Magsanay na ang Pakay ay Maka-Diyos na Debosyon
“Magsanay ka na ang pakay ay maka-Diyos na debosyon.”—1 TIMOTEO 4:7.
1. Bakit hindi nagtagumpay sa paligsahan ang isang mahusay na mananakbo?
SIYA ang pinakamahusay na mananakbo sa kanilang koponan. Dahilan sa kaniyang mga nakaraang tagumpay ay napatanyag siya sa bansa. Kaya inaasahan na siya’y mananalo sa paligsahang ito ng takbuhan ngayon. Subalit, nabigo ang inaasahan sa kaniya ng kaniyang tagasanay, mga kamanlalaro sa koponan, at maging ng kaniyang sarili, sapagkat ito na ang pinakapangit na nagawa niya sa buong karera niya. Bakit? “Ako’y nagmabagal at huminto nang puspusang pagsasanay,” ang ginawang pag-amin ng nasabing babae, kasabay ng malaking pagkasiphayo. “Halos itulak ako ng aking tagasanay upang higit na magsanay at pinaalalahanan niya ako, subalit hindi ako nakinig.” Dahilan sa hindi niya pagsasanay nang husto ay hindi niya nakamit ang tagumpay na inaasam-asam niya.
2. Paano dapat magsanay ang mga Kristiyano, at bakit lahat ay dapat magnais makaalam kung paano?
2 Bilang isang Kristiyano, lalo na kung ikaw ay kabataan pa, ikaw ay mayroon ding isang mahalagang pagsasanay. “Magsanay ka na ang pakay ay maka-Diyos na debosyon.” (1 Timoteo 4:7) Ang salitang Griego para sa “magsanay” (gy·mnaʹzo) ay tumutukoy sa puspusan at kadalasa’y may kabigatang pag-eehersisyo na ginagawa ng mga manlalaro sa gimnasyum. Sa gayon, tungkol sa maka-Diyos na debosyon at sa mga kagantihan na dulot nito, isinusog ni apostol Pablo: “Sapagkat dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap.” (1 Timoteo 4:10) Ang mahalagang katangiang ito ay hindi isang bagay na kusang dumarating o na ang isa’y nahahawa lamang sa kaniyang maka-Diyos na mga magulang. Subalit anong mga hakbangin ang kailangang kunin mo? Lahat ng Kristiyano, anumang edad, ay dapat magnais makaalam.
Mahusay na Pakikipagtalastasan sa Diyos
3. (a) Bakit ang sarilinang pag-aaral ay napakahalaga? (b) Anong mga katangian ng Diyos ang nakakaakit sa iyo sa kaniya?
3 Yamang sa maka-Diyos na debosyon ay kasangkot ang taos-pusong pagpapahalaga sa mga katangian ni Jehova, kailangang makilala mo kung talagang katulad siya nino. Ito’y ipinaaalam ni Jehova sa pamamagitan ng Bibliya. Subalit kailangang maingat na pag-aralan mo ang kaniyang Salita at ang mga lathalain na nakasalig sa Bibliya, at ikaw sa pamamagitan nito’y “kinakandili ng mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral.” (1 Timoteo 4:6) Ang ganiyang pag-aaral ay tutulong sa iyo na makita “ang kagandahan ni Jehova.”—Awit 27:4.
4. Anong mga karanasan ang nagpapakita ng kahalagahan ng sarilinang pag-aaral, at anong mga tanong ang dapat na dibdiban mong pag-isipan?
4 “Nadarama mo na ikaw ay lalong malapit kay Jehova habang higit kang natututo tungkol sa kaniya,” ang sabi ng isang 22-anyos at buong-panahong ebanghelisador (payunir). “Pagka nagbabasa ako ng mga hula at nakikita ko kung papaano natutupad ang mga ito, ako’y totoong nanggigilalas sa kaniya. Ang sarilinang pag-aaral ang talagang tumutulong sa akin.” Isang 16-anyos, na dumanas ng matinding panlulumo, ang sumulat tungkol sa isa sa mga artikulo sa seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” na regular na inilalathala sa magasing Gumising!: “Nang mga sandaling wala na akong anumang pag-asa, saka naman lumabas ang artikulong ito. Ganiyan na lamang ang katuwaan ko ng pagbabasa na anupa’t hindi ko ito maibaba! Nadama kong ako’y lalong malapit kay Jehova, at natalos ko na kaniyang nauunawaan ako at mahal na mahal niya ako. Ngayon ay tapos na ang aking problema.”a Naging ugali mo na ba na basahin ang bawat labas ng ating mga magasin? Bagaman nangangailangan ito ng pagpapagal, talaga bang nagtatabi ka ng panahon upang busugin ang iyong isip at puso sa pamamagitan ng sarilinang pag-aaral sa Bibliya? Sa pamamagitan ng paggawa ng sariling pagsasaliksik, mapatutunayan mong talaga na nasa iyo ang katotohanan. Pagka ang gayong kaalaman ay umabot na sa puso, tiyak na gaganyak iyan sa iyo, sapagkat iyan “ang turo na naaayon sa maka-Diyos na debosyon.”—1 Timoteo 6:3; Roma 12:2.
5, 6. Anong uri ng mga panalangin ang lalong nagpapalapit sa iyo sa Diyos? Magbigay ng halimbawa.
5 Bahagi rin ng mahusay na pakikipagtalastasan sa Diyos ang taos-puso at espisipikong mga panalangin. Tumutulong ito sa pagkakaroon ng isang personal na pakikipagkaibigan kay Jehova. Pagka ikaw ay nakagawa ng mga pagkakamali, ikaw ay magmakaawa na katulad ng ginawa ni David: “Ang mga kasalanan ng aking kabataan at ang aking mga paghihimagsik Oh huwag mo nang alalahanin.” (Awit 25:7, 11) At tantuin mo na kaniyang patatawarin ka kung ikaw ay nagsisisi. Matutong huwag magmadali sa pananalangin, kundi ibuhos mo ang buong nilalaman ng iyong puso. Isang dalaga, bagaman lumaki sa isang maka-Diyos na tahanan, ay napadaig sa isang kapansanan sa pagsasalita at humadlang ito sa kaniya sa puspusang pakikibahagi sa tunay na relihiyon. “Ngunit isang gabi,” ang pagtatapat ng 22-anyos na dalagang ito, “nagmakaawa ako kay Jehova, ‘Tulungan mo po akong magnasang maglingkod sa iyo, at hindi lamang dahil sa ang matatanda o ang aking mga magulang ay nagnanais na gawin ko ito.’” Anong laki ng idinulot nitong pagbabago sa kaniyang buhay! Bagama’t siya ay pautal-utal kung magsalita, lubusang lumahok siya sa ministeryo. At may kagalakan na sinabi niya, “Ako’y nagtitiwala kay Jehova nang lalong higit ngayon sapagkat batid ko na siya’y laging handang tumulong.”—Awit 62:8.
6 Isang kabataang Kristiyano ang nanalangin ng espisipikong mga bagay tungkol sa kaniyang mga plano na magpayunir. Nang sagutin ang kaniyang mga panalangin, kaniyang ibinulalas: “Batid kong si Jehova ay tunay at may malasakit siya sa atin! Bago nito ang akala ko’y mayroon na akong kaugnayan sa kaniya, subalit ngayon ay higit na katulad siya ng isang kaibigan—ang pinakamatalik kong kaibigan.” Sa tuwina’y hindi naman sasagot si Jehova sa pamamagitan ng isang pambihirang paraan, subalit kung ikaw ay taimtim at kumikilos na kasuwato ng iyong mga panalangin, iyong mauunawaan na hindi ka hinihiwalayan ng kaniyang mapagmahal na patnubay.—Awit 145:18.
Taglayin ang Isang Mabuting Budhi
7. Ano ang budhi, at bakit kailangang magkaroon ka ng isang mabuting budhi?
7 Nang ipayo ni Pablo kay Timoteo na magpatuloy na “ingatan . . . ang mabuting budhi,” batid ng apostol na kakailanganin ang disididong pagsisikap. (1 Timoteo 1:19) Bakit nga? Ang ating budhi ay yaong ating bigay-Diyos na kakayahan na suriin ang ating sarili at hatulan ang mga bagay na ating ginawa o binabalak na gawin. Alin sa ito’y ‘nanunumbat’ sa atin, na minamasama ang ating ginawa, o tayo’y ‘pinawawalang-sala,’ na sinasang-ayunan ang ating ginagawa bilang matuwid. (Roma 2:15) Subalit pagka ito’y súmamâ, ang manggagaling dito’y masasamang pasabi rin. Ang mga iba na may masasamang budhi ay kumikilos na tulad ng mababagsik na hayop, gayunman ay hindi sila ‘sinusumbatan’ ng ‘panloob na tinig.’ Kanila pa man ding “ipinamamalita na kilala nila ang Diyos” ngunit “itinatakwil naman siya ng kanilang mga gawa.” Paano ka makapag-iingat upang huwag kang magkaroon ng ganiyang masamang budhi?—Tito 1:10-16.
8. Paanong ang iba noong unang siglo ay “nagtakwil” ng isang mabuting budhi?
8 Sinabi ni Pablo kay Timoteo na may mga Kristiyano na “nagtakwil” ng kanilang mabuting budhi sa pamamagitan ng ‘pakikinig sa mga katha-katha’ at “walang kabuluhang mga pangungusap na labag sa kabanalan.” (1 Timoteo 1:4, 19, 20; 6:20; 2 Timoteo 2:16-18) Dahil sa sila’y nakikinig sa mga bagay na ito, ang kanilang pananampalataya ay nasira, at ang resulta’y ang espirituwal na pagkabagbag. Datapuwat, ipinakita ni Pablo na bukod sa aral ng mga apostata ay mayroon pang mga ibang bagay na “salungat sa magaling na aral.” Sa 1 Timoteo 1:9, 10 kaniyang binanggit ang gayong mga bagay na gaya ng pagpatay, pakikiapid, at homoseksuwalidad.
9, 10. (a) Ano ang maaaring matutunan buhat sa halimbawa ng dalawang Kristiyanong ikakasal na hindi nagpatuloy ng panghahawakan sa isang mabuting budhi? (b) Paano natin maiiwasan na maging manhid ang ating budhi?
9 Sa ngayon ay karahasan at seksuwal na imoralidad ang mapapanood sa mga pelikula sa sine at sa TV at mababasa rin naman sa mga lathalain. Kung ang ganiyang mga bagay ay ipapasok natin sa ating isip, ang ating budhi ay maaaring unti-unting maging manhid. Ganito ang nangyari sa dalawang kabataang Kristiyano na nagkasala ng pakikiapid nang malapit na silang ikasal. “Sa palagay ko ay dahil ito sa aming napapanood noon sa TV,” inamin ng babae. “Doo’y laging nakikita mo ang mga taong naghahalikan at nagyayakapan, kaya parang hindi naman masama iyon. Nahihirati ka na roon. Kaya naman nahikayat kaming gawin iyon. Kung napag-isipan ko lamang sana na masama ang bagay na iyan!” Bago niya natalos iyon, wala na ang kaniyang mabuting budhi. Isinusog ng lalaki: “Nagkaroon din ako ng isang problema sa masturbasyon, at ito’y humihila sa iyong budhi na maging manhid kaya’t hindi ka na mahihirapan na mahila sa paghahalikan at pagyayakapan at sa katapus-tapusan ay sa pakikiapid.” Bagaman waring sila’y nagpapakita ng isang mabuting halimbawa sa iba, ang kanilang pinanonood naman, kasali na ang isang lihim na masamang kinahiratihan, ay humila upang maging manhid ang kanilang budhi kung paano ang laman natin ay nagiging manhid kung paulit-ulit na dadaitan ng isang nagbabagang bakal.—1 Timoteo 4:2.
10 Ang inyo kayang budhi ay maaari rin naman maging manhid dahilan sa inyong pinanonood o binabasa bilang libangan? Talaga bang kayo’y nagsusumikap na madaig ang anumang masamang kinaugalian na magdadala sa inyo ng masamang budhi? Upang maipagsanggalang kayo, kailangang gumawa kayo ng positibong pagkilos sa pamamagitan ng pagbabasa—at muli’t muling pagbabasa—ng salig-Bibliyang literatura na tuwirang tumatalakay sa inyong problema o sa pamamagitan ng pakikipag-usap ng inyong problema sa isang matanda. Ang isang mabuti at malinis na budhi ay isang mahalagang regalo buhat sa Diyos na tutulong sa inyo upang mapagyaman ang maka-Diyos na debosyon. Huwag hayaan na ang anupamang bagay ay maging sanhi ng pagkawala nito!
Pumili ng Mabubuting Kasama
11, 12. (a) Anong babala ang ibinibigay sa 2 Timoteo 2:20, 21? (b) Paano mo masusunod ang payong iyan?
11 Si apostol Pablo ay sumulat: “Sa isang malaking bahay [ang kongregasyon] ay hindi lamang may mga sisidlang ginto at pilak kundi mayroon din namang kahoy at luwad, at ang iba ay sa ikapupuri ngunit ang iba ay sa ikasisirang-puri. Kung ang sinuman nga ay malinis buhat sa mga binanggit na, siya’y magiging sisidlang ikapupuri, pinaging-banal, napapakinabangan ng may-ari, nahahanda sa lahat ng gawang mabuti.” (2 Timoteo 2:20, 21) Ang ating mga damdamin at asal ay lubhang apektado ng mga pinipili natin bilang mga kaibigan. Maliwanag, ang mga di-kapananampalataya ay hindi siyang pinakamabubuting kasama. Subalit dito’y ipinakikitang tahasan ni Pablo na kahit na sa loob ng kongregasyon ay maaaring mayroong mga tao na di-kanais-nais na mga kasama. Totoo, baka ang gayong mga tao ay masasayang kasama, subalit ang kanilang impluwensiya ay hindi tutulong sa iyo na “lumayo sa mga pita ng kabataan” o pagyamanin ang maka-Diyos na debosyon. Ang hanapin mo’y nakapagpapatibay na mga kasama sa loob ng kongregasyon. Si Pablo ay nagpapatuloy sa talatang 22: “Sundin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang kapayapaan, kasama ng nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis.”—Ihambing ang Filipos 4:8, 9.
12 Nariyan ang halimbawa ng isang kabataang Kristiyano na, bagaman sinanay sa kabanalan, ay laging napapasangkot sa gulo. “Ito’y lalung-lalo nang dahilan sa mga tao na aking kasalamuha,” sabi ng dalagang ito. Nang kaniyang makita na kabiguan ang dinaranas niya sa buhay, nagbago siya ng mga kaibigan. Kaya sa bandang huli ay sinabi niya: “Kung mayroon kang mga kaibigan na umiibig kay Jehova ito ang tutulong sa iyo na manatiling mayroong budhing sensitibo at mailalayo ka sa gulo. Pagka sila’y nagpahayag ng pagkasuklam sa gawang masama, ganoon din ang nadarama mong gagawin mo.” Sa pamamagitan ng paghiwalay sa mga kasamang di-mabubuti, siya’y naging isang sisidlan na “napapakinabangan ng [kaniyang] may-ari, nahahanda sa lahat ng gawang mabuti.” Pagkatapos na maglingkod kay Jehova ng sampung taon bilang isang payunir, sinabi niya: “Natalos ko na ngayon ay ginamit ako ni Jehova upang tulungan ang iba.”—2 Timoteo 2:21; Kawikaan 15:31.
13. Paano mo matitiyak kung sino ang mabubuting kasama, at paano nila maaaring maimpluwensiyahan ka?
13 Kung gayon, pag-isipan kung sino ang inyong mga kasama. Sila ba’y lumalakad sa kabanalan, pananampalataya, may prinsipyong pag-ibig, at kapayapaan? Sila ba’y masisigasig na Kristiyano? Kung ang ganiyang mga tao ang gagawin mong matalik na mga kaibigan, ikaw mismo ay baka maging isang uliran sa pagsasalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisang-puri, gaya ni Timoteo, ang matalik na kasama ni Pablo. Hindi naman ibig sabihin nito na ikaw ay dapat na maging malamig o di-palakaibigan sa pakikitungo sa mga taong hindi uliran sa pag-uugali. Ang iyong halimbawa ay maaaring makapukaw sa mga ito upang ituwid ang nilalakarang landas ng kanilang mga paa.—1 Timoteo 4:12; Hebreo 12:12-15.
Magsakripisyo Alang-alang sa Diyos
14, 15. (a) Ano ang kahilingan sa mga sinaunang manlalaro samantalang nagsasanay? (b) Anong gawain ang nangangailangan ng pagsasakripisyo, at anong maiinam na halimbawa mayroon tayo?
14 Noong kaarawan ni Timoteo, samantalang nagsasanay ang mga manlalaro sila’y “nagpipigil sa lahat ng bagay,” pinagkakaitan ang kanilang sarili ng maraming mga kaluguran. (1 Corinto 9:25) Sila’y istrikto sa kanilang pagkain. Sang-ayon kay Horace, makata noong unang siglo B.C.E., sila’y “lumalayo sa mga babae at sa alak” upang “marating ang inaasam-asam na tunguhin.” Gayundin naman, upang makapagsanay na maka-Diyos na debosyon ang pakay kailangan ang pagsasakripisyo. Sinabi ni Pablo tungkol kay Timoteo: “Walang taong katulad niya ang kalooban . . . sapagkat lahat ng mga iba pa ay naghahanap ng kanilang mga sariling kapakanan, hindi yaong kapakanan ni Kristo Jesus. Subalit . . . siya’y naglingkod na kasama ko sa pagpapalaganap ng mabuting balita.”—Filipos 2:19-22.
15 Kay Timoteo ay iniutos: “Gawin mo ang gawa ng isang ebanghelisador, lubusang ganapin mo ang iyong ministeryo.” (2 Timoteo 4:5) Gaano mang kaakit-akit ang alinman sa kaniyang personal na kapakanan, kaniyang isinakripisyo ang mga ito upang tapusin ang gawain ng Diyos. Handa ka bang gawin ang ganiyan din? Sa ngayon may mga kabataang Kristiyano na wala namang mabibigat na maka-Kasulatang pananagutan kaya naman sila’y nagpatuloy para makatapos ng matataas na pinag-aralan o ang pinasukan nila’y buong-panahong mga trabaho na may malalaking suweldo imbis na ang gawin nilang karera’y ang ministeryong Kristiyano. Isa sa mga ito ay sabik na naghihintay para matanggap sa gayong trabaho. Datapuwat, bago siya nagsimulang magtrabaho, kaniyang pinaunlakan ang paanyaya na sumama sa isang mag-asawang payunir sa paglilingkod sa larangan sa buong tag-araw. Nagustuhan niya iyon. Kaya naman kaniyang isinakripisyo ang dati’y minimithi niyang trabahong iyon at kumuha siya ng isang bahaging-panahong trabaho upang siya’y makapagpayunir. Taglay ang ganitong saloobin na kagaya ng kay Timoteo, ngayon ay naglilingkod siya sa pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Ang pagiging handang magsakripisyo ay ebidensiya ng tunay na pag-ibig, at ang pagsasakripisyo ang nagpapatimyas ng pag-ibig na iyon, gaya ng kaniyang napatunayan.
16. Ano ang ilan sa mga pagsasakripisyo na kailangang gawin ng mga kabataan?
16 Bilang “isang mangangaral at isang apostol,” idiniin ni Pablo na kailangan ang kahinhinan sa pananamit. Handa ka bang isakripisyo mo ang isang istilo ng damit o pag-aayos ng katawan na maaaring tumisod sa iba o makahadlang sa iyong pagiging isang mabisang mangangaral? (1 Timoteo 2:7-10) Bilang pagpapatuloy, sumulat si Pablo: “Lahat ng ibig mamuhay na may maka-Diyos na kabanalan . . . ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12) Ikaw ba ay handang manindigan sa katotohanan kahit na magdulot iyon sa iyo ng paglibak, at maisakripisyo mo kaya ang isang iginagalang na katayuan sa gitna ng iyong mga kaklase? Lahat ng ganiyang mga pagsasakripisyo na ginawa na may tamang motibo ay tutulong sa iyo upang pagyamanin ang maka-Diyos na debosyon at kasabay nito ay magtuturo sa iyo na magtiwala kay Jehova at ang kaniyang damdamin ang isaalang-alang higit sa lahat.
Patuloy na Sumulong
17. Sa patuloy na pagsulong, papaano si Timoteo ay isang halimbawa para sa mga kabataang ministro sa ngayon?
17 Ang pagpapaunlad ng maka-Diyos na debosyon ay isang patuloy na gawain. Sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Bulaybulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao.” (1 Timoteo 4:15) Dahilan sa ang mga iba ay totoong napakabata pa upang maging isang ministeryal na lingkod o isang matanda, baka iniisip nila na hindi sila makasusulong, sapagkat ang pagsulong ay sinusukat sa pamamagitan lamang ng mga responsabilidad at mga pribilehiyo sa kongregasyon. Totoo, si Timoteo ay naging kuwalipikado hindi lamang sa espirituwal na pagkamaygulang, kundi rin naman sa mga taon sa paglilingkod bilang isang matanda. Subalit si Timoteo ay kailangang patuloy na magpagal sa bagay na ito, at dito ay nagpakita siya ng isang ulirang halimbawa para sa lahat ng kabataang ministro sa anumang larangan na maaaring bukás para sa kanila.—1 Timoteo 4:12, 13.
18. Sa paano maaaring makagawa ng pagsulong ang mga kabataang Kristiyano?
18 Kung gayon, tulad ni Timoteo, ikaw na gumugulang na lingkod ni Jehova ay maaaring maging “isang halimbawa sa mga tapat” sa pamamagitan ng pagpapaubaya na ang katotohanan ang lubhang umimpluwensiya sa iyong pamumuhay at patuloy na pagpapasulong ng iyong sarili sa iyong ministeryo. Ngayon pa ay maaari ka nang magsikap na sumulong sa pamamagitan ng pagkatutong paunlarin ang mga katangian na tulad baga ng pagiging katamtaman sa mga inuugali, maayos, mapagpatuloy, at seryoso. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga matatanda at dibdibang paggawa ng anumang gawain na ipinagagawa nila sa iyo, maaari mong patunayan na ikaw ay ‘karapat-dapat pagkatapos na masubok.’ (1 Timoteo 3:1, 2, 8-10) Kahit na kung ang iyong pagsulong ay hindi kaagad nakikita ng iba, natitiyak mo na nakikita iyon ni Jehova. At pagdating ng panahon, makikita rin iyon ng iba.—1 Timoteo 5:25.
19. Bagaman nangangailangan ng pagsisikap, bakit dapat kang magsanay na ang pakay mo ay maka-Diyos na debosyon?
19 Huwag kalilimutan na sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng maka-Diyos na debosyon makakamit mo ang isang sinang-ayunang personal na kaugnayan kay Jehova. Ang kakulangan ng espirituwal na pagsasanay ay humahantong sa kalugihan na mas malaki kaysa nalugi sa di nagwaging mananakbo na binanggit sa pasimula pa ng artikulong ito. Puspusang pagsisikap ang kailangan upang mapagyaman ang maka-Diyos na debosyon. Subalit sa buong daigdig, isang lubhang karamihan ng masasayang tinig ng kabataan ang umaalingawngaw: SULIT NAMAN! Ang pagkakamit ng ganitong katangian ay humahantong sa isang kasiya-siyang pamumuhay ngayon, walang pinagsisihang anuman, at nagbibigay ng pag-asa sa walang hanggang kaligayahan. Kaya patuloy na magsanay. Patuloy na gawin ang inyong pinakamagaling na magagawa, kahit na iyon ay mahirap. Aliwin sana kayo ng bagay na “ang Diyos ng lahat ng di-sana-nararapat na awa . . . ang tatapos ng inyong pagsasanay, kaniyang patatatagin kayo, kaniyang palalakasin kayo. Suma-kaniya nawa ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.”—1 Pedro 5:10, 11.
[Talababa]
a “Bakit ba Ako Totoong Nalulungkot?” sa Enero 22, 1983, labas ng Gumising!, kasamang magasing ng Ang Bantayan.
Masasagot Mo Ba?
◻ Anong pagsisikap ang kailangan upang manatiling may mabuting pakikipagtalastasan sa Diyos?
◻ Ano ang kasangkot sa pagkakaroon ng isang mabuting budhi?
◻ Paanong ang 2 Timoteo 2:20-22 ay maikakapit sa pagpapaunlad ng maka-Diyos na debosyon?
◻ Paanong ang mga kabataang Kristiyano ay makagagawa ng pagsulong?
[Kahon sa pahina 23]
Mga Ilang Katangian ng Ating Mapagmahal na Diyos
◼ Siya’y may damdamin. Sa gayon, dahil sa ating mga ikinikilos maaari siyang “magdamdam” o magalak.—Awit 78:40; Kawikaan 27:11.
◼ Samantalang ang mga tao’y malimit na panlabas lamang ang nakikita, kaniyang “nakikita ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
◼ Siya’y may malasakit sa atin at inaanyayahan tayo na iatang sa kaniya ang ating mga kabalisahan, at siya ay “moog sa araw ng kabagabagan.”—Nahum 1:7; 1 Pedro 5:7.
◼ Siya ay tinatawag na “ang maligayang Diyos,” at siya’y “nalulugod” sa kaniyang mga lingkod.—1 Timoteo 1:11; Awit 35:27.
◼ Siya’y hindi kumikilos nang may pang-aapi o na may pagtatangi.—Job 34:10; Gawa 10:34, 35.
◼ Bagama’t hindi niya pinalalampas ang gawang masama, pagka ating pinagsisihan ang isang pagkakamali o kahinaan, siya’y “handang magpatawad,” hindi gumagawa “sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan” ni “gumaganti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.”—Awit 86:5; 103:8-14.
◼ Siya’y nalalapitan, at kaniyang hinihimok ang kaniyang tapat na mga nilalang na gamitin ang kanilang mga kakayahan. Bagama’t walang hanggan ang kaniyang karunungan pinakikinggan niya ang mga mungkahi. “Ang iyong kababaang-loob ay nagpapadakila sa akin,” sinulat ni Haring David.—Awit 18:35; 1 Hari 22:19-22.