Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 11/15 p. 10-15
  • “Ang Pinakadakila sa mga Ito ay ang Pag-ibig”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ang Pinakadakila sa mga Ito ay ang Pag-ibig”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Apat na Uri ng Pag-ibig
  • Bakit Lalong Dakila Kaysa Pananampalataya at Pag-asa?
  • Lalong Dakila ba Kaysa Karunungan, Katarungan, at Kapangyarihan?
  • Pinakadakila sa mga Bunga ng Espiritu
  • Pag-ibig
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pag-ibig (Agape)—Ang Hindi Kahulugan at ang Kahulugan Nito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Ibigin ang Diyos na Umiibig sa Iyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Mapatibay Ka Nawa ng Pag-ibig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 11/15 p. 10-15

“Ang Pinakadakila sa mga Ito ay ang Pag-ibig”

“Datapuwat ngayon, nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.”​—1 CORINTO 13:13.

 1. Ano ang sinabi ng isang antropologo kung tungkol sa pag-ibig?

ISA sa pinakapangunahing antropologo ng daigdig ay nagsabi minsan: “Ating naunawaan sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng ating mga uri na ang pinakamahalaga sa lahat ng saligang sikolohikal na pangangailangan ng tao ay ang pangangailangan ng pag-ibig. Ito ang sentro ng lahat ng mga pangangailangan ng tao kung papaanong ang ating araw ay nasa sentro ng ating sistema solar na iniikutan ng mga planeta sa palibot nito. . . . Ang bata na hindi minahal ay sa kaparaanang biokemikal, pisyolohikal, at sikolohikal ay ibang-iba sa isa na minahal. Ang una ay lumalaki na naiiba rito sa huli. Alam natin ngayon na ang tao ay isinisilang upang mabuhay na para bagang ang mabuhay at umibig ay iisa. Kung sa bagay, ito ay hindi na bago. Ito ay isang katunayan ng Sermon sa Bundok.”

 2. (a) Papaano ipinakita ni apostol Pablo ang kahalagahan ng pag-ibig? (b) Anong mga tanong ngayon ang mabuting isaalang-alang?

2 Oo, gaya ng sinabi ng taong ito na may makasanlibutang karunungan, ang katotohanang ito tungkol sa kahalagahan ng pag-ibig sa kabutihan ng tao ay hindi isang bagay na bago. Maaaring ngayon lamang ito naunawaan ng marurunong na mga tao ng sanlibutan, ngunit ito’y nasa Salita ng Diyos mahigit na 19 na siglo na ang nakalipas. Kaya naman si apostol Pablo ay sumulat: “Datapuwat ngayon, nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.” (1 Corinto 13:13) Alam mo ba kung bakit ang pag-ibig ay lalong dakila kaysa pananampalataya at pag-asa? Bakit masasabi na ang pag-ibig ang pinakadakila sa mga katangian ng Diyos at sa mga bunga ng kaniyang espiritu?

Apat na Uri ng Pag-ibig

 3. Sa Kasulatan, ano ang mga halimbawa ng romantikong pag-ibig?

3 Ang kakayahan ng tao na magpakita ng pag-ibig ay isang kapahayagan ng karunungan at maibiging pagmamalasakit ng Diyos sa tao. Kapansin-pansin, ang sinaunang mga Griego ay may apat na salita para sa “pag-ibig.” Ang isa ay eʹros, na tumutukoy sa romantikong pag-ibig na may kaugnayan sa pagkaakit sa sekso. Ang mga manunulat ng Kasulatang Griegong Kristiyano ay hindi nagkaroon ng pagkakataon na gamitin ang eʹros, bagaman ang Septuagint ay gumagamit ng mga anyo nito sa Kawikaan 7:18 at 30:16, at may mga ibang pagkabanggit sa romantikong pag-ibig sa Kasulatang Hebreo. Halimbawa, ating mababasa na si Isaac ay “umibig kay” Rebekah. (Genesis 24:67) Ang isang tunay na litaw na halimbawa ng ganitong uri ng pag-ibig ay makikita sa halimbawa ni Jacob na maliwanag na umibig sa magandang si Rachel, sa unang pagkakita pa lamang. Sa katunayan, “si Jacob ay naglingkod nang pitong taon dahil kay Rachel, ngunit sa kaniya’y naging parang ilang araw dahil sa pag-ibig na taglay niya sa kaniya.” (Genesis 29:9-11, 17, 20) Ang Awit ni Solomon ay may inilalahad din tungkol sa romantikong pag-ibig sa pagitan ng isang pastol at ng isang dalaga. Ngunit hindi kalabisang sabihin na ang ganitong uri ng pag-ibig, na maaaring magdulot ng malaking kasiyahan at kagalakan, ay dapat na ipakita lamang kasuwato ng matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Bibliya na tanging sa pag-ibig ng sariling pinakasalang asawa ng isang lalaki maaari siyang “laging maligayahan nang walang kahulilip.”​—Kawikaan 5:15-20.

 4. Papaanong ang pag-ibig sa pamilya ay ipinaghahalimbawa sa Kasulatan?

4 At nariyan din ang matibay na pag-ibig sa pamilya, o katutubong pagmamahal, salig sa pagkakamag-anak, na tinumbasan ng mga Griego ng salitang stor·geʹ. Ito ang pinagmulan ng kasabihang, “Mas matimbang ang pagkakamag-anak kaysa ano pa man.” Mayroon tayong isang mainam na halimbawa nito sa pag-ibig na taglay ng magkapatid na sina Maria at Marta sa kanilang kapatid na si Lasaro. Makikita iyon sa laki ng kanilang pamimighati sa kaniyang biglang pagkamatay. At anong laki ng kanilang kagalakan nang ang kanilang minamahal na si Lasaro ay ibalik na muli ni Jesus sa buhay! (Juan 11:1-44) Ang pag-ibig ng isang ina sa kaniyang anak ay isa pang halimbawa ng ganitong uri ng pag-ibig. (Ihambing ang 1 Tesalonica 2:7.) Kaya naman, upang idiin kung gaano kalaki ang kaniyang pag-ibig sa Sion, sinabi ni Jehova na iyon ay mas malaki pa kaysa pag-ibig ng isang ina sa kaniyang anak.​—Isaias 49:15.

 5. Papaano makikita sa ngayon ang kawalan ng katutubong pagmamahal?

5 Ang isang katunayan na tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw” na may “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan” ay ang kawalan ng “katutubong pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1, 3) Dahilan sa kawalan ng pag-ibig sa pamilya, may mga kabataan na naglalayas sa kanilang tahanan, at ang ibang may-gulang nang mga anak ay nagpapabaya sa kanilang matatanda nang mga magulang. (Ihambing ang Kawikaan 23:22.) Ang kawalan ng katutubong pagmamahal ay makikita rin sa laganap na pang-aabuso sa mga bata​—may mga magulang na nanggugulpi nang labis-labis sa kanilang mga anak kung kaya’t kinakailangang ipaospital ang mga ito. Ang kawalan ng pag-ibig ng mga magulang ay makikita rin naman sa hindi pagdisiplina ng maraming mga magulang sa kanilang mga anak. Ang pagpapahintulot sa kanilang mga anak na humayo ng kanilang sariling lakad ay hindi katunayan ng pag-ibig kundi ito’y para na ring pagsunod sa pinakamadaling paraan. Ang isang ama na talagang umiibig sa kaniyang mga anak ay maglalapat sa kanila ng disiplina kung kinakailangan.​—Kawikaan 13:24; Hebreo 12:5-11.

 6. Magbigay ng mga halimbawa sa Kasulatan ng pagmamahalan ng magkaibigan.

6 At nariyan din ang salitang Griego na phi·liʹa, tumutukoy sa pagmamahalan (walang kaugnayan sa sekso) ng magkaibigan, tulad baga ng pagmamahalan ng dalawang may-gulang na mga lalaki o mga babae. Mayroon tayong mainam na halimbawa nito sa pag-ibig na namagitan kay David at kay Jonathan. Nang si Jonathan ay mapatay sa digmaan, siya’y tinangisan ni David, na nagsasabi: “Ako’y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan, ikaw na naging totoong kalugud-lugod sa akin. Ang iyong pag-ibig sa akin ay lalong kagila-gilalas kaysa pag-ibig buhat sa mga babae.” (2 Samuel 1:26) Napag-alaman din natin na si Kristo ay may natatanging pagkahilig sa apostol na si Juan, na nakilala bilang ang alagad “na minamahal ni Jesus.”​—Juan 20:2.

 7. Ano ang sariling katangian ng a·gaʹpe, at papaano ipinakikita ang pag-ibig na ito?

7 Anong salitang Griego ang ginamit ni Pablo sa 1 Corinto 13:13, na kung saan kaniyang binanggit ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig at sinabing “ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig”? Dito ang salita ay a·gaʹpe, na iyon ding ginamit ni apostol Juan nang kaniyang sabihin: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8, 16) Ito ay isang pag-ibig na simulain ang umaakay o umuugit. Ito’y maaaring may kasama o walang kasamang pagmamahal at pagkahilig, ngunit iyon ay isang walang-imbot na emosyon o damdaming nakaukol sa paggawa ng mabuti sa iba ano man ang kabutihang dulot sa tatanggap o ano man ang mapapakinabang ng nagbibigay. Ang ganitong uring pag-ibig ang nag-udyok sa Diyos na ibigay ang pinakamamahal na kayamanan ng kaniyang puso, ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo, “upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Gaya ng mainam na pagpapaalaala sa atin ni Pablo: “Bahagya nang ang sinuman ay mamamatay alang-alang sa isang taong matuwid; sa katunayan, alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas na mamatay. Subalit ipinadarama ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin sa paraan na, samantalang mga makasalanan pa tayo noon, si Kristo ay namatay alang-alang sa atin.” (Roma 5:7, 8) Oo, ang a·gaʹpe ay gumagawa ng kabutihan sa iba ano man ang kanilang kalagayan sa buhay o ang magugugol ng isa na nagpapahayag ng pag-ibig.

Bakit Lalong Dakila Kaysa Pananampalataya at Pag-asa?

 8. Bakit ang a·gaʹpe ay lalong dakila kaysa pananampalataya?

8 Ngunit bakit sinabi ni Pablo na ang ganitong uri ng pag-ibig (a·gaʹpe) ay lalong dakila kaysa pananampalataya? Siya’y sumulat sa 1 Corinto 13:2: “Kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula at maalaman ko ang lahat ng banal na lihim at lahat ng kaalaman, at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya na anupa’t mapalilipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.” (Ihambing ang Mateo 17:20.) Oo, kung ang ating pagsisikap na magkaroon ng kaalaman at lumago sa pananampalataya ay ginagawa nang may masamang layunin, ito’y hindi magdadala sa atin ng kapakinabangan buhat sa Diyos. Gayundin, ipinakita ni Jesus na ang iba ay ‘manghuhula sa kaniyang pangalan, magpapalabas ng mga demonyo sa kaniyang pangalan, at gagawa ng maraming makapangyarihang mga gawa sa kaniyang pangalan’ ngunit hindi niya sasang-ayunan.​—Mateo 7:22, 23.

 9. Bakit ang pag-ibig ay lalong dakila kaysa pag-asa?

9 Bakit ang uring a·gaʹpe ng pag-ibig ay lalong dakila rin kaysa pag-asa? Sapagkat ang pag-asa ay maaaring nakasentro sa sarili, ang isang tao’y maaaring ang unang-unang iniisip ay ang mga kapakinabangan sa kaniyang sarili, samantalang ang pag-ibig ay “hindi hinahanap ang sariling kapakanan.” (1 Corinto 13:4, 5) Isa pa, ang pag-asa​—tulad baga niyaong pagkaligtas sa “malaking kapighatian” tungo sa bagong sanlibutan​—​ay natatapos pagka ang inaasahan ay natupad na. (Mateo 24:21) Gaya ng sinasabi ni Pablo: “Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito; datapuwat ang pag-asa na nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat pagka nakikita ng isang tao ang isang bagay, inaasahan pa ba niya iyon? Subalit kung nagsisiasa tayo sa hindi natin nakikita, patuloy na hinihintay natin iyon na may pagtitiis.” (Roma 8:24, 25) Ang pag-ibig mismo ay nagtitiis ng lahat ng bagay, at ito’y hindi nagkukulang kailanman. (1 Corinto 13:7, 8) Sa gayon, ang walang-imbot na pag-ibig (a·gaʹpe) ay lalong dakila kaysa alinman sa pananampalataya o pag-asa.

Lalong Dakila ba Kaysa Karunungan, Katarungan, at Kapangyarihan?

10. Bakit masasabing ang pag-ibig ang pinakadakila sa apat na pangunahing mga katangian ng Diyos?

10 Ngayon ay isaalang-alang natin ang apat na pangunahing katangian ng Diyos na Jehova: karunungan, katarungan, kapangyarihan, at pag-ibig. Masasabi rin ba na ang pag-ibig ang pinakadakila sa mga ito? Masasabi nga. Bakit? Sapagkat ang pag-ibig ang lakas na nagpapakilos sa Diyos sa kaniyang ginagawa. Kaya sumulat si apostol Juan: “Ang Diyos ay pag-ibig.” Oo, si Jehova ang pinakauliran ng pag-ibig. (1 Juan 4:8, 16) Saanman sa Kasulatan ay hindi natin mababasa na ang Diyos ay karunungan, katarungan, o kapangyarihan. Bagkus, sa ati’y sinasabi na taglay ni Jehova ang mga katangiang ito. (Job 12:13; Awit 147:5; Daniel 4:37) Sa kaniya ang apat na mga katangiang ito ay timbang na timbang. Yamang pinakikilos ng pag-ibig, ginaganap ni Jehova ang kaniyang mga layunin sa pamamagitan ng paggamit ng tatlo pang mga katangian o pagsasaalang-alang sa mga ito.

11. Ano ang nagpakilos kay Jehova na lalangin ang sansinukob at ang nilalang na mga espiritu at mga tao?

11 Kung gayon, anong motibo ang nagpakilos kay Jehova na lalangin ang sansinukob at ang matalinong nilalang na mga espiritu at mga tao? Iyon ba ay karunungan o kapangyarihan? Hindi, sapagkat ginamit lamang ng Diyos ang kaniyang karunungan at kapangyarihan sa paglalang. Halimbawa, ating mababasa: “Si Jehova mismo sa kaniyang karunungan ang nagtatag sa lupa.” (Kawikaan 3:19) Isa pa, ang kaniyang katangian na katarungan ay hindi humihiling na siya’y lumikha ng mga nilalang na may kalayaang magpasiya. Ang pag-ibig ng Diyos ang nag-udyok sa kaniya na bahaginan din ang iba ng mga kagalakan ng buhay ng matalinong mga nilalang. Ang pag-ibig ang nakasumpong ng paraan upang alisin ang sumpa na dahil sa pagsalansang ni Adan ay ipinaranas ang katarungan sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Oo, at ang pag-ibig ang nag-udyok kay Jehova na maging layunin niya na ang masunuring mga tao ay mabuhay sa napipintong makalupang Paraiso.​—Lucas 23:43.

12. Papaano tayo dapat maapektuhan ng kapangyarihan, katarungan, at pag-ibig ng Diyos?

12 Dahilan sa walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos, huwag tayong mangahas na pukawin siya sa paninibugho. Si Pablo’y nagtanong: “ ‘Pinaninibugho baga natin si Jehova’? Tayo baga’y lalong malakas kaysa kaniya?” (1 Corinto 10:22) Mangyari pa, si Jehova ay “isang mapanibughuing Diyos,” hindi sa isang masamang diwa, kundi sa “paghiling ng bukod-tanging debosyon.” (Exodo 20:5; King James Version) Bilang mga Kristiyano, tayo ay nasisindak sa maraming katunayan ng di-malirip na karunungan ng Diyos. (Roma 11:33-35) Ang ating malaking paggalang sa kaniyang katarungan ay dapat humila sa atin na lumayo sa sinasadyang pagkakasala. (Hebreo 10:26-31) Ngunit walang bahagya mang alinlangan na ang pag-ibig ang pinakadakila sa apat na mga pangunahing katangian ng Diyos. At ang walang-imbot na pag-ibig ni Jehova ang humihila upang tayo’y mapalapit sa kaniya at magnasang palugdan siya, sambahin siya, at magkaroon ng bahagi sa pagbanal sa kaniyang sagradong pangalan.​—Kawikaan 27:11.

Pinakadakila sa mga Bunga ng Espiritu

13. Pang-ilan ang pag-ibig sa mga bunga ng espiritu ng Diyos?

13 Pang-ilan ba ang pag-ibig sa siyam na bunga ng espiritu ng Diyos, na binabanggit sa Galacia 5:22, 23? Ang mga ito ay “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” May mabuting dahilan na ang pag-ibig ang inuna ni Pablo sa listahan. Ang pag-ibig ba ay lalong dakila kaysa kagalakan, ang susunod na katangiang kaniyang binabanggit? Oo, totoo iyan, sapagkat hindi magkakaroon ng nananatiling kagalakan kung walang pag-ibig. Sa katunayan, ang daigdig ay salat na salat sa kagalakan dahilan sa kaimbutan, ang kawalan ng pag-ibig. Ngunit ang mga Saksi ni Jehova ay may pag-ibig sa isa’t isa, at sila’y may pag-ibig sa kanilang makalangit na Ama. Kaya maaasahan natin na sila’y magkakaroon ng kagalakan, at inihula na sila’y “magsisiawit dahil sa kagalakan ng puso.”​—Isaias 65:14.

14. Bakit masasabing ang pag-ibig ay lalong dakila kaysa bunga ng espiritu na kapayapaan?

14 Ang pag-ibig ay lalong dakila rin kaysa bunga ng espiritu na kapayapaan. Dahilan sa kakulangan ng pag-ibig, ang daigdig ay punô ng hidwaan at alitan. Ngunit ang bayan ni Jehova ay may kapayapaan sa isa’t isa sa buong lupa. Sa ganang kanila ay totoo ang sinabi ng salmista: “Pagpapalain ni Jehova ng kapayapaan ang kaniyang bayan.” (Awit 29:11) Taglay nila ang kapayapaang ito sapagkat mayroon sila ng nagpapakilalang tanda ng mga tunay ng Kristiyano, samakatuwid nga, ang pag-ibig. (Juan 13:35) Ang pag-ibig lamang ang makapananaig sa lahat ng mga bagay na sanhi ng pagkakabaha-bahagi, maging ito ma’y dahil sa lahi, bansa o kultura. Ito ay “isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:14.

15. Papaanong ang higit na kadakilaan ng pag-ibig ay makikita kung ihahambing sa bunga ng espiritu na pagbabata?

15 Ang higit na kadakilaan ng pag-ibig ay makikita rin kung ihahambing sa pagbabata, ang matiyagang pagtitiis ng kaapihan o ng tukso. Ang ibig sabihin ng pagbabata ay ang pagiging matiisin at gayundin pagiging mabagal sa pagkagalit. Ano ang humihila sa mga tao upang mawalan ng pagtitiis at maging madaling magalit? Hindi baga ang kawalan ng pag-ibig? Gayunman, ang ating makalangit na Ama ay mapagbata at “mabagal sa pagkagalit.” (Exodo 34:6; Lucas 18:7) Bakit? Sapagkat kaniyang iniibig tayo at “hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa.”​—2 Pedro 3:9.

16. Papaano maihahambing ang pag-ibig sa kabaitan, kabutihan, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili?

16 Nakita na natin kung bakit ang pag-ibig ay lalong dakila kaysa pananampalataya, at ang mga dahilang ibinigay ay kumakapit sa natitirang mga bunga ng espiritu, samakatuwid nga, ang kabaitan, kabutihan, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. Lahat na ito ay mga katangiang kinakailangan, ngunit hindi natin pakikinabangan kung walang pag-ibig, tulad ng binanggit ni Pablo sa 1 Corinto 13:3, nang kaniyang isulat: “Kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking ari-arian upang pakanin ang iba, at kung ibigay ko ang aking katawan, upang maipagmalaki ko, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang anumang pakikinabangin.” Sa kabilang dako, ang pag-ibig ang nagsisibol ng mga katangian na gaya ng kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. Sa gayon, ipinagpatuloy ni Pablo na sabihing ang pag-ibig ay mabait at “lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.” Oo, at “ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.” (1 Corinto 13:4, 7, 8) Napansin na ang mga ibang bunga ng espiritu ay kapahayagan, o sarisaring aspekto, ng pag-ibig, ang unang-unang binanggit. Oo, masasabi na sa lahat ng siyam na mga bunga ng espiritu, ang pag-ibig ang talaga ngang pinakadakila.

17. Anong mga pangungusap sa Kasulatan ang sumusuhay sa konklusyon na ang pag-ibig ang pinakadakilang bunga ng espiritu?

17 Sumusuhay sa konklusyon na ang pag-ibig ang pinakadakila sa lahat ng mga bunga ng espiritu ng Diyos ay ang mga salita ni Pablo: “Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kaninuman, maliban na sa mag-ibigan kayo; sapagkat ang umiibig sa kaniyang kapuwa ay nakatupad na ng kautusan. Sapagkat ang kodigo ng kautusan . . . ay nabubuo sa pananalitang ito, na, ‘Ang kapuwa mo’y iibigin mo na gaya ng iyong sarili.’ Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa; ang pag-ibig nga ay siyang katuparan ng kautusan.” (Roma 13:8-10) Angkop na angkop nga, ang kautusang ito na pag-ibig sa kapuwa na gaya ng iyong sarili ay tinutukoy ni Santiago na “ang kautusang hari.”​—Santiago 2:8.

18. Ano pa ang patotoo na ang pag-ibig ang pinakadakilang katangian?

18 Mayroon bang higit pang patotoo na ang pag-ibig ang pinakadakilang katangian? Oo, mayroon nga. Isaalang-alang ang nangyari nang isang eskriba ang nagtanong kay Jesus: “Alin bang utos ang una sa lahat?” Marahil ay inaasahan niyang sisipiin ni Jesus ang isa sa Sampung Utos. Ngunit si Jesus ay sumipi sa Deuteronomio 6:4, 5 at nagsabi: “Ang una ay, ‘Pakinggan mo, Oh Israel, si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova, at iibigin mo si Jehova mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong isip mo at nang buong lakas mo.’ ” Pagkatapos ay isinusog ni Jesus: “Ang pangalawa ay ito, ‘Ang iyong kapuwa ay iibigin mo na gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.”​—Marcos 12:28-31.

19. Ano ang ilan sa mahahalagang mga bunga ng a·gaʹpe?

19 Tunay, hindi lumabis si Pablo sa kaniyang sinabi nang kaniyang banggitin ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig at ang sabi: “Ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.” Ang pagpapakita ng pag-ibig ay nagbubunga ng mabuting kaugnayan sa ating makalangit na Ama at sa iba, kasali na yaong mga nasa kongregasyon at mga miyembro ng ating pamilya. Ang pag-ibig ay nagpapatibay sa atin. At ang susunod na artikulo ay magpapakita kung papaanong may kagantihan ang tunay na pag-ibig.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaanong ang pag-ibig ay lalong dakila kaysa pananampalataya at pag-asa?

◻ Ano ang a·gaʹpe, at papaano ipinakikita ang gayong pag-ibig?

◻ Bakit ang pag-ibig ang pinakadakila sa apat na pangunahing katangian ng Diyos?

◻ Papaanong ang pag-ibig ay lalong dakila kaysa iba pang mga bunga ng espiritu?

[Larawan sa pahina 13]

Ang pag-ibig ang nagpakilos sa Diyos na lumikha ng tao para mabuhay sa isang makalupang paraiso. Ikaw ba ay umaasang mabubuhay doon?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share