Ang Pangmalas ng Bibliya

Dapat Bang Gumamit ng mga Larawan sa Pagsamba?

TUWING Agosto 15, isang malaking relihiyosong pagdiriwang ang nagaganap sa pulo ng Tínos sa Gresya. Libu-libo ang nagsasama-sama bilang pagpipitagan kay Maria na ina ni Jesus at sa larawan nito, na pinaniniwalaang nagtataglay ng kapangyarihang maghimala.* Ganito ang paliwanag ng isang Griego Ortodoksong reperensiyang akda: “Taglay ang katangi-tanging pananampalataya at pagpipitagan, pinararangalan natin ang Kabanal-banalang Theotokos, ang Ina ng ating Panginoon, at hinihiling ang kaniyang proteksiyon at ang kaniyang agarang paglilim at pagtulong. Dumudulog tayo sa mapaghimalang mga Santo—Banal na mga lalaki at babae—para sa ating espirituwal at pisikal na mga pangangailangan . . . Taglay ang masidhing debosyon, hinahagkan at pinagpipitagan natin ang kanilang banal na mga relikya at sagradong mga larawan.”

Marami pang ibang nag-aangking Kristiyano ang kabilang sa mga denominasyong nagsasagawa ng ganitong mga gawang pagsamba. Subalit sinusuhayan ba ng mga turo sa Bibliya ang paggamit ng mga larawan sa pagsamba?

Ang Sinaunang mga Kristiyano

Tingnan natin ang nangyari noong mga taóng 50 C.E. nang dumalaw si apostol Pablo sa Atenas, isang lunsod kung saan binibigyan ng napakalaking importansiya ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba. Ipinaliwanag ni Pablo sa mga taga-Atenas na ang Diyos “ay hindi tumatahan sa mga templong gawa ng kamay, ni pinaglilingkuran man siya ng mga kamay ng tao na para bang nangangailangan siya ng anumang bagay . . . Kung gayon, . . . hindi natin dapat akalain na ang Isa na Diyos ay tulad ng ginto o ng pilak o ng bato, tulad ng isang bagay na nililok ng sining at katha ng tao.”Gawa 17:24, 25, 29.

Sa katunayan, ang ganitong mga babala tungkol sa paggamit ng mga idolo ay pangkaraniwan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, na tinatawag ding Bagong Tipan. Halimbawa, pinaalalahanan ni apostol Juan ang mga Kristiyano: “Bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.” (1 Juan 5:21) Sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto: “Anong pakikipagkasundo mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo?” (2 Corinto 6:16) Marami sa sinaunang mga Kristiyano ang dating gumagamit ng relihiyosong mga imahen sa pagsamba. Ipinaalaala ni Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica ang tungkol dito nang sumulat siya: “Bumaling [kayo] sa Diyos mula sa inyong mga idolo upang magpaalipin sa isang buháy at tunay na Diyos.” (1 Tesalonica 1:9) Maliwanag na kagaya rin nina Juan at Pablo ang naging pangmalas ng mga Kristiyanong iyon sa mga larawan.

Gumamit ng mga Larawan ang mga “Kristiyano”

Sinasabi sa Encyclopædia Britannica na “noong unang tatlong siglo ng Simbahang Kristiyano, . . . wala pang Kristiyanong sining, at mahigpit na tinatanggihan ito ng simbahan sa pangkalahatan. Halimbawa, pinuna ni Clement ng Alexandria ang relihiyosong (paganong) sining dahil pinasisigla nito ang mga tao na sambahin ang nilalang sa halip na ang Maylalang.”

Kung gayon, paano kaya nauso ang paggamit ng mga larawan? Nagpatuloy ang Britannica: “Noong halos kalagitnaan ng ika-3 siglo, nagsisimula pa lamang gamitin at tanggapin sa Simbahang Kristiyano ang nakalarawang sining subalit mahigpit na tinutulan ito sa ilang kongregasyon. Nang maging simbahan ng imperyo ng Roma ang Kristiyanong Simbahan sa ilalim ni Emperador Constantino noong pasimula ng ika-4 na siglo, saka lamang ginamit sa mga simbahan ang mga larawan at tinanggap na ito sa popular na relihiyong Kristiyano.”

Ang isang pangkaraniwang kaugalian ng maraming pagano, na ngayo’y nag-aangking mga Kristiyano, ay ang pagsamba sa mga litrato ng emperador. “Kasuwato ng pagsamba sa emperador,” ang paliwanag ni John Taylor sa kaniyang aklat na Icon Painting, “sinamba ng mga tao ang kaniyang larawang ipininta sa kanbas o kahoy, at agad na nga itong humantong sa pagpipitagan sa mga larawan.” Sa gayon, ang paganong pagsamba sa mga larawan ay pinalitan ng pagpipitagan sa mga larawan ni Jesus, Maria, mga anghel, at “mga santo.” Ang mga larawang ito na pinasimulang gamitin sa mga simbahan ay unti-unting inilagay sa mga tahanan ng milyun-milyong tao, anupat pinagpipitagan din doon ang mga ito.

Pagsamba “sa Espiritu at Katotohanan”

Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na ang mga lingkod ng Diyos ay dapat sumamba “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Kaya kung hinahanap ng isang taimtim na tao ang katotohanan tungkol sa paggamit ng mga larawan sa pagsamba, dapat siyang bumaling sa Salita ng Diyos upang mabigyang-liwanag ang paksang ito.

Halimbawa, nasa Bibliya ang pananalita ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Ipinahayag ni Pablo na “may isang Diyos, at isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus,” at na ‘si Kristo ang nakikiusap para sa atin.’ (1 Timoteo 2:5; Roma 8:34) Lalo itong nagiging makahulugan kapag nabasa natin na ‘nagagawa ring iligtas ni Kristo nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging buháy upang makiusap para sa kanila.’ (Hebreo 7:25) Dapat tayong lumapit sa Diyos sa pangalan ni Jesu-Kristo. Walang ibang tao, at lalo na ngang walang di-humihingang larawan, ang maaaring ihalili sa kaniya. Ang kaalamang iyan mula sa Salita ng Diyos ay makatutulong sa sinumang naghahanap ng katotohanan na masumpungan ang daan ng pagsamba sa “Ama sa espiritu at katotohanan” at magtamasa ng mga pagpapala mula sa nakahihigit na paraan ng pagsamba. Oo, gaya ng sinabi ni Jesus, “hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.”—Juan 4:23.

[Talababa]

Sa pangkalahatan, ang relihiyosong larawan ay representasyon o simbolo na pinagpipitagan ng mga kabilang sa isang partikular na relihiyon. Halimbawa, sa Eastern Orthodox Church, ang ilan ay mga representasyon ni Kristo; ang iba naman ay kumakatawan sa Trinidad, “mga santo,” mga anghel o, gaya ng binanggit sa itaas, kay Maria na ina ni Jesus. Pinagpipitagan ng milyun-milyong tao ang mga larawan na gaya ng saloobin ng marami para sa mga imaheng ginagamit sa pagsamba. Ang ilang relihiyon na nagsasabing hindi sila Kristiyano ay may ganito ring paniniwala at damdamin sa mga larawan at imahen ng kani-kanilang diyos.

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Boris Subacic/AFP/Getty Images