Mula sa Aming mga Mambabasa
Hindi Pag-aasawa Hindi ako sumasang-ayon sa isang balita sa “Pagmamasid sa Daigdig” na pinamagatang “Hindi Pag-aasawa—Bakit?” (Setyembre 22, 1999) Sinabi ninyo na ang pangangatuwiran ng Simbahan “ay walang saligan sa Kasulatan.” Dahil sa Mateo 19:10-12 at 1 Corinto 7:8, 26, 27, ang konklusyon ko ay na may saligan para sa hindi pag-aasawa.
M. T., Estados Unidos
Totoo na inirerekomenda ng Bibliya ang pagiging walang asawa bilang isang kanais-nais na landasin para sa ilan. Subalit, hindi hinihiling ng Bibliya na ang mga ministrong Kristiyano ay huwag mag-asawa. Si apostol Pedro at ang iba pang lalaking may pananagutan sa unang kongregasyong Kristiyano ay mga lalaking may-asawa. (1 Corinto 9:5; 1 Timoteo 3:2) Kaya, ang sapilitang hindi pag-aasawa ay walang saligan sa Kasulatan.—ED.
Pamahiin Bilang isang dalubhasa sa wika, dapat kong itawag pansin sa inyo ang isang pagkakamali sa Oktubre 22, 1999, na Gumising! Sa serye na “Mga Pamahiin—Bakit Lubhang Mapanganib?” tinukoy ninyo ang salitang Aleman na gesundheit na isang paraan ng pagsasabi na “Kaawaan ka ng Diyos” kapag ang isa ay bumabahin. Ang salin sa Ingles ng salita ay “kalusugan.”
C. C., Estados Unidos
Hindi namin ibig ipakahulugan na ang “gesundheit” ang eksaktong salin ng kasabihang Ingles. Itinala ito, kasama ng dalawang iba pang kasabihan sa banyagang wika, na “nahahawig” sa kasabihang Ingles na “Kaawaan ka ng Diyos.”—ED.
Cystic Fibrosis Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Pamumuhay Nang May Cystic Fibrosis.” (Oktubre 22, 1999) Naantig ako sa paraan ng pagharap ni Jimmy Garatziotis sa kakila-kilabot na karamdamang ito. Ang pagpapahalaga niya sa kaniyang mahal na asawa ay nakapagpapatibay rin. Natalos ko kung gaano natin ipinagwawalang-bahala—maging ang ating kakayahang huminga nang normal!
D. A., Inglatera
Wala akong problema na katulad ng kay Jimmy subalit ako’y pinahihirapan ng isang depekto sa puso mula sa pagkabata. Nakaaaliw sa akin na mabasa ang karanasang ito. Nakikiisa ako sa mga damdamin ni Jimmy nang sabihin niya na gusto niyang makatakbo sa mga parang, isang hangarin na inaasahan nating matutupad sa dumarating na bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos.
F. A., Italya
Ang Danube Nais ko kayong pasalamatan sa magandang artikulong “Ang Danube—Kung Makapagsasalita Lamang Ito!” (Oktubre 22, 1999) Nang ako’y munting batang babae pa, ako’y nakatira malapit sa pinagmumulan ng Danube at gustung-gusto ko ito. Bilang isang dalubhasa sa tubig, nagkaroon ako ng pagkakataon na galugarin ang mga ilog, at nadarama kong ang mga ito ay talagang kahanga-hangang mga paglalang ng Diyos.
D. O., Croatia
Sinabi ninyo na ang University of Vienna, na naitatag noong 1365, ang pinakamatandang pamantasan sa mga bansang nagsasalita ng Aleman. Kung ang ibig ninyong sabihin ay kung saan sinasalita ngayon ang Aleman—sa Alemanya, Austria, at bahagi ng Switzerland—tama ang pangungusap na ito. Gayunman, ang pinakamatandang pamantasan kung saan ang ginagamit na wika ay Aleman ay naitatag noong 1348 sa Prague, ang kabisera ng Czech Republic ngayon. Noong panahong iyon ito ay sakop pa ng Austria.
M. E., Alemanya
Sa katunayan, ang Prague ang kabisera ng Bohemia. Bagaman sinasalita roon kapuwa ang wikang Aleman at Czech, ang opisyal na wika sa unibersidad ay Latin.—ED.
Pagkamahiyain Maraming-maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Hindi Ko Magawang Maging Higit na Palakaibigan?” (Oktubre 22, 1999) Ito ay naging pagkain sa tamang panahon. Ako’y pinahihirapan ng pagkamahiyain sa buong buhay ko. Ako po’y 17 taóng gulang at nahihirapan akong makipagkilala at makihalubilo sa mga baguhan sa mga pagtitipong Kristiyano. Dahil dito, nasayang ko ang maraming pagkakataon upang palawakin at masiyahan sa pakikisama sa mga kapatid na lalaki at babae. Ang inyong artikulo ay nakatulong sa akin na matanto na ang pagkamahiyain ay pangkaraniwan at na ito’y isang bagay na maaari kong mapagtagumpayan.
B. H., Estados Unidos