Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • we p. 7-13
  • Normal Bang Makadama Nang Ganito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Normal Bang Makadama Nang Ganito?
  • Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Yaong mga Tumangis sa Bibliya
  • Tumangis o Huwag Tumangis
  • Kung Papaano Kumikilos ang Ilan
  • Kung Papaano Makaaapekto ang Galit at Pagkadama ng Kasalanan
  • Kapag Namatayan Ka ng Asawa
  • “Huwag Mong Hayaang Diktahan Ka ng Iba . . .”
  • “Paano Ko Makakayanan ang Aking Dalamhati?”
    Gumising!—1987
  • Papaano Ko Mapagtitiisan ang Aking Pagdadalamhati?
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
  • SIDS—Pagharap sa Dalamhati
    Gumising!—1988
  • Paano Ko Buong Tapang na Mahaharap ang Aking Dalamhati?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
we p. 7-13

Normal Bang Makadama Nang Ganito?

ISANG naulila ang sumulat: “Bilang isang bata sa Inglatera, tinuruan akong huwag ipahalata ang aking damdamin sa harap ng mga tao. Naaalaala ko pa ang aking ama, isang dating militar, na sinasabi sa akin habang pinagtitiim ang mga ngipin na, ‘Huwag kang iiyak!’ kapag nasasaktan ako. Hindi ko matandaan kung nahagkan o nayakap kailanman ng aking ina ang sinuman sa aming magkakapatid (apat kaming lahat). Ako’y 56 na taon nang masaksihan ko ang pagkamatay ng aking ama. Nakadama ako ng matinding pangungulila. Gayunman, sa pasimula, hindi ako makaiyak.”

Sa ibang kultura, ang mga tao ay hayagang nagpapamalas ng kanilang damdamin. Masaya man sila o malungkot, nalalaman ng iba ang kanilang nadarama. Sa kabilang dako naman, sa ilang bahagi ng daigdig, lalo na sa hilagang Europa at Britanya, ang mga tao, lalo na ang mga lalaki, ay nasanay nang kuyumin ang kanilang damdamin, pigilin ang kanilang emosyon, magtiim-bagang at magkimkim sa sarili. Subalit kapag nakaranas kang mawalan ng minamahal, mali nga kayang ibulalas mo ang iyong pagdadalamhati? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Yaong mga Tumangis sa Bibliya

Ang Bibliya ay isinulat ng mga Hebreo sa rehiyon ng silangang Mediteraneo, na mga taong lantarang nagpapamalas ng kanilang damdamin. Ito’y naglalaman ng maraming halimbawa ng mga taong hayagang nagpamalas ng kanilang pagdadalamhati. Namighati si Haring David sa pagkamatay ng kaniyang pinaslang na anak na si Amnon. Sa katunayan, siya’y “umiyak na mainam.” (2 Samuel 13:​28-39) Nagdalamhati pa nga siya sa pagkamatay ng kaniyang taksil na anak na si Absalom, na nagtangkang kamkamin ang pagkahari. Ganito ang sabi sa atin ng ulat ng Bibliya: “Nang magkagayon [si David] ang hari ay nabagabag at umakyat sa silid sa bubungan sa ibabaw ng pintuang-daan at nanangis; at ganito ang sinabi niya habang siya ay naglalakad: ‘Anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Oh ako na sana ang namatay, ako mismo, sa halip na ikaw, Absalom na anak ko, anak ko!’” (2 Samuel 18:33) Si David ay namighati gaya ng sinumang karaniwang ama. At madalas na nanaisin pa ng mga magulang na sila na sana ang namatay sa halip na ang kanilang mga anak! Wari bang totoong di-karaniwan na mauna pang mamatay ang anak kaysa sa isang magulang.

Ano ang naging damdamin ni Jesus sa kamatayan ng kaniyang kaibigang si Lazaro? Siya’y tumangis habang papalapit siya sa libingan niya. (Juan 11:​30-38) Pagkaraan, tumangis si Maria Magdalena habang papalapit sa libingang-dako ni Jesus. (Juan 20:​11-16) Tunay, ang isang Kristiyano na may kaunawaan sa pag-asa ng pagkabuhay-muli sa Bibliya ay hindi nagdadalamhati nang ganoon na lamang anupat hindi na siya kailanman maaaliw, na gaya ng iba na walang maliwanag na saligan sa Bibliya hinggil sa kanilang paniniwala sa kalagayan ng patay. Ngunit bilang isang tao na may normal na damdamin, ang tunay na Kristiyano, bagaman taglay ang pag-asa ng pagkabuhay-muli, ay nagdadalamhati at namimighati sa pagkamatay ng sinumang minamahal.​—1 Tesalonica 4:​13, 14.

Tumangis o Huwag Tumangis

Kumusta naman ang ating ikinikilos sa ngayon? Nahihirapan ka ba o nahihiyang ipahalata ang iyong nadarama? Ano ang iminumungkahi ng mga tagapayo? Ang kanilang modernong pangmalas ay madalas na umuulit lamang sa sinaunang karunungan ng Bibliya na kinasihan. Sinasabi nila na dapat nating ibulalas ang ating pagdadalamhati, huwag pigilin iyon. Ito’y nagpapaalaala sa atin sa tapat na mga lalaki noon, gaya nina Job, David, at Jeremias, na ang pagpapahayag ng dalamhati ay masusumpungan sa Bibliya. Tiyak na hindi nila pinigil ang kanilang damdamin. Kaya nga, hindi matalinong ibukod mo ang iyong sarili sa mga tao. (Kawikaan 18:1) Sabihin pa, ang pamimighati ay ipinahihiwatig sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang kultura, gayundin depende sa karaniwang mga paniniwalang relihiyoso.a

Ano kaya kung napapaiyak ka? Bahagi ng kalikasan ng tao ang umiyak. Alalahaning muli ang pangyayari ng kamatayan ni Lazaro, nang si Jesus “ay dumaing sa espiritu at . . . lumuha.” (Juan 11:​33, 35) Kaya ipinakita niyang ang pagluha ay isang normal na pagkilos sa kamatayan ng isang minamahal.

Nagdadalamhating mga tao

Normal lamang na magdalamhati at tumangis kapag namatay ang isang minamahal

Ito’y pinatunayan ng halimbawa ng isang ina, si Anne, na namatayan ng kaniyang sanggol na si Rachel dahil sa SIDS (Sudden Infant Death Syndrome). Ganito ang sabi ng kaniyang asawa: “Ang nakapagtataka ay na si Anne at ako ay hindi man lamang napaiyak sa libing. Ang lahat ay umiyak.” Ukol dito, sumagot si Anne: “Oo nga, pero nakaiyak na ako nang husto para sa ating dalawa. Sa palagay ko’y gayon na lamang ang aking nadamang sakít mga ilang linggo pagkatapos ng malungkot na pangyayari, nang sa wakas ay mapag-isa ako sa bahay isang araw. Maghapon akong umiyak. Ngunit naniniwala akong nakatulong iyon sa akin. Naginhawahan ako pagkatapos noon. Kinailangan kong mamighati dahil sa pagkamatay ng aking sanggol. Lubusan akong naniniwala na dapat mong hayaan ang isang namimighating tao na lumuha. Bagaman karaniwan na sa iba na sabihing, ‘Huwag ka nang umiyak,’ hindi makatutulong iyan.”

Kung Papaano Kumikilos ang Ilan

Papaano kumikilos ang ilan kapag nangungulila sa pagkamatay ng isang minamahal? Halimbawa, isaalang-alang si Juanita. Alam niya kung papaano mamatayan ng isang sanggol. Limang ulit na siyang nakunan. Ngayon ay nagdadalantao na naman siya. Kaya nang siya’y kinailangang maospital dahil sa isang aksidente sa sasakyan, natural lamang na siya’y mabahala. Pagkaraan ng dalawang linggo humilab ang tiyan​—nang kulang sa buwan. Di-nagtagal pagkaraan ang munting si Vanessa ay ipinanganak​—tumitimbang lamang nang mahigit dalawang libra. “Tuwang-tuwa ako,” naaalaala ni Juanita. “Sa wakas ay naging nanay rin ako!”

Subalit ang kaniyang katuwaan ay hindi nagtagal. Pagkaraan ng apat na araw namatay si Vanessa. Nagugunita ni Juanita: “Nadama kong wala akong kabuluhan. Inagaw sa akin ang aking pagiging ina. Nadama kong may kulang sa akin. Napakasakit umuwi sa silid na aming inihanda para kay Vanessa at tingnan ang maliliit na kamisetang binili ko para sa kaniya. Nang sumunod na dalawang buwan, naguguniguni ko pa ang araw ng kaniyang pagsilang. Ayokong makipag-usap kahit kanino.”

Labis-labis na pamimighati ba? Baka mahirap para sa iba na maunawaan, subalit yaong nakaranas nito, gaya ni Juanita, ay nagpapaliwanag na sila’y nagdadalamhati para sa kanilang sanggol katulad din ng sa isang nabuhay nang ilang panahon. Matagal pa bago isilang ang isang sanggol, sabi nila, iyon ay minahal na ng kaniyang mga magulang. May isang natatanging buklod sa ina. Kapag namatay ang sanggol na iyan, ang pakiramdam ng ina ay isang tunay na persona ang nawala. At iyan ang dapat unawain ng iba.

Kung Papaano Makaaapekto ang Galit at Pagkadama ng Kasalanan

Ipinahayag ng isa pang ina ang kaniyang nadama nang pagsabihang ang kaniyang anim-na-taóng anak na lalaki ay biglang namatay dahil sa sakit sa puso na kaniyang taglay sapol sa pagkabata. “Iba’t iba ang aking nadama​—pamamanhid, di-makapaniwala, pagkadama ng kasalanan, at galit sa aking asawa at sa doktor dahil hindi niya nalaman kung gaano kaselan ang kaniyang kalagayan.”

Ang galit ay maaaring isa pang sintoma ng pagdadalamhati. Maaaring pagkagalit sa mga doktor at nars, na inaakalang may magagawa pa sana sila sa pangangalaga sa namatay. O baka pagkagalit sa mga kaibigan at mga kamag-anak na, waring, nakapagsalita o nakagawa ng mali. Ang ilan ay nagagalit sa namatay dahil hindi iningatan ang kaniyang kalusugan. Nagunita ni Stella: “Naaalaala ko pa na nagagalit ako sa aking asawa dahil alam kong hindi sana nangyari iyon. Malubha ang kaniyang sakit, pero hindi niya pinansin ang babala ng mga doktor.” At kung minsan ay nagagalit sa namatay dahil sa pasaning idinudulot sa naiwan bunga ng kaniyang kamatayan.

Ang ilan ay nakadarama ng kasalanan dahil sa pagkagalit​—alalaong baga’y, isinusumpa ang kani-kanilang sarili dahil nagagalit sila. Ang iba’y sinisisi ang sarili sa pagkamatay ng kanilang minamahal. “Hindi sana siya namatay,” pinapaniniwala nila ang kanilang sarili, “kung pinapunta ko agad siya sa doktor” o “pinapunta ko siya sa ibang doktor” o “pinapag-ingat ko pa siyang lalo sa kaniyang kalusugan.”

Naalaala ng isang ina na niyayakap niya ang kaniyang anak

Ang pagkamatay ng isang anak ay isang kalunus-lunos na karanasan​—ang tapat na pakikiramay at empatiya ay makatutulong sa mga magulang

Para sa iba ang pagkadama ng kasalanan ay higit pa sa riyan, lalo na kung bigla, di-inaasahan ang kamatayan ng kanilang minamahal. Sinisimulan na nilang gunitain ang mga pagkakataong nagalit sila sa namatay o kaya’y nakipagtalo sa kaniya. O maaaring madama nilang sila’y nagkulang sa namatay.

Ang mahabang pagdadalamhati ng maraming ina ay sinusuhayan ng sinasabi ng maraming eksperto, na ang pagkawala ng isang anak ay nag-iiwan ng isang namamalaging pangungulila sa buhay ng mga magulang, lalo na sa ina.

Kapag Namatayan Ka ng Asawa

Ang pagkamatay ng asawa ay isa pang uri ng malubhang karanasan, lalo na kung sila’y palaging magkasama. Iyon ay baka mangahulugan ng wakas ng isang istilo ng buhay na kanilang pinagsamahan, ng paglalakbay, pagtatrabaho, paglilibang, at pagtutulungan.

Ipinaliwanag ni Eunice ang nangyari nang biglang mamatay ang kaniyang asawa dahil sa atake sa puso. “Nang unang linggo, ako’y nawalan ng pakiramdam, para bang nawala na ako sa mundo. Ni hindi ako makalasa o makaamoy. Gayunman, ang aking pangangatuwiran ay nagpatuloy sa isang naiibang paraan. Palibhasa’y nasa tabi ako ng aking asawa habang sinisikap nila siyang iligtas sa pamamagitan ng CPR at mga gamot, di-inaasahang natanggap ko iyon. Gayunman, naroroon ang matinding pagkadama ng siphayo, para bang pinanonood ko ang isang kotse habang ito’y nahuhulog sa bangin at wala akong magawa.”

Lumuha ba siya? “Siyempre naman, lalo na nang basahin ko ang daan-daang kard ng pakikiramay na aking tinanggap. Iniyakan ko ang bawat isa nito. Nakatulong iyon upang maharap ko ang nalalabing maghapon. Subalit walang naitulong ang paulit-ulit na pagtatanong sa akin kung ano ang aking nadama. Walang-duda, ako’y naging kahabag-habag.”

Ano ang nakatulong kay Eunice upang mapaglabanan ang kaniyang pagdadalamhati? “Walang kamalay-malay, sa di-sinasadya’y nagpasiya akong ipagpatuloy ang aking buhay,” sabi niya. “Gayunman, nananatili pa ring masakit sa akin kapag nagugunita kong ang aking asawa, na gustung-gustong mabuhay, ay wala na rito upang tamasahin iyon.”

“Huwag Mong Hayaang Diktahan Ka ng Iba . . .”

Ang mga awtor ng Leavetaking​—When and How to Say Goodbye ay nagpapayo: “Huwag mong hayaang diktahan ka ng iba kung papaano ka dapat kumilos o kung ano ang dapat mong madama. Iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati ng bawat isa. Ang iba’y baka nag-iisip​—at ipinaaalam sa iyo na sa palagay nila’y​—sobra ang pagdadalamhati mo o kaya’y hindi ka gaanong nagdadalamhati. Patawarin mo sila at kalimutan ang tungkol doon. Sa pagsisikap mo na ipilit sa iyong sarili ang ayon sa gusto ng iba o ng lipunan bilang kabuuan, sinusugpo mo ang iyong pagsulong tungo sa panunumbalik ng iyong kalusugan sa damdamin.”

Mangyari pa, kinakaharap ng iba’t ibang tao ang kanilang pamimighati sa iba’t ibang paraan. Hindi naman natin sinasabing ang isang paraan ay mas mabuti kaysa sa iba para sa bawat tao. Gayunman, lumilitaw ang panganib kapag wala nang pagbabago, kapag hindi na makayanang harapin ng namimighati ang katotohanan ng kalagayan. Kung gayon ay kailangan na ang tulong mula sa nahahabag na mga kaibigan. Ang Bibliya’y nagsasabi: “Ang isang tunay na kasamahan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” Kaya huwag matakot na humingi ng tulong, makipag-usap, at tumangis.​—Kawikaan 17:17.

Ang pagdadalamhati ay isang normal na pagkilos kapag namatayan, at hindi maling mapansin ng iba ang iyong pamimighati. Subalit may mga katanungan pang dapat sagutin: ‘Papaano ko mapaglalabanan ang aking pagdadalamhati? Normal bang makadama ng kasalanan at magalit? Papaano ko haharapin ang ganitong damdamin? Ano ang makatutulong sa akin upang mapagtiisan ang pangungulila at ang pagdadalamhati?’ Sasagutin ang mga ito at ang iba pang mga katanungan ng susunod na bahagi.

a Halimbawa, ang mga Yoruba ng Nigeria ay may tradisyunal na paniniwala sa reinkarnasyon ng kaluluwa. Kaya kapag namatayan ng anak ang isang ina, may matinding pagdadalamhati ngunit sa isang maigsing panahon lamang, yamang gaya ng sabi ng isang bahagi ng awiting Yoruba: “Ang tubig ang natapon. Ang kalabasa ay hindi nabasag.” Ayon sa mga Yoruba, ito’y nangangahulugan na ang kalabasang may lamang tubig, ang ina, ay manganganak pang muli​—marahil ang reinkarnasyon ng isang namatay. Hindi sumusunod ang mga Saksi ni Jehova sa anumang tradisyong salig sa pamahiin na nagmumula sa maling mga idea ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa at reinkarnasyon, na walang saligan sa Bibliya.​—Eclesiastes 9:​5, 10; Ezekiel 18:​4, 20.

Mga Tanong na Dapat Pakaisipin

  • Papaano naaapektuhan ng kanilang kultura ang pagdadalamhati ng ilang tao?

  • Anu-anong halimbawa ang matatagpuan sa Bibliya hinggil sa mga hayagang nagdalamhati?

  • Papaano kumilos ang ilan dulot ng pagkamatay ng isang minamahal? Papaano ka kumilos sa katulad na kalagayan?

  • Bakit isang naiibang karanasan ang kamatayan ng isang asawa?

  • Papaano ba ang magdalamhati? Mali bang magdalamhati?

  • Ano ang ilang bahagi ng pagdadalamhati? (Tingnan ang kahon sa pahina 9.)

  • Anong pantanging kalagayan ang nakaaapekto sa mga magulang sa biglang pagkamatay ng sanggol? (Tingnan ang kahon sa pahina 12.)

  • Papaano naaapektuhan ang maraming ina kapag nalaglagan o namatayan ng anak sa tiyan? (Tingnan ang kahon sa pahina 10.)

Ang Paraan ng Pagdadalamhati

Ang salitang “paraan” ay hindi nagpapahiwatig na ang pagdadalamhati ay may isang itinakdang iskedyul o programa. Ang pagdadalamhati ay maaaring magsanib at magkaroon ng iba’t ibang haba ng panahon, depende sa isa. Ang listahang ito ay hindi kumpleto. Ang iba pang uri ng damdamin ay maaaring lumitaw. Ang sumusunod ay ilan sa mga sintoma ng pagdadalamhati na maaaring maranasan ng isa.

Panimulang nadarama: Pagkabigla sa simula; di-makapaniwala; di-matanggap; pagkawala ng pakiramdam; pagkadama ng kasalanan; galit.

Maaaring ibilang sa malalang pagdadalamhati ang: Pagkamalilimutin at insomniya; matinding pagod; pagiging sumpungin; maling pagpapasiya at pag-iisip; madalas na pag-iyak; pagbabago ng gana sa pagkain, anupat bumababa o tumataas ang timbang; iba’t ibang sintoma ng nasirang kalusugan; pananamlay; pagbagal sa trabaho; mga guniguni​—nararamdaman, naririnig, nakikita ang namatay; sa pagkamatay ng anak, walang-katuwirang pagkagalit sa iyong asawa.

Panahong Tumatatag na ang loob: Kalungkutan na may pananabik sa nakaraan; mas nakawiwiling alaala ng namatay, na may bahid pa nga ng katatawanan.

Pagkalaglag at Pagkamatay ng Anak sa Tiyan​—Dalamhati ng mga Ina

Bagaman may iba pa siyang mga anak, nasasabik pa rin si Monna sa pagsilang ng kaniyang susunod na anak. Kahit bago pa isilang, ito’y isa nang sanggol na kaniyang “nilalaro, kinakausap, at pinapangarap.”

Ang nabubuong buklod sa pagitan ng ina at di pa naisisilang na sanggol ay matibay. Nagpatuloy siya: “Si Rachel Anne ay isang sanggol na sumisipa sa mga aklat na nakapatong sa aking tiyan, hindi ako pinatutulog sa gabi. Naaalaala ko pa ang unang mumunting pagsipa, na waring mararahan, mapagmahal na mga pagkalbit. Sa bawat paggalaw niya, nag-uumapaw sa aking dibdib ang gayong pagmamahal. Kilalang-kilala ko siya anupat alam ko kapag siya’y nasasaktan, kapag siya’y may karamdaman.”

Nagpatuloy si Monna sa kaniyang pagkukuwento: “Ayaw akong paniwalaan ng doktor hanggang sa maging huli na ang lahat. Sinabi niya sa aking huwag akong mabahala. Nararamdaman kong unti-unti siyang namamatay. Bigla siyang umigtad nang malakas. Kinabukasan patay na siya.”

Ang naging karanasan ni Monna ay hindi natatangi. Ayon sa mga awtor na sina Friedman at Gradstein, sa kanilang aklat na Surviving Pregnancy Loss, mga isang milyong babae bawat taon sa Estados Unidos lamang ang nakararanas ng nabigong pagdadalantao. Sabihin pa, ang bilang sa buong daigdig ay mas nakahihigit pa.

Madalas na hindi nauunawaan ng mga tao na ang pagkalaglag o pagkamatay ng anak sa tiyan ay isang trahedya para sa isang babae at isa na mamamalagi sa kaniyang alaala​—marahil sa buong buhay niya. Halimbawa, si Veronica, na ngayo’y may edad na, ay hindi nakalilimot nang siya’y makunan at parating naaalaala ang patay na sanggol sa kaniyang tiyan na nanatiling buhay hanggang ikasiyam na buwan at isinilang na may timbang na 6 na kilo. Nanatili sa kaniyang tiyan ang patay nang sanggol hanggang sa huling dalawang linggo. Sabi niya: “Ang pagsisilang ng isang patay nang sanggol ay isang kalunus-lunos na bagay para sa isang ina.”

Ang damdamin ng bigong mga inang ito ay hindi palaging nauunawaan, kahit nang ibang babae. Isang babae na namatayan ng anak sa pamamagitan ng pagkalaglag ang sumulat: “Ang aking natutuhan sa paraang napakasakit ay na bago ito mangyari sa akin, wala akong kamalay-malay sa dinanas ng aking mga kaibigan. Naging wala akong pakiramdam at walang kabatiran ukol sa kanila gaya ng nararamdaman kong pakikitungo sa akin ng mga tao sa ngayon.”

Mag-asawang nagdadalamhati

Ang isa pang nakabibigat sa nagdadalamhating ina ay ang pag-aakalang hindi nasasaktan ang kaniyang asawa na di tulad niya. Isang asawang babae ang nagpahayag ng ganito: “Gayon na lamang ang aking pagkabigo sa aking asawa noon. Kung para sa kaniya, walang nangyaring pagdadalantao. Hindi niya naranasan ang pagdadalamhating dinaranas ko. Nakikiramay siya sa aking mga pangamba ngunit hindi sa aking pagdadalamhati.”

Ang damdaming ito ay marahil natural lamang sa isang asawang lalaki​—hindi siya dumaan sa katulad na pagbubuklod sa pisikal at damdamin na gaya ng nagdadalantao niyang asawa. Gayunpaman, namatayan din siya. At mahalaga na maunawaan ng mag-asawa na sila’y kapuwa nagdurusa, bagaman sa magkaibang paraan. Dapat na magdamayan sila sa kanilang pagdadalamhati. Kung ikinukubli ito ng asawang lalaki, baka isipin ng kaniyang asawa na siya’y hindi nasasaktan. Kaya ibahagi ang inyong mga luha, mga álalahanín, at mga yakap. Ipakitang kailangan ninyo ang isa’t isa higit kailanman. Oo, mga asawang lalaki, magpamalas ng empatiya.

Sudden Infant Death Syndrome—Pagharap sa Dalamhati

Ang biglang pagkamatay ng isang sanggol ay isang kalunus-lunos na trahedya. Sa isang araw ang isang waring normal, malusog na sanggol ay hindi na nagigising. Ito’y hinding-hindi inaasahan, sapagkat sino ang mag-aakalang ang sinumang sanggol o anak ay mamamatay nang una pa sa kaniyang mga magulang? Ang isang sanggol na naging tampulan ng walang-hanggang pagmamahal ng isang ina ay biglang-biglang naging sentro ng kaniyang walang-hanggang dalamhati.

Sunud-sunod ang pagkadama ng kasalanan. Maaaring akalain ng mga magulang na sila ang may kasalanan sa pagkamatay, na para bang ito’y dahilan sa ilang kapabayaan. Tinatanong nila ang kanilang sarili, ‘Ano kaya ang dapat na ginawa natin para hindi nangyari iyon?’b Sa ilang kaso ang asawang lalaki, kahit walang batayan, ay baka sinisisi ang kaniyang asawa nang di-namamalayan. Nang siya’y pumasok sa trabaho, ang bata ay buháy at malusog. Nang siya’y umuwi, patay na ito sa kaniyang kuna! Ano ang ginagawa ng kaniyang asawa? Nasaan siya nang mangyari iyon? Ang nakayayamot na mga tanong na ito ay dapat na liwanagin upang hindi mapinsala ng mga ito ang pagsasama.

Ang di-inaasahan at di-mahuhulaang mga pangyayari ang dahilan ng trahedya. Sinasabi ng Bibliya: “Ako’y bumalik at nakita ko sa silong ng araw na hindi ang matutulin ang nananalo sa takbuhan, ni ang malalakas man ang sa pagbabaka, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang mga kayamanan man ay sa mga taong may unawa, ni ang mga paglingap man ay yaong sa mga may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat.”​—Eclesiastes 9:11.

Papaano makatutulong ang iba kapag ang isang pamilya ay namatayan ng sanggol? Isang nangungulilang ina ang sumagot: “Isang kaibigan ang dumating at nilinis ang aming bahay kahit wala akong sinasabi. Ang iba’y nagluluto para sa amin. Ang ilan naman ay tumutulong sa pamamagitan lamang ng pagyakap sa akin​—walang salita, yakap lang. Ayokong pag-usapan ang tungkol doon. Hindi ko kailangang ipaliwanag nang paulit-ulit kung ano ang nangyari. Hindi ko kailangan ang nag-uusisang mga tanong, na para bang may pagkukulang ako. Ako ang ina; gagawin ko ang lahat mailigtas lamang ang aking anak.”

b Sudden Infant Death Syndrome (SIDS), na karaniwang nangyayari sa mga sanggol na may edad isa hanggang anim na buwan, ang terminong ginagamit kapag ang malusog na mga sanggol ay biglang namatay nang wala namang dahilan. Sa ilang kaso pinaniniwalaan na ang posibilidad ay maaaring maiwasan kung ang bata ay patutulugin nang nakatihaya o nakatagilid at hindi nakadapa. Gayunman, hindi mahahadlangan ng anumang posisyon sa pagtulog ang bawat kaso ng SIDS.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share