Crazy Horse—Bundok na Ginawang Monumento
ANO ang mag-uudyok sa isang marunong na kabataang Polako-Amerikanong eskultor na natuto sa sarili upang mangahas na gawing larawan ng isang iginagalang na mandirigmang Indian ang isang bundok? Hindi ito isang madaliang desisyon, sapagkat si Korczak Ziolkowski—iyan ang pangalan ng eskultor—ay inabot ng pitong taon bago nakapagpasiya.
Noong 1939, tumanggap si Korczak ng isang liham mula sa isang matanda nang pinunong Indian na Lakota, si Henry Standing Bear (Nakatayong Oso), na nakatira sa Pine Ridge Indian Reservation ng South Dakota. Inanyayahan siya ng pinuno na igawa ng isang bantayog sa Black Hills ng South Dakota ang isa sa bantog na mga pinunong Indian. Ang Black Hills ay itinuturing ng mga Indiang Lakota bilang sagradong teritoryo ng mga Indian, at hindi nila nagustuhan nang tapusin ng eskultor na si Gutzon Borglum ang kaniyang gahiganteng eskultura na naglalarawan sa apat na presidente ng Estados Unidos sa Mount Rushmore, na nasa gitna mismo ng kanilang pinagpipitagang Black Hills. Sumulat si Pinunong Standing Bear kay Korczak na nagsasabi: “Gusto ko sana at ng mga kasamahan kong pinuno na ipabatid sa mga puti na ang mga pula ay may mga dakilang bayani rin.”
Bakit si Crazy Horse?
Bakit si Crazy Horse (Nag-aalmang Kabayo) ang pinili nila?a Nagpaliwanag si Robb DeWall: “Ang mga Indian ang pumili kay Crazy Horse para igawa ng bantayog. Sa diwa, si Crazy Horse ang Indian ng mga Indian—isang ubod-tapang na mandirigma at marunong sa taktika ng militar, ang kauna-unahang Indian na napabantog dahil sa paggamit ng mga bitag. Siya . . . ay hindi kailanman pumirma sa isang kasunduan at hindi kailanman nanirahan sa reserbasyon.”
Ano ang nagbigay kay Korczak ng ideya para sa kaniyang disenyo? Nabalitaan niya ang isang kuwento kung paano sinagot ni Crazy Horse ang isang negosyanteng puti na kumutya sa kaniya dahil ayaw niyang pumunta at manirahan sa reserbasyon gayong ang karamihan ng mga Lakota ay naroon na. Nagtanong ang negosyante: “Nasaan na ngayon ang iyong lupain?” Si Crazy Horse ay “tumanaw sa malayo, tumuro sa may ulunan ng kaniyang kabayo, at buong pagmamalaking nagpahayag, ‘Kung saan nakalibing ang aking mga patay, naroon ang aking lupain.’”
Kung Saan Ilalagay ang Bantayog
Kailangan munang pumili ng bundok na ayon sa plano ay magiging pinakamalaking eskultura sa daigdig, anupat hihigitan pa ang karatig na Mount Rushmore. Noong 1947, sa wakas ay napagpasiyahan nina Korczak at Pinunong Standing Bear ang bundok na gagamitin sa kanilang layunin. Iyon ang 200-metrong tuktok ng isang bundok na 2,050 metro ang taas sa kapantayan ng dagat. Tinawag ito ni Korczak na Thunderhead Mountain dahil sa di-pangkaraniwang mga hugis ng ulap na namumuo kung minsan sa ibabaw nito. Paano kaya sila makakakuha ng pahintulot na gawing isang gahiganteng monumento ng isang Indian ang bundok na ito?
Ipinaliwanag ni DeWall sa aklat na Korczak—Storyteller in Stone: “Kahit sino ay puwedeng mag-aplay ng karapatang magmina sa Black Hills at, sa diwa, ‘ariin’ ang lupaing ito sa kondisyon na magbabayad sila ng $100 taun-taon para sa pagtatasa ng ari-arian. Nagtataka si Korczak kung bakit hindi mahalaga sa pamahalaan kung ang bundok man ay magmukhang isang Indian na nakasakay sa kabayo, basta bayaran lamang niya ang hinihiling na halaga ng pagtasa sa ari-arian taun-taon.”
Gaano Kalaking Bahagi ng Bundok ang Pasasabugin?
Napakalaking trabaho ang napaharap kay Korczak, na limitado lamang ang pera, at sa simula, siya lamang mag-isa ang nagtatrabaho. Ang unang pagpapasabog ng dinamita ay noong Hunyo 3, 1948, na nagbuga lamang ng sampung toneladang bato. Mula noon hanggang 1994, tinatayang 8.4 milyong tonelada ng bato ang pinasabog mula sa bundok. Daan-daang Indian ang dumating sa unang pagpapasabog, kabilang na ang lima sa siyam na nakaligtas na buháy sa popular na Digmaan ng Little Bighorn (Hunyo 25, 1876).b
Si Korczak ay isang determinado at debotong tao. Gamit ang mga kahoy roon na pinutol niya, gumawa siya ng isang hagdan na may 741 baitang patungo sa tuktok ng bundok, na balak niyang pasabugin at ukitan ng ulo ng kabayo. Kailangan niya ang kuryente upang mapaandar ang jackhammer. Nanggaling ito sa isang lumang kompresor na pinaaandar ng gasolina. Kinailangang ilatag ni Korczak ang 620 metro ng 8-sentimetrong linya ng tubo pataas at patawid sa bundok na binabarena niya. Tuwing bigla na lamang titigil ang kompresor, kailangan niyang bumaba sa hagdang ito, 741 baitang lahat-lahat, para paandarin muli ang motor. Nakapag-ulat siya ng siyam na biyahe pababa’t-paakyat sa isang araw! Hindi niya kayang umupa ng isang magbabantay sa kompresor. Maliwanag na napakatibay ng kaniyang katawan at determinasyon.
Noong 1951, gamit ang 660 litro ng puting pintura, ipininta niya ang balangkas ng binabalak na eskultura sa tagiliran ng bundok. Naging dahilan ito upang maging mas madali para sa mga bisita na ilarawan sa kanilang isip ang kalalabasan ng trabaho.
Trahedya at Krisis
Noong dekada ng 1970 at sa pagsisimula ng dekada ng 1980, pinag-ukulan ni Korczak ng panahon ang pagpapasabog ng sapat na mga bato upang mapasimulan na ang paghugis sa ulo ng kabayo. Dalawang ulit na siyang inatake sa puso (1968 at 1970). Noong tag-init ng 1982, sumailalim siya sa isang matagumpay na operasyon sa puso. Pagkatapos, dumating ang trahedya—bigla ang pagkamatay ni Korczak noong Oktubre ng taon ding iyon sa edad na 74. Ano kaya ang mangyayari ngayon sa napakalaking Crazy Horse na proyekto? Mamamatay na rin kaya ito kasama ng eskultor?
Hindi kailanman inasahan ni Korczak na matatapos niyang mag-isa ang kaniyang trabaho. Batid niyang aabutin nang mahigit sa isang buong buhay bago matapos ang proyekto, kaya gumawa siya ng detalyadong mga plano para sa trabahong ito. Ang kaniyang asawang si Ruth, at ang kanilang sampung anak ay gaya rin niya na determinadong tapusin ang bantayog. Kasama na si Ruth sa bawat yugto ng proyekto, anupat tinutulungan siya sa kaniyang mga kalkulasyon at gayundin sa pisikal na aspekto ng trabaho.
Ang unang priyoridad ni Korczak ay ang matapos ang ulo ng kabayo. Subalit binago ng kaniyang pagkamatay ang planong ito. Noong 1987 ang kaniyang nabalong asawa, kasama ng mga direktor ng walang-patubong samahan, ay nagpasiyang magbigay ng atensiyon sa mukha ni Crazy Horse. Ano ang dahilan ng pagbabagong ito? Yamang di-hamak na mas maliit ang mukha kaysa sa ulo ng kabayo, mas madali itong matapos at mas mura pa. Mabibigyan din nito ang publiko ng mas maliwanag na larawan sa maikling panahon at malamang na maging dahilan ito upang lalong suportahan ng publiko ang proyekto.
Nakagugulat na mga Sukat
Ang ulo ni Crazy Horse ay 26.7 metro ang taas at 18 metro ang lapad. Sinasabing ang “lahat ng apat na ulo sa Mount Rushmore na 20 metro ang taas ay puwedeng magkasya sa loob ng ulo lamang ni Crazy Horse—may lugar pa!” Ayon sa ilang impormasyon, si Crazy Horse, na may nakaunat na kaliwang bisig at ang kaniyang kabayo, ang magiging pinakamalaking eskultura sa daigdig—172 metro ang taas at 195 metro ang haba. Ang bisig mismo ay magiging 69 na metro ang haba, at ang nakaturong daliri ay 11.4 metro ang haba at 3 metro ang kapal.
Hindi tinanggap ni Korczak ang pondo mula sa Estados Unidos para sa kaniyang proyekto. Dalawang beses siyang inalok ng 10 milyong dolyar sa potensiyal na pondo ng pamahalaang pederal, pero tinanggihan niya ito. Sinabi ni DeWall na si Korczak ay “nagpakatatag sa kaniyang walang-bayad na proyektong pilosopiya. Sa buong buhay niya ay binalikat niyang mag-isa ang pag-iipon at pagtustos ng mahigit sa limang milyong dolyar para sa Crazy Horse.” Wala siyang suweldo at walang nakalagak para sa personal niyang gastusin.
May bayad na ngayon ang pagpasok ng mga sasakyan at mas mura ang bayad para sa mga indibiduwal at mga motorsiklo. Sa kasalukuyan, mahigit sa isang milyong bisita ang pumapasyal sa Crazy Horse taun-taon. Maraming donasyong mga kasangkapan at salapi ang nakatulong sa pagpapatuloy ng proyekto.
Ang Indian Museum
Nasa lugar na kinatatayuan ng Crazy Horse ang kahanga-hangang Indian Museum ng Hilagang Amerika, na yari sa mga kahoy roon. Nasa loob nito ang libu-libong sinaunang kagamitan ng mga Indian na kumakatawan sa maraming tribo ng Hilagang Amerika, na umaabot sa mahigit na 500. Mayroon ding malawak na silid-aklatan ng mga reperensiyang akda tungkol sa mga Katutubong Amerikano, na maaaring pagsanggunian ng mga estudyante at mga iskolar.
Naroroon din ang mga Katutubong Amerikana, gaya nina Priscilla Engen at Freda Goodsell (Oglala Lakota), upang sumagot sa mga tanong at magpaliwanag sa ilang likhang-sining at mga gawang-kamay na nakadispley. Si Donovin Sprague, isang instruktor sa pamantasan at miyembro ng tribo ng Miniconjou, isang tribo ng Lakota, ay naroroon para pagsanggunian ng mga bisita. Siya ay kaapu-apuhan ni Pinunong Hump na kabilang sa Digmaan ng Little Bighorn noong 1876.
Ano Kaya ang Kinabukasan ng Bantayog ni Crazy Horse?
Isang bagong tahanan ang pinaplano para sa museo. Ang orihinal na ideya ni Korczak ay ilagay ang museo sa mas malapit sa pinakapaanan ng monumento at may istilong parang tirahan ng mga Navajo. Ito ay magiging isang gusali na maraming palapag, 110 metro ang diyametro. May mga plano rin para sa isang pamantasan at sentro ng pagsasanay sa medisina para sa mga Indian ng Hilagang Amerika. Gayunman, bago magkatotoo ang mararangyang pangitaing ito, dapat munang matapos ang monumento mismo ni Crazy Horse. Gaano katagal ito aabutin? Sinabi ni Ruth na asawa ni Korczak: “Hindi kami makapagtakda ng petsa, yamang napakaraming dapat isaalang-alang—ang lagay ng panahon, ang kalubhaan ng mga taglamig, pananalapi, at iba pang mga bagay. Ang talagang mahalagang bagay ay na patuloy kaming sumusulong tungo sa aming pangunahing layunin.”
[Mga talababa]
a Bilang isang kabataan, kilala si Crazy Horse (c.1840-77) bilang His Horse Stands in Sight (Nakikitang Nakatayo ang Kaniyang Kabayo). “Malamang na noong magdadalawampung taon siya nang pangalanan siyang Crazy Horse [Tasunke Witko, wikang Lakota], anupat sa kaniyang pamilya, siya ang ikatlo, at huling nagdala ng pangalang ito.” Ang kaniyang ama at lolo ang nagtaglay ng pangalang iyan bago siya.—Encyclopedia of North American Indians.
b Sa makasaysayang digmaang ito, isang pinagsamang hukbo ng mga 2,000 Teton Sioux (mga Lakota) at mga Cheyenne ang lumipol kay Tenyente Koronel George Armstrong Custer at sa kaniyang pangkat na may 215 mangangabayo at nagtaboy sa karagdagang hukbong mangangabayo na pinangungunahan nina Medyor Marcus Reno at Kapitan Frederick Benteen. Isa si Crazy Horse sa mga lider na Indian sa digmaang iyon.
[Larawan sa pahina 14, 15]
“Scale model” ng Crazy Horse na nakapinta ang ulo ng kabayo sa gilid ng bundok
[Credit Line]
Pahina 2 at 15: Korczak, Sculptor © Crazy Horse Memorial Fnd.
[Larawan sa pahina 15]
Sina Korczak at Pinunong Henry Standing Bear noong Hunyo 3, 1948. Nasa likod nila ang marmol na “scale model” at ang bundok bago ito pasabugin
[Credit Line]
Larawan: Crazy Horse Memorial archives
[Larawan sa pahina 16]
Ang pamilya Ziolkowski. Ikaapat mula sa kanan ay si Ruth, balo ni Korczak
[Credit Line]
Larawan sa Crazy Horse
[Larawan sa pahina 17]
Ang loob ng Indian Museum
[Larawan sa pahina 16, 17]
Taunang martsa patungo sa mukha ni Crazy Horse
[Credit Line]
Kuha ni Robb DeWall, sa kagandahang-loob ng Crazy Horse Memorial Foundation (walang patubo)
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Mga kuha ni Robb DeWall, sa kagandahang-loob ng Crazy Horse Memorial Foundation (walang patubo)