Kapag Nagkakasakit Ka Dahil sa mga Kimikal
MARAMING aspekto ng multiple chemical sensitivity (MCS) ang nakalilito. Mauunawaan naman, may malaking di-pagkakaunawaan sa medikal na komunidad hinggil sa pinagmumulan ng kalagayang ito. Naniniwala ang ilang doktor na ang MCS ay may kadahilanang pisikal, ang iba ay naniniwala na ito’y may kadahilanang sikolohikal, at tinutukoy naman ng iba pa ang kapuwa pisikal at sikolohikal na mga salik. Ipinahihiwatig ng ilang doktor na ang MCS ay maaari pa ngang kumakatawan sa isang uri ng ilang mga sakit.a
Maraming pasyente na may MCS ang nagsasabi na ang una at labis na pagkahantad sa lason (toxin) gaya ng pestisidyo ang naging dahilan ng kanilang kalagayan; tinutukoy naman ng iba ang paulit-ulit o malubhang pagkakahantad sa mabababang antas ng lason. Minsang magkaroon ng MCS, ang mga nagdurusa ay dumaranas ng iba’t ibang sintomas sa iba’t ibang tila walang kaugnayang mga kimikal na dati namang nakakayanan nila, gaya ng mga pabango at mga produktong panlinis. Kaya nga tinagurian itong “multiple chemical sensitivity.” Isaalang-alang ang kaso ni Joyce.
Nagkaroon ng kuto sa ulo si Joyce habang nasa paaralan. Nang magkagayon ay inispreyhan ng pestisidyo ang kaniyang ulo. Humina ang kalusugan ni Joyce, at hindi na niya makayanan ang maraming kimikal na hindi naman nagpapahirap sa kaniya noon. Kabilang dito ang mga panlinis sa bahay, air freshener, pabango, shampoo, at gasolina. “Namugto ang mga mata ko,” ang sabi ni Joyce, “at ang aking mga saynus ay naimpeksiyon, na nagdulot ng mga sakit ng ulo at pagkaalibadbad na napakalalá anupat nanatili akong maysakit sa loob ng mga ilang araw. . . . Nagkaroon ako ng pulmonya nang napakaraming ulit anupat ang aking baga ay napinsala na gaya niyaong sa isang tao na nanigarilyo sa loob ng 40 taon—at hindi naman ako nanigarilyo kailanman!”
Ang malubhang pagkakahantad sa mababang antas ng lason, na siya ring sinasabi na isang salik sa MCS, ay maaaring mangyari sa labas o loob ng bahay. Sa katunayan, sa nakalipas na mga dekada ang malaking bilang ng mga pagkakasakit bunga ng polusyon sa hangin sa loob ng bahay ay umakay sa pagbuo ng terminong “sick-building syndrome.”
Sick-Building Syndrome
Ang sick-building syndrome ay lumitaw noong dekada ng 1970 nang upang makatipid ng enerhiya, pinalitan ang maraming likas na nahahanginang mga tahanan, paaralan, at mga tanggapan ng mga gusaling hindi napapasok ng hangin at may air-condition. Ang insulasyon, kahoy na nilagyan ng sangkap, mabilis sumingaw na mga pandikit, at sintetikong mga tela at mga alpombra ay kadalasang ginagamit sa mga gusaling ito at sa mga muwebles nito.
Lalo na kapag bago, marami sa mga produktong ito ay naglalabas ng mababang antas ng mga kimikal na posibleng makapinsala, tulad ng formaldehyde, sa niresiklong hangin. Nakapagpapalala pa ang alpombra sa problema sa pamamagitan ng pagsipsip sa iba’t ibang mga panlinis at mga solvent at pagkatapos ay pinakakawalan ang mga ito sa loob ng mahabang yugto ng panahon. “Ang mga singaw mula sa iba’t ibang mga solvent ang pinakapalasak sa mga nagpaparumi ng hangin sa loob ng bahay,” ang sabi ng aklat na Chemical Exposures—Low Levels and High Stakes. Sa kabaligtaran, “ang mga solvent ay kabilang sa mga kimikal na pinakamadalas isangkot ng mga pasyenteng sensitibo sa kimikal,” ang sabi ng aklat.
Bagaman waring nakakayanan ng karamihan sa mga tao ang kapaligiran sa loob ng gayong mga gusali, ang ilan ay nagkaroon ng mga sintomas na mula sa hika at iba pang mga suliranin sa palahingahan hanggang sa mga sakit ng ulo at pananamlay. Ang mga sintomas na ito ay karaniwan nang nawawala kapag iniiwan ng mga taong naapektuhan ang kapaligirang iyon. Ngunit sa ilang kalagayan, “ang mga pasyente ay maaaring magkaroon ng mga multiple chemical sensitivity,” ang sabi ng Britanong babasahin sa medisina na The Lancet. Ngunit bakit nagkakasakit ang ilan dahil sa mga kimikal samantalang ang iba nama’y hindi? Ito ay isang mahalagang tanong sapagkat maaaring mahirap maunawaan ng ilan na tila di-naaapektuhan ang mga nagkakasakit.
Lahat Tayo ay Magkakaiba
Makabubuting alalahanin na tayong lahat ay may iba’t ibang reaksiyon sa iba’t ibang mga sangkap, ito ma’y mga kimikal, mikrobyo, o mga virus. Kabilang sa mga bagay na nakaaapekto sa mga reaksiyon ay ang henetikong kayarian, edad, kasarian, kalagayan sa kalusugan, mga gamot na maaaring iniinom natin, dating sakit, at mga salik sa istilo-ng-buhay na tulad ng paggamit ng alak, tabako, o droga.
Halimbawa, sa mga droga na ginagamit sa medisina, ang inyong pagiging naiiba ang magdidikta “kung ang isang droga ay tatalab at kung ano ang maaaring maging masamang epekto nito,” ang sabi ng magasing New Scientist. Ang ilan sa masasamang epektong ito ay maaaring mapanganib at makamatay pa nga. Karaniwan na, inaalis ng mga protina na tinatawag na mga enzyme palabas ng katawan ang di-kilalang mga kimikal, gaya ng mga kimikal sa droga at ng mga dumi na nakukuha sa pang-araw-araw na mga gawain. Ngunit kapag ang mga “tagapaglinis” na mga enzyme na ito ay may depekto, marahil dahil sa pagmamana, patiunang pinsala dahil sa mga lason, o di-masustansiyang pagkain, ang di-kilalang mga kimikal ay maaaring dumami sa mapanganib na antas.b
Ang MCS ay inihahalintulad sa isang grupo ng mga sakit sa dugo na kaugnay sa enzyme na tinatawag na porphyrias. Kadalasang ang reaksiyon sa mga kimikal ng mga taong nagtataglay ng partikular na porphyrias, mula sa usok ng sasakyan hanggang sa mga pabango, ay katulad sa reaksiyon ng mga taong may MCS.
Naaapektuhan Din ang Isip
Sinabi ng isang nagdurusa dahil sa MCS sa Gumising! na ang ilang karaniwang mga kimikal ay nakatutuliro sa kaniya. Sinabi niya: “Nakaranas ako ng mga pagbabago sa personalidad—naging magagalitin, maligalig, madaling mainis, matatakutin, matamlay. . . . Ang mga sintomas na ito ay maaaring tumagal mula sa ilang oras hanggang sa ilang araw.” Pagkatapos, nakadarama siya ng hangover at nagdurusa sa iba’t ibang antas ng panlulumo.
Ang mga epektong ito ay karaniwan na sa mga taong may MCS. Sinabi ni Dr. Claudia Miller na “mahigit sa labindalawang bansa ang nag-ulat ng mga suliraning sikolohikal matapos ang tiyak na mga pagkakahantad sa kimikal, ito ma’y pagkakahantad sa pamatay-insekto o sick building [syndrome]. . . . Alam namin na ang mga manggagawa na nahahantad sa mga solvent ay mas nanganganib na magkaroon ng mga sumpong ng biglang pagkasindak at panlulumo. . . . Kaya kailangan nating maging lubos na palaisip at tandaan na marahil ang pinakasensitibong sistema ng sangkap sa katawan sa mga pagkakahantad sa kimikal ay ang utak.”
Bagaman ang pagkakahantad sa kimikal ay maaaring umakay sa mga suliraning sikolohikal, maraming doktor ang naniniwala na totoo rin ang kabaligtaran nito—ang mga suliraning sikolohikal ay makaaabuloy sa pagiging sensitibo ng isa sa kimikal. Si Dr. Miller, na nabanggit sa itaas, at si Dr. Nicholas Ashford, mga matatag na naniniwala sa pisikal na mga kadahilanan ng MCS, ay kumilala na ang “mga pangyayaring sikolohikal at sosyal, tulad ng pagkamatay ng isang kabiyak o diborsiyo, ay makapipigil sa pag-andar ng sistema ng imyunidad at maaaring magpadali sa ilang tao na maging lalong sensitibo sa mga kimikal sa mabababang antas. Totoo naman, ang kaugnayan sa pagitan ng mga sistema sikolohikal at pisyolohikal ay bagay na komplikado.” Si Dr. Sherry Rogers, isang naniniwala sa pisikal na kadahilanan ng MCS, ay nagsabi na ang “kaigtingan ay nagpapangyaring maging higit na sensitibo sa kimikal ang isang tao.”
Mayroon bang anumang magagawa ang mga nagdurusa ng MCS upang mapabuti ang kanilang kalusugan o kahit man lamang mabawasan ang kanilang mga sintomas?
Tulong Para sa mga May MCS
Bagaman walang alam na gamot para sa MCS, nabawasan ng marami sa mga nagdurusa ang kanilang mga sintomas, at nagawa naman ng iba na bumalik sa isang makatuwirang normal na buhay. Ano ang nakatulong sa kanila na maharap ito? Sinabi ng ilan na sila’y nakinabang sa pagsunod sa rekomendasyon ng kanilang doktor na iwasan, hangga’t maaari, ang mga kimikal na nagpasimula sa kanilang mga sintomas.c Nasumpungan ng nagdurusa sa MCS na si Judy na ang pag-iwas ay talagang mabisa para sa kaniya. Samantalang nagpapagaling mula sa Epstein-Barr virus, si Judy ay labis na nahantad sa isang pestisidyo na ginamit sa loob ng kaniyang tahanan at sa gayo’y nagkaroon ng MCS.
Gaya ng marami na may MCS, si Judy ay nagkakaroon ng reaksiyon sa napakarami at sari-saring mga kimikal sa tahanan. Kaya, ginagawa niya ang lahat ng kaniyang paglilinis at paglalaba na ginagamit ang mga purong sabon at baking soda. Natuklasan niyang napakaepektibo ng suka na pampalambot ng tela. Ang kaniyang silid-bihisan at silid-tulugan ay naglalaman lamang ng likas na mga hibla at mga tela. Hindi itinatago ng kaniyang asawa sa aparador ang mga damit nito na na-dry clean hanggang sa mapahanginan ang mga ito sa loob ng mga linggo sa isang lugar na nahahanginang mabuti.
Sabihin pa, sa daigdig sa ngayon maaaring hindi posible para sa mga nagdurusa ng MCS na maiwasan ang lahat ng pinagmumulan ng problemang mga kimikal. Ang American Family Physician ay nagsabi: “Ang pangunahing karamdaman dahil sa MCS ay kadalasang ang pag-iisa at pagbubukod ng sarili na nararanasan habang sinisikap ng pasyente na iwasan ang mga pagkakahantad sa kimikal.” Iminumungkahi ng artikulo na sa ilalim ng medikal na pangangasiwa ang mga pasyente ay dapat na magtrabaho at makihalubilo, anupat unti-unting dinaragdagan ang kanilang gawain. Kasabay nito, dapat silang magsikap sa pagsupil sa mga sumpong ng pagkasindak at mabibilis na pintig ng puso sa pag-aaral ng mga pamamaraan sa pagrerelaks at pagkontrol sa hininga. Ang tunguhin ay upang tulungan ang mga pasyente na unti-unting makaagapay sa mga pagkakahantad sa kimikal sa halip na lubusang alisin ang mga kimikal sa kanilang buhay.
Ang isa pang mahalagang paggamot ay ang mabuting pagtulog sa gabi. Iniukol ni David, isang nagdurusa dahil sa MCS na ngayon ay halos wala nang sintomas, ang bahagi ng kaniyang paggaling sa pagtulog sa isang silid-tulugan kung saan nakalalanghap siya ng maraming sariwang hangin. Natuklasan din ni Ernest at ng kaniyang asawang si Lorraine, na kapuwa nagdurusa sa MCS, na “ang mabuting pagtulog sa gabi ay nakatutulong nang malaki sa pagharap sa hindi maiiwasang pagkakahantad sa kimikal kung araw.”
Sabihin pa, ang mabuting nutrisyon ay laging mahalaga sa pagpapanatili o pagpapanumbalik ng mabuting kalusugan. Sa katunayan, kinilala ito bilang ang “nag-iisang pinakamahalagang sangkap sa pananggalang na pangangalaga sa kalusugan.” Makatuwiran lamang na upang manumbalik sa kalusugan ang katawan, hangga’t magagawa, dapat na gumagana nang mahusay ang mga sistema nito. Makatutulong din ang mga suplemento sa pagkain.
Nakatutulong din ang ehersisyo sa mabuting kalusugan. Karagdagan pa, kapag nagpapawis ka tinutulungan mo ang iyong katawan na alisin ang mga lason palabas sa iyong balat. Mahalaga rin ang isang mabuting disposisyon sa kaisipan at ang pagiging mapagpatawa, kasama na ang pagkadama na ikaw ay minamahal at ang pagpapamalas ng pag-ibig sa iba. Sa katunayan, ang “pag-ibig at pagtawa” ang inirereseta ng isang doktor sa lahat ng kaniyang mga pasyenteng may MCS. Oo, “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.”—Kawikaan 17:22.
Gayunman, ang pagtatamasa ng maibigin at maligayang pakikipagsamahan ay maaaring maging isang malaking suliranin para sa mga nagdurusa ng MCS na hindi makayanan ang mga pabango, sangkap na panlinis, deodorizer, at iba pang mga kimikal na napapaharap sa karamihan sa atin sa ating pang-araw-araw na mga gawain. Paano nakikibagay ang mga taong may MCS sa ilalim ng ganitong mga kalagayan? Mahalaga rin, ano ang magagawa ng iba upang matulungan yaong mga may MCS? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mga bagay na ito.
[Mga talababa]
a Ang Gumising! ay hindi isang babasahing medikal, at ang mga artikulong ito tungkol sa MCS ay hindi nilayon upang itaguyod ang anumang medikal na pangmalas. Iniuulat lamang nito ang hinggil sa mga bagong tuklas at sa kung ano ang natuklasan ng ilang doktor at mga pasyente na makatutulong upang makayanan ang sakit na ito. Kinikilala ng Gumising! na sa gitna ng mga manggagamot ay walang pandaigdig at pangkalahatang opinyon hinggil sa mga kadahilanan ng MCS, sa pinagmumulan ng kalagayan, o sa maraming paggamot at programa na ibinigay at ginamit ng mga nagdurusa nito.
b Isang karaniwang halimbawa ng kakulangan sa enzyme ay ang enzyme lactase. Yaong mga may suliranin sa lactase ay hindi nakatutunaw ng lactose na nasa gatas, at nagkakasakit sila kapag iniinom nila ito. Ang ibang tao ay may kakulangan sa enzyme na nagpapangyari sa kimikal na pagbabago ng tyramine, isang kimikal na masusumpungan sa keso at iba pang pagkain. Bunga nito, kapag kumakain sila ng gayong mga pagkain, ang mga taong ito ay maaaring magkaroon ng migraine.
c Yaong mga naniniwala na sila ay nagdaranas ng MCS ay dapat na humiling ng propesyonal na tulong mula sa isang iginagalang na manggagamot. Magiging di-katalinuhan na gumawa ng malaki, at marahil magastos, na mga pagbabago sa iyong istilo-ng-buhay nang hindi muna sumasailalim sa isang masusing pagsusuri. Maaaring isiwalat ng mga pagsusuri na maliliit lamang na mga pagbabago sa iyong pagkain o istilo-ng-buhay ang makababawas o makapag-aalis sa iyong mga sintomas.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Kailangan Mo nga ba ang Napakaraming Kimikal?
Dapat na panatilihin nating lahat sa pinakamababang antas ang ating pagkakahantad sa mga kimikal na posibleng makalason. Kabilang dito ang mga kimikal na itinatago natin sa tahanan. Ganito ang sabi ng aklat na Chemical Exposures: “Ang mga dumi sa hangin sa loob ng bahay ay lumilitaw na kabilang sa pinakamalakas na promotor at tagapagpasimula ng kawalang kakayahang makayanan ang kimikal. Ang masalimuot na mga halo na naglalaman ng mababang mga antas ng daan-daang iba’t ibang organikong mga kimikal na madaling sumingaw ay nagaganap sa loob ng bahay.”d
Kaya tanungin ang iyong sarili kung talagang kailangan mong gumamit ng maraming kimikal gaya ng ginagawa mo, lalo na ang mga pestisidyo at mga produktong naglalaman ng mga solvent na madaling sumingaw. Nasubukan mo na bang gumamit ng walang lason na mga alternatibo? Gayunman, kung kailangan mong gumamit ng isang potensiyal na mapanganib na kimikal, tiyaking huwag gagamitin ito nang hindi ginagawa ang lahat ng kinakailangang mga pag-iingat. Gayundin, tiyaking itago ito sa isang ligtas na lugar kung saan hindi ito maaabot ng mga bata at kung saan ang mga singaw na maaaring ilabas nito ay hindi makapipinsala. Tandaan, kahit na ang mga kimikal sa ilang selyadong mga lalagyan ay maaaring sumingaw.
Ang kabatiran sa kimikal ay kumakapit din sa kung ano ang ipinapahid o ibinubuhos natin sa ating balat. Maraming kimikal, kabilang na ang mga pabango, ay nanunuot sa daluyan ng dugo sa pamamagitan ng balat. Kaya, ang mga idinidikit sa balat (skin patches) ay isa sa mga paraan ng pagbibigay ng ilang gamot. Kaya kapag natapunan mo ng kimikal na may lason ang iyong balat, “ang una at pinakapangunahing paggagamot ay dapat na ang lubusang paghuhugas upang maalis ang kimikal mula sa balat,” ang sabi ng aklat na Tired or Toxic?
Maraming tao na may multiple chemical sensitivity ay sensitibo sa mga pabango. Siyamnapu’t limang porsiyento ng mga kimikal na ginagamit sa mga pabango ay mga halong sintetiko na kinuha mula sa petrolyo. Ang asetona, camphor, benzaldehyde, ethanol, g-terpinene, at maraming iba pang mga sangkap na kimikal ang ginagamit. Ang mga panganib sa kalusugan na kaugnay sa mga sangkap na ito ay nailathala na—halimbawa, sa Estados Unidos sa pamamagitan ng Environmental Protection Agency. Totoo rin ito sa mga kimikal na ginamit sa mga air freshener. Kapag pinag-aaralan ng mga siyentipiko sa kapaligiran ang mga air freshener, ang sabi ng University of California at Berkeley Wellness Letter, kanilang “pinag-aralan ang mga ito bilang mga nagdudulot ng polusyon, hindi mga pampabuti, ng hangin sa loob ng bahay.” Ang mga air freshener ay hindi nag-aalis ng masasamang amoy; itinatago nila ang mga ito.
Ang aklat na Calculated Risks ay nagsasabi na “isa sa pinakamahalagang konsepto sa toxicology [ay na] lahat ng mga kimikal ay nakalalason sa ilalim ng ilang kalagayan ng pagkakahantad.”
[Talababa]
d Ang mga paraan upang panatilihing ligtas ang iyong tahanan mula sa ilang potensiyal na mga lason ay tinalakay sa Disyembre 22, 1998, na isyu ng Gumising!