Kabanata 4

Mag-ingat sa Mapandayang Puso

ISANG umaga, habang nasa higaan ka pa, nagsikip ang dibdib mo. Nahihirapan kang huminga. Naisip mo, ‘Inaatake yata ako!’ Hindi mo puwedeng bale-walain ito. Baka magpadala ka agad sa ospital para matingnan ng doktor. Susuriin ka niya at malamang na ipa-ECG (electrocardiogram). Ang agarang pagpapa-check-up at pagpapagamot ay maaaring magligtas ng iyong buhay.

2 Kumusta naman ang ating makasagisag na puso? Hindi madaling tiyakin ang totoong kondisyon nito. Bakit? Mababasa sa Bibliya: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” (Jer. 17:9) Maaari tayong dayain ng ating puso at papaniwalaing wala tayong problema sa espirituwal, kahit may napapansin na sa atin ang iba. Bakit tayo nadadaya? Puwede kasi tayong madaig ng mga kahinaan natin, at binubulag tayo ni Satanas at ng sanlibutan sa tunay na kondisyon ng ating puso. Para masuri ang ating puso, makakatulong sa atin ang karanasan ni Jeremias at ng mga taga-Juda noon.

3 May diperensiya ang makasagisag na puso ng karamihan sa mga taga-Juda. Ipinagpalit nila si Jehova sa mga diyus-diyosan ng Canaan, at ni hindi man lang sila nabagabag. Hinamon sila ni Jehova: “Nasaan ang iyong mga diyos na ginawa mo para sa iyong sarili? Bumangon sila kung maililigtas ka nila sa panahon ng iyong kapahamakan. Sapagkat ayon sa bilang ng iyong mga lunsod ay naging gayon ang iyong mga diyos.” (Jer. 2:28) Kumusta naman tayo? Tiyak na walang sinuman sa atin ang magsasabing sumasamba tayo sa mga idolo. Pero ganito ang kahulugan ng salitang “diyos” sa isang diksyunaryo: “Isang persona o bagay na napakahalaga.” Inuuna ng maraming tao sa kanilang buhay ang propesyon, kalusugan, pamilya, at maging mga alagang hayop. Para sa iba naman, pangunahin ang mga celebrity, sports, teknolohiya, pagbabakasyon, o mga tradisyon. Ipinagpapalit ng marami ang Diyos para lang sa mga ito. Puwede rin kayang magkaganito ang mga tunay na Kristiyano, gaya ng mga taga-Juda noong panahon ni Jeremias?

MANDARAYA ANG MAPANDAYANG PUSO

4 Malamang na gusto mong malaman kung bakit sinabi ni Jeremias na mapanganib ang puso. Narinig niyang sinasabi ng mga tao: “Nasaan ang salita ni Jehova? Paratingin mo iyon, pakisuyo.” (Jer. 17:15) Pero totoo ba iyon sa puso nila? Ganito ang simula ng kabanatang ito ng Jeremias: “Ang kasalanan ng Juda ay nakasulat sa pamamagitan ng panulat na bakal. Sa pamamagitan ng tulis na diamante ay nakalilok iyon sa tapyas ng kanilang puso.” Ang problema sa mga Judiong iyon, ‘naglalagak sila ng tiwala sa makalupang tao at laman ang ginagawa nilang kanilang bisig, at may puso silang tumatalikod kay Jehova.’ Pero kabaligtaran niyan ang naging pagtugon ng ilan. Nagtiwala sila sa Diyos at umasa sa kaniyang patnubay at pagpapala.—Jer. 17:1, 5, 7.

5 Lumitaw ang tunay na kondisyon ng puso ng karamihan sa naging reaksiyon nila sa sinabi ng Diyos. (Basahin ang Jeremias 17:21, 22.) Halimbawa, ang Sabbath ay araw ng pamamahinga at pakikibahagi sa espirituwal na gawain. Hindi dapat magnegosyo o gumawa ng kahit ano ang mga Judio kapag araw ng Sabbath. Pero “hindi sila nakinig o nagkiling ng kanilang pandinig, at pinatigas nila ang kanilang leeg upang hindi makarinig at upang huwag tumanggap ng disiplina.” Kahit alam nila ang batas ng Diyos, sila pa rin ang nasunod—tuloy pa rin sila sa gusto nilang gawin kahit araw ng Sabbath.—Jer. 17:23; Isa. 58:13.

6 Hindi na tayo nangingilin ng Sabbath. Pero may matututuhan tayo sa naging pagtugon ng mga Judio noon. (Col. 2:16) Para magawa ang kalooban ng Diyos, isinasaisantabi natin ang ating mga pangarap o ambisyon. Alam natin na malabong mapaluguran ang Diyos kung ang inuuna natin ay sarili nating kagustuhan. At nakikita natin kung gaano kaligaya ang mga lingkod ng Diyos na inuuna sa kanilang buhay ang paggawa ng kalooban ni Jehova. Kaya paano tayo puwedeng madaya?

[Mga Larawan sa pahina 46]
Nadadaya ka ba ng iyong puso na umabsent sa mga pulong?

7 Baka sabihin ng isang Kristiyano na hindi siya madadaya ng kaniyang puso, gaya ng nangyari sa marami noong panahon ni Jeremias. Halimbawa, baka ikatuwiran ng isa, ‘Kailangan kong magtrabaho para mapakain ang pamilya ko,’ at tama naman iyon. Pero paano kung isipin din niya, ‘Kailangan ko ng karagdagang edukasyon para makakuha ng magandang trabaho’? Waring tama din iyon. Pero bandang huli baka sabihin na niya, ‘Iba na ngayon. Para makaraos ka at hindi mawalan ng trabaho, dapat tapós ka ng kolehiyo.’ Oo, napakadaling maliitin ang matalino at timbang na payo ng tapat at maingat na alipin hinggil sa karagdagang edukasyon at mag-umpisang umabsent sa mga pulong! Ang ilan ay unti-unting nahuhubog, o naiimpluwensiyahan, ng pangangatuwiran ng sanlibutan. (Efe. 2:2, 3) Tamang-tama ang babala ng Bibliya: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.”—Roma 12:2.*

8 Totoo, may ilang Kristiyano noong unang siglo na mayaman o marahil ay medyo prominente. Ganiyan din ang ilang Kristiyano ngayon. Ano ang dapat na maging saloobin nila sa kanilang estado sa buhay, at ano naman ang dapat na maging pananaw natin sa kanila? Ibinigay ni Jehova ang sagot sa pamamagitan ni Jeremias. (Basahin ang Jeremias 9:23, 24.) Sa halip na ipagmalaki ang kayamanan at estado sa buhay, dapat matanto ng isa na ang pinakamahalaga sa lahat ay ang makilala ang Soberano ng Sansinukob. (1 Cor. 1:31) Pero ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kaunawaan at kaalaman tungkol kay Jehova? Alam ng mga tao noong panahon ni Jeremias ang pangalan ng Diyos. Alam din nila ang pagliligtas Niya sa kanilang mga ninuno sa Dagat na Pula, sa pagpasok sa Lupang Pangako, noong panahon ng mga Hukom, at noong panahon ng tapat na mga hari. Gayunman, hindi nila talaga kilala si Jehova ni nanampalataya man sila sa kaniya. Pero sinabi nila: ‘Ako ay nananatiling walang-sala. Tiyak na ang galit ng Diyos ay napawi na mula sa akin.’—Jer. 2:35.

Bakit mahalagang aminin na mapandaya ang ating puso? Paano natin masusuri ang ating puso at sa gayo’y malaman kung ano ang tingin sa atin ng Dakilang Tagasuri ng puso?

KUNG PAANO TAYO HINUHUBOG NI JEHOVA

[Larawan sa pahina 48]
Nagpapahubog ka ba kay Jehova?

9 Ang mga Judio na dinalhan ni Jeremias ng mensahe ng Diyos ay kailangang magbago. Magagawa naman nila iyon dahil sinabi ng Diyos sa mga magbabalik na tapon: “Bibigyan ko sila ng isang puso upang makilala ako, na ako ay si Jehova; at sila ang magiging aking bayan, at ako ang magiging kanilang Diyos, sapagkat manunumbalik sila sa akin.” (Jer. 24:7) Posible rin ito ngayon. At mapapabuti pa ng marami sa atin ang kondisyon ng ating makasagisag na puso. Tatlong bagay ang kailangan: seryosong pag-aaral ng Salita ng Diyos, pagbubulay-bulay upang lubos na maunawaan ang mga ginagawa ng Diyos para sa atin, at pagkakapit ng mga natututuhan natin tungkol sa kaniya. Di-tulad ng mga kababayan ni Jeremias, dapat na naisin nating suriin tayo ng Dakilang Tagasuri ng puso. At masusuri natin ang ating puso sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa Bibliya at sa mga ginawa ni Jehova alang-alang sa atin. (Awit 17:3) Iyan ang magandang gawin natin!

10 Hinuhubog ni Satanas sa iisang hulmahan ang lahat ng tao. Pero hindi ganiyan si Jehova. Isinasaalang-alang niya ang bawat indibiduwal na hinuhubog niya. Makikita natin ito sa karanasan ni Jeremias. Isang araw, inutusan siya ng Diyos na pumunta sa isang magpapalayok. Kasalukuyang may hinuhubog na sisidlan ang magpapalayok. Pero nang masira ito, ginawa niyang ibang sisidlan ang malambot pang luwad. (Basahin ang Jeremias 18:1-4.) Bakit inutusan si Jeremias na panoorin ito, at ano ang matututuhan natin dito?

11 Gustong ipakita ni Jehova kay Jeremias at sa Israel na Siya ang may awtoridad na hubugin ang mga tao at ang mga bansa ayon sa nais Niya. Paano hinuhubog ng Diyos ang luwad? Di-gaya ng magpapalayok na tao, hindi nagkakamali si Jehova; hindi niya itinatapon na lang ang mga ginagawa niya. Hinuhubog ni Jehova ang mga tao at nakadepende sa pagtugon nila kung saan sila gagamitin ni Jehova.—Basahin ang Jeremias 18:6-10.

12 Paano hinuhubog ni Jehova ang mga indibiduwal? Pangunahin niyang ginagamit ngayon ang Bibliya. Habang binabasa ng isa ang Salita ng Diyos at sinusunod ito, naipapakita niya kung anong uri siya ng tao, at huhubugin siya ng Diyos. Tingnan natin ang ginawa ni Haring Jehoiakim para malaman natin kung paano maaaring nahubog ang mga tao noong panahon ni Jeremias. Iniutos ng Diyos: “Huwag mong dadayain ang isang upahang trabahador.” Pero iyon mismo ang ginawa ng hari. Nang magpatayo siya ng “isang maluwang na bahay,” pinagtrabaho niya ang kaniyang mga kapuwa Israelita, pero hindi niya sila binayaran. (Deut. 24:14; Jer. 22:13, 14, 17) Sinikap ng Diyos na hubugin si Jehoiakim sa pamamagitan ng Kaniyang salita na inihatid ng mga propeta. Pero sinunod ng hari ang dikta ng kaniyang mapandayang puso. Sinabi niya, “Hindi ako susunod,” at hindi talaga siya nagbago. Kaya sinabi ng Diyos: “Ililibing [si Jehoiakim] gaya ng paglilibing sa asnong lalaki, na kinakaladkad at itinatapon.” (Jer. 22:19, 21) Maling-mali nga na sabihin natin: ‘Ganito na talaga ako eh’! Hindi na nagsusugo ngayon ang Diyos ng mga propetang gaya ni Jeremias, pero naglalaan Siya ng patnubay. Tinutulungan tayo ng tapat at maingat na alipin na maunawaan at maikapit ang mga simulain ng Bibliya. Puwedeng may kinalaman ito sa ating pang-araw-araw na buhay, gaya ng pananamit at pag-aayos o ng musika at sayaw sa mga kasalan o iba pang okasyon. Magpapahubog ba tayo sa Salita ng Diyos?

13 May isa pang halimbawa. Iniluklok ng mga Babilonyo si Zedekias sa trono ng Juda bilang basalyong hari. Nang maglaon, nagrebelde si Zedekias sa Babilonya, kahit na labag ito sa sinabi ng Diyos. (Jer. 27:8, 12) Kaya nilusob ng Babilonya ang Jerusalem. Inisip ngayon ng hari at ng mga prinsipe na suyuin ang Diyos. Alam ni Zedekias na ayon sa Kautusan, ang mga aliping Hebreo ay dapat palayain sa ikapitong taon. Kaya gumawa siya ng tipan para palayain ang mga ito. (Ex. 21:2; Jer. 34:14) Oo, ngayong napapalibutan na sila ng mga kalaban, saka nila napag-isip-isip na tama ngang palayain ang mga alipin!—Basahin ang Jeremias 34:8-10.

14 Di-nagtagal, sumaklolo ang mga Ehipsiyo, at umurong ang mga Babilonyo. (Jer. 37:5) Ano kaya ang gagawin ng mga nagpalaya ng kanilang alipin? Sapilitan nilang pinabalik ang mga ito. (Jer. 34:11) Pansinin na kapag nasa panganib ang mga Judio, waring masunurin sila sa Diyos, na para bang mapagtatakpan nito ang kanilang kasalanan. Pero noong mawala na ang panganib, balik na naman sila sa dating gawî. Sa kabila ng kanilang pagkukunwari, lumitaw rin ang tunay na kulay nila—talagang ayaw nilang sumunod at magpahubog sa Salita ng Diyos.

Anong aral ang mapupulot mo mula sa isinulat ni Jeremias tungkol sa magpapalayok? Paano tayo hinuhubog ni Jehova sa ngayon?

MAGPAHUBOG KAY JEHOVA

15 Sa tulong ng organisasyon ni Jehova, natututuhan natin ang mga simulain ng Bibliya tungkol sa mga espesipikong bagay. Halimbawa, maaaring alam natin kung ano ang tamang gawin kapag may nakasakit sa atin. (Efe. 4:32) Maaaring tanggap naman natin na tama ang payo ng Bibliya. Pero anong uri kaya tayo ng luwad? Talaga kayang magpapahubog tayo kay Jehova? Kung madaling hubugin ang ating puso, magbabago tayo; huhubugin tayo ng Dakilang Magpapalayok at gagawing isang sisidlan na aangkop sa kaniyang layunin. (Basahin ang Roma 9:20, 21; 2 Timoteo 2:20, 21.) Sa halip na gayahin si Jehoiakim o ang mga Judiong may alipin noong panahon ni Zedekias, dapat tayong magpahubog kay Jehova ukol sa marangal na layunin.

16 Hinubog din ni Jehova si Jeremias. Ano ang naging saloobin ng propeta? Inamin nito: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” Pagkatapos, nagsumamo si Jeremias: “Ituwid mo ako, O Jehova.” (Jer. 10:23, 24) Mga kabataan, tutularan ba ninyo si Jeremias? Marami kayong gagawing desisyon sa buhay. Gusto ng ilang kabataan na masunod ang ‘sarili nilang hakbang.’ Susundin mo ba ang patnubay ng Diyos kapag nagdedesisyon? Gaya ni Jeremias, mapagpakumbaba mo bang aaminin na hindi kayang ituwid ng tao ang kaniyang hakbang? Tandaan: Kung susundin mo ang mga utos ng Diyos, huhubugin ka niya.

17 Para magampanan ni Jeremias ang kaniyang atas, kailangan niyang sumunod sa utos ng Diyos. Kung ikaw si Jeremias, susundin mo ba ang anumang iutos ng Diyos? Minsan, inutusan ni Jehova si Jeremias na kumuha ng isang sinturong lino at isuot ito. Pagkatapos, pinapunta siya ng Diyos sa Eufrates. Makikita sa mapa na mga 500-kilometrong paglalakbay ito. Pagdating doon, itatago ni Jeremias ang sinturon sa biták ng isang bato at saka maglalakbay pabalik ng Jerusalem. Tapos, pinabalik siya uli ng Diyos para kunin ang sinturon. (Basahin ang Jeremias 13:1-9.) Sa kabuuan, naglakbay si Jeremias nang kulang-kulang 2,000 kilometro. Hindi matanggap ng mga kritiko na maglalakad si Jeremias nang ganoon kalayo, nang ilang buwan.* (Ezra 7:9) Pero iyon ang utos ng Diyos at iyon ang ginawa ni Jeremias.

18 Isip-isipin ang propeta na binabagtas ang kabundukan ng Judea at, depende sa kaniyang ruta, patungo sa disyerto hanggang sa Eufrates, para lang itago ang sinturong lino! Siguradong takang-taka ang mga kababayan niya kung bakit ang tagal niyang nawala. Pagbalik, hindi na niya suot ang sinturong lino. Pagkaraan, pinaglakbay uli siya ng Diyos para kunin ang sinturon, na ngayon ay sira na at ‘hindi na mapakikinabangan.’ Kung tutuusin madali sanang sabihin na: ‘Tama na, ayoko na! Ano ba’ng silbi nito?’ Pero dahil nagpapahubog siya sa Diyos, imbes na magreklamo, sumunod siya!

[Larawan sa pahina 53]
Bakit dapat nating sundin ang iniuutos ni Jehova kahit na hindi natin ito gaanong naiintindihan?

19 Pagbalik niya mula sa ikalawang paglalakbay, saka lamang ipinaliwanag ng Diyos ang kahulugan nito. Isang mabigat na mensahe ang handa na ngayong ihatid ni Jeremias: “Ang masamang bayang ito na tumatangging sumunod sa aking mga salita, na lumalakad ayon sa pagkasutil ng kanilang puso at patuloy na sumusunod sa ibang mga diyos upang maglingkod sa kanila at yumukod sa kanila, ay magiging gaya rin ng sinturong ito na hindi mapakikinabangan sa anumang bagay.” (Jer. 13:10) Talagang nakakaantig ang paraan ng pagtuturo ni Jehova sa kaniyang bayan! Napakahalaga ng buong-pusong pagsunod ni Jeremias sa tila walang katuturang bagay na iyon para maantig ni Jehova ang puso ng Kaniyang bayan.—Jer. 13:11.

20 Hindi naman pinaglalakad ng Diyos nang daan-daang kilometro ang mga Kristiyano ngayon para turuan sila. Pero hindi ka kaya pagtakhan o pintasan ng mga kaibigan o kapitbahay mo dahil sa mga pasiyang ginagawa mo bilang isang Kristiyano? Maaaring kasama diyan ang iyong pananamit at pag-aayos, edukasyon, propesyon, at maging ang pananaw mo sa alak. Magiging determinado ka bang sundin ang tagubilin ng Diyos gaya ni Jeremias? Dahil hinahayaan mong hubugin ng Diyos ang iyong puso, ang mga pasiyang ginagawa mo ay maaaring maging isang mainam na patotoo. At isang bagay ang tiyak: Ang pagsunod mo sa mga utos ni Jehova na nasa Bibliya at sa kaniyang mga tagubilin sa pamamagitan ng uring tapat na alipin ay para sa iyong ikabubuti. Sa halip na padaya sa mapandaya mong puso, matutularan mo si Jeremias. Kaya maging determinado na magpahubog sa Diyos; hayaan mong hubugin ka niya at maging isang sisidlan para sa marangal na layunin magpakailanman.

Bakit mahalagang labanan ang mga panggigipit ni Satanas, ng ating di-sakdal na puso, at ng sanlibutan?

[Mga Talababa]

Mababasa sa NET Bible (2005): “Huwag maging kaayon ng sanlibutang ito.” Ayon sa talababa nito: “Ang pagiging ‘kaayon’ ng sanlibutang ito ay sinasabing nangyayari nang hindi namamalayan. Sa kabilang banda, . . . puwede ring namamalayan ito. Pero mas malamang na kombinasyon ito ng dalawang nabanggit.”

Iniisip ng ilan na malapit lang ang pinuntahan ni Jeremias at hindi sa Eufrates. Bakit? Sinabi ng isang iskolar: “Hindi nila matanggap na maglalakbay ang propeta nang dalawang beses, balikan mula Jerusalem hanggang Eufrates, dahil mapapagod siya at hindi sila makapaniwalang ipapagawa iyon sa kaniya.”

[Mga Tanong sa Aralin]

1, 2. Bakit mahirap malaman ang tunay na kondisyon ng ating makasagisag na puso?

 3. Anu-ano ang dinidiyos ng mga tao?

 4. Gaano katotoo sa mga Judio ang pagsasabi nilang “Nasaan ang salita ni Jehova? Paratingin mo iyon”?

 5. Paano tumugon ang mga kababayan ni Jeremias sa utos ng Diyos?

6, 7. (a) Sa kabila ng payo ng tapat at maingat na alipin, ano ang maaaring ikatuwiran ng isang Kristiyano? (b) Ano ang puwedeng maging epekto nito sa pagdalo natin sa pulong?

 8. (a) Ano ang maaaring ipinagmamalaki ng ilang Kristiyano? (b) Bakit hindi sapat na alam lang natin ang katotohanan tungkol sa Diyos at ang mga ginawa niya sa kaniyang bayan?

 9. Bakit tayo makakatiyak na posible tayong magbago? Paano natin ito magagawa?

10, 11. (a) Bakit pumunta si Jeremias sa isang magpapalayok? (b) Ano ang batayan ni Jehova sa paghubog sa mga tao?

12. (a) Paano tumugon si Jehoiakim sa pagsisikap ng Diyos na hubugin siya? (b) Anong aral ang mapupulot natin tungkol kay Jehoiakim?

13, 14. (a) Bakit pumayag ang mga nasa Jerusalem na palayain ang kanilang mga aliping Hebreo? (b) Paano lumitaw ang tunay na kondisyon ng kanilang puso?

15. Hanggang sa anong punto handa kang magpahubog kay Jehova? Magbigay ng halimbawa.

16. Anong mahalagang bagay ang inamin ni Jeremias?

17-19. (a) Bakit naglakbay si Jeremias nang napakalayo patungong Eufrates? (b) Paano nasubok ang pagiging masunurin ni Jeremias? (c) Ano ang naisakatuparan ng pagsunod ni Jeremias sa utos may kinalaman sa sinturon?

20. Bakit maaaring pagtakhan ng iba ang iyong pagsunod, pero ano ang matitiyak mo?

[Mga Larawan sa pahina 46]

Nadadaya ka ba ng iyong puso na umabsent sa mga pulong?

[Larawan sa pahina 48]

Nagpapahubog ka ba kay Jehova?

[Larawan sa pahina 53]

Bakit dapat nating sundin ang iniuutos ni Jehova kahit na hindi natin ito gaanong naiintindihan?