Genesis
16 At si Sarai, na asawa ni Abram, ay hindi nagkaanak+ sa kaniya; ngunit siya ay may isang alilang babaing Ehipsiyo at ang pangalan nito ay Hagar.+ 2 Kaya sinabi ni Sarai kay Abram: “Pakisuyo ngayon! Sinarhan ako ni Jehova mula sa pag-aanak.+ Pakisuyo, sumiping ka sa aking alilang babae. Marahil ay magkakaroon ako ng mga anak mula sa kaniya.”+ At nakinig si Abram sa tinig ni Sarai.+ 3 Nang magkagayon ay kinuha ni Sarai, na asawa ni Abram, si Hagar, na kaniyang alilang babaing Ehipsiyo, sa pagwawakas ng sampung taon ng pananahanan ni Abram sa lupain ng Canaan, at ibinigay ito kay Abram na kaniyang asawa bilang asawa niya.+ 4 Kaya sumiping siya kay Hagar, at ito ay nagdalang-tao. Nang mabatid niyang siya ay nagdadalang-tao, nang magkagayon ay nagsimulang maging hamak sa kaniyang paningin ang kaniyang among babae.+
5 Dahil dito ay sinabi ni Sarai kay Abram: “Ang karahasang ginawa sa akin ay mapasaiyo. Ako mismo ang nagbigay ng aking alilang babae sa iyong dibdib, at nabatid niya na siya ay nagdadalang-tao, at ako ay nagsimulang maging hamak sa kaniyang paningin. Si Jehova nawa ang humatol sa akin at sa iyo.”+ 6 Kaya sinabi ni Abram kay Sarai:+ “Narito! Ang iyong alilang babae ay nasa iyong kapamahalaan. Gawin mo sa kaniya kung ano ang mabuti sa iyong paningin.”+ Nang magkagayon ay pinasimulan itong hiyain ni Sarai kung kaya tumakas ito mula sa kaniya.+
7 Nang maglaon ay nasumpungan siya ng anghel ni Jehova+ sa isang bukal ng tubig sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Sur.+ 8 At siya ay nagsimulang magsabi: “Hagar, alilang babae ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” Dito ay sinabi niya: “Aba, tumatakas ako mula kay Sarai na aking among babae.” 9 At ang anghel ni Jehova ay nagsabi sa kaniya: “Bumalik ka sa iyong among babae at magpakumbaba ka sa ilalim ng kaniyang kamay.”+ 10 Nang magkagayon ay sinabi ng anghel ni Jehova sa kaniya: “Pararamihin kong lubha ang iyong binhi,+ anupat hindi ito mabibilang dahil sa dami.”+ 11 Isinusog pa ng anghel ni Jehova sa kaniya: “Narito, ikaw ay nagdadalang-tao, at magsisilang ka ng isang anak na lalaki at tatawagin mong Ismael+ ang kaniyang pangalan; sapagkat narinig ni Jehova ang iyong kapighatian.+ 12 Kung tungkol sa kaniya, siya ay magiging isang tao na tulad ng sebra. Ang kaniyang kamay ay magiging laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay magiging laban sa kaniya;+ at sa harap ng mukha ng lahat ng kaniyang mga kapatid ay magtatabernakulo siya.”+
13 Nang magkagayon ay nagpasimula siyang tumawag sa pangalan ni Jehova, na nagsasalita sa kaniya: “Ikaw ay Diyos ng paningin,”+ sapagkat sinabi niya: “Namasdan ko nga ba rito siya na nakakakita sa akin?” 14 Iyan ang dahilan kung bakit tinawag na Beer-lahai-roi+ ang balon. Narito nga ito sa pagitan ng Kades at Bered. 15 Nang maglaon ay ipinanganak ni Hagar kay Abram ang isang lalaki at tinawag ni Abram na Ismael ang pangalan ng kaniyang anak na ipinanganak ni Hagar.+ 16 At si Abram ay walumpu’t anim na taóng gulang nang ipanganak ni Hagar si Ismael kay Abram.