Pag-asa Para sa Patay, Kaaliwan Para sa Nagdadalamhati
SI Jess Romero, na nabanggit sa aming panimulang artikulo, ay sa wakas muling nag-asawa. Kung tungkol kay Agustín at Valentina Caraballoso, ang kamatayan ni Jonathan ay masakit pa rin, subalit payapa na ang kanilang kalooban. Sina Ramón at María Serrano mula sa Espanya ay naiiyak pa rin pagkalipas ng 24 na taon pagkamatay ni Paquito. Subalit sa lahat ng mga kalagayang ito, ano ang tumulong sa kanila na magpatuloy? Ang sagot nila ay: “Ang pag-asa ng pagkabuhay-muli!”
Subalit ano bang talaga ang ibig naming sabihin ng “pagkabuhay-muli”? Sino ang bubuhaying-muli? Kailan? At paano tayo nakatitiyak?
Pag-asa para sa Patay—Gaya ng Itinuro ni Jesus
Sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, binuhay-muli ni Jesus ang ilang mga tao. (Marcos 5:35-42) Ito’y nagsilbing isang patotoo sa dakilang pagkabuhay-muli na magaganap kapag ang lupa ay minsan pa muling ganap na mapapasa-ilalim ng pamamahala ng Diyos, gaya ng hinihiling ng angaw-angaw kapag sila’y nananalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Isang halimbawa ng kapangyarihan ng Diyos tungkol sa bagay na ito ay nang buhaying-muli ni Jesus ang kaniyang kaibigang si Lazaro. Kasabay nito, nililinaw ng ulat ang kalagayan ng mga patay. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog, ngunit ako’y paroroon upang gisingin ko siya sa pagkakatulog.” Hindi nauunawaan, sinabi ng mga alagad: “Panginoon, kung siya’y natutulog, siya’y gagaling.” Inaakala nila na sinasabi niya na si Lazaro ay natutulog lamang samantalang, sa katunayan, si Lazaro ay patay na. Kaya, si Jesus ay nagpaliwanag: “Si Lazaro ay patay na.”
Pansinin, pakisuyo, na hindi binanggit ni Jesus ang anumang walang-kamatayang kaluluwa na nagtutungo sa ibang kalagayan o dako. Hindi siya naimpluwensiyahan ng pilosopyang Griego kundi ng malinaw na turo ng Bibliya sa Hebreong Kasulatan. Si Lazaro ay natutulog sa kamatayan at nang dumating si Jesus ay apat na araw nang nasa alaalang libingan. Kaya, anong pag-asa mayroon para sa kaniya?
Nang kausapin ni Jesus ang kapatid ni Lazaro na si Marta, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Magbabangon uli ang iyong kapatid.” Paano siya sumagot? Sinabi ba ni Marta na ang kaluluwa ni Lazaro ay nasa langit na o nasa ibang dako? Ang tugon ni Marta ay: “Nalalaman ko na siya ay magbabangon uli sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” Nanghahawakan din siya sa turo ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli sa buhay sa lupa. Binigyan siya ni Jesus ng mas malaking dahilan na manampalataya sa pagsasabi: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay.” Pagkatapos, upang patunayan ang puntong ito, nagtungo siya sa libingan ni Lazaro at sumigaw siya nang malakas: “Lazaro, lumabas ka!” Ano ang nangyari?
Ang makasaysayang ulat ay nagsasabi: “Siya na patay ay lumabas na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panlibing, at ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus: ‘Siya’y inyong kalagan at bayaan ninyo siyang yumaon.’”—Juan 11:1-44.
Nariyan ang pag-asa na nakatulong sa maraming naulila na kinapanayam ng Gumising! Ang pag-asa ring iyan ang nakatulong sa kanila na umasa sa malapit na hinaharap kapag ang lupa ay magiging isang binagong-muli na paraiso at ang nagbibigay-pag-asa na mga pananalita ni Jesus ay matutupad: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagkat dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay, ang mga namihasa ng paggawa ng masama ay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.”—Juan 5:28, 29.
“Ang Paborito Kong Teksto Ay . . . ”
Kinapanayam ng Gumising! ang mga magulang at mga kabataan tungkol sa pagkamatay ng isang anak sa pamilya.a Muli’t muli, sa pagpapaliwanag kung paano nila nakayanan ang kanilang dalamhati, sabi nila: “Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo ang paborito kong teksto.” Kung ikaw ay nagdadalamhati, marahil ang mga tekstong ito ay makatutulong din sa iyo.
Ang katorse-anyos na si Yunhee, mula sa Seoul, Republika ng Korea, ay namatay dahil sa leukemia noong 1985. Ang kaniyang ama, si Chun Kwang-kook, ay nagpaliwanag sa Gumising! kung paano niya inaliw si Yunhee sa kaniyang mga huling linggo ng buhay: “Sinabi ko sa kaniya ang tungkol kay Lazaro. Sinabi ni Jesus na si Lazaro ay natutulog, at gaya niya, kapag sinabi ni Jesus, ‘Yunhee! Gising na!’ siya ay babangon din mula sa pagkakatulog.”
Si Janet Hercock, mula sa Inglatera, ay 13 anyos nang siya ay mamatay dahil sa kanser noong 1966. Iniwan niya ang kaniyang mga magulang at dalawang kapatid na lalaki, sina David at Timothy. Sinabi ni David sa Gumising! kung aling teksto ang lubhang nakatulong sa kaniya: “Ito’y ang Gawa 17:31, na nagsasabi: ‘Sapagkat [ang Diyos] ay nagtakda ng isang araw na kaniyang nilalayong ipaghukom sa tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaking kaniyang hinirang, at siya’y nagbigay ng katiyakan sa lahat ng tao nang kaniyang buhaying-muli ito buhat sa mga patay.’ Noong libing, idiniin ng tagapagsalita na ang pagkabuhay-muli ni Jesus ang ating garantiya sa isang pagkabuhay-muli sa hinaharap. Iyan ay lubhang nakapagpatibay sa akin.”
Noong Disyembre 1975 kinuha ng batang si George, 14 anyos lamang, ang baril ng kaniyang ama at binaril ang kaniyang sarili. Paano tinanggap ng ama ni George, si Russell, ang pagpapakamatay ng kaniyang anak?b
“Ang ilang mga kasulatan ay naging isang angkla sa akin. Halimbawa, ang mga salita sa Kawikaan 3:5: ‘Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.’ Sa paanuman ako noon ay nananalig sa aking sariling kaunawaan sa pagsisikap kong tanggapin ang nangyari.”
Ang pamilyang Morgan, mula sa Inglatera, ay nasa Sweden nang ang kanilang anak na si Darrall ay biglang nagkasakit. Isang emergency na operasyon ang isinagawa sa Stockholm. Sa wakas siya ay isinakay ng eruplano patungong Inglatera, kung saan siya ay namatay pagkatapos lamang ng kaniyang ika-24 na kaarawan. Ganito ang sabi ng kaniyang inang si Nell: “Isang kasulatan na natimo sa aking isipan ay ang Mateo 22:32, kung saan sinipi ni Jesus ang sinabi ng Diyos: ‘Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.’ Pagkatapos ay sinabi pa niya: ‘Siya ang Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy.’ Batid ko na ang mga salitang iyon ay nangangahulugan na si Darrall ay nananatili sa alaala ng Diyos at magbabalik sa pagkabuhay-muli.”
Pag-asa para sa Patay—Malapit nang Maging Totoo
Ipinakikita ng hula ng Bibliya na tayo ay malapit na sa panahon kapag kikilos na ang Diyos upang isauli ang kapayapaan at buhay na walang-hanggan sa masunuring sangkatauhan. Ang Diyos ay nangangako: “Aking gagawing kagalakan ang kanilang pagluluksa, at aking aaliwin sila at aking pagagalakin sila sa kanilang kapanglawan.” “‘Iyong pigilin ang iyong tinig sa pag-iyak, at ang iyong mga mata sa mga luha, sapagkat gagantihin ang iyong mga gawa,’ ang sabi ni Jehova, ‘at sila’y magsisibalik na mula sa lupain ng kaaway na [kamatayan].’”—Jeremias 31:13-17.
Sa panahong iyon unti-unting isasauli ni Jehova ang buhay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli niyaong mga nangamatay sa buong kasaysayan ng tao. Sa ilalim ng makalangit na pamahalaan ng bagong sistema ng Diyos, sila ay magkakaroon ng pagkakataon na piliin ang buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos ukol sa buhay sa panahong iyon. Sa gayon, kung babaling tayo sa Bibliya, masusumpungan natin doon ang tunay na pag-asa para sa mga patay at kaaliwan para sa mga buháy.—Gawa 24:15; Apocalipsis 20:12-14; 21:1-4 .
[Mga talababa]
a Isasaalang-alang ng hinaharap na labas ng Gumising! ang reaksiyon ng kapatid sa pagkamatay ng isang kapatid na lalaki o babae.
b Ang paksang pagpapakamatay at pagdadalamhati ng mga magulang at tatalakayin sa hinaharap na labas ng Gumising!
[Kahon sa pahina 14]
Naranasan ni Diane Krych, na naglahad tungkol sa kamatayan ng kaniyang anak na si David sa ating ikalawang artikulo, ang matinding pagdadalamhati at pagtatatuwa. Ito’y makikita sa mga liham na isinulat niya kay David, at itinago niya, sa loob ng 13 taon. Huminto siya ng pagsulat nang harapin niya ang katotohanan ng kamatayan ng kaniya mismong ama, na kaniyang inalagaan. (Hindi iminumungkahi ng Gumising! ang pagsulat bilang isang anyo ng ginhawa. Gayunman, sinipi namin ang unang liham upang ilarawan kung paanong ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay naging angkla niya at nakatulong sa kaniya mula noon.)
Mahal kong David,
Ikaw ay 46 na araw na ngayong natutulog. Para bang mga taon na ang lumipas mula nang huli kitang makita at mahawakan. Ngunit ang mga araw ng iyong pagtulog ay limitado. Sana’y alam ko ang bilang sapagkat mamarkahan kong isa-isa ang bawat araw na lumipas. Para sa amin, ito’y matagal, mahirap, at malungkot na paghihintay, subalit para sa iyo ito ay waring mga ilang minuto lamang. Ako’y nagpapasalamat diyan. Inaasam-asam namin ang araw kapag ikaw ay gigisingin ni Jehova sa pagkakatulog sa bagong kaayusan. Magkakaroon tayo ng pinakamalaking parti na kailanma’y iyong makikita. Tatagal ito ng tatlong araw sa paanuman. Iimbitahan natin ang lahat ng kakilala natin. Ito ay magiging parti mo. Sana’y hindi na namin kailangang maghintay pa ng matagal. Nananabik na akong hawakan ka sa aking mga bisig, David. Sabik na sabik na kaming lahat sa iyo. Ang bahay ay walang sigla kung wala ka. Hindi na ito magiging gaya ng dati hanggang sa ikaw ay magbalik na uli sa amin.
Kaya, pinakamamahal kong anak, sisikapin naming maging matiyaga at maghintay kay Jehova para sa iyong pagbabalik, samantala, susulatan ka namin ng munting mga kalatas upang ipaalam sa iyo kung ano ang nangyayari samantalang ikaw ay natutulog.
Lahat ng aking pagmamahal,
Mommy
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang Bibliya ay nangangako na ang mga patay, gaya nina Maria at David, ay bubuhaying-muli