“Paano Ko Makakayanan ang Aking Dalamhati?”
ANG malungkot na pangyayari ay sumapit kina Bob at Diane Krych 18 taon na ang nakalipas. Ang kanilang anim-na-taóng-gulang na anak, si David, ay may sakit sa puso mula sa pagkabata. Ganito ang kuwento ni Diane:
“Isang doktor ang nagpayo na kailangang isagawa ang isang pagsusuri sa loob ng isang taon, na sinang-ayunan namin. Si David ay punúng-punô ng buhay, halos labis-labis kung kumilos. Natatandaan ko na Enero 25 noon, at iniistorbo ni David ang kaniyang kapatid na babae, ginugulo ang silid ng kaniyang kapatid. Nang tanungin niya kung puwede ba siyang lumabas upang maglaro, pinayagan ko siya.
“Pagkaraan ng ilang panahon narinig ko ang isang ambulansiya, at pagkatapos isang kapitbahay ang tumatakbo sa daan, na sumisigaw, ‘Diane, si David, mabuti pang pumarito ka!’ Lumabas ako, at naroon siya’t nakadipa sa takip ng makina ng kotse na nakabunggo sa kaniya. Hindi ako makakilos. Para akong naparalisa. Isinakay nila si David sa ambulansiya. Subalit ito’y pawang walang saysay. Ang kaniyang munting puso ay huminto sa pagtibok at siya ay namatay.”
Gumising!: “Paano ka naapektuhan ng matinding kawalan na ito?”
Diane: “Naranasan ko ang isang serye ng mga reaksiyon—pagkamanhid, hindi paniniwala, pagkakasala, at galit sa aking asawa at sa doktor dahilan sa hindi pagkabatid kung gaano kalubha ang kalagayan ni David. Labis akong nabalisa kay David nang araw na iyon. May mga bisita akong darating at doon kakain sa bahay at isang sampung-linggong-gulang na sanggol na inaalagaan, . . . Sobra na. At pagkatapos nalaman ko na lamang, dinadala nila ang aking anak na si David sa ospital.
“Hindi ako makapaniwala na siya ay patay na. Hindi ko matanggap ang mga salitang ‘patay’ at ‘kamatayan.’ Kung ako ang tatanungin, siya ay nagtungo sa isang paglalakbay. ‘Siya’y buháy sa alaala ng Diyos at siya’y babalik,’ naisip ko. Kaya pagkaraan ng mga pitong linggo pagkamatay niya, sinimulan kong sumulat sa kaniya. Isinulat ko ang mga liham na iyon sa loob ng 13 taon!”
Gaano Katagal ang Pagdadalamhati?
Ang matagal na pagdadalamhati ni Diane ay nagpapatunay sa kung ano ang sinasabi ni Dr. Arthur Freese sa kaniyang aklat na Help for Your Grief: “Inaakala ng karamihan ng mga dalubhasa na ang pagkamatay ng isang anak ay lumilikha ng isang permanenteng pangungulila sa mga magulang, lalo na sa ina.”
“Ang dalamhati ay nagbabalik sa pag-ikot ng taon” ang sabi ng makatang si Shelley. Ang taun-taong tagapagpaalaala ng namatay na mahal sa buhay ay nagpapanariwa sa matinding mga kirot. Angaw-angaw na mga tao ngayon ang makapagpapatotoo niyan at maaaring magtanong, ‘Paano ko makakayanan ang aking dalamhati?’ Gayunman ang dalamhati ay isang paraan ng paggaling, bagaman marahil ay hindi kailanman nalulubos. Ang matinding dalamhati ay nababawasan, bagaman ang diwa ng kawalan ay nananatili.
Ang opinyong ito ay pinatunayan nina Harold at Marjorie Bird ng Britaniya na ang kanilang 19-anyos-na-anak, si Stephen, ay namatay nang malunod siya sampung taon na ang nakalipas. Upang palalain pa ang mga bagay-bagay, siya ang kanilang kaisa-isang anak, at ang kaniyang bangkay ay hindi natagpuan. Ganito ang sabi ni Harold tungkol sa pagdadalamhati: “Sinasabing ang panahon ay nagpapagaling, subalit sa katunayan pinapupurol lamang nito ang alaala sa minamahal. Ang tanging pagpapagaling ay darating lamang kapag makikita namin siyang muli sa pagkabuhay-muli.”
Ganito ang paliwanag ng isang siyentipikong pag-aaral tungkol sa pagdadalamhati: “Ang naulila ay maaaring pabigla-bigla at mabilis na makaranas ng iba’t ibang damdamin, at ang pag-iwas sa mga tagapagpaalaala sa namatay ay maaaring halinhan ng sadyang paggunita sa mga alaala sa loob ng ilang panahon. Ang mga tao ay karaniwan nang lumilipat mula sa isang kalagayan ng hindi paniniwala tungo sa unti-unting pagtanggap sa katotohanan ng kawalan o pagkamatay.”
Ipinakikilala ni Dr. Freese ang isang silahis ng liwanag sa malungkot na paksang ito. “Dapat na panatilihin ng isa ang malawak na pangmalas—kilalanin na ang karamihan niyaong nagdadalamhati at nangungulila . . . ay nagdaraan sa kabilang panig, nakakabawi at nagpapatuloy na gaya ng dati sa pisikal na kalagayan kung saan nagsimula ang kirot at hirap ng pagdadalamhati.”
Sa katunayan, sa maraming kalagayan ang tao ay maaaring lumabas na mas malakas. Bakit gayon? Sapagkat ang pagdadalamhati ay nagtuturo ng empatiya—isang mas mabuting pagkaunawa at pagkakilala roon sa mga naulila. At yamang ang empatiya ay higit pa kaysa simpatiya, ang isa na nakayanan ang dalamhati ay nagiging isang bagay na mahalaga, isang tagapayo, isang tagaaliw sa iba na namatayan ng isang mahal sa buhay. Bilang isang halimbawa, si Bob, na ang anak na si David ay namatay dahil sa sakit sa puso, ay nagsabi: “Nasumpungan namin na ang pagtulong sa iba na batahin ang kanilang pasan ng pagdadalamhati ay nakatulong din sa amin na makayanan ang aming dalamhati.”
Bakit ang Pagkadama ng Kasalanan, Galit, at Ganting-paratang?
Kinikilala ng mga dalubhasa sa larangan ng dalamhati na ang mga reaksiyon ng pagkadama ng kasalanan, galit, at ganting-paratang na kadalasang nauugnay sa pangungulila ay normal sa kalagayang ito. Sinisikap ng mga buháy na masumpungan ang mga dahilan kung kailan kadalasan ay walang makatuwiran o lohikal na dahilan. ‘Bakit kailangang mangyari ito sa akin? Ano ang nagawa ko upang danasin ito? Kung sana’y . . . ’ ay ilan sa karaniwang mga reaksiyon. Ang iba ay bumabaling laban sa Diyos taglay ang mga pag-iisip na gaya ng, ‘Bakit pinayagan ng Diyos na mangyari ito? Bakit ito gagawin sa akin ng Diyos?’
Dito sumasa-isip ang kasagutan ng Bibliya, “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat.” Ang mga aksidente ay maaaring mangyari saanman, sa anumang panahon, at ang kamatayan ay walang pinipili. Tiyak na ang isang Diyos ng pag-ibig ay hindi pipili sa sinuman sa pamamagitan ng pagkuha sa kaniyang anak.—Eclesiastes 9:11; 1 Juan 4:8.
Sina Agustín at Valentina, na binanggit kanina sa ating panimulang artikulo, ay napapaiyak pa rin nang ipakipag-usap nila ang kamatayan ni Jonathan sa Gumising! Mayroon ba silang anumang ganting-paratang? Ganito ang sagot ni Valentina: “Hindi ako sang-ayon na siya ay magtungo sa Long Island na sakay ng kotse ng iba. Kailangan kong maging tapat. Sinisi ko si Agustín. Ngayon natalos ko na isa itong hindi makatuwirang reaksiyon, subalit nang panahong iyon lagi kong iniisip, ‘Kung hindi sana siya pinayagan ni Papa na umalis, sana’y buháy pa siya.’ Patuloy ko siyang sinisisi. Kailangang sabihin ko ito sapagkat nakasasakit sa akin na kimkimin ito sa loob ko.”
Ang galit ni Diane Krych sa maagang kamatayan ni David ay ipinahayag pa nga sa paghihinanakit sa mga hayop. Sabi niya sa Gumising!: “Kapag nakakakita ako ng isang aso o isang pusa na naglalakad sa kalye, naiisip ko, ‘Ang hayop na iyon ay may mabuting puso na tumitibok sa loob nito. Bakit ang aking anak ay hindi maaaring magkaroon ng isang mabuting puso? Bakit dapat gumala-gala ang isang hayop at hindi ang aking anak na si David?’”
Tinitiyak sa atin ng mga dalubhasa na ang lahat ng mga reaksiyong ito, bagaman kadalasa’y hindi makatuwiran, ay natural. Ang pagtatanong ay isang anyo ng pangangatuwiran, bahagi ng paraan ng pagkikipagkasundo sa katotohanan. Sa wakas, isang matatag na pangmalas ang nakakamit, at nananaig ang sentido komon. Gaya ng pagkakasabi rito ni Dr. Freese: “Ang pagsubok sa mabuting dalamhati—ang sapat na pananaig sa emosyonal na mga problema ng pananangis at pagdadalamhati, ang pagtanggap sa kamatayan at may katapatang pagtingin sa lahat ng mga damdaming kasama nito—ay na sa wakas natitiis ng nagdadalamhati ang masamang mga panahong ito na may lumilipas na kirot o bahagya lamang, malabong, malungkot na mga alaala.”
Ito’y humahantong sa pagiging mahinahon. Si Dr. Freese ay nagpapatuloy: “Ang huwaran ay para sa paggunita at kaaya-ayang mga alaala, isang kakayahan na pag-usapan ang tungkol sa namatay na may katapatan at pagmamahal, sa wakas ay alisin ang dako ng sumasakit na kirot at ang dalamhati at ang panlulumo.” Sa puntong ito, ang mga alaala ay nagpapaunlad ng pagmamahal nang higit kaysa pagdadalamhati.
Pagharap sa Kawalan ng Isang Anak na Patay nang Isilang
Bagaman siya ay mayroon nang iba pang mga anak, magiliw na inaasam-asam ni Monna ang pagsilang ng kaniyang susunod na anak. Kahit na bago pa isilang, ito ay isang “sanggol na nilalaru-laro ko, kinakausap ko, at pinapangarap ko.”
Ang pagbubuklod na iyon sa pagitan ng ina at ng ipinagbubuntis na anak ay malakas. Sabi pa niya: “Si Rachel Anne ay isang sanggol na sisipa-sipa sa aking tiyan, hindi ako pinatutulog sa gabi. Nagugunita ko pa ang unang maliliit na mga pagsipa, parang magiliw, maibiging mga pagsiko. Tuwing kikilos siya, ako’y giliw na giliw. Kilalang-kilala ko siya anupa’t alam ko kung siya ay nasasaktan, kung siya ay may sakit.”
Ganito pa ang sabi ni Monna: “Ayaw maniwala sa akin ng doktor, hanggang sa huli na ang lahat. Sinabi niya sa akin na huwag akong mag-alala. Inaakala kong nadama ko siyang namatay. Bigla na lamang siyang marahas na pumihit. Kinabukasan siya ay patay na.”
Ang karanasan ni Monna ay hindi natatangi. Sang-ayon sa mga awtor na sina Friedman at Gradstein, sa kanilang aklat na Surviving Pregnancy Loss, halos isang milyong mga babae sa isang taon sa Estados Unidos lamang ang dumaranas ng hindi matagumpay na pagdadalang-tao. Kadalasan ay hindi natatalos ng mga tao na ang isang pagkalaglag o kunan o isang sanggol na patay nang isilang ay isang malungkot na pangyayari para sa isang babae, at siya ay nagdadalamhati—marahil sa buong buhay niya. Halimbawa, nagugunita ni Veronica, mula sa New York City, ngayo’y mga edad 50 na, ang kaniyang mga pagkalaglag o kunan at kaniyang natatandaan lalo na ang sanggol na buháy hanggang noong ikasiyam na buwan subalit patay nang isilang at isinilang na tumitimbang ng 13 libra (6 kg). Dinala niya itong patay sa sinapupunan niya sa nakaraang dalawang linggo. Gaya ng sabi niya: “Ang magsilang ng isang patay na sanggol ay isang napakasakit na bagay para sa isang ina.”
Ang mga reaksiyon ng bigong mga inang ito ay hindi laging nauunawaan, kahit nang ibang mga babae. Isang saykayatris na nakunan ay sumulat: “Ang natutuhan ko sa pinakamasakit na paraan ay na bago ito nangyari sa akin, wala akong kamalay-malay kung ano ang binabata ng aking mga kaibigan. Wala akong pakiramdam at wala akong kamalay-malay sa kanila na gaya ng nadarama ngayon ng mga tao sa akin.”
Isa pang problema sa nagdadalamhating ina ay ang palagay na maaaring hindi nadarama ng kaniyang asawang lalaki ang kawalan na gaya ng nadarama niya. Ganito ang sabi ng isang asawang babae: “Bigung-bigo ako sa aking asawa noong panahong iyon. Kung para sa kaniya, wala ngang pagdadalang-tao. Hindi niya nararanasan ang dalamhati na dinaranas ko. Nakikiramay siya sa aking mga pangamba subalit hindi sa aking dalamhati.”
Ang reaksiyon ito marahil ay likas sa isang asawang lalaki—hindi niya nararanasan ang katulad na pisikal at emosyonal na pagbuklod na nararanasan ng kaniyang nagdadalang-taong asawa. Gayumpaman, dumaranas din siya ng kawalan. At mahalaga na matanto ng asawang lalaki at babae na sila ay magkasamang nagdurusa, bagaman sa magkaibang paraan. Dapat nilang pagsaluhan ang kanilang dalamhati. Kung itinatago ito ng asawang lalaki, baka akalain ng kaniyang asawa na siya ay walang damdamin. (Tingnan ang pahina 12.) Kaya pagsaluhan ang inyong mga pag-iyak, mga kaisipan, at mga yakap. Ipakita na higit kailanman ay kailangan ninyo ang isa’t isa.
Ang Hiwaga at Dalamhati ng “Crib Death”
Angaw-angaw na mga ina ang namumuhay na taglay ang isang lihim, pang-araw-araw na takot. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang ina: “Nananalangin ako gabi-gabi na sana’y masumpungan ko ang aking sanggol na buháy sa kinaumagahan.” Ang kinatatakutan nila ay ang tinatawag na crib death, o SIDS (Sudden Infant Death Syndrome). Sinasabi ni Dr. Marie Valdes-Dapena, propesor ng patolohiya sa University of Miami, Florida, na mayroong 6,000 hanggang 7,000 kaso ng SIDS taun-taon sa Estados Unidos lamang. Susog pa niya: “Walang alinlangan na ito nga ay isang tunay na suliraning pangkalusugan ng bayan.”
Ang crib death ay biglang sumasalakay sa mga sanggol sa gabi, karaniwang sa pagitan ng ikalawa at ikaapat na buwan ng buhay. Ang siyensiya ay wala pang kasiya-siyang paliwanag, at kahit na ang mga awtopsiya ay hindi makapaglaan ng isang dahilan ng biglang kamatayan. Ito ay nananatiling isang hiwaga.a
Ang kasunod ng crib death ay kadalasan nang matinding pagkadama ng kasalanan. Kaya, ano ang tutulong sa mga magulang sa mga kalagayan ng crib death? Una sa lahat, kilalanin na hindi nila maaaring iwasan ang malungkot na pangyayari. Ang SIDS ay hindi mahuhulaan at karaniwan nang hindi maiiwasan. Kaya, walang dahilan na makadama ng anumang damdamin ng pagkakasala. Ikalawa, ang pagtangkilik, pagtitiwala, at pag-unawa sa isa’t isa ng mga magulang ay tutulong sa kanila kapuwa na makayanan ang kanilang dalamhati. Ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa inyong sanggol. Ibahagi ang inyong mga nadarama.
Ang mga Nunò ay Nagdadalamhati Rin
Ang mga nunò ay nagdurusa rin, sa isang natatanging paraan. Gaya ng sabi ng isang naulilang ama: “Ang kanilang reaksiyon ay hindi lamang sa kamatayan ng isang apo kundi sa dalamhati ng kanila mismong anak.”
Gayunman may mga paraan upang gawing mas madali para sa mga nunò na batahin ang kawalan. Una, isaalang-alang sila. Ang kanilang apo ay karugtong din ng buhay nila. Kaya ang mga nunò ay dapat isama sa pagdadalamhati sa kanilang sariling paraan. Mangyari pa, iyan ay hindi nangangahulugan na dapat silang makialam nang walang pahintulot ang mga magulang. Kundi kung nais nilang makasama, at karaniwan nang nais nilang makasama, dapat silang tanggapin.
Sa maikling pagtalakay na ito tungkol sa dalamhati, sinikap nating unawain ang mga damdamin ng naulila. Subalit mayroon pang isang aspekto o bahagi na isasaalang-alang. Paano makatutulong ang iba, lalo na sa kanilang pananalita? At paano maipahahayag ng mga asawang lalaki ang kanilang dalamhati? Pakisuyong tingnan ang susunod na artikulo.
[Talababa]
a Susuriin ng hinaharap na isyu o labas ng Gumising! ang SIDS na mas detalyado.
[Kahon sa pahina 7]
Ang Pagdadalamhati
Hindi ito nangangahulugan na ang dalamhati ay may anumang iskedyul o programa. Ang mga reaksiyon sa dalamhati ay maaaring magkasanib at maaaring tumagal ng iba’t ibang panahon, depende sa indibiduwal.
Maagang mga reaksiyon:
Pagkabigla; hindi makapaniwala; pagtatatuwa; pamamanhid; pagkadama ng kasalanan; galit
Ang matinding dalamhati ay maaaring maglakip ng:
Kawalan ng alaala at hindi mapagkatulog; matinding pagod; pabigla-biglang mga pagbabago ng kalooban; may deperensiya sa paghatol at pag-iisip; mga yugto ng pag-iyak; nagbabago ang gana sa pagkain, na ang resulta’y pangangayayat o pagtaba; sarisaring mga sintomas ng balisang kalusugan; pananamlay; nabawasang kakayahan sa paggawa; mga guniguni—nadarama, naririnig, nakikita ang namatay
Yugto ng pagkakatimbang-timbang:
Kalungkutan na may kasamang pag-asam-asam sa nakalipas; mas kaaya-ayang mga alaala ng namatay, na may kahalo pa ngang katatawanan
(Batay sa Help for Your Grief, ni Dr. Arthur Freese, pahina 23-6.)
[Kahon sa pahina 9]
Mga Hakbang Upang Tulungan Kang Madaig ang Iyong Dalamhati
Ang bawat tao ay kailangang magsumikap na daigin ang dalamhati sa kaniyang sariling paraan. Ang mahalagang hakbang ay iwasan ang pagtutuon ng pansin sa sarili at mahabag-sa-sarili. Ang ilang mga mungkahi batay sa karanasan ng mga taong naulila na kinapanayam ng Gumising! ay:
◼Maging abala at ipagpatuloy ang iyong rutina ng trabaho at gawain. Idiniriin lalo na ng mga Saksi ni Jehova ang halaga ng pagdalo sa mga pulong Kristiyano at maging abala sa ministeryo. Ipinahahayag ng marami ang malaking tulong na natanggap nila mula sa pananalangin.
◼Ilabas mo ang iyong pagdadalamhati; huwag mong pigilin o kuyumin ito. Mientras mas maaga kang magdalamhati at manangis, mas madali mong malalampasan ang yugto ng matinding pagdadalamhati.
◼Huwag mong ibukod ang iyong sarili; makihalubilo ka sa mga tao at hayaan mo silang makihalubilo sa iyo. Kung makakatulong sa iyo, malayang ipakipag-usap ang tungkol sa iyong namatay na mahal sa buhay.
◼Sa pinakamadaling panahong maaari, magkaroon ng interes sa ibang tao at sa kanilang mga problema. Sikaping tulungan ang iba, at matutulungan mo ang iyong sarili.
[Kahon sa pahina 10]
Ano ang Maitutulong ng Iba?
Ang mga kabalitaan ng Gumising! ay nagkaroon ng maraming panayam sa naulilang mga magulang sa iba’t ibang bansa. Ang sumusunod ay ilan sa mga mungkahi upang tulungan ang nagdadalamhating mga pamilya. Maliwanag, kailangang ibagay ang pagkakapit nito, depende sa mga damdamin ng naulila.
1. Dalawin ang pamilya mula sa unang araw, at anyayahan din sila sa inyong lugar. Maghanda ng pagkain para sa kanila. Ipagpatuloy ito hanggang kinakailangan, hindi lamang sa unang mga linggo.
2. Hayaang magpasiya ang mga magulang kung nais nila na ang mga damit at iba pang tagapagpaalala ng namatay na bata ay itago o itabi sa ibang dako.
3. Sa pag-uusap ay banggitin ang pangalan ng namatay na bata kung ang naulila ay nagpapakita ng pagnanais. Alalahanin ang maliligaya at nakatatawang mga bahagi ng personalidad at buhay ng bata. Huwag basta magsawalang imik. Baka nais pag-usapan ng mga magulang ang tungkol sa kanilang mahal sa buhay.
4. Kung napakalayo upang magbigay ng personal na tulong, sumulat ng mga liham na nakapagpapatibay-loob at nakaaaliw. Huwag iwasan ang paksa tungkol sa yumao.
5. Kung angkop, pasiglahin ang mga magulang na manatiling aktibo at panatilihin ang kanilang dating rutina. Palabasin sila ng bahay at pagawin sila ng mga bagay para sa iba.
[Kahon sa pahina 10]
Isang Lola ang Sumusulat:
“Naiwala ko sa kamatayan ang aking mahal na mga magulang, isang kapatid na lalaki, isang kapatid na babae, ang aking mahal at habang-buhay na kasama, kaibigan-kasintahan-asawa, ang aking si Jim, na nakilala at inibig ko sa gulang na 13, at ang aking pinakamamahal na munting apo na si Stuart Jamie,—masasabi ko na walang kalungkutan, walang kirot, walang dalamhating hihigit pa, na lumilipos sa akin kahit na habang ako’y sumusulat, kaysa kamatayan ng isang bata.”
—Edna Green, Inglatera, sa kamatayan ng kaniyang apong lalaki, na dalawang taon at siyam na buwang gulang.
[Larawan sa pahina 8]
Sa pamamagitan ng hayagang pagbahagi ng iyong dalamhati, matutulungan ninyo ang isa’t isa na makayanan ang dalamhati