2 Hari
16 Nang ikalabimpitong taon ni Peka na anak ni Remalias, si Ahaz+ na anak ni Jotam na hari ng Juda ay naging hari. 2 Dalawampung taóng gulang si Ahaz nang magsimula siyang maghari, at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem; at hindi niya ginawa ang tama sa paningin ni Jehova na kaniyang Diyos tulad ni David na kaniyang ninuno.+ 3 At lumakad siya sa daan ng mga hari ng Israel,+ at maging ang kaniyang sariling anak ay pinaraan niya sa apoy,+ ayon sa mga karima-rimarim+ na bagay ng mga bansang pinalayas ni Jehova dahil sa mga anak ni Israel. 4 At patuloy siyang naghain at gumawa ng haing usok sa matataas na dako+ at sa ibabaw ng mga burol+ at sa ilalim ng bawat mayabong na punungkahoy.+
5 Noon umahon sa digmaan si Rezin+ na hari ng Sirya at si Peka+ na anak ni Remalias na hari ng Israel laban sa Jerusalem at nangubkob laban kay Ahaz, ngunit hindi sila nakalaban.+ 6 Nang panahong iyon ay isinauli ni Rezin na hari ng Sirya ang Elat+ sa Edom, pagkatapos ay itinaboy niya ang mga Judio mula sa Elat; at ang mga Edomita naman ay pumasok sa Elat at patuloy na nanahanan doon hanggang sa araw na ito. 7 Kaya si Ahaz ay nagsugo ng mga mensahero kay Tiglat-pileser+ na hari ng Asirya, na nagsasabi: “Ako ay iyong lingkod+ at iyong anak. Umahon ka at iligtas+ mo ako mula sa palad ng hari ng Sirya at mula sa palad ng hari ng Israel, na tumitindig laban sa akin.” 8 Sa gayon ay kinuha ni Ahaz ang pilak at ang ginto na masusumpungan sa bahay ni Jehova at sa kabang-yaman ng bahay ng hari+ at nagpadala ng suhol+ sa hari ng Asirya. 9 Dahil dito ay nakinig sa kaniya ang hari ng Asirya at umahon sa Damasco+ ang hari ng Asirya at binihag iyon+ at dinala ang bayan nito sa pagkatapon sa Kir,+ at si Rezin+ ay pinatay niya.
10 Nang magkagayon ay sinalubong ni Haring Ahaz+ si Tiglat-pileser+ na hari ng Asirya sa Damasco, at nakita niya ang altar+ na nasa Damasco. Kaya ipinadala ni Haring Ahaz kay Urias na saserdote ang disenyo ng altar at ang parisan nito ayon sa buong kayarian nito.+ 11 At itinayo ni Urias+ na saserdote ang altar.+ At ginawa iyon ni Urias na saserdote nang gayon ayon sa lahat ng ipinadala ni Haring Ahaz mula sa Damasco, samantalang hindi pa dumarating si Haring Ahaz mula sa Damasco. 12 Nang ang hari ay dumating mula sa Damasco, nakita ng hari ang altar; at ang hari ay nagsimulang lumapit sa altar+ at naghandog sa ibabaw niyaon.+ 13 At patuloy siyang nagpausok+ ng kaniyang handog na sinusunog+ at ng kaniyang handog na mga butil+ at ibinuhos niya ang kaniyang handog na inumin+ at iwinisik ang dugo ng kaniyang mga haing pansalu-salo sa ibabaw ng altar. 14 At ang altar na tanso+ na nasa harapan ni Jehova ay inilapit niya ngayon mula sa harap ng bahay, mula sa pagitan ng kaniyang altar at ng bahay ni Jehova,+ at inilagay iyon sa hilagang panig ng kaniyang altar. 15 At inutusan siya ni Haring Ahaz, si Urias+ nga na saserdote, na sinasabi: “Pausukin mo sa ibabaw ng malaking altar ang handog na sinusunog sa umaga,+ gayundin ang handog na mga butil sa gabi+ at ang handog na sinusunog ng hari+ at ang kaniyang handog na mga butil at ang handog na sinusunog ng buong bayan ng lupain at ang kanilang handog na mga butil at ang kanilang mga handog na inumin; at ang lahat ng dugo ng handog na sinusunog at ang lahat ng dugo ng hain ay iwiwisik mo sa ibabaw niyaon. Kung tungkol sa altar na tanso, ito ay magiging bagay na aking isasaalang-alang.” 16 At ginawa ni Urias+ na saserdote ang ayon sa lahat ng iniutos ni Haring Ahaz.+
17 Karagdagan pa, pinagputul-putol+ ni Haring Ahaz ang mga panggilid na dingding+ ng mga karwahe+ at inalis sa mga iyon ang mga hugasan;+ at ang dagat+ ay ibinaba niya mula sa mga torong tanso+ na nasa ilalim nito at ipinatong sa isang batong sahig. 18 At ang may-bubong na kayarian para sa sabbath na itinayo nila sa bahay at ang pasukang-daan ng hari sa dakong labas ay inilipat niya mula sa bahay ni Jehova dahil sa hari ng Asirya.
19 Kung tungkol sa iba pa sa mga pangyayari kay Ahaz, kung ano ang kaniyang ginawa, hindi ba nakasulat ang mga iyon sa aklat+ ng mga pangyayari nang mga araw ng mga hari ng Juda? 20 Sa wakas si Ahaz ay humigang kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing na kasama ng kaniyang mga ninuno sa Lunsod ni David;+ at si Hezekias+ na kaniyang anak ay nagsimulang maghari bilang kahalili niya.