Ang Salinlahi ng 1914—Bakit Makahulugan?
“Alam ng aming mambabasa na sa loob ng ilang mga taon ay inaasahan naming ang Panahong ito ay magtatapos sa isang kalagim-lagim na panahon ng kabagabagan, at inaasahan naming ito’y magsisimula nang bigla at matindi hindi magtatagal pagkatapos ng Oktubre, 1914.”—Sinipi sa The Watch Tower and Herald of Christ Presence, Mayo 15, 1911.
SAPOL noong 1879 ang magasing kilala noon sa tawag na The Watch Tower and Herald of Christ Presence (kilala ngayon bilang Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova) ay malimit na bumabanggit sa 1914 bilang isang palatandaang taon sa hula ng Bibliya. Samantalang palapit ang taóng iyan, ipinaaalaala sa mga mambabasa na “isang kalagim-lagim na panahon ng kabagabagan” ang maaasahang darating.
Ang impormasyong ito ay inilathala nang malaganap ng mga Kristiyano, na isinalig ito sa kanilang pagkaunawa sa “pitong panahon” at “panahon ng mga Gentil” na binanggit sa Bibliya.a Sa pagkaunawa nila ang panahong ito ay 2,520 taon—pasimula sa pagbagsak ng sinaunang kaharian ni David sa Jerusalem at nagtapos noong Oktubre 1914.b—Daniel 4:16, 17; Lucas 21:24, King James Version.
Noong Oktubre 2, 1914, si Charles Taze Russell, pangulo noon ng Watch Tower Bible and Tract Society, ay may katapangang nagpahayag: “Ang Panahong Gentil ay natapos na; tapos na ang kaarawan ng kanilang mga hari.” Anong pagkatotoo nga ng kaniyang mga sinabi ayon sa napatunayan! Bagaman hindi nakikita ng mga mata ng tao, noong Oktubre 1914 isang pangyayari na yumanig sa daigdig ang naganap sa langit. Si Jesu-Kristo, ang permanenteng Tagapagmana ng “trono ni David,” ay nagsimula ng kaniyang pamamahala bilang Hari sa buong sangkatauhan.—Lucas 1:32, 33; Apocalipsis 11:15.
‘Ngunit,’ marahil ay itatanong mo, ‘kung nagsimulang maghari si Kristo noong 1914, bakit lalong sumamâ ang mga kalagayan sa lupa?’ Sapagkat ang di-nakikitang kaaway ng sangkatauhan na si Satanas ay umiiral pa. Magpahangga noong 1914, si Satanas ay nakapupunta pa sa langit. Ang ganiyang kalagayan ay nagbago nang itatag ang Kaharian ng Diyos noong 1914. “Sumiklab ang digmaan sa langit.” (Apocalipsis 12:7) Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay natalo at ibinulid dito sa lupa, kasabay ng kapaha-pahamak na mga epekto sa sangkatauhan. Inihula ng Bibliya: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon siyang maikli na lamang yugto ng panahon.”—Apocalipsis 12:12.
Noong unang siglo C.E., sinabi ni Jesus na ang kaniyang di-nakikitang pagkanaririto bilang bagong Hari ng lupa ay magkakaroon ng isang di-nakikitang palatandaan. Siya’y tinanong: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Ang kaniyang tugon? “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako. Lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng matinding kahirapan.”—Mateo 24:3, 7, 8.
Kaya nga, ang digmaan na sumiklab noong 1914 ay may kasabay na kalagim-lagim na mga kakapusan sa pagkain, yamang ang normal na produksiyon ng pagkain ay napahinto sa loob ng mahigit na apat na taon. Kumusta naman ang “mga lindol sa iba’t ibang dako”? Sa dekadang kasunod ng 1914, di-kukulangin sa sampung malalakas na lindol ang pumatay sa mahigit na 350,000 katao. (Tingnan ang kahon.) Tunay nga, ang salinlahi ng 1914 ay nakaranas ng “pasimula ng matinding kahirapan.” At magmula noon, ang matinding kahirapan ay palagian nang nadarama sa anyo ng likas na mga kapahamakan, taggutom, at ng napakaraming digmaan.
Gayunman, ang balita ng pagkatatag ng Kaharian ng Diyos noong 1914 ay mabuting balita sapagkat ang Kahariang iyon ay magliligtas sa lupang ito sa kapahamakan. Sa papaano? Aalisin niyaon ang lahat ng huwad, mapagpaimbabaw na mga relihiyon, mga likong pamahalaan, at ang balakyot na impluwensiya ni Satanas. (Daniel 2:44; Roma 16:20; Apocalipsis 11:18; 18:4-8, 24) Bukod dito, magdadala ito ng isang bagong sanlibutan na “tinatahanan ng katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Di-nagtagal pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang taimtim na mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon, ay nagsimulang makaunawa sa kanilang pribilehiyo tungkol sa isa pang bahagi ng tanda ng pagkanaririto ni Jesus bilang Hari. Inihula ni Jesu-Kristo: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
Mula sa maliliit na mga pasimula noong 1919, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpatuloy nang walang likat sa pagpapalaganap ng “mabuting balitang ito.” Kaya naman, milyun-milyon sa mahigit na 200 lupain ang ngayon ay tinitipon bilang mga sakop ng Kaharian ng Diyos. At anong daming mga pagpapala ang naghihintay sa mga sakop nito! Aalisin ng Kaharian ang digmaan, taggutom, krimen, at pang-aapi. Aalisin pa nga nito ang sakit at kamatayan!—Awit 46:9; 72:7, 12-14, 16; Kawikaan 2:21, 22; Apocalipsis 21:3, 4.
Bago tuluyang pumanaw ang salinlahi ng 1914, kaipala’y matutupad na ng gawaing pangangaral ng Kaharian ang layunin niyaon. “Kung magkagayon,” inihula ni Jesus, “magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman. Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na yaon, walang laman na maliligtas; ngunit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na yaon.”—Mateo 24:21, 22.
Huwag magkamali na gaya ng ginawa ng salinlahi noong bago mag-1914. Ang mga bagay ay hindi laging magpapatuloy na kagaya ngayon. Nakapagtatakang mga pagbabago ang mangyayari sa hinaharap. Subalit para sa mga taong kumikilos nang may kapantasan, sila’y may magandang maaasahan.
Kung gayon, pakinggan ang mga salita ng sinaunang propeta: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Zefanias 2:3) Papaano natin maikakapit ang ganitong payo? Ang sumusunod na mga artikulo ang tutulong sa pagsagot sa katanungang iyan.
[Mga talababa]
a May titulong pahina ng Scenario of the Photo-Drama of Creation, 1914.
b Para sa higit pang detalye, tingnan ang kabanata 16 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Chart sa pahina 7]
Mga Lindol Noong Dekadang Kasunod ng 1914
Petsa: Pinangyarihan: Namatay:
Enero 13, 1915 Avezzano, Italya 32,600
Enero 21, 1917 Bali, Indonesia 15,000
Pebrero 13, 1918 Probinsiya ng
Kwangtung, Tsina 10,000
Oktubre 11, 1918 Puerto Rico (kanluran) 116
Enero 3, 1920 Veracruz, Mexico 648
Setyembre 7,1920 Reggio di Calabria, Italya 1,400
Disyembre 16, 1920 Probinsiya ng
Ningsia, Tsina 200,000
Marso 24, 1923 Probinsiya ng
Szechwan, Tsina 5,000
Mayo 26, 1923 Iran (hilagang-silangan) 2,200
Setyembre 1, 1923 Tokyo-Yokohama, Hapon 99,300
Buhat sa nakatalang “Makahulugang mga Lindol sa Daigdig” sa aklat na Terra Non Firma, ni James M. Gere at Haresh C. Shah.