2 Cronica
1 At si Solomon na anak ni David ay patuloy na tumibay sa kaniyang paghahari,+ at si Jehova na kaniyang Diyos ay sumakaniya+ at patuloy siyang pinadakilang lubha.+
2 At nagsalita si Solomon sa buong Israel, sa mga pinuno ng mga libu-libo+ at ng mga daan-daan+ at sa mga hukom+ at sa lahat ng pinuno sa buong Israel,+ ang mga ulo ng mga sambahayan sa panig ng ama.+ 3 Nang magkagayon, si Solomon at ang buong kongregasyon na kasama niya ay pumaroon sa mataas na dakong nasa Gibeon;+ sapagkat naroon ang tolda ng kapisanan+ ng tunay na Diyos, na ginawa ni Moises na lingkod+ ni Jehova sa ilang. 4 Gayunman, ang kaban+ ng tunay na Diyos ay iniahon ni David mula sa Kiriat-jearim+ patungo sa dako na inihanda ni David para rito,+ sapagkat nagtayo siya ng tolda sa Jerusalem para rito.+ 5 At ang altar na tanso+ na ginawa ni Bezalel+ na anak ni Uri na anak ni Hur+ ay inilagay sa harap ng tabernakulo ni Jehova; at si Solomon at ang kongregasyon ay sumangguni roon gaya ng dati. 6 Si Solomon ngayon ay naghandog doon sa harap ni Jehova sa ibabaw ng altar na tanso na bahagi ng tolda ng kapisanan, at naghandog siya roon ng isang libong handog na sinusunog.+
7 Nang gabing iyon ay nagpakita ang Diyos kay Solomon at pagkatapos ay nagsabi sa kaniya: “Humingi ka! Ano ang ibibigay ko sa iyo?”+ 8 Dahil doon ay sinabi ni Solomon sa Diyos: “Ikaw ang Isa na nagpakita ng malaking maibiging-kabaitan kay David na aking ama+ at siyang gumawang hari sa akin bilang kahalili niya.+ 9 Ngayon, O Diyos na Jehova, maging tapat nawa ang iyong pangako kay David na aking ama,+ sapagkat ikaw ang gumawang hari+ sa akin sa isang bayan na sindami ng mga butil ng alabok sa lupa.+ 10 Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman+ upang ako ay makalabas sa harap ng bayang ito at upang ako ay makapasok,+ sapagkat sino ang makahahatol sa malaking bayan mong ito?”+
11 At sinabi ng Diyos kay Solomon: “Sa dahilang malapit ito sa iyong puso+ at hindi ka humingi ng materyal na pag-aari, kayamanan at karangalan o ng kaluluwa niyaong mga napopoot sa iyo, ni humingi ka man ng maraming araw,+ kundi humingi ka ng karunungan at kaalaman para sa iyo upang mahatulan mo ang aking bayan na sa kanila ay ginawa kitang hari,+ 12 ang karunungan at ang kaalaman ay ibinibigay sa iyo;+ gayundin ang materyal na pag-aari at ang kayamanan at ang karangalan ay ibibigay ko sa iyo anupat walang haring nauna sa iyo ang nagkaroon ng gayon,+ at walang sinumang kasunod mo ang magkakaroon ng gayon.”+
13 Kaya si Solomon ay dumating sa Jerusalem mula sa mataas na dakong nasa Gibeon,+ mula sa harap ng tolda ng kapisanan,+ at patuloy na naghari sa Israel.+ 14 At si Solomon ay patuloy na nagtipon ng mga karo at mga kabayong pandigma anupat nagkaroon siya ng isang libo apat na raang karo at labindalawang libong kabayong pandigma,+ at inilalagay niya ang mga iyon sa mga lunsod ng karo+ at malapit sa hari sa Jerusalem. 15 At pinangyari ng hari na ang pilak at ang ginto sa Jerusalem ay maging tulad ng mga bato;+ at ang tablang sedro ay pinangyari niyang maging tulad ng mga puno ng sikomoro+ na nasa Sepela+ dahil sa lubhang dami. 16 At ang mga kabayo na tinamo ni Solomon ay iniluwas mula sa Ehipto,+ at ang samahan ng mga mangangalakal ng hari ang kumukuha ng kawan ng kabayo sa kaukulang halaga.+ 17 At kinaugalian nilang iahon at iluwas mula sa Ehipto ang isang karo sa halagang anim na raang pirasong pilak at ang isang kabayo ay sa isang daan at limampu; at gayundin sa lahat ng mga hari ng mga Hiteo at ng mga hari ng Sirya.+ Sa pamamagitan nila sila nagluluwas.