Miyerkules, Nobyembre 29
Ang nagtatakip ng tainga kapag dumaraing ang mahirap ay hindi pakikinggan kapag siya naman ang tumawag. —Kaw. 21:13.
Sinisikap ng lahat ng Kristiyano na maging maawain gaya ni Jehova. Bakit? Dahil hindi pinapakinggan ni Jehova ang mga hindi nagpapakita ng awa sa iba. Siguradong gusto nating lahat na pakinggan ni Jehova ang mga panalangin natin, kaya iniiwasan nating maging manhid at walang awa. Imbes na maging walang malasakit, dapat na lagi tayong handang makinig “kapag dumaraing ang mahirap.” Lagi rin nating tinatandaan ang sinasabi ng Bibliya: “Ang hindi nagpapakita ng awa ay hahatulan nang walang awa.” (Sant. 2:13) Kung magiging mapagpakumbaba tayo at iisipin na tayo mismo ay nangangailangan ng awa, mas malamang na magpakita tayo ng awa. Gusto nating maging maawain lalo na sa nagsising nagkasala na nakabalik sa kongregasyon. Makakatulong sa atin ang mga halimbawa sa Bibliya para maging maawain tayo at hindi malupit. w21.10 12 ¶16-17
Huwebes, Nobyembre 30
Umupo kayo rito at pupunta ako roon para manalangin. —Mat. 26:36.
Noong gabi bago mamatay si Jesus at malapit nang matapos ang ministeryo niya sa lupa, naghanap siya ng tahimik na lugar para magbulay-bulay at manalangin. Nagpunta siya sa hardin ng Getsemani. Doon, binigyan ni Jesus ang mga alagad niya ng napakahalagang payo tungkol sa panalangin. Gabing-gabi na nang makarating sila sa hardin ng Getsemani, malamang lampas na ng hatinggabi. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na “patuloy na magbantay,” saka siya lumayo para manalangin. (Mat. 26:37-39) Habang nananalangin siya, nakatulog sila. Nang madatnan niyang natutulog sila, sinabihan ulit sila ni Jesus na “patuloy [na] magbantay at manalangin.” (Mat. 26:40, 41) Alam ni Jesus na pagod na pagod na sila. Naiintindihan niya na “mahina ang laman.” Dalawang beses pang umalis si Jesus para manalangin. Pero pagbalik niya, natutulog pa rin ang mga alagad niya sa halip na nananalangin.—Mat. 26:42-45. w22.01 28 ¶10-11
Biyernes, Disyembre 1
Makikinig sila sa tinig ko. —Juan 10:16.
Ikinumpara ni Jesus ang kaugnayan niya sa mga tagasunod niya sa malapít na ugnayan ng pastol at mga tupa nito. (Juan 10:14) Tama naman kasi kilala ng mga tupa ang pastol nila at nakikinig sila sa tinig nito. Napatunayan iyan ng isang turista. Sinabi niya: “Gusto naming kunan ng litrato ang mga tupa at sinubukan namin silang palapitin. Pero hindi sila lumalapit kasi hindi nila kilala ang boses namin. Pagkatapos, may lumapit na batang pastol, at hindi man lang siya nahirapang tawagin at palapitin ang mga tupa.” Makikita natin sa karanasan ng turista ang mga sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tupa—ang mga alagad niya. Sinabi niya: “Makikinig sila sa tinig ko.” Pero nasa langit si Jesus. Paano tayo makikinig sa tinig niya? Nakikinig tayo sa tinig ni Jesus kapag isinasabuhay natin ang mga turo niya.—Mat. 7:24, 25. w21.12 16 ¶1-2