkamatay ni Nobel, nasaksihan ng Digmaang Pandaigdig I ang paggamit ng bago at nakamamatay na mga sandata

[Credit Line]

U.S. National Archives photo

[Mga larawan sa pahina 6]

Mga biktima ng nakatanim na mga bomba sa Cambodia, Iraq, at Azerbaijan

[Credit Lines]

UN/DPI Photo 186410C by P.S. Sudhakaran

UN/DPI Photo 158314C by J. Isaac

UN/DPI Photo by Armineh Johannes

[Larawan sa pahina 6]

Sa lahat ng panahon, ayon sa Committee on Nuclear Policy, libu-libong nuklear na kagamitan ang nakahandang pasabugin anumang oras

[Credit Line]

UNITED NATIONS/PHOTO BY SYGMA

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang kalagim-lagim na katangian ng kemikal na mga sandata ay nagkaroon ng malawakang publisidad nang gamitin ang sarin sa subway ng Tokyo noong 1995

[Credit Line]

Asahi Shimbun/Sipa Press

[Picture Credit Line sa pahina 5]

UN/DPI Photo 158198C by J. Isaac