Ang mga Lumalaban sa Diyos ay Hindi Mananaig!

“Sila ay tiyak na lalaban sa iyo, ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo.”—JEREMIAS 1:19.

INATASAN ni Jehova ang kabataang si Jeremias na maging propeta sa mga bansa. (Jeremias 1:5) Naganap ito noong panahon ng paghahari ng mabait na si Haring Josias ng Juda. Ang makahulang ministeryo ni Jeremias ay nagpatuloy sa maligalig na panahon bago sakupin ng Babilonya ang Jerusalem at noong ipatapon ang bayan ng Diyos.—Jeremias 1:1-3.

2 Ang mga mensahe ng kahatulan na ipahahayag ni Jeremias ay tiyak na pupukaw ng pagsalansang. Kaya naman, pinatibay siya ng Diyos sa maaaring mangyari. (Jeremias 1:8-10) Halimbawa, napalakas ang espiritu ng propeta dahil sa mga salitang: “Sila ay tiyak na lalaban sa iyo, ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’ ” (Jeremias 1:19) Ang paglaban kay Jeremias ay mangangahulugan ng paglaban sa Diyos. Sa ngayon, si Jehova ay may tulad-propetang grupo ng mga lingkod na ang gawain ay katulad ng kay Jeremias. Gaya niya, sila’y buong-tapang na naghahayag ng makahulang salita ng Diyos. At ang mensaheng ito ay nakaaapekto sa lahat ng indibiduwal at mga bansa sa ikabubuti man o sa ikasasama, depende sa kanilang reaksiyon dito. Gaya noong panahon ni Jeremias, may mga lumalaban sa Diyos sa pamamagitan ng pagsalansang sa kaniyang mga lingkod at sa kanilang bigay-Diyos na mga gawain.

Sinasalakay ang mga Lingkod ni Jehova

3 Ang bayan ni Jehova ay sinasalakay na mula pa noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Sa maraming lupain, sinisikap ng mga taong may balakyot na hangarin na hadlangan—oo, patahimikin—ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sila’y sinusulsulan ng ating pangunahing Kaaway, ang Diyablo, na “gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Pedro 5:8) Nang matapos “ang itinakdang panahon ng mga bansa” noong 1914, iniluklok ng Diyos ang kaniyang Anak bilang ang bagong Hari ng lupa, taglay ang utos na: “Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.” (Lucas 21:24; Awit 110:2) Sa paggamit sa kaniyang kapangyarihan, pinalayas ni Kristo si Satanas sa langit at pinapanatili siya sa kapaligiran ng lupa. Palibhasa’y alam niyang maikli na lamang ang kaniyang panahon, ibinubuhos ng Diyablo ang kaniyang galit sa mga pinahirang Kristiyano at sa kanilang mga kasama. (Apocalipsis 12:9, 17) Ano ang mga naging resulta ng paulit-ulit na pagsalakay ng mga lumalabang ito sa Diyos?

4 Ang mga pinahirang lingkod ni Jehova ay napaharap sa maraming pagsubok sa pananampalataya noong Digmaang Pandaigdig I. Sila’y kinutya at siniraang-puri, hinabol ng mga mang-uumog, at pinagbubugbog. Gaya ng inihula ni Jesus, sila’y naging “tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:9) Sa gitna ng labis na pagkakagulong dulot ng digmaan, ang mga kaaway ng Kaharian ng Diyos ay gumamit ng isang taktikang ginamit na laban kay Jesu-Kristo. Pinagbintangan nila ang bayan ni Jehova na lumalaban sa pamahalaan, at inatake nila ang pinakasentro ng nakikitang organisasyon ng Diyos. Noong Mayo 1918, nagpalabas ng mga mandamyento pederal para arestuhin ang presidente ng Samahang Watch Tower, si J. F. Rutherford, at ang pito sa kaniyang matatalik na kasama. Ang walong lalaking ito ay pinatawan ng mahahabang sentensiya ng pagkabilanggo at ipinadala sa piitang pederal sa Atlanta, Georgia, E.U.A. Pagkalipas ng siyam na buwan ay pinalaya sila. Noong Mayo 1919, nakita ng pansirkitong hukumang dulugan na ang mga nasasakdal ay hindi nabigyan ng makatarungang paglilitis, at sa gayon ay binaligtad ang hatol. Muling binuksan ang kaso para sa isang panibagong paglilitis, subalit nang maglaon ay iniurong na ng pamahalaan ang demanda, anupat lubusang pinawalang-sala si Brother Rutherford at ang kaniyang mga kasama. Bumalik sila sa kanilang gawain, at muling sumigla ang gawaing pangangaral ng Kaharian dahil sa mga kombensiyong idinaos sa Cedar Point, Ohio, noong 1919 at noong 1922.

5 Lumitaw ang mga diktadura noong dekada ng 1930, at nagkaisa ang Alemanya, Italya, at Hapon upang bumuo ng mga kapangyarihang Axis. Sa unang bahagi ng dekadang iyon, bumangon ang makahayop na pag-uusig laban sa bayan ng Diyos, lalo na sa Nazing Alemanya. Pinairal ang mga pagbabawal. Hinalughog ang mga tahanan, at inaresto ang mga nakatira roon. Libu-libo ang itinapon sa mga kampong piitan dahil sa pagtanggi nilang itakwil ang kanilang pananampalataya. Ang pakay ng pakikipagbaka sa Diyos at sa kaniyang bayan ay upang lipulin ang mga Saksi ni Jehova sa totalitaryong sakop na iyon.* Nang dumulog ang mga Saksi sa mga hukuman sa Alemanya upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan, ang Ministri ng Katarungan ng Reich ay naghanda ng isang napakahabang paliwanag upang tiyakin na sila’y hindi magtatagumpay. Sinabi nito: “Hindi dapat mabigo ang hukuman dahil lamang sa wari’y legal na mga pormalidad; kundi dapat na maghanap at makagawa ng mga paraan sa kabila ng legal na mga hadlang, upang matupad ang kanilang pinakamahalagang tungkulin.” Nangangahulugan ito na hindi makakamtan ang katarungan. Iginiit ng mga Nazi na ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova ay nakapipinsala, o nakasasama, at ‘nakagagambala sa kayarian ng Pambansang Sosyalistiko.’

6 Noong Digmaang Pandaigdig II, pinairal ang mga pagbabawal at paghihigpit sa bayan ng Diyos sa Australia, Canada, at sa iba pang lupain na kaugnay ng British Commonwealth—sa Aprika, Asia, at mga isla sa Caribbean at sa Pasipiko. Sa Estados Unidos, ang maiimpluwensiyang kaaway at mga taong nakatanggap ng maling impormasyon ang naging dahilan ng ‘kaguluhang ipinanukala sa pamamagitan ng batas.’ (Awit 94:20) Subalit ang mga isyu hinggil sa pagsaludo sa bandila at mga ordinansang pangkomunidad na nagbabawal sa pangangaral sa bahay-bahay ay ipinakipaglaban sa mga hukuman, at ang mga paborableng desisyon sa Estados Unidos ay nagsilbing tanggulan para sa kalayaan ng pagsamba. Dahil kay Jehova, ang mga pagtatangka ng kaaway ay hindi nanaig. Nang matapos ang digmaan sa Europa, inalis na ang mga pagbabawal. Pinalaya ang libu-libong Saksing binihag sa mga kampong piitan, subalit hindi pa tapos ang laban. Karaka-raka pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, nagsimula naman ang tinatawag na Cold War. Lalong ginipit ng mga bansa sa Silangang Europa ang bayan ni Jehova. Gumawa ng opisyal na mga hakbang upang pakialaman at pahintuin ang ating gawaing pagpapatotoo, patigilin ang daloy ng mga literatura sa Bibliya, alisin ang mga asambleang pampubliko. Marami ang ibinilanggo o ipinadala sa mga kampong piitan.

Tuloy sa Gawaing Pangangaral!

7 Sa paglipas ng mga dekada, naging malaya na ang gawaing pangangaral ng Kaharian. Ang Poland, bagaman nasa ilalim pa rin ng pamamahalang Komunista, ay nagpahintulot sa pagdaraos ng isang-araw na mga kombensiyon noong 1982. Ginanap doon ang internasyonal na mga kombensiyon noong 1985. Malalaking internasyonal na kombensiyon ang sumunod noong 1989, na libu-libo mula sa Russia at Ukraine ang dumalo. Nang taon ding iyon, ipinagkaloob ng Hungary at Poland ang legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova. Noong taglagas ng 1989, giniba ang Pader ng Berlin. Ilang buwan pagkaraan nito, pinagkalooban tayo ng legal na pagkilala sa Silangang Alemanya, at di-kalaunan pagkatapos nito, isang internasyonal na kombensiyon ang ginanap sa Berlin. At sa pasimula ng huling dekada ng ika-20 siglo, gumawa ng mga pagsisikap upang personal na makipag-ugnayan sa mga kapatid sa Russia. Ilan sa mga opisyal sa Moscow ang nilapitan, at noong 1991, legal na inirehistro ang mga Saksi ni Jehova. Mula noon ay gayon na lamang ang paglago ng gawain sa Russia at sa mga republikang bahagi noon ng dating Unyong Sobyet.

8 Bagaman humupa ang pag-uusig sa ilang lugar, tumindi naman ito sa ibang dako. Sa loob ng 45 taon mula nang matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, maraming lupain ang tumangging magbigay ng legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova. Bukod dito, pinairal ang mga pagbabawal sa atin o sa ating mga gawain sa 23 lupain sa Aprika, 9 sa Asia, 8 sa Europa, 3 sa Latin Amerika, at 4 sa ilang islang bansa.

9 Ang mga Saksi ni Jehova sa Malawi ay dumanas ng malupit na pag-uusig pasimula noong 1967. Dahil sa kanilang neutral na paninindigan bilang tunay na mga Kristiyano, ang ating mga kapananampalataya roon ay ayaw bumili ng makapulitikang kard ng mga partido. (Juan 17:16) Pagkaraan ng isang pulong ng Malawi Congress Party noong 1972, muling bumangon ang kalupitan. Ang mga kapatid ay pinalayas sa kanilang mga tahanan at pinagkaitan ng hanapbuhay. Libu-libo ang tumakas sa bansa upang hindi sila mapatay. Subalit nanaig ba ang mga lumalaban sa Diyos at sa kaniyang bayan? Hinding-hindi! Nang mabaligtad ang mga pangyayari, isang pinakamataas na bilang na 43,767 mamamahayag ng Kaharian ang nag-ulat sa Malawi noong 1999, at mahigit sa 120,000 ang dumalo sa mga pandistritong kombensiyon doon. Isang bagong tanggapang pansangay ang itinayo sa kabiserang lunsod.

Humahanap Sila ng Maisusumbong

10 Hindi maatim ng mga apostata, mga klerigo, at iba pa na pakinggan ang ating mensahe mula sa Salita ng Diyos. Dahil sa panggigipit ng mga relihiyosong elemento ng Sangkakristiyanuhan, ang mga mananalansang ay naghahanap ng diumano’y legal na paraan upang bigyang-matuwid ang kanilang paglaban sa atin. Anong mga taktika ang ginagamit paminsan-minsan? Buweno, ano ba ang ginawa ng mga magkakasabuwat sa pagtuligsa sa propetang si Daniel? Sa Daniel 6:4, 5, mababasa natin: “Ang matataas na opisyal at ang mga satrapa ay lagi nang nagsisikap na makasumpong ng anumang maisusumbong laban kay Daniel may kaugnayan sa kaharian; ngunit wala silang masumpungang anumang maisusumbong o tiwaling bagay, yamang siya ay mapagkakatiwalaan at walang anumang pagpapabaya o tiwaling bagay ang nasumpungan sa kaniya. Dahil dito ang matitipunong lalaking ito ay nagsabi: ‘Wala tayong anumang maisusumbong na masusumpungan sa Daniel na ito, malibang masumpungan natin iyon laban sa kaniya sa kautusan ng kaniyang Diyos.’ ” Sa ngayon, ang mga mananalansang ay naghahanap din ng maisusumbong. Ipinagsisigawan nila ang tungkol sa “mapanganib na mga kulto” at sinisikap na ikapit ang katawagang ito sa mga Saksi ni Jehova. Sa pamamagitan ng mga paninira, pagpaparunggit, at pagbubulaan, inaatake nila ang ating pagsamba at ang ating pagsunod sa makadiyos na mga simulain.

11 Sa ilang lupain, ayaw kilalanin ng relihiyoso at makapulitikang mga elemento na tayo’y nagsasagawa ng “anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos.” (Santiago 1:27) Bagaman ang ating gawaing Kristiyano ay isinasagawa sa 234 na lupain, ipinamamarali ng mga sumasalansang na tayo’y hindi isang “kilalang relihiyon.” Ilang araw na lamang bago ang isang internasyonal na kombensiyon noong 1998, sinipi ng isang pahayagan sa Atenas ang pag-aangkin ng klero ng Griego Ortodokso na “[Ang mga Saksi ni Jehova] ay hindi isang ‘kilalang relihiyon,’ ” sa kabila ng desisyon ng European Court of Human Rights na kabaligtaran nito. Makalipas ang ilang araw, sinipi naman ng isa pang pahayagan sa lunsod ding iyon ang sinabi ng isang tagapagsalita ng simbahan: “[Ang mga Saksi ni Jehova] ay hindi maaaring maging ‘isang Kristiyanong kongregasyon,’ yamang wala naman silang anumang pagkakatulad sa Kristiyanong pananampalataya sa katauhan ni Jesu-Kristo.” Talagang nakapagtataka ito, sapagkat wala nang iba pang relihiyosong grupo ang higit na nagdiriin sa pagtulad kay Jesus kundi ang mga Saksi ni Jehova lamang!

12 Sinisikap nating ipagtanggol at itatag ang mabuting balita sa legal na paraan. (Filipos 1:7) Bukod dito, hindi natin ikokompromiso o luluwagan ang ating mahigpit na pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos ukol sa katuwiran. (Tito 2:10, 12) Gaya ni Jeremias, ‘binibigkisan natin ang ating mga balakang at sinasalita ang lahat ng iniuutos ni Jehova sa atin,’ anupat hindi ipinahihintulot na tayo’y takutin ng mga lumalaban sa Diyos. (Jeremias 1:17, 18) Malinaw na binalangkas sa Banal na Salita ni Jehova ang wastong daan na dapat nating tahakin. Hindi natin kailanman nanaising manalig sa marupok na “bisig na laman” o maghanap ng “panganganlong sa lilim ng Ehipto,” alalaong baga’y, ang sanlibutang ito. (2 Cronica 32:8; Isaias 30:3; 31:1-3) Sa pakikihamok sa espirituwal na pakikibaka, tayo’y kailangang patuloy na magtiwala kay Jehova nang ating buong puso, hayaang siya ang magtuwid ng ating mga hakbang, at huwag manalig sa ating sariling pagkaunawa. (Kawikaan 3:5-7) Malibang suportahan tayo ni Jehova at bantayan niya tayo mismo, lahat ng ating gawain ay magiging “walang kabuluhan.”—Awit 127:1.

Pinag-uusig Ngunit Hindi Nakikipagkompromiso

13 Ang pangunahing halimbawa ng pagkakaroon ng di-nakikipagkompromisong debosyon kay Jehova ay si Jesus, na buong-kabulaanang pinaratangan ng sedisyon at ng panliligalig sa umiiral na kaayusan. Matapos suriin ang kaso ni Jesus, gusto ni Pilato na palayain si Jesus. Subalit ang pulutong, na sinusulsulan ng mga relihiyosong lider, ay sumigaw na dapat ipako si Jesus, bagaman siya’y walang kasalanan. Bilang kapalit niya, hiniling nila na palayain si Barabas—isang lalaking ibinilanggo dahil sa sedisyon at pagpaslang! Muling sinikap ni Pilato na pigilin ang walang-katuwirang mga mananalansang, ngunit sa wakas ay pinaunlakan na rin niya ang iginigiit ng madla. (Lucas 23:2, 5, 14, 18-25) Bagaman si Jesus ay namatay sa isang tulos, ang karumal-dumal na satanikong pagsalakay sa walang-kasalanang Anak ng Diyos ay ganap na nabigo, sapagkat binuhay-muli ni Jehova si Jesus at itinaas siya sa Kaniyang sariling kanang kamay. At noong araw ng Pentecostes 33 C.E., sa pamamagitan ng niluwalhating si Jesus, ang banal na espiritu ay ibinuhos, anupat naitatag ang Kristiyanong kongregasyon—“ang bagong paglalang.”—2 Corinto 5:17; Gawa 2:1-4.

14 Di-nagtagal pagkatapos nito, pinagbantaan ng mga relihiyosong lider ang mga apostol, ngunit ang mga tagasunod na iyon ni Kristo ay hindi tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na kanilang nakita at narinig. Nanalangin ang mga alagad ni Jesus: “Jehova, pag-ukulan mo ng pansin ang kanilang mga banta, at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na salitain ang iyong salita nang buong katapangan.” (Gawa 4:29) Sinagot ni Jehova ang kanilang pagsusumamo sa pamamagitan ng pagpuspos sa kanila ng banal na espiritu at pagpapalakas sa kanila upang ipagpatuloy ang kanilang walang-takot na paghahayag. Di-nagtagal at muli na namang pinag-utusan ang mga apostol na itigil na ang pangangaral, subalit sumagot si Pedro at ang iba pang mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Ang mga banta, pag-aresto, at paghagupit ay hindi nakapigil sa kanila sa pagpapalaganap ng kanilang gawaing pang-Kaharian.

15 Ano ang naging reaksiyon ng mga pinuno ng relihiyon? “Nasugatan sila nang labis at hinangad na patayin [ang mga apostol].” Gayunman, isang guro ng Batas na nagngangalang Gamaliel, isang Pariseo, ang naroroon, at mataas ang tingin sa kaniya ng lahat ng tao. Matapos ilabas sandali ang mga apostol mula sa bulwagan ng Sanhedrin, pinayuhan niya ang mga relihiyosong mananalansang na iyon: “Mga lalaki ng Israel, bigyang-pansin ninyo ang inyong mga sarili tungkol sa binabalak ninyong gawin may kaugnayan sa mga taong ito. . . . Sinasabi ko sa inyo, Huwag ninyong panghimasukan ang mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; (sapagkat, kung ang pakanang ito o ang gawang ito ay mula sa mga tao, ay maibabagsak ito; ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak;) kung hindi, baka masumpungan pa kayong sa katunayan ay mga nakikipag-away laban sa Diyos.”—Gawa 5:33-39.

Walang Sandata na Inanyuan Laban sa Atin ang Magtatagumpay

16 Mahusay ang payo ni Gamaliel, at pinahahalagahan natin ito kapag ang ilan ay nagtatanggol sa atin. Kinikilala rin natin na ang kalayaan sa pagsamba ay pinagtibay sa hukuman dahil sa mga desisyon ng mga walang-kinikilingang hukom. Mangyari pa, ang ating pagsunod sa Salita ng Diyos ay hindi nakalulugod sa mga klero ng Sangkakristiyanuhan at sa iba pang mga lider ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:1-3) Bagaman sila at ang mga naimpluwensiyahan nila ay lumalaban sa atin, taglay natin ang katiyakang ito: “ ‘Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo. Ito ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova, at ang kanilang katuwiran ay mula sa akin,’ ang sabi ni Jehova.”—Isaias 54:17.

17 Nilalabanan tayo ng ating mga kaaway nang wala namang dahilan, subalit hindi tayo nasisiraan ng loob. (Awit 109:1-3) Hindi natin kailanman pahihintulutang takutin tayo niyaong mga napopoot sa ating mensahe mula sa Bibliya upang ikompromiso ang ating pananampalataya. Bagaman inaasahan nating titindi pa ang ating espirituwal na pakikibaka, alam natin ang kalalabasan nito. Gaya ni Jeremias, mararanasan natin ang katuparan ng makahulang mga salita: “Sila ay tiyak na lalaban sa iyo, ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’ ” (Jeremias 1:19) Oo, alam natin na ang mga lumalaban sa Diyos ay hindi mananaig!

[Talababa]

Tingnan ang artikulong “Tapat at Walang-Takot sa Harap ng Paniniil ng Nazi,” pahina 24-8.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit ba sinasalakay ang mga lingkod ni Jehova?

• Sa anong mga paraan nilabanan ng mga mananalansang ang bayan ni Jehova?

• Bakit tayo makatitiyak na hindi mananaig ang mga lumalaban sa Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

 1. Anong atas ang tinanggap ni Jeremias, at gaano katagal nagpatuloy ang kaniyang gawain?

 2. Paano pinalakas ni Jehova si Jeremias, at ano ang kahulugan ng paglaban sa propetang iyan?

 3. Bakit sinasalakay ang mga lingkod ni Jehova?

 4. Anong mga pagsubok ang dinanas ng bayan ni Jehova noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, subalit ano ang nangyari noong 1919 at 1922?

 5. Ano ang nangyari sa mga Saksi ni Jehova sa Nazing Alemanya?

 6. Anong mga pagtatangka ang ginawa upang pahintuin ang ating gawain noong Digmaang Pandaigdig II at pagkatapos noon?

 7. Ano ang tinamasa ng mga Saksi ni Jehova sa Poland, Russia, at iba pang lupain nitong nakalipas na mga taon?

 8. Ano ang nangyari sa bayan ni Jehova sa loob ng 45 taon mula nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II?

 9. Ano ang dinanas ng mga lingkod ni Jehova sa Malawi?

10. Gaya ng nangyari kay Daniel, ano ang ginawa ng modernong-panahong mga sumasalansang sa bayan ng Diyos?

11. Anong mga maling paratang ang sinabi ng ilang sumasalansang sa mga Saksi ni Jehova?

12. Sa pakikihamok sa ating espirituwal na pakikibaka, ano ang dapat nating gawin?

13. Bakit masasabing nabigo ang satanikong pagsalakay kay Jesus?

14. Ano ang naging resulta nang kumilos ang elemento ng relihiyosong Judio laban sa mga tagasunod ni Jesus?

15. Sino si Gamaliel, at anong payo ang ibinigay niya sa mga relihiyosong sumasalansang sa mga tagasunod ni Jesus?

16. Sa iyong sariling pananalita, paano mo ipahahayag ang katiyakang ibinibigay ni Jehova sa kaniyang bayan?

17. Bagaman nilalabanan tayo ng mga mananalansang, bakit malakas pa rin ang ating loob?

[Larawan sa pahina 17]

Tiniyak kay Jeremias na sasakaniya si Jehova

[Larawan sa pahina 18]

Mga nakaligtas sa kampong piitan

[Larawan sa pahina 18]

Marahas na pang-uumog sa mga Saksi ni Jehova

[Larawan sa pahina 18]

Si J. F. Rutherford at mga kasama

[Larawan sa pahina 21]

Sa kaso ni Jesus, ang mga lumalaban sa Diyos ay hindi nanaig