“Mga Bunga ng Espiritu”—Lumuluwalhati sa Diyos

“Ang aking Ama ay naluluwalhati rito, na patuloy kayong namumunga ng marami.”—JUAN 15:8.

PAG-ISIPAN ang dalawang tagpong ito: Napansin ng isang sister na ang isang nakababatang sister ay parang balisa. Niyaya niya ito sa paglilingkod. Habang naglalakad sila sa pagbabahay-bahay, ipinagtapat ng nakababatang sister ang problema niya. Kinagabihan, pinasalamatan niya si Jehova dahil sa pagmamalasakit ng may-gulang na sister; iyon talaga ang kailangan niya. Sa ibang lugar naman, isang mag-asawang misyonero ang umuwi sa kanilang sariling bansa. Sa isang pagtitipon, habang sabik nilang ikinukuwento ang mga karanasan nila, isang kabataang brother ang tahimik na nakikinig. Pagkaraan ng ilang taon, habang naghahanda ang brother patungo sa kaniyang atas, naisip niya ang mag-asawang iyon at ang kuwentuhang nagpatibay sa kaniya na maging misyonero.

2 Baka ipinaaalaala nito sa iyo ang isang tao na nagpabago sa buhay mo o ang isa na ikaw naman ang nagpabago sa buhay niya. Siyempre pa, kadalasan nang hindi sapat ang isang pag-uusap para mabago ang buhay ng isa, pero sa bawat araw, may mga oportunidad tayong magpatibay sa iba. Ipagpalagay nang may isang bagay na makapagpapasulong sa iyong mga kakayahan at katangian para higit kang makatulong sa mga kapatid at makapaglingkod sa Diyos. Matutuwa ka, hindi ba? Ang totoo, binibigyan tayo ni Jehova ng gayong kaloob—ang banal na espiritu. (Luc. 11:13) Habang nagpapaakay tayo sa espiritu ng Diyos, nalilinang natin ang magagandang katangian na magpapasulong sa bawat aspekto ng ating paglilingkod sa Diyos. Napakaganda ngang kaloob!—Basahin ang Galacia 5:22, 23.

3 Ang mga katangiang bunga ng banal na espiritu ay repleksiyon ng mismong personalidad ng Pinagmulan ng espiritung iyon, ang Diyos na Jehova. (Col. 3:9, 10) Tinukoy ni Jesus ang pangunahing dahilan kung bakit dapat tularan ng mga Kristiyano ang Diyos nang sabihin niya sa mga apostol: “Ang aking Ama ay naluluwalhati rito, na patuloy kayong namumunga ng marami.”* (Juan 15:8) Habang nililinang natin ang “mga bunga ng espiritu,” ang resulta ay malinaw na makikita sa ating pagsasalita at paggawi; ito naman ang magdudulot ng kapurihan sa ating Diyos. (Mat. 5:16) Anu-ano ang kaibahan ng mga bunga ng espiritu at ng mga ugali ng mga tao sa sanlibutan ni Satanas? Paano natin malilinang ang mga bunga ng espiritu? Bakit mahirap itong gawin kung minsan? Isasaalang-alang ang mga tanong na iyan habang tinatalakay natin ang unang tatlong aspekto ng mga bunga ng espiritu—pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan.

Pag-ibig Salig sa Mas Mataas na Simulain

4 Ang pag-ibig na bunga ng banal na espiritu ay ibang-iba sa pag-ibig na karaniwan sa sanlibutan. Bakit? Dahil nakasalig iyon sa mas mataas na simulain. Itinampok ni Jesus ang pagkakaibang ito sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Basahin ang Mateo 5:43-48.) Sinabi niya na maging ang mga makasalanan ay nakikitungo rin sa iba kung paano sila pinakikitunguhan ng mga ito. Ang gayong “pag-ibig” ay hindi nagsasangkot ng tunay na pagsasakripisyo kundi pagpapalitan lang ng pabor. Kung gusto nating ‘patunayan na tayo’y mga anak ng ating Ama na nasa langit,’ dapat tayong mapaiba. Sa halip na pakitunguhan ang iba gaya ng pakikitungo nila sa atin, dapat nating tularan ang pangmalas at pakikitungo sa kanila ni Jehova. Pero paano natin magagawang ibigin ang ating mga kaaway, gaya ng iniutos ni Jesus?

5 Isaalang-alang ang isang halimbawa sa Bibliya. Habang nangangaral sa Filipos, sina Pablo at Silas ay inaresto, binugbog, at ibinilanggo nang nakapiit ang mga paa sa mga pangawan. Malamang na pati ang tagapagbilanggo ay nagmalupit sa kanila. Nang sa di-inaasahan ay makalaya sila dahil sa isang lindol, natuwa ba sila dahil makagaganti na sila sa tagapagbilanggo? Hindi. Ang taimtim nilang pagkabahala sa kaniyang kapakanan—ang kanilang mapagsakripisyong pag-ibig—ay nag-udyok sa kanila na kumilos agad alang-alang sa tagapagbilanggo, na naging dahilan para siya at ang kaniyang sambahayan ay maging mga mananampalataya. (Gawa 16:19-34) Sa ngayon, marami rin sa ating mga kapatid ang ‘nagpapala sa mga nang-uusig.’—Roma 12:14.

6 Higit pa riyan ang ating pag-ibig sa mga kapananampalataya. “Tayo ay may pananagutan na ibigay ang ating mga kaluluwa para sa ating mga kapatid.” (Basahin ang 1 Juan 3:16-18.) Pero kadalasan, maipakikita natin ang pag-ibig sa simpleng mga paraan. Halimbawa, kung mayroon tayong nasabi o nagawa na nakasakit sa isang kapatid, maipakikita natin ang pag-ibig kung tayo ang unang lalapit para makipagpayapaan. (Mat. 5:23, 24) Paano kung may nakasakit naman sa atin? Tayo ba’y “handang magpatawad,” o may tendensiyang magkimkim ng sama ng loob? (Awit 86:5) Ang masidhing pag-ibig na bunga ng banal na espiritu ay makatutulong na mapagtakpan ang maliliit na pagkakasala, anupat lubusang nagpapatawad sa iba “kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad” sa atin.—Col. 3:13, 14; 1 Ped. 4:8.

7 Paano natin malilinang ang mapagsakripisyong pag-ibig sa mga kapatid? Pasidhiin natin ang ating pag-ibig sa Diyos. (Efe. 5:1, 2; 1 Juan 4:9-11, 20, 21) Ang mga pribadong sandali na inilalaan natin kay Jehova sa pagbabasa ng Bibliya, pagbubulay-bulay, at pananalangin ay magpapatibay sa atin at magpapasidhi ng pag-ibig natin sa ating makalangit na Ama. Pero kailangan tayong bumili ng panahon para mápalapít sa Diyos.

8 Bilang ilustrasyon: Ipagpalagay nang puwedeng basahin ang Bibliya, bulay-bulayin ito, at manalangin kay Jehova pero sa isang partikular na oras lang bawat araw. Hindi ba’t mahigpit mong iingatan ang oras na iyon para walang makaagaw sa panahong inilaan mo kay Jehova? Siyempre pa, walang sinumang makapipigil sa atin na manalangin, at karamihan sa atin ay maaaring magbasa ng Bibliya kailanma’t gusto natin. Pero baka kailangan nating gumawa ng mga paraan para hindi maagaw ng pang-araw-araw na mga gawain ang panahon natin para sa Diyos. Sa bawat araw, bumibili ka ba ng malaking panahon hangga’t maaari para mápalapít kay Jehova?

“Kagalakan sa Banal na Espiritu”

9 Ang isang litaw na katangian ng mga bunga ng espiritu ay ang katatagan nito. Makikita ito sa kagalakan, ang ikalawang aspektong tatalakayin natin. Ang kagalakan ay tulad ng matibay na halaman na nabubuhay kahit nakatanim sa di-kaayaayang kapaligiran. Sa buong daigdig, marami sa mga lingkod ng Diyos ang ‘tumanggap sa salita sa ilalim ng labis na kapighatian na may kagalakan sa banal na espiritu.’ (1 Tes. 1:6) Ang iba ay dumaranas ng kakapusan at mahihirap na kalagayan. Gayunman, pinalalakas sila ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu para “makapagbata nang lubos at magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.” (Col. 1:11) Ano ang pinagmumulan ng kagalakang ito?

10 Di-gaya ng “walang-katiyakang kayamanan” ng sanlibutan ni Satanas, ang espirituwal na kayamanang ibinibigay sa atin ni Jehova ay may namamalaging kahalagahan. (1 Tim. 6:17; Mat. 6:19, 20) Iniaalok niya sa atin ang maligayang pag-asang mabuhay nang walang hanggan. Taglay natin ang kagalakang mapabilang sa isang pandaigdig na kapatirang Kristiyano. Higit sa lahat, ang ating kagalakan ay nakasalig sa ating kaugnayan sa Diyos. Nadarama natin ang nadama ni David, na bagaman napilitang mamuhay bilang takas, ay pumuri kay Jehova, na sinasabi: “Sapagkat ang iyong maibiging-kabaitan ay mas mabuti kaysa sa buhay, papupurihan ka ng aking mga labi. Sa gayon ay pagpapalain kita sa buong buhay ko.” (Awit 63:3, 4) Dumaranas man tayo ng kahirapan, may kagalakan pa rin tayong pumupuri sa Diyos.

11 Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!” (Fil. 4:4) Bakit mahalagang maglingkod tayo kay Jehova nang may kagalakan? Ito’y dahil sa isyung ibinangon ni Satanas may kaugnayan sa soberanya ni Jehova. Inaangkin ni Satanas na walang sinuman ang naglilingkod sa Diyos nang bukal sa puso. (Job 1:9-11) Kung ang paglilingkod natin kay Jehova ay dahil lang sa obligasyon anupat walang kagalakan, may kulang sa ating hain ng papuri. Kaya dapat nating sikaping sundin ang paanyaya ng salmista: “Maglingkod kayo kay Jehova na may pagsasaya. Lumapit kayo sa harap niya na may hiyaw ng kagalakan.” (Awit 100:2) Ang paglilingkod nang may kagalakan at bukal sa puso ay lumuluwalhati sa Diyos.

12 Totoo, maging ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay pinanghihinaan din ng loob kung minsan at nagpupunyaging manatiling positibo. (Fil. 2:25-30) Ano ang makatutulong sa atin kapag nangyari iyan? Sinasabi sa Efeso 5:18, 19: “Patuloy kayong mapuspos ng espiritu, na nagsasalita sa isa’t isa ng mga salmo at mga papuri sa Diyos at espirituwal na mga awit, na umaawit at sinasaliwan ang inyong sarili ng musika sa inyong mga puso para kay Jehova.” Paano natin maikakapit ang payong iyan?

13 Kapag pinananaigan ng negatibong damdamin, maaari tayong magsumamo kay Jehova sa panalangin at sikaping magbulay-bulay ng mga bagay na kapuri-puri. (Basahin ang Filipos 4:6-9.) Ang ilan ay humihimig kasabay ng rekording ng mga awiting pang-Kaharian para maaliw at maituon ang isip sa positibong mga bagay. Isang brother na madalas manlumo at panghinaan ng loob dahil sa matinding pagsubok ang nagsabi: “Bukod sa regular at marubdob na pananalangin, nagsaulo ako ng mga awiting pang-Kaharian. Nagiginhawahan ako kapag inaawit ko ang magagandang papuring ito kay Jehova, malakas man o mahina ang pagkanta ko. Noong panahon ding iyon inilabas ang aklat na Maging Malapít kay Jehova. Dalawang beses ko itong binasa noong sumunod na taon. Tulad iyon ng nakagiginhawang pamahid sa puso ko. Alam kong pinagpala ni Jehova ang aking mga pagsisikap.”

“Nagbubuklod na Bigkis ng Kapayapaan”

14 Sa ating mga internasyonal na kombensiyon, ang mga delegado na may iba’t ibang pinagmulan ay naliligayahan sa Kristiyanong pagsasamahan. Itinatampok ng gayong mga okasyon ang isang aspekto ng kapayapaan ng bayan ng Diyos—ang ating pambuong-daigdig na pagkakaisa. Kadalasan nang manghang-mangha ang mga nagmamasid kapag nakikita nila na ang mga taong inaasahan nilang magkaaway ay ‘marubdob na nagsisikap na ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.’ (Efe. 4:3) Kahanga-hanga ito kung iisipin ang napakalaking pagsisikap na kinailangang gawin ng marami.

15 Hindi madaling pagkaisahin ang mga tao na may iba’t ibang pinagmulan. Para maunawaan kung ano ang kailangang mapagtagumpayan upang magkaisa, talakayin natin ang naging karanasan ni apostol Pedro. Makikita sa kaniyang pananalita ang saloobin niya sa di-tuling mga Gentil: “Nalalaman ninyong lubos kung paanong di-matuwid na ang isang Judio ay makisama o lumapit sa isang tao ng ibang lahi; gayunma’y ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat tawaging marungis o marumi ang sinumang tao.” (Gawa 10:24-29; 11:1-3) Gaya ng karaniwang pangmalas noon, lumilitaw na kinalakhan na ni Pedro ang paniniwalang hinihiling ng Kautusan na mga kapuwa Judio lang ang dapat ibigin. Maaaring natural lang sa kaniya na ituring na kaaway at dapat kamuhian ang mga Gentil.*

16 Isip-isipin na lang ang pagkaasiwa ni Pedro habang papasók siya sa tahanan ni Cornelio. Posible kaya na ang isang tao na dating ayaw sa mga Gentil ay ‘may pagkakasuwatong mapabuklod’ sa kanila sa pamamagitan ng “nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan”? (Efe. 4:3, 16) Oo, dahil ilang araw lang ang nakararaan, binuksan ng espiritu ng Diyos ang puso ni Pedro, anupat tinulungan siyang baguhin ang kaniyang saloobin at alisin ang pagtatangi. Sa isang pangitain, nilinaw ni Jehova sa kaniya na ang pangmalas Niya sa mga tao ay hindi batay sa lahi o pinagmulang bansa. (Gawa 10:10-15) Kaya naman nasabi ni Pedro kay Cornelio: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Nagbago si Pedro at talagang naging kaisa ng “buong samahan ng mga kapatid.”—1 Ped. 2:17.

17 Tinutulungan tayo ng karanasan ni Pedro na maunawaan ang kahanga-hangang pagbabago na nagaganap sa gitna ng bayan ng Diyos sa ngayon. (Basahin ang Isaias 2:3, 4.) Milyun-milyong tao “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ang nagbabago ng kanilang pag-iisip upang iayon sa “mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Apoc. 7:9; Roma 12:2) Marami sa kanila ang dating sangkot sa pagkakapootan, alitan, at pagkakabaha-bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Pero sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa tulong ng banal na espiritu, natutuhan nilang ‘itaguyod ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.’ (Roma 14:19) Ang pagkakaisang ibinubunga nito ay lumuluwalhati sa Diyos.

18 Ano ang maitutulong ng bawat isa para maitaguyod ang kapayapaan at pagkakaisa ng bayan ng Diyos? Maraming kongregasyon ang may mga miyembro na nagmula sa ibang bansa. Ang ilan ay may ibang mga kaugalian o di-gaanong nakapagsasalita ng ating wika. Sinisikap ba nating makilala sila? Iyan ang ipinapayo sa atin ng Salita ng Diyos. Sinabi ni Pablo sa kongregasyon sa Roma na binubuo ng mga mananampalatayang Judio at Gentil: “Tanggapin ang isa’t isa, kung paanong tinanggap din tayo ng Kristo, ukol sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 15:7) Mayroon bang sinuman sa inyong kongregasyon na puwede mong higit na makilala?

19 Ano pa ang maaari nating gawin para higit na maimpluwensiyahan ng banal na espiritu ang ating buhay? Ang tanong na ito ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo na tatalakay sa iba pang aspekto ng mga bunga ng espiritu.

[Mga talababa]

Kasama sa bungang binanggit ni Jesus ang “mga bunga ng espiritu” at ang “bunga ng mga labi” na inihahandog ng mga Kristiyano sa Diyos sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa Kaharian.—Heb. 13:15.

Sinasabi sa Levitico 19:18: “Huwag kang maghihiganti ni magkikimkim ng sama ng loob laban sa mga anak ng iyong bayan; at iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” Itinuturo ng mga Judiong lider ng relihiyon na ang “mga anak ng iyong bayan” at ang “iyong kapuwa” ay tumutukoy lang sa mga Judio. Sinasabi ng Kautusan na ang mga Israelita ay dapat manatiling hiwalay sa ibang mga bansa. Gayunman, hindi nito sinusuportahan ang pangmalas ng unang-siglong mga lider ng relihiyon, na nagsasabing ang lahat ng di-Judio ay dapat ituring na kaaway at kapootan bilang mga indibiduwal.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano natin maipakikita ang mapagsakripisyong pag-ibig sa ating mga kapatid?

• Bakit mahalagang maglingkod tayo sa Diyos nang may kagalakan?

• Ano ang maitutulong natin para maitaguyod ang kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon?

[Mga Tanong sa Aralin]

1, 2. (a) Ano ang ilang oportunidad natin para makapagpatibay sa iba? (b) Anong kaloob mula kay Jehova ang nagpapasulong sa kakayahan nating paglingkuran siya?

 3. (a) Paano naluluwalhati ang Diyos kapag nililinang natin ang “mga bunga ng espiritu”? (b) Anong mga tanong ang isasaalang-alang natin?

 4. Anong uri ng pag-ibig ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?

 5. Paano tayo makapagpapakita ng pag-ibig sa mga umuusig sa atin?

 6. Sa anu-anong paraan natin maipakikita ang mapagsakripisyong pag-ibig sa ating mga kapatid? (Tingnan ang kahon sa pahina 21.)

7, 8. (a) Paano nagkakaugnay ang pag-ibig sa mga tao at ang pag-ibig sa Diyos? (b) Paano natin mapasisidhi ang ating pag-ibig kay Jehova? (Tingnan ang larawan sa ibaba.)

 9. Ano ang isang katangian ng kagalakang bunga ng banal na espiritu?

10. Ano ang pinagmumulan ng ating kagalakan?

11. Bakit mahalagang maglingkod tayo kay Jehova nang may kagalakan?

12, 13. Paano natin mapaglalabanan ang negatibong damdamin?

14. Ano ang isang tampok na aspekto ng kapayapaang bunga ng banal na espiritu?

15, 16. (a) Ano ang kinalakhan ni Pedro, at bakit naging hamon iyon sa kaniya? (b) Paano tinulungan ni Jehova si Pedro na baguhin ang kaniyang saloobin?

17. Bakit kahanga-hanga ang pagkakaisa ng bayan ng Diyos?

18, 19. (a) Ano ang maitutulong ng bawat isa para maitaguyod ang kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon? (b) Ano ang isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo?

[Kahon sa pahina 21]

“Ito ang mga Tunay na Kristiyano”

  Sa aklat na Between Resistance and Martyrdom—Jehovah’s Witnesses in the Third Reich, mababasa ang obserbasyon ng isang bilanggo, na kabataang lalaking Judio, tungkol sa mga Saksi ni Jehova nang una niya silang makilala sa kampong piitan sa Neuengamme:

  “Nang kaming mga Judiong taga-Dachau ay dumating sa kampo, itinago ng nadatnan naming mga kapuwa Judio ang lahat ng taglay nila dahil ayaw nilang mamigay. . . . Sa labas [ng kampong piitan], nagtutulungan kami. Pero dito, kung saan buhay na ang nasasangkot, ang pinakamahalaga sa bawat isa ay maisalba ang kaniyang sarili, hindi na bale ang iba. Pero isipin ang ginawa ng mga Estudyante ng Bibliya. Sagad-sagaran ang pagtatrabaho nila noon sa pagkukumpuni ng mga tubo ng tubig. Napakaginaw at maghapong nakababad ang mga paa nila sa tubig na ubod-lamig. Nagtataka ang lahat kung paano sila nakakatagal. Sinabi nilang si Jehova ang nagbibigay sa kanila ng lakas. Gaya namin, kailangang-kailangan din nila ng tinapay dahil gutom sila. Pero ano ang ginawa nila? Pinagsama-sama nila ang lahat ng kanilang tinapay, kinuha ang kalahati para sa kanilang sarili, at ang kalahati ay ibinigay sa mga kapananampalataya nila na kadarating lang mula sa Dachau. Magiliw nilang binati at hinalikan ang mga ito. Nanalangin muna sila bago kumain. Lahat sila ay kontento na at masaya. Hindi na raw sila nagugutom. Noon ko naisip: Ito ang mga tunay na Kristiyano.”

[Mga larawan sa pahina 19]

Bumibili ka ba ng panahon araw-araw mula sa ibang mga gawain para mápalapít kay Jehova?