Miyerkules, Marso 27
Unahin ang Kaharian.—Mat. 6:33.
Lungkot na lungkot ang mga alagad nang mamatay si Jesus. Isipin mong isa ka sa kanila. Namatayan sila ng mahal na kaibigan at posibleng nawalan rin sila ng pag-asa. (Luc. 24:17-21) Pero nang magpakita sa kanila si Jesus, tinulungan niya silang maintindihan kung ano ang papel niya sa pagtupad ng mga hula sa Bibliya. Binigyan din niya sila ng isang mahalagang gawain. (Luc. 24:26, 27, 45-48) Pagkalipas ng 40 araw, pag-akyat ni Jesus sa langit, napalitan ng kagalakan ang kalungkutan ng mga alagad dahil alam nilang buháy ang Panginoon nila at na tutulungan niya sila na magawa ang bago nilang atas. Ang kagalakan nilang iyon ang nagpakilos sa kanila na patuloy na purihin si Jehova. (Luc. 24:52, 53; Gawa 5:42) Para matularan ang mga alagad ni Jesus, kailangan nating unahin ang Kaharian ng Diyos sa buhay natin. Kailangan natin ng pagtitiis para patuloy na mapaglingkuran si Jehova, pero ipinapangako niya sa atin na pagpapalain niya tayo kung uunahin natin ang Kaharian.—Kaw. 10:22. w23.01 30-31 ¶15-16
Pagbasa sa Bibliya sa Memoryal: (Mga pangyayari bago lumubog ang araw: Nisan 16) Marcos 16:2-8
Huwebes, Marso 28
Sa alabok ka babalik.—Gen. 3:19.
Siguradong ayaw nating matulad kina Adan at Eva. Maiiwasan natin ang pagkakamali nila kung patuloy nating kikilalanin si Jehova, papahalagahan ang mga katangian niya, at sisikapin na maintindihan ang paraan ng pag-iisip niya. Kapag ginawa natin iyan, lalalim ang pag-ibig natin kay Jehova. Tingnan ang halimbawa ni Abraham. Talagang mahal niya si Jehova. Kahit hindi niya masyadong maintindihan ang mga desisyon ni Jehova, hindi nagrebelde si Abraham. Sa halip, sinikap niyang mas makilala pa si Jehova. Halimbawa, nang malaman niya na pupuksain ni Jehova ang Sodoma at Gomorra, sa simula, natakot si Abraham na baka puksain ng “Hukom ng buong lupa” ang mga matuwid kasama ng masasama. Hindi lubos-maisip ni Abraham na magagawa iyon ni Jehova, kaya mapagpakumbaba niyang tinanong si Jehova. Sa bawat tanong niya, matiyaga siyang sinagot ni Jehova. Nalaman ni Abraham na nababasa ni Jehova ang puso ng tao at na hindi niya paparusahan ang mga inosente kasama ng masasama.—Gen. 18:20-32. w22.08 28 ¶9-10
Biyernes, Marso 29
Ang mapagkakatiwalaan ay marunong mag-ingat ng kompidensiyal na mga bagay.—Kaw. 11:13.
Noong 455 B.C.E., matapos maitayong muli ni Gobernador Nehemias ang mga pader ng Jerusalem, humanap siya ng mga maaasahang lalaki na mangangalaga sa lunsod. Isa sa mga napili ni Nehemias ang pinuno ng Tanggulan na si Hananias. Inilarawan ng Bibliya si Hananias bilang “talagang mapagkakatiwalaan . . . at kumpara sa maraming iba pa, mas may takot siya sa tunay na Diyos.” (Neh. 7:2) Dahil mahal niya at ayaw niyang mapalungkot si Jehova, nagsikap nang husto si Hananias na gawin ang anumang atas niya. Ang mga katangiang iyon ay tutulong din sa atin na maging maaasahan sa paglilingkod sa Diyos. Pansinin ang halimbawa ni Tiquico, isang mapagkakatiwalaang kasama ni apostol Pablo. Umasa si Pablo kay Tiquico, at inilarawan niya ito bilang “tapat na lingkod.” (Efe. 6:21, 22) Ipinagkatiwala ni Pablo sa kaniya ang pagdadala ng mga liham sa mga kapatid sa Efeso at Colosas pati na ang pagpapatibay sa kanila. Ipinapaalala sa atin ni Tiquico ang mga tapat at maaasahang lalaki na nangangalaga sa espirituwal na pangangailangan natin ngayon.—Col. 4:7-9. w22.09 9-10 ¶5-6