Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 12/8 p. 13-15
  • Paano Ko Buong Tapang na Mahaharap ang Aking Dalamhati?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Buong Tapang na Mahaharap ang Aking Dalamhati?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtatatuwa​—“Baka Iba ang Namatay”
  • “Kung sana’y . . . ”
  • “Bakit ang Pagsubok na Ito?”
  • Kailangan Mo ng Isa na Dadamay sa Iyo
  • “Hindi Ko Kailanman Nakitang Umiyak si Itay Noon”
  • Isang Pag-asa na Nagbibigay-lakas
  • Normal Ba na Magdalamhati Tulad ng Nadarama Ko?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • “Paano Ko Makakayanan ang Aking Dalamhati?”
    Gumising!—1987
  • Normal Bang Makadama Nang Ganito?
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
  • Papaano Ko Mapagtitiisan ang Aking Pagdadalamhati?
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 12/8 p. 13-15

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Buong Tapang na Mahaharap ang Aking Dalamhati?

ANG disiotso-anyos na si Jonathan ay namatay sa isang aksidente ng kotse pauwi ng bahay mula sa Long Island, New York. Ang kaniyang siyam na mga kapatid na lalaki at babae ay dumanas ng iba’t ibang uri ng pagdadalamhati.

Tatlo sa mga kapatid ni Jonathan, sina Howard, Agustín, at Lorna, ay nagsabi ng kanilang mga damdamin sa Gumising! Nagugunita ni Agustín: “Ako’y nakahiga sa kama nang panahong iyon. Dumating ang mga pulis at mga paramedic upang ibalita ang nangyari. Bumangon ako at narinig ko ang pinag-uusapan nila. ‘Ano, namatay si Johnny! Hindi ako naniniwala,’ ang unang tugon ko. Pagkatapos nang matanggap ko na ang katotohanan, talagang ako’y nasaktan.”

Ang reaksiyon naman ng pinakamatandang kapatid na lalaki, si Howard, ay galit. “Nais kong malaman kung bakit. Paano ito nangyari? Galit ako sa isa pang tsuper. Subalit wala akong magawa. Ang lalaking iyon ay namatay rin.” Si Lorna ay hindi umiyak subalit siya ay inatake ng nerbiyos. Ito’y isang matinding dagok sa buong pamilya.

Kung ikaw ay namatayan ng isang kapatid na lalaki o babae, paano ito nakaapekto sa iyo? Kung nakakaharap mo ngayon ang pagkamatay na iyon, walang alinlangan na pamilyar sa iyo ang aming tanong, Paano ko buong tapang na mahaharap ang aking dalamhati?a

Pagtatatuwa​—“Baka Iba ang Namatay”

Mahilig itatuwa ng mga naulila ang nangyaring kamatayan. Baka isipin pa nga nila na bigla nilang nakita ang taong namatay sa lansangan, sa isang nagdaraang bus, sa subwey. Anumang panandaliang pagkakahawig ay maaaring magbigay ng pag-asa na marahil ito ay pawang pagkakamali lamang.

Sa iba pang mga kaso, kung minsan iginigiit ng mga magulang ang walang malay na sabwatan ng katahimikan, nagkukunwang walang nangyaring kamatayan. Sang-ayon sa mga manunulat ng The Sibling Bond, ang mga magulang ay lumilikha ng isang tanawin kung saan “dapat sugpuin o pigilin ang kalungkutan, galit, o maligayang mga alaala.” Ang pangwakas na resulta ay na hindi lubusang hinaharap ng mga magulang o ng mga anak ang pagkamatay na iyon, at iniaantala lamang niyan ang pagdadalamhati.

Kung minsan pinararami ng isang pamilya ang dalamhati nito sa pangunguyapit sa mga rutina na nagsisilbing isang tagapagpaalaala sa mahal sa buhay. Halimbawa, kung panahon ng pagkain ang lugar ding iyon sa mesa ay iniiwang bakante, marahil ay inaayos pa ito na para bang ang namatay na anak ay darating sa pagkain. Ito ay isang anyo ng pagtatatuwa. Paano ba pinangasiwaan ng isang pamilya ang situwasyong iyon? Ang sagot ng ina: “Hindi na kami naupo sa mesa sa kusina sa gayon ding ayos. Ang aking asawa ay naupo sa upuan ni David, at iyon ay nakatulong upang punan ang bakanteng iyon.” Gayunman, ang tunay na pagtanggap sa katotohanan tungkol sa kamatayan ay maaaring kumuha ng panahon.

“Kung sana’y . . . ”

Ang pagkadama ng kasalanan ay isa ring karaniwang reaksiyon kapag namatay ang isang membro ng pamilya. Mga katanungan at mga pag-aalinlangan ay bumubuhos sa isipan. ‘Mayroon pa kayang sana’y nagawa kami? Dapat kaya’y sumangguni pa kami sa ibang doktor?’ At nariyan din ang “Kung sana’y . . . ” Kung sana’y hindi namin siya pinayagang hiramin ang aking kotse nang araw na iyon. Kung sana’y naging mas mabait ako sa aking kapatid na lalaki/babae. At ang mga pagpaparatang at pagkadama ng kasalanan ay nagpapatuloy. Gayunman, ito ay natural lamang na mga reaksiyon sa biglang pagkamatay ng isang kapatid na lalaki o babae.

Sa Brazil mga ilang taon na ang nakalipas, isang 18-anyos na babae ang namatay dahil sa isang sakit sa puso. Ano ang naging reaksiyon ng kaniyang kapatid na lalaki? “Nang siya ay maysakit, naninibugho ako sa kaniya dahil sa nakukuha niyang higit na atensiyon kaysa iba sa amin. Ngayon ikinalulungkot ko na gayon ang aking nadama.” Bagaman ang pagkadamang ito ng pagkakasala ay normal, walang mabuting nagagawa ang pagpapasan nito bilang isang habang-panahong pasán.

“Bakit ang Pagsubok na Ito?”

Nang mamatay ang kaniyang 12-anyos na kapatid na lalaki dahil sa kanser, si Cleide, sa Brazil, ay nakadama ng matinding kawalan. Sabi niya sa Gumising!: “Hindi pa kami nagkawalay noon. Tinanong ko ang aking sarili, ‘Bakit ang pagsubok na ito? Ako’y mayroong apat na mga kapatid na babae at isa lamang lalaki, bakit kailangang siya pa ang mamatay? Ang ibang kamag-anak ay may mga anak na lalaki. Bakit kailangang ang sa amin pa ang mamatay?’”

Ang dalamhati ay maaari ring magdala ng mga komplikasyon sa kalusugan. Si Doris, ang kapatid ni Cleide, ay nagkaroon ng pisikal na reaksiyon​—ang pinakagrabeng brongkitis na kailanma’y naranasan niya. Ang ama ay dumanas ng mga kirot sa puso na narikonosi na bunga ng kaigtingan dahil sa pagkamatay ng batang lalaki.

Ang isa pang salik na maaaring makaapekto sa iyong reaksiyon ay, Ilan ba ang mga anak sa pamilya? Kung isa sa dalawa ang mamatay, ang natitira ay nagiging ang nagsosolong anak at maaaring lubhang damdamín ang pagkamatay.

Kailangan Mo ng Isa na Dadamay sa Iyo

Kaya paano mo buong tapang na mahaharap ang pagkamatay ng iyong kapatid na lalaki o babae? Inirirekomenda ng mga terapis na ibulalas mo, huwag mong pigilin, ang iyong dalamhati. Ang tagapayong si Dr. Earl Grollman ay nagmumungkahi: “Hindi sapat na kilalanin mo ang naglalabang mga damdamin; dapat mong pakitunguhan ang mga ito nang hayagan. Iyan ang dahilan kung bakit may yugto ng pagdadalamhati. Ito ang panahon upang ibahagi ang iyong mga damdamin.” Kaya, hindi ito panahon upang ibukod mo ang iyong sarili sa mga tao.​—Kawikaan 18:1.

Ang hindi nailabas na dalamhati ay maaaring humantong sa mga suliraning pangkaisipan. Kailangan mo ng isa na dadamay sa iyo​—isang magulang, isang kapatid na lalaki o babae, isang mabuting kaibigan, o isang matanda sa kongregasyong Kristiyano. Gaya ng sabi ni Dr. Grollman: “Ang damdamin na hindi ipinahahayag ay hindi nasisira. Pinatatagal mo lamang ang paghihirap at inaantala mo ang pagdadalamhati.” Kaya, ano ang iminumungkahi niya? “Humanap ka ng isang mahusay na tagapakinig, isang kaibigan na makauunawa na marami sa iyong mga damdamin ay normal na mga reaksiyon sa iyong mapait na dalamhati.”

At kumusta naman kung tila nais mong maiyak? Ganito pa ang sabi ni Dr. Grollman: “Sa iba, ang luha ang pinakamabuting terapi para sa hirap ng damdamin, para sa mga lalaki gayundin para sa mga babae at mga bata. Ang pag-iyak ay isang natural na paraan upang mabawasan ang hapis at mailabas ang kirot.”

“Hindi Ko Kailanman Nakitang Umiyak si Itay Noon”

Ang iyong mga magulang ay maaaring maging isang malaking tulong pagka namatayan​—at ikaw man ay maaaring maging isang tulong sa kanila. Halimbawa, sina Jane at sarah, na buhat sa Inglatera, ay namatayan ng 23-anyos na kapatid na lalaki na si Darrall. Paano nila napagtagumpayan ang kanilang dalamhati? Sabi ni Jane: “Sapagkat apat kami sa pamilya, nilapitan ko at ginawa ko ang lahat upang aliwin si Itay, samantalang ginawa naman ni Sarah ang lahat upang maaliw si Inay. Sa ganitong paraan hindi kami nag-iisa.”

Sabi ni Sarah: “Ang aming mga magulang ay matatag, disididong magpatuloy, anuman ang mangyari. Kailanma’t kami’y makadarama na kami’y nalulungkot sa ganang amin, sasabihin nila, ‘Tena! Tayo’y magsimulang muli.’ Nakatulong iyon sapagkat talagang nadarama mong ikaw ay nalulungkot sa ganang sarili, na hindi nakapagpapatibay.”

Subalit paano nila matutulungan ang kanilang mga magulang? Sabi ni Jane: “Hindi ko kailanman nakitang umiyak si Itay noon. Umiyak siya ng mga ilang beses, at sa isang paraan, ito’y nakabuti, at ginugunita ito, mabuti ang pakiramdam ko ngayon at ako’y naroroon upang basta aliwin siya.”

Mangyari pa, pinakikitunguhan ng ibang tao ang kanilang dalamhati sa iba’t ibang paraan. Hindi namin iminumungkahi na ang isang paraan ay tiyak na mas mabuti kaysa iba. Ang panganib ay bumabangon kapag pumapasok ang hindi pagkilos, kapag hindi matanggap ng nagdadalamhating tao ang katotohanan ng situwasyon. Kung gayon baka kailanganin ang tulong ng madamaying mga kaibigan at marahil ng kuwalipikadong mga Kristiyanong matatanda. Kaya huwag matakot na humingi ng tulong at magsalita. At umiyak din.

Ang Bibliya ay maraming halimbawa ng mga taong lantarang ipinahayag ang kanilang dalamhati. Si Jesus ay nanangis nang lumapit siya sa libingan ng kaniyang kaibigang si Lazaro. (Juan 11:30-38) Ipinagdalamhati ni David ang pagkamatay ng kaniyang pinaslang na anak na si Amnon. (2 Samuel 13:28-39) Si Maria Magdalena ay nanangis nang siya’y lumapit sa libingan ni Jesus. (Juan 20:11-16) Oo, ang isang Kristiyano na may pagkaunawa sa pag-asa ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli ay hindi nagdadalamhati na para bang wala nang pag-asa, na gaya ng ginagawa ng iba. Subalit bilang isang tao na may normal na mga damdamin, siya ay nagdadalamhati at nahahapis sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay, lalo na ng isang kapatid na lalaki o babae.​—1 Tesalonica 4:13, 14.

Isang Pag-asa na Nagbibigay-lakas

Ano ang nagbigay-lakas sa maraming kabataan na namatayan ng isang kapatid na lalaki o babae? Ang kabataang si David, mula sa Inglatera, ay namatayan ng 13-anyos na kapatid na babaing si Janet dahil sa sakit na Hodgkin’s disease. Sabi niya: “Isa sa mga bagay na lubhang nakatulong sa akin ay isang teksto na sinipi sa pahayag sa libing. Sabi nito: ‘Sapagkat ang Diyos ay nagtakda ng isang araw na kaniyang nilalayong ipaghukom ang tinatahanang lupa sa katuwiran, at siya’y nagbigay ng garantiya sa lahat ng tao nang kaniyang buhaying-muli ito, si Jesus, buhat sa mga patay.’ Idiniin ng tagapagsalita ang salitang ‘garantiya’ tungkol sa pagkabuhay-muli. Iyan ay isang malaking pinagmumulan ng lakas para sa akin pagkatapos ng libing.”​—Gawa 17:31.

Oo, ang turo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay at ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay isang tunay na kaaliwan kapag namatayan. Mientras mas natatalos mo na ang pag-asang iyon ng Bibliya ay pinatutunayan ng makasaysayang mga katotohanan, mas tumitibay ang iyong pananampalataya upang palakasin ka sa panahon ng pagdadalamhati.​—Marcos 5:35-42; 12:26, 27; Juan 5:28, 29; 1 Corinto 15:3-8.

[Talababa]

a Para sa higit pang impormasyon kung paano mapagtatagumpayan ang dalamhati, tingnan ang Gumising! ng Agosto 8, 1987, “Pagharap sa Kamatayan ng Isang Anak” at Oktubre 22, 1985, “Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay.”

[Larawan sa pahina 15]

Kapag namatayan ng isang kapatid na lalaki o babae, kailangan natin ang isa na madamayin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share