Tagatangkilik ng Digmaan o Tagapagtaguyod ng Kapayapaan?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SWEDEN
Taun-taon, ang Nobel prize ay iginagawad sa mga indibiduwal o mga organisasyon na nakagawa ng mahahalagang kontribusyon para sa ikabubuti ng sangkatauhan sa iba’t ibang larangan. Kailan nagsimula ang kaugaliang ito, at paano ito nauugnay sa paghahanap ng pandaigdig na kapayapaan?
ANG kaniyang pangalan ay nauugnay sa pagpapaunlad sa sangkatauhan, subalit nagkamal siya ng malaking kayamanan dahil sa pagbebenta ng mga sandatang pandigma. Sino siya? Siya si Alfred Bernhard Nobel, isang industriyalista at kimikong taga-Sweden. Pinapurihan si Nobel dahil sa kaniyang makataong mga pagsisikap, subalit tinagurian din siyang “isang mángangalakál ng kamatayan.” Bakit? Sapagkat si Nobel ang nag-imbento ng dinamita, at sa buong buhay niya ay yumaman siya dahil sa paggawa at pagbebenta ng nakamamatay na mga pampasabog.
Gayunman, pagkamatay ni Nobel noong 1896, may nakagugulat na natuklasan. Isinaad ng kaniyang testamento na ang $9 na milyon ay itatabi at bawat taon ang tutubuing interes ay ipagkakaloob sa mga indibiduwal na nakagawa ng namumukod-tanging mga tagumpay sa larangan ng pisika, kemistri, medisina, literatura, at kapayapaan.
Noong una, maraming tao ang naguguluhan. Bakit gayon na lamang kasabik ang isang negosyante ng mga dinamita na magkaloob ng gantimpala para sa matagumpay na mga nagawa ukol sa pagkakawanggawa at maging para sa kapayapaan? Ipinapalagay ng ilan na si Nobel ay binabagabag ng kaniyang budhi dahil sa mapaminsalang katangian ng kaniyang trabaho na kaniyang ginawa sa buong buhay niya. Gayunman, naniniwala ang iba na sa pasimula pa’y itinataguyod na ni Nobel ang kapayapaan. Sa katunayan, parang pinaniniwalaan niya na habang nagiging mas nakamamatay ang mga sandata, mas malamang na hindi maganap ang digmaan. “Marahil ay mas madaling tapusin ng aking mga pagawaan ang digmaan kaysa sa magagawa ng inyong konggreso,” ang iniulat na kaniyang sinabi sa isang manunulat, at idinagdag pa: “Sa araw mismo na parehong maglipulan ang dalawang kampo ng mga hukbo sa isang iglap lamang, marahil ang lahat ng sibilisadong mga bansa ay uurong sa takot at bubuwagin ang kanilang mga tropa.”
Nagkatotoo ba ang hula ni Nobel? Anong mga aral ang natutuhan sa loob ng dantaong lumipas pagkamatay ni Nobel?
[Blurb sa pahina 3]
“Ibig kong mag-imbento ng isang substansiya o makina na may pagkalakas-lakas na puwersa para pumuksa nang lansakan upang sa gayo’y maging imposible na ang digmaan magpakailanman”—ALFRED BERNHARD NOBEL
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
Pahina 2: Missile: U.S. Navy photo; mga guho ng gusali: UN PHOTO 158178/J. Isaac; pahina 3: Nobel: © Nobelstiftelsen