Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 6/12 p. 15-17
  • Magkaibigan Lang ba Kami—O Higit Pa Do’n?, Bahagi 1

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magkaibigan Lang ba Kami—O Higit Pa Do’n?, Bahagi 1
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • SA SUSUNOD NA “ANG MGA KABATAAN AY NAGTATANONG” . . .
  • Magkaibigan Lang ba Kami—O Higit Pa Do’n?, Bahagi 2
    Gumising!—2012
  • Magkaibigan o Nagkakáibigán?—Bahagi 2: Anong mga Senyales ang Ibinibigay Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Magkaibigan o Nagkakáibigán?—Bahagi 1: Anong mga Senyales ang Natatanggap Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Pagte-text?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—2012
g 6/12 p. 15-17

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Magkaibigan Lang ba Kami​—O Higit Pa Do’n?, Bahagi 1

MAY PARTIKULAR NA TAO KA BANG NAISIP NANG MABASA MO ANG TANONG SA ITAAS?

MERON → BASAHIN AGAD ANG ARTIKULONG ITO. BAKA KAILANGANG-KAILANGAN MO ITONG MABASA.

WALA → BASAHIN MO PA RIN ITO. MAKAKATULONG ITO PARA MATIYAK MO NA ANG PAKIKIPAGKAIBIGAN MO SA DI-KASEKSO AY LAGING NASA LUGAR AT HINDI MAGIGING PROBLEMA.

Markahan ng tama o mali:

Hindi ako dapat makipagkaibigan sa mga di-kasekso kung hindi pa ako handa sa isang seryosong relasyon na hahantong sa pag-aasawa.

․․․․․ TAMA ․․․․․ MALI

Isaalang-alang: Bagaman walang planong mag-asawa, nakipagkaibigan si Jesus sa mga di-kasekso. (Mateo 12:46-50; Lucas 8:1-3) Lumilitaw na gayon din ang ginawa ng binatang si Timoteo, dahil sinabihan siya ni apostol Pablo na makitungo sa “mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.”​—1 Timoteo 5:1, 2.

Alam ni Pablo na habang naglilingkod si Timoteo sa iba’t ibang kongregasyon, marami siyang makikilalang kabataang babae. (Marcos 10:29, 30) Mali bang makipagkaibigan si Timoteo sa kanila? Hindi. Pero dahil wala pa siyang planong mag-asawa, kailangan niyang magtakda ng limitasyon para hindi mahulog ang loob niya sa isa sa kanila. Tiyak na hindi siya nakipagligaw-biro sa mga babae ni pinaglaruan man niya ang kanilang damdamin.​—Lucas 6:31.

Kumusta ka naman? Handa ka na bang mag-asawa?

Kung OO ⇨ Ang pakikipagkaibigan mo sa mga di-kasekso ay maaaring maging daan para matagpuan mo ang iyong mapapangasawa.​—Kawikaan 18:22; 31:10.

Kung HINDI ⇨ Kailangan mong magtakda ng mga limitasyon. (Jeremias 17:9) Madaling sabihin pero mahirap gawin? Oo! “Mahirap manatiling magkaibigan lang ang isang babae’t lalaki,” ang sabi ng 18-anyos na si Nia.a “Hindi madaling maglagay ng limitasyon.”

Pero bakit ba kailangan mong maglagay ng limitasyon? Kasi kung wala, tiyak na masasaktan ka o makakasakit ka ng iba. Pag-isipan kung bakit.

TANDAAN: Kung mahuhulog ang loob mo sa isa nang hindi ka pa handa sa seryosong relasyon, tiyak na may masasaktan. “Dalawang beses itong nangyari sa ’kin,” ang sabi ng 19-anyos na si Kelli. “No’ng una, ako ang nagkagusto, at no’ng sumunod naman, nagkagusto sa akin ang isang binata. Laging may nasasaktan, at nag-iwan ito sa akin ng malulungkot na alaala.”

Pag-isipan:

● Sa anong mga sitwasyon angkop na makipagsamahan ka sa mga di-kasekso? Anong mga sitwasyon ang dapat mong iwasan?

● Bakit hindi mabuti na iyo’t iyon ding di-kasekso ang lagi mong kasama? Ano ang maaari niyang isipin? Ano ang maaari mong isipin?

“Kung minsan, niloloko ko ang sarili ko sa pagsasabing, ‘Magkaibigan lang kami. Parang kapatid ko lang siya.’ Pero kapag nagpapakita siya ng atensiyon sa iba, nasasaktan ako​—na para bang dapat ako lang ang binibigyan niya ng atensiyon.”​—Denise.

Sabi ng Bibliya: “Kung may dumarating na panganib, ang matalino’y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya’y napapahamak.”​—Kawikaan 22:3, Magandang Balita Biblia.

TANDAAN: Kung mahuhulog ang loob mo sa isa nang hindi ka pa handa sa seryosong relasyon, posibleng mawalan ka ng isang kaibigan. “Meron akong ka-text na isang kabataang lalaki,” ang sabi ng 16-anyos na si Kati, “pero nagsimula siyang mag-flirt sa ’kin, at halos araw-araw na kaming magka-text. Tapos minsan, sinabi niyang gusto niya ako at gusto niyang maging higit pa kami sa magkaibigan. Ang problema, wala talaga akong nararamdaman para sa kaniya. Pagkasabi ko nito sa kaniya, bihira na kaming mag-usap, at ngayon, hindi na kami magkaibigan.”

Pag-isipan:

● Sa kaso ni Kati, sino ang nasaktan, at bakit? Puwede bang naiwasan sana ni Kati o ng lalaki na masaktan ang isa’t isa? Kung oo, paano?

● Sa text, paano maipahihiwatig ng isa nang di-sinasadya na higit pa sa pakikipagkaibigan ang gusto niya?

“Kung minsan, dapat kong pigilan ang sarili ko. Masayang kaibigan ang mga lalaki, pero ayokong masira ang pagkakaibigan namin kung lalampas pa iyon do’n.”​—Laura.

Sabi ng Bibliya: “Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”​—Kawikaan 14:15.

Mahalagang tandaan: Hindi maling makipagkaibigan sa mga di-kasekso. Pero kung hindi ka pa handa sa isang seryosong relasyon na puwedeng humantong sa pag-aasawa, kailangan mong magtakda ng mga limitasyon.

SA SUSUNOD NA “ANG MGA KABATAAN AY NAGTATANONG” . . .

Ang pagkakaroon ng romantikong damdamin sa isa nang hindi ka pa handa sa seryosong relasyon ay puwedeng makasira sa reputasyon mo​—alamin kung paano.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 16]

ANO KAYA ANG GAGAWIN MO?

KARANASAN: “Ka-text ko ang isang kaibigan na nakatira sa malayo. Siguro minsan isang linggo kung mag-text kami. Wala akong gusto sa kaniya, at tingin ko naman, hindi rin siya interesado sa akin. Tapos minsan, nag-text siya: ‘Hi, ganda! Miss na kita. Kamusta ka na?’ Nagulat ako! Sinabi ko sa kaniya na magkaibigan lang kami at ’yon lang ang turing ko sa kaniya. Nag-reply siya, ‘Ewan ko sa ’yo!’ At hindi na siya uli nag-text.”​—Janette.

● Kung hindi ka pa naman handang makipagkasintahan o wala kang planong pumasok sa gayong seryosong relasyon, ano ang gagawin mo kung makatanggap ka ng text na gaya ng natanggap ni Janette?

● Kung isa kang lalaki, sa tingin mo ba’y walang masama sa text na ipinadala kay Janette? Bakit iyan ang sagot mo?

● Sa tingin mo, mas madali bang mahuhulog ang loob ng isa sa pakikipag-text kaysa sa harapang pag-uusap? Bakit iyan ang sagot mo?

[Kahon sa pahina 17]

TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO

Tanungin ang mga magulang mo kung ano ang masasabi nila sa mga tanong na kasunod ng mga bullet. Magkaiba ba kayo ng pananaw? Kung oo, paano? Ano ang nakikita mong pakinabang sa pananaw nila?​—Kawikaan 11:14.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

Joshua​—Kung lagi mong kasama ang isang tao, mas malamang na mahulog ang loob mo sa kaniya.

Natasha​—Kahit kaibigan lang ang turing mo sa isa pero lagi namang siya ang kasama mo, mahuhulog ang loob ng isa sa inyo o parehong mahuhulog ang loob ninyo sa isa’t isa.

Kelsey​—Kahit magkaibigan lang kayo sa simula, madaling magbago ang damdamin kung madalas kayong magkasama. Puwede namang maging magkaibigan lang, pero kailangang matured ka at maingat.

[Larawan sa pahina 16]

Kapag nahulog ang loob mo sa isa nang hindi ka pa handa sa seryosong relasyon, mapanganib iyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share