Pagmamasid sa Daigdig
Lumalala ang Iskandalo sa Dugo sa Pransiya
Ang mga imbestigasyon sa iskandalo sa dugo sa Pransiya ay nakapaglabas ng mga dokumento na nagpapakita na maliwanag na mas inuna pang isaalang-alang ng mga opisyal ng gobyerno ang ekonomiya kaysa kalusugan at kaligtasan ng mga pasyenteng Pranses. Ayon sa International Herald Tribune ng Paris, isiniwalat ng mga dokumento na nang matuklasan ng Amerikanong laboratoryo ang isang pamamaraan ng pagsasala ng dugo upang masubok ang virus ng AIDS sa mga suplay ng dugo, hinadlangan ng mga opisyal na Pranses, na ikinatakot na ang produkto na galing sa E.U. ay maaaring dumagsa sa pamilihang Pranses, ang mga benta “upang mabigyan ang manggagawang Pranses ng panahon na humabol sa paggawa ng katulad na produkto.” Bilang resulta, daan-daang tao ang nagkaroon ng AIDS pagkatapos na tumanggap ng nahawahang dugo sa mga pagsasalin sa panahon ng halos pitong buwan na ginugol ng kompaniyang Pranses upang gumawa ng produkto nito.
Isang “Diyablo” na Nabawas
Isang mag-asawa sa Tokyo ang nagpangalan sa kanilang bagong silang na anak na Akuma, nangangahulugang “Diyablo.” “Napakalakas ng dating nito anupat kapag narinig mo ito, hindi mo ito malilimutan kailanman,” sabi ng ama. “Ito ang pangalan na magpapangyari sa aking anak na lalaki na makakilala ng maraming tao kapag siya’y lumaki na.” Ang lokal na awtoridad ay pumayag nang una na itala ang pangalan, subalit nang bandang huli ay inalis ito na itinuring ito na di-kanais-nais at isang pag-abuso sa mga karapatang pangmagulang, na nagsasabi na ito’y aakit ng pagtuya at pagtatangi. Pagkatapos ng mga buwan ng paglalaban sa mga korte, ang mga magulang ay sumuko at sila’y nagsabi na kanilang itatala ang kanilang anak na lalaki sa ibang pangalan, upang ituloy nila ang buhay sa araw-araw nang walang sagabal at hindi mahayaang opisyal na walang pangalan ang bata. Gayunman hindi niyan binago ang kalagayan sa bahay. “Patuloy namin siyang tatawagin na Akuma bilang kaniyang pang-araw-araw na pangalan,” sabi ng ama, at sa pangalang ito tumutugon ang sanggol.
Galit at mga Atake sa Puso
“Ang mga taong may sakit sa puso ay higit na nadodoble ang kanilang panganib sa mga atake sa puso kapag sila’y nagalit, at ang panganib ay tumatagal ng dalawang oras,” ulat ng The New York Times. Bagaman ipinakita ng nakaraang mga pagsusuri ang kaugnayan ng galit at mas mabilis na tibok ng puso, mas mataas na presyon ng dugo, at pagbabara ng malalaking ugat, ang bagong pagsusuring ito ang kauna-unahang nagharap ng siyentipikong patotoo na ang galit ay maaaring agad na humantong sa atake sa puso. Ang panganib ay maaaring mabawasan sa pamamagitan ng pagsisikap na manatiling kalmado samantalang kinakaharap ang naglalabang damdamin, sabi ni Dr. Murray Mittleman, ang pangunahing awtor ng pagsusuri. “Sinabi rin ng mga mananaliksik na ang mga taong umiinom ng aspirin, na nagpapababa sa mga panganib ng atake sa puso, ay bahagyang naiingatan mula sa mga epekto ng sigalbo ng galit,” sabi ng artikulo, malamang dahil sa binabawasan ng aspirin ang kakayahan ng mga platelet na mamuo at bumara sa malalaking ugat. Kaya maaaring nakaaapekto ang galit sa mga platelet, sabi ni Dr. Mittleman.
Hindi Nababagay ang Tulog at mga Contact Lens
Ang mga tao na laging nagsusuot ng kanilang mga contact lens habang natutulog ay walong ulit na malamang na magkaroon ng impeksiyon sa mata kaysa sa mga hindi gumagawa ng ganito, ayon sa kamakailang pagsusuri. Natuklasan ng mga mananaliksik na maging ang maingat na malinis na pangangalaga sa lens ay hindi pananggalang laban sa malubhang panganib ng pagsusuot ng mga lens nang magdamag, ulat ng International Herald Tribune. Ang magdamag na pagsusuot nito ay maaaring maging sanhi upang ang cornea, ang malinaw na panlabas na pinakabalot ng mata, ay maimpeksiyon ng mga mikrobyo at baktirya, anuman ang uri ng lens. Sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga contact lens bago matulog, mababawasan ng mga gumagamit nito ang posibilidad na mamaga ang cornea ng hanggang 74 na porsiyento.
Pag-unti ng Wika
Sa loob ng 100 taon, kalahati ng 6,000 wika na umiiral sa ngayon ang maglalaho na, ang hula ng Atlas of the World’s Languages. Mga 1,000 wika ang naglaho na sa nakalipas na 500 taon, karamihan sa mga lupain ng Amerika at Australia. Maraming wika ang hindi na itinuturo nang may kasigasigan. Sa Alaska, kung saan may 20 katutubong wika, 2 na lamang ang natututuhan pa ng mga bata. Ang Papua New Guinea ay may 155 wika na ang bawat isa ay may kakaunti sa 300 ang nagsasalita, samantalang sa Australia 135 sa 200 umiiral pang wika ng Aborigine ang sinasalita ng kakaunti pa sa 10 tao. “Hindi basta ang wika ang mismong naglalaho,” ulat ng pahayagang Independent sa London. “Ang buong tradisyon ng panitikan, kapuwa sa salita at pagsulat; ang pambihirang mga sistema ng balarila at talasalitaan na nagpapabanaag nang katumbas na pambihirang mga sistema ng kaisipan at istilo ng buhay; ang wika bilang ang batong panulok ng libu-libong kultura ng tao: lahat ay maglalaho, iiwan ang daigdig sa di-malirip na higit na karukhaan sa pangkulturang kalagayan.”
Nakamamatay na Aralin
Inamin ng Rusong mga opisyal ng abyasyon na isang tripulante ng Aeroflot ang nagtuturo sa kaniyang mga anak kung paano magpalipad nang ang jetliner ay bumangga sa bundok ng Siberia noong Marso, na sumawi sa buong 75 katao na nasa eroplano. “Naganap ang pagbangga dahil ibig ng piloto na ipakita sa kaniyang mga anak kung paano magpalipad ng eroplano,” sabi ng isang ahensiya ng balita sa Russia na Itar-Tass. Sinabi ng Kanluraning mga opisyal ng abyasyon, nagsusuri sa mga rekorder ng paglipad ng eroplano sa Pransiya, na “ang mga tinig ng mga bata ay maririnig at walang mga piloto ang nasa mga kontrol nang ang eroplano ay bumagsak,” ulat ng The New York Times. “Ang mga rekording sa lugar ng mga piloto at tripulante ay nagpapatunay na isa o higit pang mga bata na nasa upuan ng piloto ang di-sinasadyang nakabunot sa awtomatikong mga kontrol at siyang nagpabulusok sa jet sa nakamamatay na paraan,” sabi ng Times.
Pagsugpo sa mga Hanip
Ang hika at mga alerdyi ay dumarami sa Britaniya, ulat ng The Times ng London. Ang sanhi? Mga hanip sa alikabok. “Hindi kailanman nagkaroon ng napakahinang bentilasyon ng hangin ang mga tirahan ng tao—punô ng dumi, maumido, kargado ng nagpapaalerdyi na hangin,” sabi ni Dr. John Maunder ng Cambridge Medical Entomology Centre. Ang mga hanip ay namumuhay sa mga piraso ng balat at lalong nasisiyahan sa maumidong mga kama na hindi gaanong napahanginan. Ang buháy at patay na mga hanip at ang mga dumi nito, pati na ang kaliskis sa balat at amag nito, ang bumubuo ng ikapu ng timbang ng pinabayaang unan. Ang mga dumi ng mga hanip ay nagtataglay ng protina na inaakalang nagpapasidhi sa mga pagsumpong ng hika at ang pangunahing sanhi rin ng rhinitis na alerdyi—isang baradong ilong. Ang makabagong mga bahay na saradung-sarado ay hindi mismo nakapagpapapasok ng sariwang hangin upang masugpo ang mga hanip. Para sa mas malusog na pamumuhay, iminungkahi ni Dr. Maunder ang pagtulog na nakabukas ang mga bintana hangga’t maaari, pagpapahangin sa mga kama araw-araw, at palaging paglilinis ng mga unan, kutson, at paglalaba ng kumot.
Kakayahan o Kalusugan?
“Pangkaraniwan na, ang pampropesyonal na isports ay tanging nababahala lamang sa pagpapasulong ng kakayahan ng mga atleta, bihira ang pagpapabuti ng kanilang kalusugan,” sabi ng ortopedikong si Victor Matsudo, gaya ng sinipi sa Veja. “Hindi kailangan ng sinuman na maging isang atleta upang mapabuti ang kaniyang kalusugan.” Sa katunayan, sabi ni Dr. Matsudo, “ang isang tao na labis kung mag-ehersisyo ay malamang na mamamatay nang mas maaga kaysa mga taong laging nakaupo.” Sabi pa niya: “Maraming tao ang nag-iisip pa rin na ang tamang ehersisyo ay dapat na maging mahirap, makapagpapapawis at makapagpapahirap sa iyo. Hindi ito totoo. Ang wastong ehersisyo ay yaong katamtaman ang bigat, ehersisyo na hindi magdudulot ng kirot, hirap o pulikat man. . . . Ang paglalakad ang unang bagay na iminungkahi para sa isa na laging nakaupo at ibig na magkaroon ng mabuting kalagayan sa pisikal.” Ang isang tao na naglalakad sa loob ng kalahating oras, dalawa o tatlong beses sa isang linggo, ay nababawasan ng 15 porsiyento ang tsansa na mamatay kaysa isang taong laging nakaupo. Iminungkahi ni Dr. Matsudo na ang paglalakad ay dapat gawin sa patag na lugar at sa bilis na magpapahintulot sa isa na madaling makahinga at makipag-usap sa isang tao.
Pinagbabayarang Krimen?
Isang baliw na mamamatay-tao na sunud-sunod ang pinatay sa Estados Unidos ang umamin na siyang pumatay at tumatadtad sa 17 batang lalaki at kalalakihan. Dahil sa mga krimeng iyon siya ay sinintensiyahan ng habang-buhay na pagkabilanggo. Subalit ipinakikita sa mga ulat ng bilangguan na siya’y tumanggap, hanggang nitong Marso ng taóng ito, ng mahigit na $12,000 mula sa mga sumusulat sa buong daigdig mula sa kasinlayo ng Pransiya at Timog Aprika, pati na ang isang donasyon na $5,920 mula sa isang babae sa London. “Isang babae ang nagsabi na ibig niyang turuan [siya] tungkol kay Jesus, kaya pinadalhan niya ang lalaki ng $350, lakip ang ilang literatura sa Bibliya,” sabi ng The New York Times. “Isa pang babae ang nagpadala ng $50 upang [siya] ay makabili ng ‘sigarilyo, selyo at sobre’ sa bilangguan.” Ginastos niya ang karamihan ng pera, bagaman ang mga kamag-anak ng kaniyang mga biktima ay hindi man lamang nakatanggap ng isang kusing sa mahigit na $80 milyong kabayaran na ipinataw laban sa kaniya. Ayon sa tanod ng bilangguan, walang batas ang nagbabawal sa mga bilanggo mula sa pangingilak ng pinansiyal na tulong, hangga’t walang pandaraya na nagagawa.
Kung Bakit Nabibigo ang mga Pagsisikap sa Kapayapaan
“Ang 35 digmaan na naganap sa mundo hanggang nitong 1994 ang tumiyak sa nakatatakot na hula ng Kasulatan na magkakaroon ng mga digmaan at mga ulat ng digmaan,” sabi ng isang artikulo sa Toronto Star. (Ang kapahayagan na ito ay di-tumpak. Sa katunayan inihuhula ng Bibliya na ang mga digmaan di-magtatagal ay mawawala na. Tingnan ang Isaias 2:2-4.) “Ang lahat ng napakaraming digmaan na nagngangalit sa daigdig sa ngayon ay mga labanan sa loob mismo ng isang bansa—walang anumang labanan sa pagitan ng mga bansa.” Ang pagsidhi ng mga gera sibil na ito ay nagpapakita ng kawalang kakayahan ng mga ahensiya ng daigdig na mapayapang lutasin ang mga hidwaan. “Hangga’t batid ng mga grupong naaapi na hindi mapasunod ng UN ang mga miyembrong estado nito sa pinakamaliliit na mga pamantayan ng paggawi at mga karapatang pantao, sila’y magpapatuloy na bumaling sa karahasan upang ipaggiitan ang kanilang mga inaangkin,” sabi ng artikulo. “Talagang walang mga halimbawa pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II ng ubod lakas na militar ng Hilagang mga estado na ginagamit nang may katagumpayan upang tapusin ang gera sa loob ng bansa mismo o gera sibil sa Third World o saanman.” Sa katunayan, ang salapi na ginugugol pa rin sa paghahanda sa gera sibil ang aktuwal na sanhi pa ng mga hidwaang pansibil sa pamamagitan ng paggamit ng mga pondo na maaari sanang ginamit upang mapaunlad ang mga kalagayan na siyang umaakay sa mga gera sibil.