JOPE
[[Lunsod na] Maganda (Marikit)].
Isang sinaunang daungang-dagat na mga 55 km (34 na mi) sa KHK ng Jerusalem. Ang makabagong Yafo (sa Arabe, Jaffa; inilakip sa Tel Aviv noong 1950 at sa ngayon ay tinatawag na Tel Aviv-Yafo) ang nasa sinaunang lugar na ito. Ang lunsod na ito ay nasa mabatong burol na may taas na mga 35 m (115 piye). Ang daungan nito, ang tanging likas na daungan sa pagitan ng Bundok Carmel at ng hanggahan ng Ehipto, ay binubuo ng mabababa at nakaungos na mga bato na mga 100 m (330 piye) mula sa baybayin. Makapapasok sa daungan alinman sa pamamagitan ng isang makipot na puwang sa nakaungos na mga bato o sa nakahantad ngunit mababaw na hilagang dulo nito. Hindi makapapasok dito mula sa timog dahil sa nakaharang na mga bato.
Ang Jope ay nasa hanggahan ng orihinal na teritoryo ng Dan, bagaman hindi naman bahagi nito. (Jos 19:40, 41, 46) Gayunman, iniuugnay ng Hukom 5:17 ang Dan sa mga barko, at maaaring ipinahihiwatig nito na mga Danita ang aktuwal na kumontrol sa daungang-dagat ng Jope.
Dahil sa malawakang pakikipagkalakalan ni Haring Solomon sa ibang mga bansa (1Ha 10:22, 28, 29), malamang na pinahusay pa ang mga pasilidad ng daungan sa Jope. Hanggang sa Jope pinalutang ng mga taga-Tiro ang mga balsa ng tabla mula sa mga kagubatan ng Lebanon, na gagamitin sa pagtatayo ng templo. (2Cr 2:16) Nang maglaon, ang propetang si Jonas, sa paghahangad na matakasan ang kaniyang atas, ay lumulan sa isang barko sa Jope upang makaparoon sa Tarsis. (Jon 1:3) Pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, ang Jope ay muling nagsilbing daungan na tumatanggap ng mga tablang sedro mula sa Lebanon na gagamitin sa muling pagtatayo ng templo.—Ezr 3:7.
Noong unang siglo C.E., nagkaroon ng isang kongregasyong Kristiyano sa Jope. Si Dorcas (Tabita), isang babaing ‘sagana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa,’ ay kaugnay sa kongregasyong iyon. Nang mamatay siya, dumating si Pedro mula sa kalapit na Lida nang hilingan itong pumaroon, at pagkatapos ay binuhay nitong muli si Dorcas. Nang lumaganap sa buong Jope ang balita tungkol sa himalang ito, marami ang naging mga mananampalataya. (Gaw 9:36-42) Nanatili si Pedro nang maraming araw sa Jope, anupat nakipanuluyan siya sa isang Simon, isang mangungulti, na may bahay sa tabi ng dagat. (Gaw 9:43; 10:6) Doon sa bubong ng bahay ni Simon at habang wala siya sa kaniyang diwa, tinanggap ni Pedro ang pagsisiwalat mula sa Diyos may kinalaman sa kawastuan ng pangangaral sa mga di-Judio, anupat tamang-tama sa pagdating ng mga mensahero mula sa Gentil na si Cornelio. Dahil dito, si Pedro ay hindi nag-atubiling pumaroon sa Cesarea kasama ng mga mensaherong ito. Gayundin, anim na mga kapatid na Judio, lumilitaw na mula sa Jope, ang sumama sa kaniya.—Gaw 10:9-45; 11:5-14.
[Larawan sa pahina 1245]
Ang makabagong-panahong daungan ng Yafo (Jope); sa lunsod na ito binigyan si Pedro ng isang pangitain na naghanda sa kaniya upang mangaral sa mga Gentil