Magpakita ng Pagmamahal sa Pamilya

“SUNUGIN mo kung kaya mo! Sunugin mo!” ang hamon ni Tohru sa kaniyang asawa na si Yoko.* “Talagang susunugin ko,” ang pagalit na tugon naman ni Yoko at sinindihan ang isang posporo upang sunugin ang litrato nilang mag-asawa. Pagkatapos ay bumulyaw siya, “Susunugin ko ang bahay!” Sampal naman ang itinugon ni Tohru sa kaniyang asawa, anupat natapos ang pag-aaway sa karahasan.

Noong nakalipas na tatlong taon, sinimulan nina Tohru at Yoko ang kanilang pagsasama bilang maligayang mag-asawa. Kung gayon, ano ang nangyari? Bagaman si Tohru ay waring isang kalugud-lugod na lalaki, nadama ng kaniyang asawa na hindi ito nagpapamalas ng pagmamahal sa kaniya at bihira itong magmalasakit sa kaniyang damdamin. Waring hindi kaya ni Tohru na suklian ang kaniyang pagmamahal. Yamang hindi na mabata ito, nagsimulang maghinanakit at magalit si Yoko. Nagkaroon siya ng mga suliraning tulad ng insomniya, pagkabalisa, kawalan ng gana sa pagkain, pagiging iritable, at panlulumo at nakaranas pa nga siya ng mga panic attack. Subalit waring walang pakialam si Tohru sa maigting na kapaligirang umiiral sa kaniyang sambahayan. Tila pangkaraniwan lamang ito sa kaniya.

“Mga Panahong Mapanganib na Mahirap Pakitunguhan”

Malimit nang nakikita ang gayong mga problema sa ngayon. Inihula ni apostol Pablo na ang ating panahon ay kakikitaan ng mga taong “walang likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang orihinal na Griegong salita na isinalin ditong “walang likas na pagmamahal” ay may malapit na kaugnayan sa salitang naglalarawan sa likas na pagmamahal na masusumpungan sa gitna ng mga miyembro ng pamilya. Ang ating panahon ay tiyak na kakikitaan ng kawalan ng gayong pagmamahal. Kahit na may pagmamahal, maaaring bihira itong maipakita ng mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa.

Hindi alam ng maraming magulang sa ngayon kung paano ipakikita ang pag-ibig at pagmamahal sa kanila mismong mga anak. Ang ilan ay lumaki sa isang pamilya na walang pagmamahal at maaaring hindi nila natatanto na posibleng maging mas maligaya at kalugud-lugod ang buhay kung madarama at maipakikita lamang nila ang pagmamahal. Waring ganiyan ang nangyari kay Tohru. Noong bata pa siya, palaging abala ang kaniyang ama sa trabaho at gabing-gabi na kung umuwi sa bahay. Bihira siyang makipag-usap kay Tohru, at kapag ginawa naman niya iyon, nakasasakit ang kaniyang mga pananalita. Buong-panahon ding nagtatrabaho ang ina ni Tohru at hindi masyadong naglalaan ng panahon sa kaniya. Ang telebisyon ang yaya ni Tohru. Walang komendasyon ni komunikasyon sa pamilya.

Maaari ring isang salik ang kultura. Sa ilang bahagi ng Latin Amerika, kailangang ipagwalang-bahala ng isang lalaki ang karaniwang kaugalian upang maipakita ang pagmamahal sa kaniyang asawa. Sa maraming bansa sa Silangan at sa Aprika, salungat sa tradisyon ang magpahayag ng pagmamahal sa salita o sa gawa. Maaaring mahirapan ang mga asawang lalaki na magsabing “mahal kita” sa kani-kanilang asawa o mga anak. Gayunpaman, may aral tayong matututuhan sa pinakadakilang ugnayang pampamilya, na subók na sa panahon.

Ulirang Ugnayang Pampamilya

Ang pinakamainam na huwaran para sa pamilya ay masusumpungan sa matalik na ugnayang umiiral sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng kaniyang bugtong na Anak. Ipinakita nila ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa sa isang sakdal na paraan. Sa loob ng di-mabilang na libu-libong taon, ang espiritung nilalang na nang maglaon ay naging si Jesu-Kristo ay nagtamasa ng maligayang pakikipag-ugnayan sa kaniyang Ama. Inilarawan niya ang buklod na ito sa ganitong paraan: “Ako ang siyang lubhang kinagigiliwan niya araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon.” (Kawikaan 8:30) Tiyak na tiyak ng Anak na iniibig siya ng kaniyang Ama anupat naipahahayag niya sa iba na siya ay lubhang kinagigiliwan ni Jehova araw-araw. Palagi siyang maligaya sa piling ng kaniyang Ama.

Kahit na noong siya ay nasa lupa bilang ang taong si Jesus, binigyang-katiyakan ang Anak ng Diyos hinggil sa masidhing pag-ibig ng kaniyang Ama. Nang mabautismuhan si Jesus, narinig niya ang tinig ng kaniyang Ama: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Tunay ngang isang nakapagpapasiglang kapahayagan ng pag-ibig sa pagsisimula ng atas ni Jesus sa lupa! Tiyak na nakaantig sa kaniyang puso na marinig ang pagsang-ayon ng kaniyang Ama nang muli niyang maalaala ang lahat ng detalye ng kaniyang buhay sa langit.

Samakatuwid, si Jehova ay nagpakita ng pinakamainam na halimbawa sa pagpapamalas ng pag-ibig sa kaniyang pansansinukob na pamilya sa pinakasukdulang antas. Kung tatanggapin natin si Jesu-Kristo, matatamasa rin natin ang pagmamahal ni Jehova. (Juan 16:27) Bagaman wala tayong maririnig na mga salita mula sa langit, makikita natin ang pag-ibig ni Jehova na ipinamamalas sa pamamagitan ng kalikasan, paglalaan ng haing pantubos ni Jesus, at iba pang mga paraan. (1 Juan 4:9, 10) Nakikinig pa nga si Jehova sa ating mga panalangin at sinasagot ang mga ito sa paraang lubhang kapaki-pakinabang sa atin. (Awit 145:18; Isaias 48:17) Habang nililinang natin ang isang matalik na kaugnayan kay Jehova, pinasisidhi natin ang ating pagpapahalaga sa kaniyang maibiging pagmamalasakit.

Natutuhan ni Jesus mula sa kaniyang Ama kung paano magpakita ng empatiya, konsiderasyon, kabaitan, at masidhing pagmamalasakit sa iba. Ipinaliwanag niya: “Anumang bagay ang ginagawa ng [Ama], ang mga bagay na ito ang ginagawa rin ng Anak sa gayunding paraan. Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinakikita sa kaniya ang lahat ng bagay na kaniya mismong ginagawa.” (Juan 5:19, 20) Tayo naman ay maaaring matuto ng sining ng pagpapakita ng pagmamahal sa pamamagitan ng pag-aaral sa halimbawang ipinakita ni Jesus nang siya’y nasa lupa.—Filipos 1:8.

Pagmamahal sa Pamilya—Paano?

Yamang “ang Diyos ay pag-ibig” at tayo ay nilalang “ayon sa kaniyang larawan,” may kakayahan tayong makadama at magpakita ng pag-ibig. (1 Juan 4:8; Genesis 1:26, 27) Gayunman, ang kakayahang iyon ay hindi basta lumilitaw na lamang. Upang maipakita ang pagmamahal, kailangan muna tayong makadama ng pagmamahal sa ating kabiyak at mga anak. Maging mapagmasid, at bigyang-pansin ang kanilang kaakit-akit na mga katangian, kahit na waring di-mahalaga ang mga iyon sa pasimula, at bulay-bulayin ang mga iyon. ‘Wala namang magandang katangian ang asawa ko [o ang mga anak ko],’ baka sabihin mo. Yaong mga pag-aasawa na patiunang isinaayos ay maaaring makadama ng kakaunting pagmamahal sa kani-kanilang kabiyak. Maaaring ang ilan ay ayaw magkaanak. Gayunpaman, isaalang-alang kung ano ang nadama ni Jehova hinggil sa kaniyang makasagisag na asawa, ang bansang Israel, noong ikasampung siglo B.C.E. Bagaman sa palagay ng kaniyang propetang si Elias ay wala nang ibang mananamba si Jehova sa sampung-tribong bansang Israel, maingat na sinuri ni Jehova ang bayan at nasumpungan niya ang malaki-laking bilang ng mga tao—7,000 lahat-lahat—na may magagandang katangian sa kaniyang paningin. Matutularan mo ba si Jehova sa pamamagitan ng paghahanap ng magagandang katangian sa mga miyembro ng iyong pamilya?—1 Hari 19:14-18.

Subalit upang madama ng ibang mga miyembro ng pamilya ang iyong pagmamahal, dapat kang gumawa ng taimtim na pagsisikap upang maipamalas ito. Kapag may napansin kang isang bagay na kapuri-puri, ipakita ang iyong pagpapahalaga sa salita. Sa paglalarawan sa isang asawang babae na may kakayahan, binanggit ng Salita ng Diyos ang isang kapansin-pansing katangian ng kaniyang pamilya: “Ang kaniyang mga anak ay bumabangon at ipinahahayag siyang maligaya; bumabangon ang nagmamay-ari sa kaniya, at pinupuri siya nito.” (Kawikaan 31:28) Pansinin kung gaano kadaling ipakita ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang pagpapahalaga sa isa’t isa. Sa pamamagitan ng berbal na pagpuri sa kaniyang asawa, nagpapakita ang ama ng mainam na halimbawa para sa kaniyang anak na lalaki, anupat pinasisigla niya ito na maging sagana sa pagpuri sa kaniyang kabiyak kapag nag-asawa siya.

Gayundin, dapat papurihan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Makatutulong iyan upang maikintal ang paggalang sa sarili sa puso ng mga bata. Tutal, paano ‘iibigin ng isang tao ang kaniyang kapuwa gaya ng kaniyang sarili’ kung wala siyang paggalang sa kaniyang sarili? (Mateo 22:39) Sa kabilang dako naman, kung palaging pupunahin ng mga magulang ang kanilang mga anak, anupat hindi man lamang sila pinapupurihan, madaling maiwawala ng mga anak ang kanilang paggalang sa sarili at maaaring mahirapang magpakita ng pagmamahal sa iba.—Efeso 4:31, 32.

Makasusumpong Ka ng Tulong

Paano kung hindi ka pinalaki sa isang maibiging sambahayan? Matututuhan mo pa ring magpakita ng pagmamahal. Ang unang hakbang ay kilalanin ang problema at tanggapin ang pangangailangang sumulong. Malaking tulong dito ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Maihahambing ito sa isang salamin. Kapag sinusuri natin ang ating sarili sa tulad-salaming mga turo ng Bibliya, ang mga depekto, o mga kapintasan, sa ating pag-iisip ay makikita natin. (Santiago 1:23) Kasuwato ng mga turo ng Bibliya, maaari nating baguhin ang anumang di-angkop na mga hilig. (Efeso 4:20-24; Filipos 4:8, 9) Kailangan nating gawin ito nang palagian, na hindi kailanman ‘nanghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam.’—Galacia 6:9.

Maaaring nahihirapan ang iba na magpakita ng pagmamahal dahil sa paraan ng pagpapalaki sa kanila o dahil sa kultura. Subalit ipinakikita ng kamakailang mga pagsusuri na madaraig ang gayong mga balakid. Ipinaliwanag ni Dr. Daniel Goleman, isang espesyalista sa kalusugan ng isip, na ‘maging ang mga kaugaliang napakalalim ang pagkakaugat sa puso na natutuhan mula sa pagkabata ay maaaring baguhin.’ Mahigit sa 19 na siglo na ang nakalilipas, ipinahiwatig ng Bibliya na sa tulong ng espiritu ng Diyos, maging ang mga hilig ng puso na talagang malalim ang pagkakaugat ay maaaring baguhin. Pinapayuhan tayo nito: “Hubarin ninyo ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad.”—Colosas 3:9, 10.

Kapag nakita na ang problema, makapag-aaral ng Bibliya ang pamilya habang isinasaisip ang mga pangangailangan nila. Halimbawa, bakit hindi suriin ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa “pagmamahal”? Maaari mong masumpungan ang kasulatan na gaya nito: “Narinig ninyo ang tungkol sa pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Pagkatapos ay isaalang-alang ang ulat ng Bibliya hinggil kay Job, na itinutuon ang pansin kung paano naging magiliw sa pagmamahal at maawain si Jehova kay Job. Walang alinlangan na nais mong tularan si Jehova sa pagiging napakagiliw sa pagmamahal at maawain pagdating sa iyong pamilya.

Ngunit dahil sa hindi tayo sakdal, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit” sa paggamit ng ating dila. (Santiago 3:2) Baka hindi natin nagagamit ang ating dila sa nakapagpapatibay na paraan sa loob ng pamilya. Dito pumapasok ang pananalangin at pananalig kay Jehova. Huwag manghimagod. “Manalangin kayo nang walang lubay.” (1 Tesalonica 5:17) Tutulungan ni Jehova ang mga naghahangad ng pagmamahal sa pamilya at gayundin yaong mga nagnanais na ipakita ito ngunit napipigilang gawin iyon.

Karagdagan pa, si Jehova ay may-kabaitang naglalaan ng tulong sa kongregasyong Kristiyano. Sumulat si Santiago: “Mayroon bang sinumang may sakit sa inyo [sa espirituwal]? Tawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, na pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova.” (Santiago 5:14) Oo, ang matatanda sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay makatutulong nang malaki sa mga pamilyang ang mga miyembro ay may mga problema sa pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa. Bagaman hindi naman sila mga therapist, may-pagtitiyagang makatutulong ang matatanda sa kanilang mga kapananampalataya, hindi sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin, kundi sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa kanila kung ano ang pangmalas ni Jehova at ng pananalanging kasama nila at para sa kanila.—Awit 119:105; Galacia 6:1.

Sa kaso nina Tohru at Yoko, palaging nakikinig ang Kristiyanong matatanda sa kanilang mga problema at inaaliw sila. (1 Pedro 5:2, 3) Sa ilang pagkakataon, dumalaw ang isang matanda at ang kaniyang asawa upang makinabang si Yoko sa pakikisama sa isang makaranasang babaing Kristiyano na siyang maaaring magbalik kay Yoko sa ‘katinuan nito na ibigin ang kaniyang asawa.’ (Tito 2:3, 4) Sa pamamagitan ng pagpapakita ng kaunawaan at simpatiya sa mga pagdurusa at kapighatian ng mga kapuwa Kristiyano, ang matatanda ay nagiging “taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan.”—Isaias 32:1, 2.

Sa tulong ng mababait na matatanda, natanto ni Tohru na may problema siya sa pagpapakita ng kaniyang damdamin at na sa “mga huling araw,” sinasalakay ni Satanas ang kaayusan ng pamilya. (2 Timoteo 3:1) Nagpasiya si Tohru na harapin ang kaniyang problema. Nakita niya na ang kaniyang hindi pagpapakita ng pag-ibig ay nagmula sa kaniyang karanasan na hindi siya napagpakitaan ng pag-ibig habang lumalaki siya. Sa pamamagitan ng taimtim na pag-aaral ng Bibliya at pananalangin, unti-unting naging mas sensitibo si Tohru sa emosyonal na mga pangangailangan ni Yoko.

Bagaman galít siya kay Tohru, nang maunawaan ni Yoko ang pamilyang pinagmulan ni Tohru at makita ang sarili niyang mga kahinaan, gumawa siya ng taimtim na pagsisikap na makita ang kabutihan sa kaniyang asawa. (Mateo 7:1-3; Roma 5:12; Colosas 3:12-14) Taimtim siyang nagsumamo kay Jehova na palakasin siya upang patuloy niyang ibigin ang kaniyang asawa. (Filipos 4:6, 7) Sa kalaunan, pinasimulan ni Tohru na ipakita ang kaniyang pagmamahal, na siyang ikinatuwa naman ng kaniyang asawa.

Oo, kahit na nahihirapan kang makadama at magpakita ng pagmamahal sa pamilya, tiyak na madaraig mo ang problemang iyan. Nagbibigay ang Salita ng Diyos ng kapaki-pakinabang na patnubay. (Awit 19:7) Sa pamamagitan ng pagkilala sa kaseryosohan ng bagay na ito, pagsisikap na hanapin ang kabutihan sa mga miyembro ng iyong pamilya, pag-aaral at pagkakapit sa Salita ng Diyos, pananalig kay Jehova sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin, at paghingi ng tulong sa may-gulang na Kristiyanong matatanda, madaraig mo ang waring napakalaking balakid sa pagitan mo at ng iyong pamilya. (1 Pedro 5:7) Maaari ka ring magsaya, gaya ng isang asawang lalaki sa Estados Unidos. Pinasigla siyang ipakita ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang asawa. Nang sa wakas ay magkaroon siya ng lakas ng loob upang sabihing “Mahal kita,” nagulat siya sa tugon ng kaniyang asawa. Samantalang lumuluha dahil sa kagalakan, sinabi nito: “Mahal din kita, pero ngayon mo lamang sinabi iyan sa ganiyang paraan sa loob ng 25 taon.” Huwag ka nang maghintay nang gayon katagal upang ipakita ang pagmamahal mo sa iyong kabiyak at mga anak!

[Talababa]

Binago ang ilang pangalan.

[Larawan sa pahina 28]

Naglalaan ng tulong si Jehova mula sa kaniyang Salita, ang Bibliya