KUWENTO 80
Umalis ang Bayan ng Diyos sa Babilonya
HALOS magdadalawang taon na mula nang ang Babilonya ay sakupin ng mga Medo at Persiyano. Tingnan mo kung ano ngayon ang nangyayari! Oo, umaalis na ang mga Israelita sa Babilonya. Sino ang nagpalaya sa kanila?
Siya’y si Ciro, hari ng Persiya. Matagal pa bago isilang si Ciro humula na si propeta Isaias tungkol sa kaniya: ‘Gagawin mo ang gusto kong ipagawa sa iyo. Ang mga pintuan ay iiwang bukas para masakop mo ang lunsod.’ At si Ciro nga ang nanguna sa pagsakop sa Babilonya. Pumasok ang kaniyang hukbo sa lunsod isang gabi samantalang ang mga pintuan nito ay naiwang nakabukas.
Pero sinabi din ng propeta ng Diyos na si Isaias na ibibigay ni Ciro ang utos para ang Jerusalem at ang templo nito ay muling maitayo. Ibinigay ba ni Ciro ang utos na ito? Oo, ibinigay niya. At doon nga patungo ngayon ang mga Israelitang ito.
Pero hindi lahat ng Israelita sa Babilonya ay makapaglalakbay nang malayo pabalik sa Jerusalem. Kaya sinabi ni Ciro sa mga hindi makakaalis: ‘Bigyan ninyo ng pilak at ginto at ibang regalo ang mga tao na magsisibalik para itayo ang Jerusalem at ang templo nito.’
Kaya maraming regalo ang ibinigay sa mga Israelita na bumalik sa Jerusalem. At saka, ibinigay din sa kanila ni Ciro ang mga mangkok at kopa na kinuha ni haring Nabukodonosor sa templo ni Jehova nang wasakin niya ang Jerusalem.
Pagkaraan ng halos apat na buwan ng paglalakbay, dumating ang mga Israelita sa Jerusalem sa takdang panahon. Mga 70 taon na mula nang ang lunsod ay mawasak, at ang lupain ay mawalan ng tao. Pero kahit nasa sariling lupain na sila, malaking hirap pa rin ang dadanasin ng mga Israelitang ito.