• Gumising!—2004
  • “Pinahahalagahan Namin ang Aming Isinusuot na mga Damit”

“Pinahahalagahan Namin ang Aming Isinusuot na mga Damit”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

NANG unang dumating ang mga Kastila sa Mexico noong ika-16 na siglo, nasumpungan nila ang sari-saring kultura—ang Aztec, Maya, at iba pa. Lubusan bang napawi ng mga Europeo ang mga kulturang ito? Hindi, naririto pa rin sila. Mga 12 milyon katao sa Mexico ang tuwirang mga inapo ng etnikong mga grupo na umiral bago dumating si Columbus sa Amerika. Marami ang nagsasalita ng kanilang sinaunang mga wika. At nagiging kapansin-pansin sila dahil sa kanilang magagandang damit.

Ang timog-kanlurang estado ng Oaxaca, ang lugar na may pinakamaraming iba’t ibang uri ng kultura sa Mesoamerica, ay parang isang malaking palabas ng mga modang damit. Masusumpungan natin doon ang mga Chontal, na umaasa sa agrikultura, pag-aalaga ng hayop, at pangangaso at pagtitipon ng likas na mga materyales sa kabundukan para sa kanilang panustos. Ang kanilang pampamilyang mga halamanan ay punung-puno ng mga prutas, gulay, at bulaklak. Ipinakikita ng mga Chontal ang kanilang pagkagiliw sa kalikasan sa pamamagitan ng pagbuburda ng pula at itim na mga larawan ng mga hayop at bulaklak sa mga blusa ng mga babae. Ginagayakan ng kadalagahan ang kanilang pananamit sa pamamagitan ng pagtatali ng makukulay na laso sa kanilang mga buhok.

Kasama ng mga Chontal sa Ismo ng Tehuantepec ang mga Huave at mga Zapotec, na magkapareho kung manamit; pero sa paanuman ay maaaring sabihin ng lokal na mga residente ang etnikong pinagmulan ng isang babae sa pamamagitan ng damit nito. Masasabi pa nga ng mga Zapotec, na nagbansag sa kanilang sarili na bayan mula sa mga ulap, kung tagasaang nayon ang isang babae sa pamamagitan ng pag-aayos niya ng kaniyang damit. Mas magarbo ang disenyong ginagamit ng mga Chinantec, mula sa hilagang bahagi ng estado ring iyon. Isinisiwalat ng mga babaing Chinantec ang kasaysayan ng kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng binurdang mga sagisag sa kanilang maluluwang at walang-manggas na mga damit na tinatawag na mga huipil. Para sa pormal na mga okasyon, isinusuot nila ang maririlag na binurdahang mga damit na tinatawag na “malaking tiyan” sa kanilang wika.

Ang mga babaing Mixtec, na naninirahan sa mga bahagi ng estado ng Oaxaca, Guerrero, at Puebla, ay mahilig din sa mga burda. Sa isang rehiyon, ginagayakan ng mga babae ang kanilang mga blusang muslin sa pamamaraang tinatawag na “gawin mo ako kung kaya mo.” Kagaya ng iba pang mga tao sa Mexico, ang mga Mixtec na mula sa baybayin ay gumagamit pa rin ng telang ginamit noon ng kanilang mga ninuno mga daan-daang taon na ang nakalipas. Ang kanilang kasalukuyang paraan ng paghahabi ay makikita sa mga museo ng mga pigurin ng mga taong umiral bago dumating ang mga Kastila at sa mga drowing.

Partikular nang magarbo ang damit na panlalaki ng sinaunang mga Maya at Aztec. Sa ngayon, ang karamihan sa mga lalaking nagmula sa katutubong mga grupo ay sa paanuman nananamit na gaya ng pangkaraniwang mga lalaki sa Mexico. Gayunman, makikita pa rin sa mga ito, gaya ng mga Huichol, ang hilig na tularan ang istilo ng damit na umiral bago dumating ang mga Kastila. Ang binurdahang damit ng mga Huichol, na isang sagisag ng katayuan sa lipunan, ay may napakasalimuot na mga disenyo at abubot anupat kailangang gumugol ng panahon upang suriin at unawain ang lahat ng detalye.

Ang damit na pinakamainam na naingatan bago dumating ang mga Kastila ay masusumpungan sa mga komunidad ng mga Nahuatl ng Cuetzalan, sa estado ng Puebla, kung saan nagsusuot ang mga babae ng mararangyang putong na gawa sa estambre na nakatali sa kanilang buhok (larawan sa pahina 26) at gumagamit ng quechquemitl, isang makintab at mapalamuting alampay. Inilalarawan sa sinaunang mga akda ang gayunding mga bagay.

Maraming iba’t ibang etnikong grupo ang matatagpuan sa matataas na lupain ng estado ng Chiapas, at ang ilan sa mga grupong ito ay may iisang pinagmulan. Sa lugar na iyon, ang mga Tzotzil, Tzeltal, at Tojolabal ay nagsusuot ng mga damit na para sa kanila ay pang-araw-araw lamang ngunit para sa mga tagalabas ay isang kamangha-manghang panoorin.

Marami rin sa lugar na iyon ang gumagawa ng kanilang sariling tela. Hindi ba’t ang pagkatuto mula sa iyong ina kung paano gumawa ng sarili mong tela ay makatutulong sa iyo para hindi mo malimutan ang iyong pinagmulan? Ginagawa ng mga babaing Tzotzil mula sa malalamig at matataas na lupain ng Chiapas ang buong proseso ng paggupit sa mga tupa at pagkatapos ay paghuhugas, pag-aalis ng buhol, pag-iikid, at pagtitina ng lana sa likas na mga tina bago ito ihabi at gawing tela sa isang habihan na nakatali sa likod ng isang tao. “Mahirap ito sa una,” ang may-pagmamalaking naalaala ni Petrona, isang batang babae mula sa Chamula, “pero tuwang-tuwa ako nang magawa ko ang aking unang lanang nagua [palda] at maburdahan ang aking unang blusang koton. Ako rin ang gumawa ng aking paha.” Pagkatapos malaman ang hinggil sa paggawa nito, naunawaan namin kung bakit sinabi niya: “Pinahahalagahan namin ang aming isinusuot na mga damit.”

Sa pinakakonserbatibong mga rehiyon ng Peninsula ng Yucatán, isinusuot ng mga babaing Maya ang hipil, isang maluwang at puting damit na binurdahan ng makukulay na disenyo, bilang pang-araw-araw na damit nila. Napakadalas na kasama sa damit na ito ang isang petikot na puntas. Para sa pantanging mga okasyon, ang mga babae at mga dalagita—kapuwa sa lalawigan at sa mga lunsod—ay may-pagmamalaking nagsusuot ng terno, isang mas magarbong bersiyon ng hipil.

Para sa mga panauhin, ang gayong karaniwang mga damit sa Mexico ay maaaring napakamahal. Subalit natatamasa ng katutubong mga tao ang luhong ito, bagaman ang karamihan sa kanila ay mahihirap lamang, dahil sila mismo ang napakaingat na gumagawa ng mga damit na ito.

Ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano ng 219 na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na gumagamit ng katutubong mga wika sa Mexico ay isang nakalulugod na tanawin. Sa mga okasyong ito, naisusuot ng mga dumadalo ang kanilang pormal na mga damit, isang pamana mula sa kanilang mga ninuno—at kayganda ng mga damit na ito!

[Mapa sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

YUCATÁN

PUEBLA

OAXACA

CHIAPAS

[Larawan sa pahina 26]

Petikot na puntas ng mga Maya

[Larawan sa pahina 26]

Burda ng mga Zapotec

[Larawan sa pahina 26]

Zapotec, Oaxaca

[Larawan sa pahina 26]

Maya, Yucatán

[Larawan sa pahina 26]

Nahuatl, Puebla

[Larawan sa pahina 26]

Tzotzil, Chiapas