Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 8/8 p. 11-12
  • Mga Pananalita na Hindi Laging Nakaaaliw

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Pananalita na Hindi Laging Nakaaaliw
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dapat bang Magdalamhati ang Isang Kristiyano?
  • ‘Maging Matapang Ka’?
  • Normal Bang Makadama Nang Ganito?
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
  • “Paano Ko Makakayanan ang Aking Dalamhati?”
    Gumising!—1987
  • Papaano Makatutulong ang Iba?
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
  • Papaano Ko Mapagtitiisan ang Aking Pagdadalamhati?
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 8/8 p. 11-12

Mga Pananalita na Hindi Laging Nakaaaliw

KUNG ikaw kailanman ay nakadama ng matinding dalamhati, ikaw ba kung minsan ay nasaktan ng mga pananalita na sinabi ng iba? Bagaman waring nalalaman ng karamihan kung ano ang sasabihin upang magbigay ng kaaliwan, magugunita ng maraming naulila ang mga pananalita na hindi nakaaaliw. Binanggit ni Ursula Mommsen-Henneberger, sumusulat sa Alemang Kieler Nachrichten, na ang ilang mga magulang “ay lubhang nasasaktan kapag sinasabi ng mga iba: ‘May iba pa naman kayong mga anak, di ba?’” Sabi niya: “Ang iba ay maaaring magdulot ng kaaliwan subalit sila ay hindi isang kahalili.”

Ang tagapayo sa nangungulila na si Kathleen Capitulo ay nagsabi sa Gumising!: “Isa pang pananalitang dapat iwasan ay, ‘Alam ko kung ano ang nadarama mo.’ Ang totoo niyan ay walang sinuman ang nakaaalam kung ano ang nararanasan ng isang tao. Gayunman, maaari mong patunayan kung ano ang kanilang nadarama. Maaari mong tiyakin sa kanila na ang kanilang nadarama ay natural lamang.”

Si Abe Malawski, gaya ng iniulat sa aklat na Recovering From the Loss of a Child, “ay mariing nag-aakala na nangangailangan ng isa na namatayan ng isang anak upang malaman kung ano ang damdamin na mawalan ng isang anak.” Sabi niya: “Maaaring mayroon kang labinlimang anak, at wala rin itong pagkakaiba. Hindi mo kailanman maaaring halinhan ang isang anak.”

Sa kaso naman ng isang kunan o anak na patay nang isilang, ang iba pang mga pananalita, bagaman taimtim, na hindi nakapagpapatibay ay: “Hindi magtatagal at magdadalang-tao kang muli at malilimutan mo ang lahat ng ito.” “Mas mabuti na nga ang ganito. Baka pangit pang lumabas ang bata.” “Nakabuti pa nga iyan.” Sa napakasakit na sandali ng kawalan, ang mga pananalitang ito, mabuti man ang intensiyon, ay hindi nakababawas sa matinding paghihirap ng kalooban.

Ang relihiyosong mga bukambibig na sinasabi ng ilang klerigo ay isa pang nakayayamot sa naulila. Sinasabi na ‘Nais ng Diyos ng isa pang anghel’ ay naglalarawan sa Diyos na malupit at masakim at isang kalapastanganan sa Diyos. Isa pa, wala itong katuwiran at hindi ito itinataguyod ng Bibliya.

Dapat bang Magdalamhati ang Isang Kristiyano?

Kumusta naman ang mga Kristiyano na namatayan ng isang anak? Kung minsan sinisipi ng iba ang mga salita ni Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Huwag kayong magdalamhati na gaya ng ibang tao, na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13; New English Bible) Ipinagbawal ba ni Pablo ang magdalamhati at malumbay? Hindi, sinabi niya lamang na ang Kristiyano na may pag-asa ay hindi nagdadalamhati na gaya niyaong mga walang pag-asa.​—Juan 5:28, 29.

Upang ilarawan ang puntong ito, ano ang naging reaksiyon ni Jesus nang sabihin sa kaniya ni Maria na si Lazaro ay patay na? Ang ulat ay nagsasabi sa atin: “Nang makita nga ni Jesus na siya [si Maria] ay tumatangis at gayundin ang mga Judiong nagsisitangis na kasama niya, ay nabagbag sa espiritu at nagulumihanan.” At, nang siya’y dalhin sa kinalalagyan ng patay, “si Jesus ay tumangis.” Kaya masama ba ang magdalamhati? Ito ba’y nagpapakita ng kakulangan ng pananampalataya sa pangako ng Diyos tungkol sa isang pagkabuhay-muli? Hindi, bagkus ito ay nagpapakita ng matinding pag-ibig sa taong namatay.​—Juan 11:30-35; ihambing ang Juan 20:11-18.

Ang isa pang paglapit na maaaring nakababalisa ay ang nakikiramay na tinitiyak sa naulila, ‘Ang panahon ang dakilang tagapagpagaling.’ Gayundin, iwasan ang pagtatanong ng, “Nakalimutan mo na ba ito?” Ganito ang sabi ng isang Britanong ina: “Hindi talaga nauunawaan niyaong mga nagtatanong na, ‘Nakalimutan mo na ba ito?’ kung ano ang nadarama ng isa na namatayan ng isang anak. Hindi natin makakalimutan ito hanggang sa makapiling natin siyang muli sa pagkabuhay-muli.” Marahil angkop ang parirala ni Shakespeare: “Maaaring madaig ng sinuman ang dalamhati maliban sa kaniya na dumaranas nito.”

Kung minsan ang ama ay nagiging biktima ng isang walang ingat na saloobin. Isang naulilang ama ay nagalit nang ang mga tao ay magtanong: “Kumusta naman ang iyong asawa?” Sabi niya: “Kailanman ay hindi nila kinakamusta kung ano ang kalagayan ng asawang lalaki. . . . Hindi tama ito, hindi ito makatuwiran. Nadarama rin ito ng asawang lalaki na gaya ng nadarama ng asawang babae. Ang asawang lalaki man ay nagdadalamhati.”

‘Maging Matapang Ka’?

Sa maraming kultura itinuturo ang ideya na ang mga lalaki lalo na ay hindi dapat magpakita ng kanilang mga emosyon at dalamhati kundi ‘magpakatapang.’ Binanggit ng awtor na Ingles noong ika-18 siglo na si Oliver Goldsmith ang tungkol sa “the silent manliness of grief” (ang tahimik na pagkalalaki ng dalamhati). Subalit ang tahimik na pagkalalaki bang iyon ang pinakamabuting paraan upang makayanan ang pagdadalamhati?

Sa kaniyang aklat na The Bereaved Parent, binabanggit ni Harriet Sarnoff Schiff ang kalagayan ng kaniyang asawang lalaki: “Narito ang isang lalaki, isang ama, na pinagmamasdan ang kaniyang anak na inililibing at ayon sa kaugalian ay hinihiling ng lipunan na ‘maging matapang.’” Sabi pa niya: “Pinagbayaran niya nang malaki ang pagpapakita niya ng tapang. Sa paglipas ng panahon, sa halip na lumabas sa kaniyang kalagayan ng pagdadalamhati, higit at higit siyang napabaon sa kalungkutan.”

Inilarawan ng asawang lalaki ang kaniyang mga damdamin, at marahil makikilala ng iba ang mga damdaming ito sa kanilang sarili. “Para bang ako’y naglalakad sa ibayo ng natatakpan ng niyebe na Artiko. Pagod na pagod ako. Alam ko na kung ako ay hihiga ako ay makakatulog. Alam ko na kung ako ay makakatulog ako ay mamamatay. Hindi bale na. Hindi ko na matiis ang aking kapaguran.”

Kaya, ano ang payo ni Harriet Schiff? “Kalimutan ang lahat tungkol sa matandang etikong Anglo-Saxon tungkol sa pagiging mapagpigil at umiyak ka. Hayaan dumaloy ang luha. . . . Nakatutulong ito sa pag-aalis ng kalungkutan.” Ang mga manunulat ng Surviving Pregnancy Loss ay nagpapayo na kumakapit kapuwa sa mga babae at mga lalaki: “Ang pagiging mapagpigil ay maaaring lubhang hangaan ng iba, subalit tanging sa pamamagitan lamang ng pakikipagbuno sa dalamhati na ang isa ay mapapalaya sa wakas mula rito.” (Amin ang italiko.) Kung hindi, nariyan ang panganib na mahulog na muli sa tinatawag na “hindi sapat na pagdadalamhati,” na maaaring magkaroon ng kapaha-pahamak na resulta sa mga darating na taon.

Ang di-sapat na pagdadalamhati ay hindi ganap na pagdadalamhati, kapag pinipigilan ng tao ang pagdadalamhati sa halip na hayaan itong dumaloy sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghiwalay ng namatay. Maaari nitong ipahayag ang sarili sa di-kukulanging tatlong paraan​—bilang pinigil, naantala, at talamak na pagdadalamhati. Ano ang maitutulong?

Baka kailanganin ang propesyonal na payo. Ang isang madamayin at matulunging doktor ng pamilya o isang espirituwal na tagapayo ay baka siyang lunas. Ang maunawaing mga membro ng pamilya ay maaari ring tumulong. Ang tao ay nangangailangan ng tulong na patuloy na kumilos sa panahon ng pagdadalamhati.

Kaya, inaamin ni Jess Romero na siya ay hayagang umiyak sa pagkamatay ng kaniyang anak na babae at ng kaniyang asawa dahilan sa pagbagsak ng eruplano. Sabi niya sa Gumising!: “Pagkaraan ng mga ilang linggo iniuwi ako sa bahay ng aking mga kapatid na babae mula sa ospital, at pagpasok ko ay nakita ko ang larawan ng aking anak na babae sa dingding. Nakita ng aking bayaw na ako’y naapektuhan nito at sinabi niya: ‘Sige lang at umiyak ka.’ Kaya umiyak ako. Naihinga ko ang kinukuyom kong dalamhati.”

Bagaman maaaring pagalingin ng pagdadalamhati ang ilan sa kirot, isa lamang ang walang-katapusang lunas para sa karamihan ng mga naulila​—ang makitang muli ang kanilang mga mahal sa buhay. Kaya may pag-asa ba para sa mga patay? Magkakaroon ba ng pagkabuhay-muli? Pakisuyong basahin ang pangwakas na artikulo sa seryeng ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share