Yugoslavia—Lupain ng Kahali-halinang Pagkasarisari
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Yugoslavia
“PAANO mo sinasabi ito sa wikang Yugoslavo?” Ang tanong na iyan mula sa isang banyaga ay maaaring sagutin ng isa sa hindi kukulanging tatlong iba’t ibang kasagutan—ang bawat isa sa kakaibang wika! Higit pa riyan, tanungin mo ang isang katutubo ng Yugoslavia, “Ano ang nasyonalidad mo?” at malamang na sasagutin ka niya ng isa sa di-kukulanging anim na iba’t ibang kasagutan—malamang na wala roon ang pagiging, “Yugoslavo”!
Ang Yugoslavia nga ay isang lupain ng kamangha-manghang pagkasarisari. Ang heograpiya nito mismo ay nakatulong na gawin itong gayon. Ang Yugoslavia ay nasa Balkan Peninsula sa timog-silangang bahagi ng Europa, na ang Dagat Adriatico ay nasa kanluran. Napaliligiran ito ng pitong bansa—ang Italya, Austria, Hungary, Romania, Bulgaria, Gresya, at Albania—ang Yugoslavia ay naimpluwensiyahan ng sarisaring kultura.
Maging ang lagay ng panahon ay sarisari: mainit, tuyong tag-araw at banayad, maulang taglamig sa baybayin; sandali, malamig na tag-araw at mahaba, maniyebeng taglamig sa mga rehiyong bulubundukin; mainit na tag-araw at malamig na taglamig sa kapatagan sa hilaga. Lahat ng ito sa isang bansa na umaabot lamang ng mga 1,000 kilometro sa haba at 600 kilometro sa pinakamalapad na punto nito mula sa silangan hanggang sa kanluran.
Isang Bansa ng mga Tao
Gayunman, higit pang pagkakaiba ang masusumpungan sa gitna ng mga tao nito. Sang-ayon sa tantiya noong 1987, sa 23.5 milyong maninirahan ng bansa, maliit na katumbasan lamang ang nagsasabing sila’y mga Yugoslavo (mga Slavo sa Timog). Ang iba pang bahagi ng populasyon ay ipinalalagay ang kanilang sarili na mga Serbo, Croata, Bosniano, Sloveno, Macedonico, Montenegrin, o isa sa maraming minoridad.
Kaya, walang wikang “Yugoslavo”; ang Serbo-Croata, Sloveno, at Macedonico ang opisyal na mga wika ng Yugoslavia. At karagdagan pa sa pagkasarisari nito, dalawang abakada ang ginagamit dito: ang Latin at ang Cyrillic.
Ito’y dahilan sa ang Yugoslavia ay talagang isang pinaglahok na maraming maliliit na bansa, ang bawat isa’y may kani-kaniyang wika, kaugalian, kultura, at mga tradisyon. Gayunman, ang pagsasamang ito ng mga bansa ay umiral sa loob lamang ng maikling yugto ng panahon, yamang sila ay naging magkaanib lamang noong 1918 nang ang Kaharian ng mga Serbo, Croata, at Sloveno ay isinilang. Ito’y isang maligalig na alyansa, subalit ito’y tumagal hanggang noong sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II. Mula sa mga abo ng digmaang iyon bumangon ang Sosyalistang Pederal na Republika ng Yugoslavia. Kaya mula sa pasimula nito, ang Yugoslavia ay magkakaiba. Isa pa, taglay rin nito ang kultural na bakas ng dalawang malalaking imperyo na nangibabaw rito noo: ang Austria-Hungary sa hilaga at ang Imperyong Ottoman sa timog.
Pagkasarisari na Nakalulugod sa Panlasa
Yamang ang pagkasarisari ay likas sa lupaing ito, mahirap makasumpong ng isang bagay na gaya ng isang tipikal na pagkaing Yugoslavo. Sa hilagang-kanluran, masisiyahan ka sa pagkain ng mga taga Gitnang Europa. Sa gitna at sa timog-silangan, makakain mo ang mga pagkaing Turko-Oryente. Sa baybayin, isda at alak ang isinisilbi. Gayumpaman, ang ilang mga bagay ay lubhang popular sa mga turista. Marami ang humihingi ng ćevapčići (binibigkas na “che-vap-chee-chee”), isang inihaw, may rekadong karne na may katakamtakam na amoy. Paborito rin ang šljivovica (binibigkas na “shlee-vo-vee-tza”), ang kilalang brandy na buhat sa plum. At sa mapagpatuloy na tahanan sa buong bansa, ikaw ay halos laging aalukin ng turska kafa, isang matapang, walang gatas na kapeng Turko—mahalaga ito sa isang palakaibigang salusalo. Bagaman ito ay isinisilbi sa isang maliit na tasa na tinatawag na fildžan (binibigkas na “fil-junn”), dahan-dahan ang paghigop nito upang ito’y tumagal na gaya ng inyong pag-uusap.
Magkaibang Pag-uugali
Ang mga tao sa Yugoslavia ay nagkakaiba rin sa pangmalas at pag-uugali. Sa hilaga, ang mga tao ay kahawig ng mga taga-Gitnang Europa. Sila ay humigit-kumulang walang kibo, tinatakdaan ang kanilang malapit na pakikipag-ugnayan at iginagalang ang pribadong buhay ng iba. Ang mga tagatimog, gayunman, ay waring binibigyan-kahulugan ang ugaling ito bilang kawalang-interes sa kapakanan ng kapuwa-tao. Sa kabaligtaran, ang kanilang ugali ay karaniwang pag-uugali ng taga-Balkan: mapagpahayag ng kanilang damdamin, mapagpahalaga sa malapit na mga kaugnayan, matulungin, at, sabi ng iba, mausisa sa punto ng pakikialam!
Halimbawa, sa timog makikita ng isa ang maraming tao, karaniwan na sa gabi, na naglalakad sa kalye, sa walang kadahi-dahilan. Ito ay korzo—isang pamamasyal sa kalye kung saan ang isa ay tiyak na makakatagpo ng mga kaibigan o makakakilala ng bagong mga kaibigan. Maaari ring makita ng isa ang mga pangkat ng mga lalaki na nakaupo o nakatingkayad araw-araw sa harapan ng kanilang mga bahay o ng kanilang paboritong tindahan. Ang mga estranghero ay hindi malilingid sa mga lugar na ito. Aba, kapag ikaw ay dumalaw sa isang bahay, hindi magtatagal at ikaw ay paliligiran ng mga bata at ng mga may edad na na pauulanan ka ng mga tanong: “Sino ka?” “Tagasaan ka?” “Ano ang gusto mo?” At pagbabalik mo sa susunod na pagkakataon, kilala ka na ng lahat sa kalyeng iyon!
Pagkasarisari ng mga Relihiyon
Ito ay may kawili-wiling epekto sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa daigdig sa kanilang mga pagdalaw sa bahay-bahay, at gayundin sa bansang ito kung saan ang unang pagdalaw ay kalimitang umaakit ng malaking pansin sa mga kapitbahay. Sa pagbabalik, kadalasang nasusumpungan ng mga Saksi na ang lahat sa pook na iyon ay nagkaroon ng malakas na opinyon tungkol sa kanila. Kung saan positibong mga komento ang nangingibabaw, sila ay nakakasumpong ng isang masiglang pagtanggap.
Sa kanilang gawain, naiengkuwentro ng mga Saksi ni Jehova ang maraming iba’t ibang relihiyosong paniniwala. Ang Iglesya Servo Orthodoxo, ang Iglesya Romano Katoliko, ang pananampalatayang Islam, at ang Iglesya Macedoniko Orthodoxo na nag-aangking may pinakamaraming tagasunod. Minsan pa, ang gayong pagkakaiba ay bunga ng puwersa ng kasaysayan. Kinumberte ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan—ang mga misyonerong Griego sa silangan at ang mga misyonerong Franco (Franks) sa kanluran—ang mga Slavo noong ikasiyam na siglo. Subalit ang pagkakahati ng Sangkakristiyanuhan noong dakong huli sa Romano Katoliko sa kanluran at sa mga Iglesyang Orthodoxo sa Silangan ay humati rin sa bayang Slavo. Hanggang sa ngayon, ang Katolisismong Romano ay nangingibabaw sa hilagang-kanluran samantalang ang Silanganing Orthodoxo ang nangingibabaw sa timog-silangang bahagi ng Yugoslavia. Ang pananakop ng Ottoman sa Balkan ay nagdala ng pananampalatayang Islam sa lupaing ito.
Sa karangalan nito, ang pamahalaan ng Yugoslavia ay mayroong mapagpahintulot na pangmalas sa pagkasarisaring ito ng relihiyon. Ang mga Saksi ni Jehova ay lalo nang mapagpahalaga sapagkat sila’y malayang nakasasamba nang sama-sama. Nitong kamakailan lamang sila ay binigyan pa nga ng pahintulot sa rehiyon ng Slovenia na gamitin ang mga bulwagan at mga himnasyong pampubliko para sa kanilang mga asamblea. Sila a natutuwa’t naibabahagi nila ang mga katotohanan ng Bibliya sa iba sa lupaing ito ng kahali-halinang pagkasarisari.
[Mapa/Larawan sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
YUGOSLAVIA
Belgrade
AUSTRIA
HUNGARY
ROMANIA
ITALY
BULGARIA
Adriatic Sea
ALBANIA
GREECE
[Credit Line]
Mladinska knjiga; Turistička štampa
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Mladinska knjiga; Turistička štampa