Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 9/15 p. 3-4
  • Ang Paghahanap ng mga Tunay na Kaibigan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paghahanap ng mga Tunay na Kaibigan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Lahat ng “Kaibigan” ay mga Tunay na Kaibigan
  • Maging Pihikan
  • Piliing Mabuti ang mga Kaibigan Mo
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Paano Tayo Makapipili ng Mabubuting Kaibigan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Mabubuting Kaibigan—Masasamang Kaibigan
    Gumising!—2004
  • Sinasapatan ang Ating Masidhing Pagnanais na Makipagkaibigan
    Gumising!—2004
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 9/15 p. 3-4

Ang Paghahanap ng mga Tunay na Kaibigan

ISANG binata ang napinsalang mainam sa isang aksidente sa motorsiklo. Kung mga ilang linggo na siya’y walang malay at pagkatapos ay saka siya unti-unting gumaling. “Kung ako’y nagkaroon sana ng maraming kaibigan gaya ng kung paanong marami akong mga kakilala gagaling ako nang lalong mabilis,” aniya. ‘Ang marami sa mga kaibigan ko bago ako naaksidente ay nagsilayo na sa akin. Ngunit ang mabubuting kaibigan ay napakalaki ang naitutulong sa paggaling.’

Ang ganitong situwasyon ay karaniwan sa kasalukuyang di-palakaibigang sanlibutan. Ang umano’y mga kaibigan ay maaaring marami kung mabuti ang takbo ng iyong pamumuhay. Subalit pagka dumating ang kasawiang palad, sila’y nawawala. Ang mga tunay na kaibigan ay karaniwan nang mahirap na masumpungan.

Gayunman, ang pagkakaroon ng kahit isa o dalawa lamang na tunay at mapagmahal na kaibigan ay may nagagawang malaking pagkakaiba sa buhay. Ang mga eksperto sa paksang iyan ay nagsasabi: “Ang paghahangad ng lalong malapit na mga ugnayang personal ay isang pangunahing tema ng mga panahon natin.” At gaya ng sabi ng isang matandang kasabihan: ‘Ang mga kaibigang nasa pangangailangan ay tunay na mga kaibigan.’

Noong lumipas na panahon, ang mga tao ay higit na mapagmalasakit sa iba at handa nilang tulungan ang kanilang mga kaibigan o mga kapitbahay. Subalit ang mapagbabatayang panahon ng Digmaang Pandaigdig I ang pasimula ng pangkalahatang pagsamâ ng mga relasyon ng tao. Ang sinusunod ngayon ay ang saloobing ako-muna, na walang kinikilalang utang na loob at manhid na.

Ang ganitong malungkot na kalagayan ng pamumuhay ay inihula 19 na siglo na ngayon ang lumipas: “Sa mga huling araw ay magiging napakahirap na maging isang Kristiyano. Sapagkat walang iibigin ang mga tao kundi ang kanilang sarili at ang kanilang salapi; sila’y magiging mayayabang at palalo, manunuya sa Diyos, masuwayin sa kanilang mga magulang, walang utang na loob sa kanila, at lubos na masasamâ. Sila’y magiging matitigas ang ulo at hindi magiging mapagbigay sa iba; sa tuwina sila’y magiging mga sinungaling at manggugulo at sa kanila’y bale-wala ang imoralidad. Sila’y magiging mga bastos at malulupit, at tutuyain nila ang mga nagsisikap na maging mabuti. Kanilang ipagkakanulo ang kanilang mga kaibigan.”​—2 Timoteo 3:1-4, The Living Bible.

Anong lungkot ngunit tamang-tama na paglalarawan sa sanlibutan ngayon! At maliwanag na nagbibigay ito sa atin ng bahagya lamang na pag-asa na makasumpong ng mga tunay na kaibigan. Gayunman, kahit na ngayon ay maaari pa ring magkaroon ng mga tunay na kaibigan. At anong pagkahala-halaga nga nila! Maaari kang sa tuwina’y lumapit sa kanila para humingi ng tulong, payo, pang-aliw, at sila’y maging mga mahal na kasama mo. Subalit kailangan na makilala mo ang pagkakaiba ng tunay at di tunay na mga kaibigan.

Hindi Lahat ng “Kaibigan” ay mga Tunay na Kaibigan

Ang binatang naaksidente at binanggit sa una pa ay miyembro ng isang kupunan sa football at nagkaroon ng maraming “mga kaibigan.” Ang mga miyembro ng mga klub o maliliit na mga komunidad ay kadalasan may mga relasyon na kaaya-aya naman. Subalit ang gayong “mga pagkakaibigan” ay marahil hindi gaanong matatag. At ang pagkakaroon ng maraming “kaibigan” at pagkatapos ay maiwala silang lahat ay nakasisira ng loob, gaya ng natuklasan ng nasabing binata. Madali ang makakita ng maraming kakilala; ng mga tunay na kaibigan ay hindi madali.

Ang mga taong mayayaman o yaong nasa matataas na tungkulin ay madaling makakahanap ng maraming “kaibigan.” Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang mayayaman ay maraming kaibigan.” “Lahat ay nagsisikap na kamtin ang pabor ng mga taong importante; ang lahat ay nag-aangkin ng pagkakaibigan niyaong mga nagbibigay ng pabor.” (Kawikaan 14:20; 19:6, Today’s English Version) Subalit ilan sa kanila ang may mapag-imbot na mga motibo? At kung ang mga taong maraming kaibigan ay maghirap na o mawala na sa tungkulin, hindi magtatagal at sila’y maaaring layuan ng lahat nilang kaibigan.

Ang mga taong may hitsura ay malimit na maraming “kaibigan”​—marami sa kanila ang naakit sa kagandahan. Subalit ang gayong “pagkakaibigan” ay maaaring makapinsala nang malaki at maaaring maglaho pagsapit ng kagipitan gaya ng hamog na naglalaho sa init. Kaya may tunay na pangangailangan na . . .

Maging Pihikan

Oo, may katalinuhan ang ikaw ay maging pihikan kung tungkol sa mga kaibigan. Ang mga huwad na kaibigan ay kalimitan labis-labis na pumuri nang pakunwari sa hangarin nila na magtamo ng pabor taglay ang mapag-imbot na motibo. “Ang taong pakunwaring pumupuri sa kaniyang kapuwa ay naglalagay ng bitag sa kaniyang mga hakbang.”​—Kawikaan 29:5, The Jerusalem Bible.

Kung gayon, maingat na pag-isipan ang tungkol sa iyong kasalukuyang mga kaibigan. Sila ba’y umiimpluwensiya sa iyo sa ikabubuti o ikasasamâ? Sila ba’y makaako, mataas ang pagkakilala sa sarili, o mapagmagaling? Sila ba’y kumikilos ng padalus-dalos at mahilig na isapanganib ang kanilang sarili? Ano ang kanilang saloobin tungkol sa hindi nila kasekso? Sila ba’y magagalang at mapagpitagan o labis na pamilyar, marahil sa aktuwal ay imoral? Ang iyo bang palaging mga kasama ay napatunayang mga taong di mapagkakatiwalaan at di maasahan? Sila ba’y mga gumagamit ng droga? Mga malalakas na manginginom ng alak? Kung gayon nga, ikaw ay nasa panganib. Kung ikaw man ay mapagtapat sa kapuwa, malinis, at mapagpakumbaba, alalahanin mo: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”​—1 Corinto 15:33.

Ang malaking panganib sa pagkakaroon ng masasamang kasama ay nasa bagay na mapapatulad ka sa kanila. Unti-unti, marahil di mo namamalayan, na mahahawa ka sa kanilang ugali at saloobin. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Laging sumama ka sa mga pantas at ikaw ay magiging pantas. Kung ikaw ay makikipagkaibigan sa mga taong estupido, ikaw ay mapapahamak.”​—Kawikaan 13:20, TEV.

Madali ang gumawa ng maling hakbang pagka humahanap ng mga kaibigan. Subalit huwag kang masisiraan ng loob. Mayroon pa ring angaw-angaw na mahuhusay at palakaibigang mga tao sa daigdig. Kaya’t paano ka makakatagpo ng gayong mga tunay na kaibigan?

[Larawan sa pahina 4]

Malaki ang maaaring maging impluwensiya sa iyo ng iyong mga kasama

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share