Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 5/1 p. 3-5
  • 1914—Ang Taon na Yumanig sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 1914—Ang Taon na Yumanig sa Daigdig
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Biglang-bigla, Noong Agosto
  • Tapos Na ba Pagsapit ng Pasko?
  • Isang Malaking Pagbabago
  • Sarajevo—Mula 1914 Hanggang 1994
    Gumising!—1994
  • Ang Tunay na Kahulugan ng 1914
    Gumising!—1994
  • Ang Salinlahi ng 1914—Bakit Makahulugan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Magpasalamat—Naghahari Na ang Mesiyanikong Kaharian ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 5/1 p. 3-5

1914​—Ang Taon na Yumanig sa Daigdig

“Ang Dakilang Digmaan ng 1914-18 ay nakalatag na mistulang isang lugar na natupok na humahati sa panahong iyon at sa panahon natin. Sa pagtupok sa napakaraming buhay . . . , sa pagwasak sa mga paniniwala, pagbabago ng mga ideya, at pag-iiwan ng mga sugat ng nasirang pangarap na di na gagaling, iyon ay lumikha ng isang pisikal at gayundin ng agwat sa kaisipan sa pagitan ng dalawang yugto ng panahon.”​—Hango sa The Proud Tower​—A Portrait of the World Before the War 1890–1914, ni Barbara Tuchman.

“Ito ay halos​—ngunit hindi pa naman​—​bahagi ng kasaysayan, para sa maraming libu-libong mga tao na bata pa noon sa pasimula ng mahalagang ikadalawampung siglong ito na mga buháy pa.”​—Sinipi sa aklat na 1914, ni Lyn MacDonald, lathala noong 1987.

BAKIT kailangang maging interesado ka sa taóng 1914? ‘Ang hinaharap ang mahalaga sa akin,’ marahil ay sasabihin mo, ‘hindi ang nakalipas.’ Ngayon ang mga suliranin ay pangglobong polusyon, pagguho ng buhay-pampamilya, pagdami ng krimen, sakit sa kaisipan, at kawalan ng hanapbuhay, malungkot nga kung titingnan ang kinabukasan ng tao. Gayumpaman, marami sa sumuri sa kahalagahan ng 1914 ay nakasumpong ng saligan ng pag-asa para sa isang lalong magandang kinabukasan.

Sa loob ng mga dekada ipinaliliwanag na ng Ang Bantayan na noong 1914 ang sangkatauhan ay dumanas ng tinatawag na “pasimula ng kahirapan.” Ang pananalitang iyan ay bahagi ng dakilang hula ni Jesu-Kristo tungkol sa mga mangyayari bago magwakas ang balakyot na sistema ng tao.​—Mateo 24:7, 8.

Sa ngayon, isang maliit na bahagi lamang ng sangkatauhan ang nakagugunita pa sa madulang mga pangyayari ng 1914. Ang matanda na bang salinlahing iyan ay lilipas bago iligtas ng Diyos ang lupa sa pagkapahamak? Hindi kung ayon sa hula ng Bibliya. “Kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito,” ang pangako ni Jesus, “alamin ninyo na siya’y malapit na at nasa mga pintuan na. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito sa anumang paraan ay hindi lilipas hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”​—Mateo 24:33, 34.

Upang maunawaan kung bakit ang taóng 1914 ay mahalaga sa kasaysayan, isaalang-alang ang kalagayan ng daigdig hanggang noong kalagitnaan ng 1914. Bago noon, ang mga hari tulad ni Czar Nicholas ng Rusya, ni Kaiser Wilhelm ng Alemanya, at ni Emperador Franz Josef ng Austria-Hungary ay naghahawak ng malaking kapangyarihan. Lahat ng mga taong ito ay maaaring makapaghanda agad-agad ng apat na milyong mga kawal at ipadala sila sa digmaan. Subalit ang kanilang mga ninuno ay lumagda sa tinatawag na Holy Alliance, na nagsasaad na sila’y pinagkalooban ng Diyos ng kapamahalaan sa iba’t ibang panig ng isang dakilang “bansang Kristiyano.”

Sang-ayon sa The Encyclopædia Britannica, ang dokumentong ito ay “may makapangyarihang epekto sa kalakaran ng diplomasyang Europeo noong ika-19 na siglo.” Ito’y ginamit upang sumalungat sa mga kilusang demokratiko at sumang-ayon naman sa umano’y banal na karapatan ng mga hari. “Tayong mga Haring Kristiyano,” ang banggit ni Kaiser Wilhelm sa sulat kay Czar Nicholas, ay “may isang banal na tungkulin, na iniatang sa atin ng Langit, samakatuwid nga upang itaguyod ang prinsipyo ng [banal na karapatan ng mga hari].” Ibig bang sabihin nito ay may kaugnayan ang mga hari sa Europa sa Kaharian ng Diyos? (Ihambing ang 1 Corinto 4:8.) Kumusta naman ang mga relihiyon na sumuporta sa mga haring iyon? Tunay ba ang kanilang pag-aangkin ng pagka-Kristiyano? Ang sagot sa mga katanungang ito ay nagliwanag noong mga taon na kasunod ng 1914.

Biglang-bigla, Noong Agosto

“Ang tagsibol at tag-araw noong 1914 ay kapuna-puna sa Europa dahil sa pambihirang katahimikan,” ang isinulat ng Britanong estadistang si Winston Churchill. Ang mga tao ay karaniwan nang umaasa tungkol sa hinaharap. “Ang daigdig ng 1914 ay punô ng pag-asa at pangako,” ani Louis Snyder sa kaniyang aklat na World War I.

Totoo naman, maraming taon nang mahigpit na magkakaribal ang Alemanya at Britanya. Gayunman, gaya ng paliwanag ng historyador na si G. P. Gooch sa kaniyang aklat na Under Six Reigns: “Waring malayong mangyari ang isang digmaan sa Europa noong 1914 kaysa noong 1911, 1912, o 1913 . . . Ang relasyon ng dalawang gobyerno ay mas mainam kaysa noong nakaraan sa loob ng ilang mga taon.” Sang-ayon kay Winston Churchill, isang kagawad ng gabinete ng Britanya noong 1914: “Sa pakiwari namin ang Alemanya ay kagaya namin, na nagnanais ng kapayapaan.”

Subalit, dahil sa nangyari sa Sarajevo na pagpatay sa eredero ng Emperyo ng Austria-Hungary noong Hunyo 28, 1914, lumabo ang pag-asa. Makalipas ang isang buwan, si Emperador Franz Josef ay nagdeklara ng gera sa Serbia at pagkatapos ay iniutos sa kaniyang mga tropa na lusubin ang kahariang iyon. Samantala, noong gabi ng Agosto 3, 1914, sa utos ni Kaiser Wilhelm, isang malaking hukbong Aleman ang biglang-biglang lumusob sa kaharian ng Belgium at nagpilit na makaabante patungong Pransiya. Kinabukasan ang Britanya ay nagdeklara ng gera sa Alemanya. Kung para kay Czar Nicholas, kaniyang iniutos na ihanda sa gera ang napakalawak na hukbo ng Rusya para makipagbaka sa Alemanya at Austria-Hungary. Ang Holy Alliance ay bigo sa pagpigil sa mga hari sa Europa ng pagbubulusok sa kontinente sa madugong pagpapatayan. Subalit ang lubhang nakagigitlang mga pangyayari ay saka pa lamang darating.

Tapos Na ba Pagsapit ng Pasko?

Ang pag-asa ng mga tao ay hindi pinapanlamig ng pagsiklab ng digmaan. Marami ang may paniwala na ito ang makalilikha ng isang lalong mainam na daigdig, at ang napakaraming tao ay nagtipun-tipon sa buong Europa upang ipahayag ang kanilang pagsuporta rito. “Walang sinuman noong 1914,” ang isinulat ni A. J. P. Taylor sa kaniyang aklat na Struggle for Mastery in Europe​—1848–​1918, “ang naging seryoso tungkol sa mga panganib ng digmaan maliban sa may kinalaman sa bahagi ng militar. . . . Walang sinuman ang umaasang magiging kapaha-pahamak iyon sa lipunan.” Sa halip, marami ang nanghula na iyon ay matatapos sa loob ng ilang mga buwan.

Gayunman, malaon pa bago naipagdiwang ng mga taga-Europa ang kanilang Pasko noong 1914, nagkaroon ng isang pansamantalang paghinto ng labanan sa isang linya ng mga trensera sa may habang mahigit na 700 kilometro mula sa Switzerland sa timog hanggang sa baybaying dagat ng Belgium sa hilaga. Ito ay tinawag na Western Front, at binanggit ito ng Alemang autor na si Herbert Sulzbach sa isang pagtatala sa kaniyang diary noong huling araw ng 1914. Ganito ang itinala: “Ang kakila-kilabot na digmaang ito ay magpapatuloy, at samantalang sinuman ay may akala sa pasimula na matatapos ito sa loob lamang ng mga ilang linggo, ngayon ay walang natatanaw na pag-asang matapos ito.” Samantala, sa ibang panig ng Europa nagkaroon ng madudugong labanan ang mga tropa ng Rusya, Alemanya, Austria-Hungary, at Serbia. Ang labanan ay madaling lumaganap hanggang sa labas ng Europa, at naglaban sa mga karagatan at sa Aprika, sa Gitnang Silangan, at sa mga isla ng Pasipiko.

Makalipas ang apat na taon nawasak ang Europa. Ang Alemanya, Rusya, at Austria-Hungary ay nawalan bawat isa ng nasa pagitan ng isa at dalawang milyong kawal. Ang Rusya ay nawalan pa nga ng kaniyang monarka sa rebolusyong Bolshevik ng 1917. Anong laking kabiglaanan para sa mga hari sa Europa at sa kanilang tagatangkilik na klero! Ang modernong mga historyador ay nagpapahayag pa ng pagtataka hanggang ngayon. Sa kaniyang aklat na Royal Sunset, si Gordon Brook-Shepherd ay nagtatanong: “Papaano nga nangyari na ang mga pinunò, karamihan sa kanila’y magkakamag-anak na katutubo o dahil sa pag-aasawa at pawang nakatalaga na mapanatili ang paghahari, ay pumayag na sila’y mahila sa pagbububo ng dugo ng mga kapatid nila na nagbunga ng pagkalipol ng marami sa kanila at ng panghihina naman ng mga nakaligtas?”

Ang republika ng Pransiya ay nalagasan din ng mahigit na isang milyong kawal, at ang Emperyo ng Britanya, na nanghina na ang monarkiya malaon na bago pa magdigmaan, ay nalagasan ng mahigit na 900,000. Lahat-lahat, mahigit na 9 na milyong kawal ang namatay, at isa pang 21 milyon ang nasugatan. Tungkol naman sa nasawing mga sibilyan, sinasabi ng The World Book Encyclopedia: “Walang nakaaalam kung ilang mga sibilyan ang namatay sa sakit, gutom, at iba pang mga sanhi na dala ng digmaan. May mga historyador na naniniwalang kasindami ng mga kawal ang nasawing mga sibilyan.” Sa epidemya ng trangkaso Espanyola noong 1918 ay isa pang 21,000,000 buhay ang nasawi sa buong mundo.

Isang Malaking Pagbabago

Ang daigdig ay hindi na kailanman sumauli sa dati pagkatapos ng Dakilang Digmaan, gaya ng tawag dito noon. Yamang napakaraming relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang puspusang nakibahagi rito, maraming nawalan ng tiwala na mga nakaligtas ang tumalikod sa relihiyon at naging mga ateista. Ang iba naman ay nahilig sa pagpapalago ng materyal na kayamanan at sa mga kalayawan. Sang-ayon kay Propesor Modris Eksteins sa kaniyang aklat na Rites of Spring, ang dekada ng 1920 ay “nakasaksi ng hedonismo at narcisismo na totoong malaganap.”

“Ang digmaan,” ayon sa paliwanag ni Propesor Eksteins, ay “sumira sa mga pamantayan ng moral.” Ang mga lalaki sa magkabilang panig ay tinuruan ng relihiyoso, militar, at pulitikal na mga lider na maniwalang mabuting moral ang lansakang pagpatay. Ito, inamin ni Eksteins, “ang pinakamagaspang na pagsalakay sa isang lipunang moral na nag-aangking nag-uugat sa isang Judeo-Kristiyanong asal.” “Sa Western Front,” sabi pa niya, “hindi nagtagal at ang mga bahay-aliwan ay naging palagiang bahagi na ng mga kampo ng militar . . . Ang mga sibilyan naman kapuwa ang mga lalaki at mga babae ay nahila ng imoralidad. Kapuna-puna ang mabilis na paglaganap ng prostitusyon.”

Oo, malaki ang ipinagbago noong 1914. Hindi ito nagbunga ng isang lalong magaling na daigdig, at ang digmaan ay hindi lumabas na “ang digmaan na tatapos sa lahat ng mga digmaan,” gaya ng pag-asa ng marami. Sa halip, gaya ng puna ng historyador na si Barbara Tuchman: “Ang mga dakilang pag-asa at kasiglahan na posible hanggang noong 1914 ay unti-unting lumubog sa ilalim ng isang karagatan ng dambuhalang kawalang-pag-asa.”

Gayunman, ang iba na nakasaksi sa trahedya noong 1914 ay hindi namangha sa mga pangyayari nang taóng iyon. Sa katunayan, bago sumiklab ang digmaan, sila’y umaasa na may darating na “isang kalagim-lagim na panahon ng kabagabagan.” Sino sila? At ano ang alam nila na hindi alam ng iba?

[Kahon sa pahina 5]

Mga Optimista ang mga Britano Noong 1914

“Sa loob halos ng isang siglo ay walang kaaway na lumitaw sa mga karagatan sa palibot ng aming isla. . . . Mahirap kahit na ang gunigunihin man lamang na may magbabanta sa mapayapang mga dalampasigang ito. . . . Kailanman ay noon lamang nakitang wala nang sasaya pa at lalong maunlad kaysa London. Noon lamang nagkaroon ng napakaraming dapat gawin, at makita, at marinig. Maging ang matatanda man o ang mga kabataan ay may anumang hinala na ang kaniyang nasaksihan, sa walang katulad na panahong iyon ng 1914, ay sa katunayan, ang wakas ng isang yugto ng panahon.”​—Before the Lamps Went Out, ni Geoffrey Marcus.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share