Kagandahan sa Himpapawid
ANG kaniyang pino’t malasutlang buhok ay nililipad-lipad ng hangin, hinahabol ng munting batang babae ang kaniyang “hayop na sisilain”—isang kaakit-akit, magandang paruparo. Nakikisali sa kaniyang munting laro, ang paruparo ay mapagbigay na dumadapo sa bulaklak na ito at sa bulaklak na iyon. Pagkatapos, para bang nanunukso, ito’y agad na lumilipad kapag halos mabihag na ito ng munting mga kamay. Walang anu-ano, ang ating munting kaibigan ay nakaisip ng isang ideya: Sa halip na maingay na habulin ang mailap na paruparo, marahan at tahimik na nilapitan niya ito habang ito ay dumadapo sa isang magandang ligaw na bulaklak. Nanlalaki ang mata, siya ay ginantimpalaan sa pagkakita nang malapitan sa kahanga-hangang tanawin ng isa sa pinakamakulay na nilikha ng Diyos.
Gusto mo bang samahan natin siya? Lalago rin ang ating mismong pagpapahalaga sa may pakpak na obramaestrang ito.
Pagmasdang Mabuti
Nakikita mo ba ang tatlong pangunahing bahagi ng katawan? (Tingan ang pahina 18.) Una, nariyan ang ulo na may isang pares ng hugis-pamalong antena. Ito ay tumutulong sa pang-amoy, pandamdam, at marahil kahit na sa pandinig. Tinutulungan nito ang paruparo na hanapin ang paborito nitong pagkain o kapareha. At, napansin natin ang dalawang malalaking mata na binubuo ng maraming magkakahiwalay na mga paningin na may kakayahang makakita ng magandang tanawin sa ganap na kulay. Nakikita mo ba ang animo’y isang tubong nakarolyo at nakasuksok sa ilalim ng ulo nito? Ang mahabang dila na ito ay tinatawag na proboscis. Ito’y umuunat upang masipsip ng paruparo ang matamis na nektar mula sa mga bulaklak o upang malasahan ang iba pang paboritong pagkain.
Ang gitnang bahagi ng katawan ay tinatawag na thorax. Apat na magagandang pakpak ang nakakabit dito. Ang matitingkad na kulay at masalimuot na mga disenyo na nakikita natin ay sa katunayan dahil sa daan-daang pagkaliliit ng mga kaliskis, bawat isa’y nakakabit sa isang saket sa pakpak. Ang may kulay na mga kaliskis na ito ay naglalaman ng hangin, na gumagawa sa pakpak na magaang at kumikilos bilang isang ekselenteng insulaytor para sa pagkontrol ng temperatura.
Nakakabit din sa thorax ang tatlong pares ng paa. Ang mga paa ay may mga balahibo na tumutulong sa maraming paruparo upang tumugon sa tunog.
Ang adultong mga paruparo ay mayroon ding ‘mga panlasa’ sa kanilang mga paa. Nasumpungan ng mga mananaliksik na kapag nahipo ng paa ng paruparo ang isang bagay na matamis, ang dila ay kusang umuunat, handang kumain. Ang paruparong North American monarch ay may mga sangkap na panlasa sa mga paa nito na 2,000 ulit na mas sensitibo sa dila ng tao!
Ang huling mahalagang bahagi ng katawan ay ang tiyan, na naglalaman ng sistema sa panunaw at ng mga sangkap sa pagpaparami. Pagmasdan mong mabuti ang mga parte ng tiyan, at makikita mo ang maliliit na butas kung saan humihinga ang isang paruparo. Ang mga ito ay tinatawag na spiracles.
Isang Dalubhasa sa Pagbabago
Ang paruparong naoobserbahan nating nakadapo sa bulaklak ay hindi laging gayong kaakit-akit o gayon kagandang kumilos. Ito’y dumaan sa ilang mabilis at dramatikong mga pagbabago sa anyo. Ang prosesong ito ng pagbabago ay tinatawag na kompletong pagbabagong-anyo. Malaking pagbabago ang nagaganap sa pagitan ng iba’t ibang yugto ng isang nabubuhay na organismo.
Depende sa uri ng paruparo, ang buhay ay nagsisimula bilang isang pagkaliit-liit na itlog na iniitlog sa dahon ng isang halaman na kakainin ng larva—o mas kilala sa isa pang pangalan nito, higad—kapag ito ay napisa. Ang ibang mga itlog ay naging mga higad sa loob ng tatlong maikling araw. Ang ibang itlog na iniitlog sa taglagas ay palilipasin ang taglamig bago mapisa.
Minsang ito’y mapisa, sisimulan ng gutom na higad na kanin ang walang laman na balat ng itlog. Pagkatapos ay ibinabaling nito ang kaniyang atensiyon sa halaman. Ang munting kinapal ay isang tunay na makinang kumakain habang binubundat nito ang sarili upang mag-imbak ng sapat na pagkain na tatagal hanggang sa mga panahon ng walang pagkain sa hinaharap. Sinasabi ng mga espesyalista sa paruparo na kung ang isang sanggol na tao na tumitimbang ng anim na libra ay bibigat sa katulad na bilis ng higad, sa pagtatapos ng dalawang linggo ang sanggol ay titimbang ng walong tonelada!
Tiyak, habang sinasapatan ng higad ang malakas na gana nito sa pagkain, ang katawan nito ay lumalapad, at literal na napagkakalakhan nito ang kaniyang balat. Karaniwan na, ang isang higad ay nahahati at nagpapalit ng balat nang makaapat o makalimang beses bago pumasok sa ikatlong yugto ng paglaki nito—ang yugto ng pupa.
Ang kahali-halinang paghuhunos ng higad na ito ay nagsisimula kapag ang maygulang nang larva ay kumakabit mismo sa isang pang-ibabaw na may malasutlang tagapag-ingat ng buhay. Sa isang panghimpapawid na pagkilos na hahangaan ng karamihan ng mga nagtatanghal sa circus, ang higad ay naghuhunos ng balat upang ipakita ang isang pupal shell sa ilalim. Ang lahat ng pagkain ay tumitigil. Ang pupa, o crisalida, ay maaari ngayong magtingin inaktibo o patay pa nga, subalit sa loob isang hindi kapani-paniwalang pagbabago ang nagaganap na babago sa larva tungo sa isang magandang paruparo.
Ang mga hormone ang nagpapangyaring matunaw ang karamihan ng mga sangkap ng larva, at ang resultang likido at mga materyales ay muling nagbabago upang maging adulto sa loob ng pupa.
Ang mainit na temperatura, sapat na haba ng liwanag ng araw, at halumigmig ang humuhudyat sa paglaki ng paruparo sa loob na nagsasabing panahon na upang lumabas. Ang crisalida ay bumubuka habang ang may pakpak na kagandahan ay nagpupumiglas na makalaya, na kumukuha ng mga 90 segundo hanggang 5 minuto. Ang bagong pisang paruparo ay para bang hindi pa handang pasinaya. Ang napakaliit na silid nito ay nagpangyari sa mga pakpak nito na mabasa at magusot. Kaya, nangungunyapit sa pinanggalingan nito, binubomba nito ang mga likido ng katawan sa mga ugat ng pakpak, na lumalapad at nagsisimulang tumigas. Ang haba ng buhay nito ay maaaring mula tatlong araw hanggang sa walong buwan o kahit na isang taon.
Paghahanap ng mga Paruparo
Kung gusto mong maglakbay sa tigang na mga disyerto sa timog-kanluran ng Estados Unidos, masisiyahan kang makasumpong ng Felders’ orange-tip (Anthocharis cethura). Paano ito nakikibagay sa gayong hindi mabuting klima? Ito ay lumilipad lamang sa maagang mga buwan ng tagsibol sa mga panahon kapag ang sapat na patak ng ulan ay nakagawa ng kanais-nais na mga halamang pagkain nito. Maaaring iantala ng matiising pupae ang pagpisa sa itlog ng hanggang lima o anim na taon, naghihintay sa tamang dami ng halumigmig.
Ang mga disyertong ito ay tirahan din ng isa pang natatanging paruparo: ang giant skipper (Megathymus coloradensis). Ang malaking paruparong ito ay may tipak-tipak na katawan at medyo maliit na tatsulok na mga pakpak na para bang ang paglipad nito ay asiwa. Huwag kang palinlang—ang mga jet na ito sa daigdig ng mga insekto ay maaaring maging ang pinakamatuling paruparo sa daigdig, na ang bilis ay 96 kilometro por ora.
Kung maglalakbay tayo sa malamig ang hangin na tuktok ng Sierra Nevada sa California, masusumpungan natin ang matigas na ivallda artiko (Oeneis ivallda). Natitiis nito ang mga taglamig na tumatagal ng siyam hanggang sampung buwan sa taas na 3,000-4,000 metro. Paano ito nakaliligtas na buháy? Ang mga siyentipiko ay naniniwala na ang higad ay nakagagawa ng sarili nitong “antifreeze.”
Marahil ay masisiyahan kang masdan ang malaking asul na (Maculinea arion) ng Europa at ang pagka-kasosyo nito sa mga langgam. Pagkaraan ng ilang paghuhunos, ito ay nasusumpungan ng ilang uri ng langgam, na hinahagod ang “glandula ng pulot” sa likod ng higad, inaani ang matamis na likido. Inaampon ng mga langgam ang higad, dinadala ito pabalik sa kanilang pugad, kung saan ito ay binibigyan nila ng larva ng langgam upang kainin bilang kapalit ng matamis na “honeydew.” Sa wakas, ang higad ay pumapasok sa yugto ng pupa, at lumalabas bilang isang paruparo pagkalipas ng tatlong linggo.
Sa daigdig ng paruparo masusumpungan natin ang napakaraming pagkasarisaring laki, hugis ng pakpak, kulay, at disenyo. Gayunman, sa ibang kaso ay kabaligtaran naman. Ang ilang uri ay magkahawig na magkahawig sa isa’t isa anupa’t ang mga dalubhasa lamang ang may kawastuang nakakakilala sa kanila. Ang ibang nakalalasong uri ay nagbibigay ng proteksiyon sa kanilang hindi nakalalasong kamukha, samantalang natutuhan ng maingat na mga ibon at ng iba pang mga maninila na huwag silang kainin. Ang kilalang pinakamaliit na uri ng paruparo, ang pygmy blue (Brephidium exilis) ng Hilagang Amerika, ay wala pang isang centimetro ang lapad ng pakpak. Ang pinakamalaki ay ang Queen Alexandra’s birdwing (Ornithoptera alexandrae) ng Timog Pasipiko, na ang lapad ng pakpak ay 28 centimetro.
Halos 10,000 hanggang 20,000 iba’t ibang uri ng paruparo ang nagpapalamuti sa ibabaw ng planetang ito. Ang mga ito ay masusumpungang nabubuhay sa matinding init ng disyerto sa Hilagang Aprika; inaakyat ang nakalululang kataasan ng Himalayas sa taas na 6,000 metro; naninirahan sa mahigit 30 metro sa ilalim ng antas ng tubig sa Gitnang Silangan at sa Death Valley, California; lumilipad-lipad sa tropikal na kagubatan ng Timog Amerika, Aprika, at Asia; pinapatrolya ang maalong baybayin ng dagat sa Atlantiko; at nabubuhay pa nga sa nagyeyelong kapatagan sa ibabaw ng Arctic Circle.
Sa isang humahagibis na kulay, ang paruparong minamasdan natin sa simula ay minsan pang pumailanglang, patungo sa mga dakong di-alam. At kasama ng ating munting kaibigan, nadama nating ang buhay ay lalong makulay dahil sa pagkamasid natin sa isa sa maraming magagandang nilikha ni Jehova.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
EIGHT-WING CALICORES
[Credit Line]
A. Kerstitch
BIRDWING
[Credit Line]
A. Kerstitch
ULYSSES SWALLOWTAIL
[Credit Line]
A. Kerstitch
FELDERS’ ORANGE-TIP
CLOUDLESS SULPHUR
MONARCH
[Larawan sa pahina 18]
BRIGHT BLUE COPPER
Antena
Ulo
Thorax
Tiyan