KASABIHAN

[sa Ingles, proverbial saying at proverbial utterance].

Ang terminong Hebreo na isinasaling “kasabihan” (ma·shal′) ay karaniwang ipinapalagay na hinalaw sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “maging katulad” o “maihahambing” (Aw 49:12), at totoo naman, maraming kasabihan ang gumagamit ng mga pagkakatulad o mga paghahambing. Iniuugnay ng ilang iskolar ang pananalitang “kasabihan” sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “mamahala”; kaya naman maaari itong unawain kung minsan bilang kasabihan ng isang tagapamahala, isang pananalitang may puwersa, o isang pananalitang nagpapahiwatig ng kahigitan sa pagkilos o takbo ng isip. Kaayon ng pangmalas na ito ang bagay na si Haring Solomon, na kilala sa kaniyang karunungan, ay nakapagsasalita ng 3,000 kawikaan at iniulat niya ang marami sa mga kasabihang ito.—1Ha 4:32.

Sa gitna ng mga Israelita, may popular o malimit gamiting mga pananalita na punô ng kahulugan dahil sa mga kalagayang nakapalibot sa kanila. Karaniwan na, ang mga kasabihang ito ay maiikli. (1Sa 10:12) Gayunman, hindi lahat sa mga ito ay nagpapahayag ng wastong pangmalas, at may ilan na espesipikong tinutulan ni Jehova.—Eze 12:22, 23; 18:2, 3.

May ilang kasabihan naman na naging pangkaraniwang mga pananalita ng pagtuya o paghamak sa ilang tao. (Hab 2:6) Sa gayong mga kaso, maging ang tudlaan ng panlilibak, ito man ay persona o isang bagay na walang buhay, ay tinutukoy na “isang kasabihan.” Kaya naman binabalaan ang mga Israelita na kung hindi sila makikinig kay Jehova at hindi sila susunod sa kaniyang mga utos, kapuwa sila at ang kanilang templo ay magiging isang kasabihan sa gitna ng mga bansa. (Deu 28:15, 37; 1Ha 9:7; 2Cr 7:20) Ang saloobing ipinamamalas sa isang bansa na naging isang kasabihan ay malinaw na ipinahihiwatig sa Bibliya sa kalakip na mga pananalita, na nagpapakitang ang Israel ay magiging kadustaan, tudlaan ng kaalipustaan, ng kakutyaan, at ng pagkaaba. (Aw 44:13-15; Jer 24:9) Sa gayon, ang mga indibiduwal na naging mga kasabihan ay naging paksa ng mga awit ng mga manginginom ng nakalalangong inumin at naging mga taong dinuduraan sa mukha. (Aw 69:11, 12; Job 17:6) Maliwanag, ang isang tao na naging isang kasabihan ay ibinababa sa napakahamak na kalagayan.

Hindi lahat ng kasabihan ay ipinahahayag sa pamamagitan ng isa o dalawang maikli at makahulugang pangungusap. Sa Isaias kabanata 14 ay nakaulat ang isang mas mahabang kasabihan na buong-linaw at may angkop na mga paghahambing na naglalarawan sa kapaha-pahamak na mga epekto ng pagmamapuri ng hari ng Babilonya. Sa pamamagitan ng masasakit na panlilibak, tinutuya nito ang isa na nag-aakalang siya ang isa na “nagniningning, anak ng bukang-liwayway.”

Kapag ang pagkakatulad o paghahambing na nasa isang kasabihan ay waring malabo o palaisipan sa simula, maaari rin itong tawaging isang bugtong. (Aw 78:2) Totoo iyan sa kasabihan na kinasihang sabihin ni Ezekiel sa Israel; doon ay inihalintulad niya ang landasin ng bansa may kaugnayan sa Babilonya at Ehipto sa isang punong ubas na itinanim ng isang agila at nang maglaon ay may-kasabikang nag-unat naman ng mga ugat nito patungo sa isa pang agila.—Eze 17:2-18.

Ang ilang kasabihan, gaya niyaong kay Job, ay inihaharap sa istilong patula. (Job 27:1; 29:1) Ang mga ideyang kinasihang ipahayag ni Job ay hindi isinulat sa maikling istilo na karaniwan sa karamihan ng mga kawikaan kundi ginawang mga tula na lubhang nakapagtuturo at punô ng makasagisag na pananalita.

Pinangyari rin ng Diyos na sumambit si Balaam ng sunud-sunod na mga kasabihan, at ang mga ito rin ay isinulat sa anyong tula. (Bil 23:7, 18; 24:3, 15, 20, 21, 23) Sa halip na makapagpahayag si Balaam ng anumang panlilibak para sa Israel sa mga kasabihang ito, kaniyang ‘pinagpala sila nang lubusan,’ bagaman humula siya ng kaabahan para sa ibang mga bayan. (Bil 23:11) Dito, ang mga kasabihan ay itinuring na gayon hindi dahil sa popular na pag-ulit sa mga sinabi ni Balaam ni dahil sa ang mga pananalita niya ay maiikling kapahayagan ng karunungan. Sa halip, tinawag na mga kasabihan ang mga ito dahil sa pagiging mapuwersa at makahulugan ng mga sinabi ni Balaam, kasali na ang paggamit niya ng sari-saring pagkakatulad o paghahambing sa ilan sa kaniyang mga pananalita.