2 Samuel
10 At nangyari nga na pagkatapos nito ay namatay ang hari ng mga anak ni Ammon,+ at si Hanun na kaniyang anak ay nagsimulang maghari na kahalili niya.+ 2 Dahil dito ay sinabi ni David: “Ako ay magpapakita ng maibiging-kabaitan kay Hanun na anak ni Nahas, kung paanong ang kaniyang ama ay nagpakita ng maibiging-kabaitan sa akin.”+ Sa gayon ay nagsugo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod+ upang aliwin siya dahil sa kaniyang ama, at ang mga lingkod ni David ay pumasok sa lupain ng mga anak ni Ammon. 3 Gayunman, sinabi ng mga prinsipe ng mga anak ni Ammon kay Hanun na kanilang panginoon: “Pinararangalan ba ni David ang iyong ama sa iyong paningin anupat nagsugo siya sa iyo ng mga mang-aaliw? Hindi ba upang magsiyasat sa lunsod at upang tiktikan+ ito at upang gibain ito kung kaya nagsugo sa iyo si David ng kaniyang mga lingkod?”+ 4 Kaya kinuha ni Hanun ang mga lingkod ni David at inahit ang kalahati ng kanilang mga balbas+ at pinutol sa kalahati ang kanilang mga kasuutan hanggang sa kanilang mga pigi at pinaalis sila.+ 5 Sa kalaunan ay may mga taong nag-ulat nito kay David, at kaagad siyang nagsugo upang salubungin sila, sapagkat ang mga lalaki ay lubhang napahiya; at sinabi ng hari: “Manahanan kayo sa Jerico+ hanggang sa lumago ang inyong mga balbas. Pagkatapos ay bumalik kayo.”
6 Sa kalaunan ay nakita ng mga anak ni Ammon na naging mabaho+ sila kay David, at nagsugo ang mga anak ni Ammon at inupahan nila ang mga Siryano ng Bet-rehob+ at ang mga Siryano ng Zoba,+ dalawampung libong lalaking naglalakad, at ang hari ng Maaca,+ isang libong lalaki, at ang Istob, labindalawang libong lalaki. 7 Nang marinig ito ni David, isinugo niya si Joab at ang buong hukbo at ang makapangyarihang mga lalaki.+ 8 At ang mga anak ni Ammon ay nagsimulang lumabas at humanay sa pagbabaka sa pasukan ng pintuang-daan, gayundin ang mga Siryano ng Zoba at ng Rehob,+ at ang Istob at ang Maaca ay nakabukod sa malawak na parang.+
9 Nang makita ni Joab na ang mga sagupaan ng pagbabaka ay nakaumang laban sa kaniya mula sa harap at mula sa hulihan, kaagad siyang pumili ng ilan mula sa lahat ng mga piling+ lalaki sa Israel at inihanay sila upang salubungin ang mga Siryano. 10 At ang natitira sa bayan ay ibinigay niya sa kamay ni Abisai+ na kaniyang kapatid, nang sa gayon ay maihanay niya sila upang salubungin ang mga anak ni Ammon.+ 11 At sinabi pa niya: “Kung ang mga Siryano ay maging lubhang malakas para sa akin, maging kaligtasan ka para sa akin; ngunit kung ang mga anak ni Ammon ay maging lubhang malakas para sa iyo, ako naman ang paririyan upang iligtas ka.+ 12 Magpakatatag ka, upang magpakalakas-loob+ tayo alang-alang sa ating bayan at alang-alang sa mga lunsod ng ating Diyos;+ at kung tungkol kay Jehova, gagawin niya kung ano ang mabuti sa kaniyang sariling paningin.”+
13 At si Joab at ang bayan na kasama niya ay lumapit sa pagbabaka laban sa mga Siryano, at tumakas sila mula sa harap niya.+ 14 Kung tungkol sa mga anak ni Ammon, nakita nila na ang mga Siryano ay tumakas, at tumakas sila mula sa harap ni Abisai at sa gayon ay pumasok sa lunsod.+ Pagkatapos ay bumalik si Joab mula sa mga anak ni Ammon at pumaroon sa Jerusalem.+
15 Nang makita ng mga Siryano na natalo na sila sa harap ng Israel, sila ay nagtipong sama-sama. 16 Kaya nagsugo si Hadadezer+ at inilabas ang mga Siryano na nasa pook ng Ilog;+ at pagkatapos ay pumaroon sila sa Helam, at si Sobac+ na pinuno ng hukbo ni Hadadezer ang nasa unahan nila.
17 Nang isaysay ito kay David, kaagad niyang tinipon ang buong Israel at tumawid sila ng Jordan at pumaroon sa Helam. At ang mga Siryano ay humanay upang salubungin si David at nagsimulang makipaglaban sa kaniya.+ 18 At ang mga Siryano ay tumakas+ mula sa harap ng Israel; at ang napatay ni David sa mga Siryano ay pitong daang tagapagpatakbo ng karo+ at apatnapung libong mangangabayo, at si Sobac na pinuno ng kanilang hukbo ay pinabagsak niya anupat namatay siya roon.+ 19 Nang makita ng lahat ng mga hari,+ na mga lingkod ni Hadadezer, na natalo sila sa harap ng Israel,+ kaagad silang nakipagpayapaan sa Israel at nagsimulang maglingkod sa kanila;+ at ang mga Siryano ay natakot na tangkain pang iligtas ang mga anak ni Ammon.+