Papaano Makatutulong ang Iba?
“KUNG may maitutulong ako, sabihin mo lang.” Ito ang madalas na sinasabi ng marami sa atin sa kauulila pa lamang na kaibigan o kamag-anak. Aba, iyon talaga ang nasa puso natin. Gagawin natin ang lahat upang makatulong. Subalit tatawagin ba tayo ng naulila at sasabihing: “Alam ko na kung ano ang maitutulong mo sa akin”? Bihira iyon. Maliwanag, baka kailanganing tayo mismo ang magkusa kung talagang ibig nating tulungan at aliwin ang isang nagdadalamhati.
Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga bilaong pilak ang salitang sinalita sa kaukulan.” (Kawikaan 15:23; 25:11) May katalinuhan ang alamin kung ano ang dapat sabihin at kung ano ang hindi dapat sabihin, kung ano ang dapat gawin at kung ano ang hindi dapat gawin. Narito ang ilang maka-Kasulatang mungkahi na nakatulong ayon sa ilang naulila.
Kung Ano ang Dapat Gawin . . .
Makinig: Maging “matulin sa pakikinig,” sabi ng Santiago 1:19. Ang isa sa pinakamalaking maitutulong mo ay ang pakikiramay sa hapdi ng damdamin ng naulila sa pamamagitan ng pakikinig. Baka kailanganin ng ilang naulila na ipakipag-usap ang tungkol sa kanilang namatay na minamahal, tungkol sa aksidente o karamdaman na naging sanhi ng kamatayan, o tungkol sa kanilang nadarama pagkatapos na mamatayan. Kaya magtanong: “Gusto mo bang pag-usapan iyon?” Hayaang sila ang magpasiya. Habang nagugunita ang pagkamatay ng kaniyang ama, isang binata ang nagsabi: “Talagang natulungan ako nang tanungin ako ng iba kung ano ang nangyari at pagkatapos ay talagang nakinig sila.” Makinig nang may pagtitiyaga at pakikiramay nang hindi kinakailangang isipin na dapat magbigay ng mga sagot o solusyon. Hayaan mong maihinga nila ang anumang ibig nilang sabihin.
Muling bigyan ng katiyakan: Tiyakin sa kanila na ginawa na nilang lahat ang magagawa nila (o ano pa mang ibang bagay na alam mong totoo at positibo). Muli mong bigyan ng katiyakan na ang kanilang nadarama—kalungkutan, galit, paninisi sa sarili, o iba pang damdamin—ay normal lamang. Sabihin sa kanila ang tungkol sa ibang kilala mo na napagtagumpayan ang gayunding kawalan. Ang gayong mga “maligayang salita” ay “kagalingan sa mga buto,” sabi ng Kawikaan 16:24.—1 Tesalonica 5:11, 14.
Maglaan ng panahon: Maglaan ka ng panahon, hindi lamang sa unang mga araw kapag naroroon ang maraming kaibigan at kamag-anak, kundi kahit pagkalipas ng ilang buwan kapag ang iba ay nakabalik na sa kani-kanilang karaniwang gawain. Sa ganitong paraan pinatutunayan mo ang iyong sarili na “isang tapat na kaibigan,” ang uri na laging nasa tabi ng kaibigan sa panahon ng “kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) “Tinitiyak ng aming mga kaibigan na kami’y abala pa rin kahit sa gabi upang hindi kami gaanong mapag-isa sa bahay,” ang paliwanag ni Teresea, na ang anak ay namatay sa isang aksidente sa sasakyan. “Iyan ay nakatulong sa aming pangungulila.” Ang sumunod na mga taon, mga petsa ng anibersaryo, gaya ng anibersaryo ng kasal o petsa ng kamatayan, ay baka maging isang maigting na panahon sa mga naulila. Bakit hindi markahan ang mga petsang iyon sa iyong kalendaryo upang kung dumating ang araw na iyon, ay ilaan mo ang iyong sarili, kung kailangan, para sa tulong na pakikiramay?
Kung nakikita mo ang isang tunay na pangangailangan, huwag nang hintayin pang pakisuyuan ka—gumawa ng angkop na pagkukusa
Magkusa kung nararapat: May mga dapat bang asikasuhin? Kailangan bang may mag-alaga ng mga bata? Kailangan ba ng matutuluyan ang mga kaibigan at kamag-anak na dumadalaw? Ang kauulila pa lamang ay madalas na litung-lito pa anupat ni hindi nila alam kung ano ang dapat nilang gawin, kaya papaano pa nila masasabi sa iba kung ano ang kanilang maitutulong. Kaya kung nakikita mo ang isang tunay na pangangailangan, huwag nang hintayin pang pakisuyuan ka; magkusa ka. (1 Corinto 10:24; ihambing ang 1 Juan 3:17, 18.) Isang babaing namatayan ng asawa ang nakagunita: “Marami ang nagsabi, ‘Kung may maitutulong man ako, sabihin mo lang.’ Ngunit isang kaibigan ang walang sinabi. Dumeretso siya sa kuwarto, hinubaran ang kama, at nilabhan ang kumot at kubre-kama na kaniyang kinamatayan. Ang isa naman ay kumuha ng isang balde, tubig, at mga panlinis at iniskoba ang rug na sinukahan ng aking asawa. Pagkalipas ng ilang linggo, isa sa matatanda sa kongregasyon ang dumating na nakasuot pantrabaho dala ang kaniyang mga gamit at sinabi, ‘Alam kong may dapat nang ayusin dito. Ano kaya iyon?’ Hinding-hindi ko malilimot ang lalaking ito na nag-ayos ng pinto na natanggal sa bisagra at naglagay ng mga kabitan ng ilaw!”—Ihambing ang Santiago 1:27.
Maging mapagpatuloy: “Huwag ninyong kalimutan ang pagkamapagpatuloy,” ang paalaala sa atin ng Bibliya. (Hebreo 13:2) Lalo nang dapat nating alalahanin ang pagkamapagpatuloy doon sa mga nagdadalamhati. Sa halip na isang paanyayang “pumunta ka kahit kailan,” magsaayos ng isang takdang petsa at oras. Kung sila’y tumanggi, huwag susuko agad. Baka kailangan ang ilang bahagyang panghihimok. Baka kung kaya nila tinanggihan ang iyong imbitasyon ay dahil natatakot silang di-makapigil sa kanilang damdamin sa harap ng iba. O baka nahihiya sila na masabing nagsasaya sila sa pakikisalo at pakikisalamuha sa gayong panahon. Alalahanin ang mapagpatuloy na babaing si Lydia na binanggit sa Bibliya. Matapos na anyayahan sila sa kaniyang tahanan, sinabi ni Lucas, “Ginawa niyang pumaroon kami.”—Gawa 16:15.
Maging mapagpaumanhin at maunawain: Huwag mabibigla sa maaaring sabihin ng mga naulila sa pasimula. Tandaan, baka sila’y nakadarama ng galit at kasalanan. Kapag ikaw ang napagbuntunan niya ng galit, kakailanganin ang pang-unawa at pagpapaumanhin sa iyong bahagi na huwag sumagot nang may pagkainis. “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis,” ang mungkahi ng Bibliya.—Colosas 3:12, 13.
Magpadala ng sulat: Madalas na nakaliligtaan ang kahalagahan ng nakasulat na pakikiramay o isang kard ng pakikidalamhati. Ang kabutihan nito? Ganito ang sagot ni Cindy, na nawalan ng ina dahil sa kanser: “Isang kaibigan ang nagpadala sa akin ng magandang liham. Iyan ay talagang nakatulong sapagkat nababasa ko iyon nang paulit-ulit.” Ang gayong liham o kard ng pampatibay-loob ay maaaring buuin sa “kakaunting salita,” subalit dapat na nagmumula sa puso. (Hebreo 13:22) Masasabi nito na ikaw ay nag-aalala at na nakikibahagi ka sa natatanging alaala ng namatay, o maipakikita nito kung papaano naapektuhan ang iyong buhay ng taong iyon na yumao.
Manalanging kasama nila: Huwag mamaliitin ang bisa ng iyong mga panalangin kasama ng mga naulila at para sa kanila. Ang Bibliya’y nagsasabi: “Ang pagsusumamo ng taong matuwid . . . ay may malaking puwersa.” (Santiago 5:16) Halimbawa, kapag narinig ka nilang nananalangin para sa kanila, ito’y tutulong sa kanila na mabawasan ang negatibong mga damdamin tulad ng paninisi sa sarili.—Ihambing ang Santiago 5:13-15.
Kung Ano ang Hindi Dapat Gawin . . .
Ang iyong pagkanaroroon sa ospital ay makapagpapatibay-loob sa naulila
Huwag kang umiwas dahil lamang sa hindi mo alam kung ano ang iyong sasabihin o gagawin: ‘Natitiyak kong ibig nilang mapag-isa sa ngayon,’ baka sabihin natin sa ating mga sarili. Ngunit baka naman ang totoo ay umiiwas lamang tayo sapagkat natatakot tayong makapagsalita o makagawa ng di-nararapat. Gayunman, ang pag-iwas ng mga kaibigan, kamag-anak, o kapananampalataya ay baka lalo lamang magpalungkot sa isang naulila, anupat nakadaragdag sa kirot. Huwag kalilimutan, ang pinakamababait na salita at kilos ay madalas na siyang pinakamadaling gawin. (Efeso 4:32) Ang iyong pagkanaroroon lamang ay makapagpapatibay-loob na. (Ihambing ang Gawa 28:15.) Habang nagugunita ang araw nang mamatay ang kaniyang anak, sabi ni Teresea: “Sa loob lamang ng isang oras, ang tanggapan ng ospital ay napuno ng aming mga kaibigan; lahat ng matatanda at ng kani-kanilang asawa ay naroroon. Ang ilan sa mga babae ay may curler pa sa buhok, ang ilan ay nakapantrabaho pa. Basta nila iniwan ang kanilang ginagawa at dumating agad-agad. Sinabi sa amin ng karamihan sa kanila na hindi nila alam kung ano ang kanilang sasabihin, pero hindi mahalaga iyon basta naroroon lamang sila.”
Huwag mo silang piliting tigilan na ang pagdadalamhati: ‘Siya, siya, tahan na,’ baka sabihin natin. Ngunit mas makabubuti kung hahayaan nilang tumulo ang kanilang luha. “Sa palagay ko’y mahalaga na hayaang ihinga ng mga naulila ang kanilang damdamin at talagang ibulalas iyon,” sabi ni Katherine, habang nagmumunimuni sa pagkamatay ng kaniyang asawa. Iwasan ang hilig na sabihin sa iba kung ano ang dapat nilang madama. At huwag ipalagay na dapat mong itago ang iyong nadarama upang pangalagaan ang sa kanila. Sa halip, “makitangis sa mga taong tumatangis,” ang mungkahi ng Bibliya.—Roma 12:15.
Huwag magpadalus-dalos sa pagpapayo sa kanilang itapon na ang mga damit o iba pang pansariling gamit ng namatay nang hindi pa sila handa: Baka isipin natin na makabubuti sa kanilang itapon na ang mga bagay na makapagpapagunita ng lumipas sapagkat sa papaano man ay lalo lamang hahaba ang kanilang pagdadalamhati. Ngunit ang kasabihang “Wala sa paningin, wala sa alaala” ay baka hindi angkop dito. Baka kailanganin ng isang naulila na unti-untiin ang kaniyang paglimot sa yumao. Alalahanin ang paglalarawan ng Bibliya sa naging reaksiyon ng patriyarkang si Jacob nang siya’y papaniwalaing napatay ng isang mabangis na hayop ang kaniyang nakababatang anak na si Jose. Pagkatapos na dalhin kay Jacob ang mahabang kasuutan ni Jose na tigmak ng dugo, “maraming araw na tinangisan [niya] ang kaniyang anak. At nagsitindig ang lahat niyang mga anak na lalaki at babae upang siya’y aliwin, datapuwat tumanggi siyang maaliw.”—Genesis 37:31-35.
Huwag mong sasabihing, ‘Magkakaanak ka pa naman uli’: “Nagdaramdam ako sa mga taong nagsasabi sa akin na magkakaanak pa naman ako uli,” nagugunita ng isang ina na namatayan ng anak. Wala naman silang masamang ibig sabihin, ngunit para sa isang nagdadalamhating magulang, ang mga salita na para bang sinasabing mapapalitan naman ang nawalang anak ay maaaring ‘sumaksak gaya ng isang tabak.’ (Kawikaan 12:18) Hindi kailanman mapapalitan ng iba ang isang anak. Bakit? Sapagkat ang bawat isa ay naiiba.
Hindi dapat iwasan ang pagbanggit sa namatay: “Ayaw man lamang banggitin ng marami ang pangalan ng aking anak na si Jimmy o pag-usapan ang tungkol sa kaniya,” nagugunita ng isang ina. “Inaamin kong medyo nasasaktan ako kapag gayon ang ginagawa ng iba.” Kaya hindi dapat baguhin ang usapan kapag nabanggit ang pangalan ng isang namatay. Tanungin ang isa kung ibig niyang pag-usapan ang tungkol sa kaniyang minamahal. (Ihambing ang Job 1:18, 19 at 10:1.) Natutuwa ang ilang naulila kung naririnig nilang sinasabi ng mga kaibigan ang magagandang katangian na naging sanhi kung kaya napamahal sa kanila ang namatay.—Ihambing ang Gawa 9:36-39.
Huwag magpadalus-dalos sa pagsasabing, ‘Mas mabuti na iyan’: Ang pagsisikap na maging positibo tungkol sa kamatayan ay hindi palaging ‘nakaaaliw sa mga kaluluwang nanlulumo’ na nagdadalamhati. (1 Tesalonica 5:14) Sa paggunita nang mamatay ang kaniyang ina, sinabi ng isang dalaga: “Ang iba’y nagsasabi, ‘Hindi na siya naghihirap’ o, ‘Sa papaano man siya’y nananahimik na.’ Pero ayokong marinig iyan.” Ang gayong mga komento ay maaaring mangahulugan para sa mga naulila na hindi sila dapat malungkot o na ang pagkamatay ay hindi mahalaga. Gayunman, sila’y nakadarama ng labis na kalungkutan sapagkat pinananabikan nila ang kanilang minamahal.
Mas makabubuti kung hindi sasabihing, ‘Alam ko ang nararamdaman mo’: Talaga nga ba? Halimbawa, posible bang malaman mo kung ano ang nadarama ng isang magulang kapag nawalan ng anak kung hindi mo pa naman nararanasan mismo ang gayong kawalan? At kung sakali mang naranasan mo na, tantuin mong hindi magiging magkatulad na magkatulad ang inyong damdamin. (Ihambing ang Panaghoy 1:12.) Sa kabilang dako, kung waring angkop naman, baka may ilang pakinabang sa pagsasabi kung papaano mo napagtagumpayan ang pagkamatay ng iyong minamahal. Isang babae na namatayan ng anak na babae ang nagkaroon muli ng tiwala nang ang ina ng isa pang anak na babae na namatay rin ang nagsabi sa kaniya kung papaano siya nakabalik sa normal na buhay. Sabi niya: “Hindi sinimulan ng ina ng anak na babaing namatay ang kaniyang kuwento ng ‘Alam ko ang nararamdaman mo.’ Basta sinabi lang niya sa akin kung ano ang naramdaman niya at hinayaan niyang ako ang gumawa ng pag-uugnay sa mga iyon.”
Ang pagtulong sa mga naulila ay nangangailangan ng pagkahabag, pang-unawa, at matinding pagmamahal sa iyong bahagi. Huwag hintaying ang naulila pa ang lumapit sa iyo. Huwag basta sabihing, “Kung may maitutulong ako . . . ” Hanapin mo mismo kung ano iyon, at pagkatapos ay gumawa ng angkop na pagkukusa.
Ilan pang tanong ang natitira: Kumusta naman ang pag-asa ng Bibliya ng isang pagkabuhay-muli? Ano ang maaaring maging kahulugan nito para sa iyo at sa iyong minamahal na namatay? Papaano natin matitiyak na ito’y isang maaasahang pag-asa?