PAG-EEMBALSAMO

Ang proseso ng paglalagay ng mga substansiyang gaya ng mababangong langis sa isang bangkay (ng tao o hayop) upang mapreserba ito at huwag mabulok. Kung hindi man sa mga Ehipsiyo nagmula ang sining na ito, sa paanuman ay isinasagawa na nila ito noon pang sinaunang mga panahon. Momya ang tawag sa bangkay ng isang tao o isang hayop na pinreserba sa pamamagitan ng pag-eembalsamo ng sinaunang mga Ehipsiyo o ng iba pang uri ng pag-eembalsamo. Noong sinaunang panahon, hindi lamang mga Ehipsiyo ang nag-eembalsamo ng mga tao kundi maging ang mga Asiryano, mga Persiano, at mga Scita.

Pag-eembalsamo kay Jacob at kay Jose. Sa Bibliya, dalawang kaso lamang ang espesipikong tinawag na pag-eembalsamo at ang mga ito ay kapuwa naganap sa Ehipto. Doon namatay si Jacob, at pagkatapos ilahad ang kapahayagan ng pamimighati ni Jose sa pagpanaw ng kaniyang ama, sinasabi ng Bibliya: “Pagkatapos ay nag-utos si Jose sa kaniyang mga lingkod, na mga manggagamot, na embalsamuhin ang kaniyang ama. Kaya inembalsamo ng mga manggagamot si Israel, at gumugol sila ng buong apatnapung araw para sa kaniya, sapagkat ganito karaming araw ang kaugalian nilang gugulin sa pag-eembalsamo, at ang mga Ehipsiyo ay patuloy pang nanangis para sa kaniya nang pitumpung araw.” (Gen 50:2, 3) Si Jose naman ay namatay sa edad na 110 taon, “at ipinaembalsamo nila siya, at inilagay siya sa isang kabaong sa Ehipto.” (Gen 50:26) Sa kaso ni Jacob, lumilitaw na ang pangunahing layunin ng pag-eembalsamo ay upang mapreserba siya hanggang sa siya’y mailibing sa Lupang Pangako. Sa kaso naman ni Jose, maaaring ang pagiging prominente niya ang dahilan niyaon.—Gen 49:29-32; 50:13, 24, 25; Exo 13:18, 19; Jos 24:32.

Ayon kay Herodotus, kasama sa pamamaraan ng pag-eembalsamo ng mga Ehipsiyo ang paglalagay sa bangkay sa substansiyang natron sa loob ng pitumpung araw. Gayunman, nang embalsamuhin si Jacob ng mga manggagamot na Ehipsiyo noong sinaunang panahon, sinasabi ng Bibliya na “gumugol sila ng buong apatnapung araw para sa kaniya, sapagkat ganito karaming araw ang kaugalian nilang gugulin sa pag-eembalsamo, at ang mga Ehipsiyo ay patuloy pang nanangis para sa kaniya nang pitumpung araw.” (Gen 50:3) Gumawa ng iba’t ibang pagsisikap ang mga iskolar upang pagtugmain ang Genesis 50:3 at ang mga salita ni Herodotus. Una sa lahat, maaaring hindi kasama sa 40 araw ang panahon ng paglulubog sa bangkay sa natron. Subalit posible ring nagkamali lamang si Herodotus nang sabihin niya na ang bangkay ay inilalagay sa natron sa loob ng 70 araw. Nang maglaon, sinabi ng Griegong istoryador na si Diodorus Siculus (ng unang siglo B.C.E.) na ang Ehipsiyong proseso ng pag-eembalsamo ay tumatagal nang mahigit sa 30 araw. (Diodorus of Sicily, I, 91, 5, 6) Sabihin pa, maaaring may mga hakbang sa pag-eembalsamo ang mga Ehipsiyo na hindi tinalakay ng mga istoryador na ito, at posible na sa iba’t ibang yugto sa kasaysayan ay iba-iba ang haba ng mga proseso ng pag-eembalsamo.

Paglilibing ng mga Hebreo at ng mga Kristiyano. Ipinakikita ng kalunus-lunos na hitsura ng mga labí ng mga tao na natagpuan sa mga libingan sa Palestina na hindi karaniwang kaugalian ng mga Hebreo na embalsamuhin ang mga patay (upang mapreserba man lamang ang mga iyon nang matagal-tagal gaya ng ginagawa ng mga Ehipsiyo) at na ang unang mga tagasunod ni Kristo ay hindi nag-embalsamo ng kanilang mga patay upang ipreserba ang mga iyon nang pangmatagalan. Natanto ng tapat na mga Hebreo at ng mga tunay na Kristiyano na ang kaluluwa, ng tao man o ng hayop, ay namamatay at na ang katawan ay bumabalik sa alabok. (Ec 3:18-20; Eze 18:4) Napakalimitado ng pagtukoy ng Kasulatan sa pag-eembalsamo at tila karagdagang patotoo ito na hindi iyon karaniwang ginagawa sa gitna ng mga Hebreo at ng unang mga Kristiyano.

Ganito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa paglilibing kay Haring Asa: “Inihiga nila siya sa higaan na pinunô ng langis ng balsamo at ng iba’t ibang uri ng ungguento na pinaghalu-halo sa isang ungguento na natatangi ang pagkakagawa. Karagdagan pa, gumawa sila ng isang pagkalaki-laking panlibing na pagsunog para sa kaniya.” Hindi ito pagsunog sa bangkay ng hari, kundi pagsusunog ng mga espesya. (2Cr 16:13, 14) At, kung ang paggamit na ito ng ungguento ay maituturing ngang isang anyo ng pag-eembalsamo, hindi ito ang uri na ginagawa ng mga Ehipsiyo.

Nang mamatay si Jesu-Kristo, nagdala si Nicodemo ng “isang rolyo ng mira at mga aloe, na mga isang daang libra nito,” at binabanggit ng ulat: “Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga benda na may mga espesya, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paghahanda para sa libing.” (Ju 19:39, 40) Gayunman, hindi ito espesipikong tinukoy bilang pag-eembalsamo, at naiiba ito sa mga proseso ng pag-eembalsamo na ginagawa ng mga Ehipsiyo. Ganito ang kaugaliang paraan noon ng paghahanda sa isang bangkay para sa libing, na tiyak na kapareho ng ginawa kay Lazaro bago siya inilibing. Ipinakikita sa kaso ni Lazaro na sa kaugaliang Judio, walang masalimuot na proseso ng pag-eembalsamo upang ipreserba ang bangkay sa loob ng mahabang panahon, sapagkat nang sabihin ni Jesus na, “Alisin ninyo ang bato,” sinabi ni Marta: “Panginoon, sa ngayon ay nangangamoy na siya, sapagkat apat na araw na.” Hindi iisipin ni Marta na gayon ang kalagayan ni Lazaro kung inembalsamo ito. Totoo na ang mga paa at mga kamay ni Lazaro ay natatalian ng mga pambalot at “ang kaniyang mukha ay nababalutan ng tela,” ngunit maliwanag na iyon ay hindi sa layuning ipreserba ang kaniyang bangkay upang huwag itong mabulok.—Ju 11:39, 44; tingnan ang PAGLILIBING, MGA DAKONG LIBINGAN.