• Gumising!—2005
  • Mga Bundok—Kung Bakit Natin Kailangan ang mga Ito

Mga Bundok—Kung Bakit Natin Kailangan ang mga Ito

“Akyatin mo ang mga bundok at tingnan kung ano ang matututuhan mo sa mga ito. Malilipos ka ng kapayapaan ng kalikasan kung paanong nalilipos ng sikat ng araw ang mga punungkahoy. Malalanghap mo ang sariwang hangin, at mararamdaman ang lakas ng bagyo, habang napapawi ang iyong mga kabalisahan na parang mga dahon sa taglagas.”—JOHN MUIR, AMERIKANONG MANUNULAT AT NATURALISTA.

GAYA ng natuklasan ni John Muir mahigit na isang siglo na ang nakalipas, maaari tayong maantig ng mga bundok. Hinahangaan natin ang kanilang karingalan, kinalulugdan ang kanilang buhay-iláng, at pinagiginhawa tayo ng kanilang mapayapang kapaligiran. Taun-taon, milyun-milyon ang namamasyal sa mga bundok upang masiyahan sa tanawin at mapasigla ang kanilang damdamin. “Noon pa mang sinaunang panahon, ang mga bundok ay hinahangaan na at nagiging inspirasyon ng mga lipunan at kultura ng tao,” ang sabi ni Klaus Toepfer, ehekutibong direktor ng United Nations Environment Programme.

Ngunit may problema rin hinggil sa mga bundok. Sa loob ng maraming henerasyon, hindi sila nagawang abusuhin ng mga tao dahil sa layo ng mga ito. Subalit ngayon, nanganganib ang mga ito. “Ang ilan sa natitirang iláng na mga dakong ito ay mabilis na naglalaho dahil sa agrikultura, imprastraktura at iba pang mga bagay na unti-unting nakaaapekto sa mga ito,” ang paliwanag ng kamakailang opisyal na pahayag sa media ng United Nations.

Malaking bahagi ng lupain sa daigdig ang nasasakop ng mga bundok. Kalahati ng populasyon sa daigdig ay umaasa sa likas na yaman ng mga ito. At ang mga bundok ay tahanan din ng milyun-milyong tao. Hindi lamang kahanga-hangang mga tanawin ang mga bundok sa isang payapa at tahimik na kapaligiran. Suriin natin ang ilang mabubuting bagay na naidudulot ng mga ito para sa kapakanan ng sangkatauhan.

Kung Bakit Mahalaga ang mga Bundok

IMBAKAN NG TUBIG. Ang mga bundok ang pinagmumulan ng ating pinakamalalaking ilog gayundin ng tubig para sa karamihan ng mga tipunang-tubig natin. Sa Hilagang Amerika, halos lahat ng tubig ng pagkalaki-laking Ilog Colorado at Rio Grande ay galing sa Rocky Mountains. Mga kalahati ng populasyon ng daigdig ay nakatira sa timog at silangang Asia. At ang karamihan sa mga taong ito ay umaasa sa ulan na bumabagsak sa magkakarugtong na mga kabundukan mga rehiyon ng Himalaya, Karakoram, Pamirs, at Tibet.

“Ang mga bundok, mga toreng imbakan ng tubig ng daigdig, ay mahalaga sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa lupa at sa kapakanan ng mga tao sa lahat ng dako,” ang paliwanag ni Toepfer, at idinagdag pa niya: “Ang nangyayari sa pinakamataas na taluktok ng bundok ay nakaaapekto sa buhay sa kapatagan, sa tubig-tabang at maging sa karagatan.” Sa maraming lupain, naiimbak ang niyebe sa mga bundok kung taglamig, anupat unti-unting pinasisingaw ang mahalagang halumigmig nito pagsapit ng tagsibol at tag-araw. Sa tigang na mga bahagi ng daigdig, ang tubig na ginagamit sa irigasyon ay karaniwan nang nanggagaling sa natutunaw na mga niyebe sa malalayong bundok. Maraming bundok ang may magubat na mga dalisdis na parang esponghang sumisipsip ng ulan, anupat banayad na pinaaagos ito tungo sa mga ilog, sa halip na maging sanhi ng mapangwasak na mga baha.

MGA TIRAHAN NG BUHAY-ILÁNG AT PAGKASARI-SARI NG BUHAY. Dahil ang bulubunduking mga rehiyon ay nasa liblib na mga dako at hindi gaanong mainam na lugar para sa pagsasaka, hindi ito gaanong pinakikialaman ng tao. Kaya ang mga bundok ay naging santuwaryo ng mga hayop at halaman na posible sanang nalipol kung ang mga ito ay nasa kapatagan. Halimbawa, ang Kinabalu National Park sa Malaysia, isang bulubunduking lugar na mas maliit pa sa New York City, ay tahanan ng 4,500 uri ng halaman—mahigit sa sangkapat ng mga uri ng halaman na matatagpuan sa buong Estados Unidos. Ang mga giant panda ng Tsina, ang mga condor ng Andes, at ang mga snow leopard ng sentral Asia ay pawang umaasa sa bulubunduking mga tahanan, gayundin ang napakaraming iba pang uri ng hayop na nanganganib malipol.

Ayon sa magasing National Geographic, tinataya ng ilang ekologo na “mahigit sa sangkatlo ng kilalang mga halamang tumutubo sa lupa at ng mga hayop na may gulugod ang matatagpuan sa wala pang 2 porsiyento ng planeta.” Maraming uri ng hayop at halaman ang nagsasama-sama sa mataba at di-pa-nasirang mga lupain na tinatawag ng mga siyentipiko na mga biological hot spot. Ang mga hot spot na ito—na marami sa mga ito ay bulubunduking mga lugar—ay may sari-saring buhay na pinakikinabangan nating lahat. Ang ilan sa pinakamahahalagang pananim sa daigdig ay mula sa ligáw na mga halamang tumutubo pa rin sa mga bundok—mais sa bulubunduking mga lugar sa Mexico, mga patatas at kamatis sa Andes sa Peru, at trigo sa Caucasus, bilang pagbanggit lamang sa ilan.

LIBANGAN AT KAGANDAHAN. Naiingatan din ng mga bundok ang likas na kagandahan. Matatagpuan sa mga ito ang kahanga-hangang mga talon, magagandang lawa, at ang marami sa pinakakagila-gilalas na tanawin sa daigdig. Hindi nga kataka-taka, sangkatlo ng lahat ng protektadong lugar sa daigdig ay matatagpuan sa bulubunduking mga rehiyon. At ang mga ito ay naging paboritong puntahan ng mga turista.

Kahit ang liblib na pambansang mga parke ay dinarayo ng milyun-milyong turista mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Naglalakbay ang mga tao mula sa malalayong lugar patungo sa Denali National Park sa Alaska upang makita ang Bundok McKinley, ang pinakamataas na bundok sa Hilagang Amerika. Marami ang nagpupunta sa Great Rift Valley upang mamangha sa kagila-gilalas na Bundok Kilimanjaro at Bundok Meru o upang pagmasdan ang malalaking kawan ng maiilap na hayop na naninirahan sa pagitan ng dalawang matataas na bundok na ito. Maraming pamayanan sa bundok ang nakikinabang sa pagdagsang ito ng mga turista, bagaman maaaring masira ang maseselan na ekosistema dahil sa di-makontrol na turismo.

Kaalamang Naimbak sa mga Bundok

Sa nakalipas na mga siglo, natutuhan ng mga tagabundok kung paano uunlad sa isang mahirap na kapaligiran. Ang mga tagabundok ay umukit ng mga hagdan-hagdang taniman na nagagamit pa rin sa agrikultura kahit dalawang milenyo na ang lumipas. Sila’y nagpaamo at nag-alaga ng katutubong mga hayop, tulad ng llama at ng yak, na maaaring mamuhay sa mahihirap na kalagayan sa matataas na lugar. At ang tradisyonal na kaalamang naipon ng mga tagabundok ay maaaring lubhang kapaki-pakinabang sa pagsasanggalang sa mga bundok na inaasahan nating lahat.

“Ang mga katutubo ang tanging mga tagapangalaga ng malalawak at di-gaanong nasirang mga tahanan sa liblib na mga bahagi ng bawat kontinente,” ang paliwanag ni Alan Thein Durning ng Worldwatch Institute. “Mayroon silang naipong kaalaman sa ekolohiya . . . na katumbas ng nilalaman ng mga aklatan hinggil sa makabagong siyensiya.” Ang imbakang ito ng kaalaman ay nangangailangan din ng proteksiyon gaya ng iba pang yaman sa bundok.

Itinaguyod ng United Nations Environment Programme ang International Year of Mountains 2002. Upang idiin na umaasa ang sangkatauhan sa mga bundok, binuo ng mga tagapag-organisa ang pariralang “Tayong Lahat ay mga Tagabundok.” Nilayon nilang palaguin ang kabatiran sa mga problemang napapaharap sa mga bundok sa daigdig at hanapin ang mga solusyon upang maprotektahan ang mga ito.

Makatuwiran naman ang pagkabahalang ito. “Napakadalas na itinuturing ang mga bundok bilang mga tagapaglaan ng saganang likas na yaman, subalit hindi gaanong binibigyang-pansin ang problema ng mga naninirahan sa mga ito at ang pangangalaga sa mga ekosistema nito,” ang sabi ng isang tagapagsalita tungkol sa tema ng 2002 Bishkek Global Mountain Summit, na inorganisa sa Kyrgyzstan.

Anu-ano ang mga problemang kinakaharap ng mga bundok sa daigdig at ng mga taong naninirahan sa mga ito? Paano nakaaapekto sa ating lahat ang mga problemang ito?