Exodo
3 At si Moises ay naging pastol ng kawan ni Jetro,+ na saserdote ng Midian, na sa kaniya ay naging manugang siya.+ Nang inaakay niya ang kawan sa dakong kanluran ng ilang, sa kalaunan ay nakarating siya sa bundok ng tunay na Diyos,+ sa Horeb.+ 2 At nagpakita sa kaniya ang anghel ni Jehova sa liyab ng apoy sa gitna ng isang tinikang-palumpong.+ Habang nakatingin siya, aba, narito, ang tinikang-palumpong ay nagniningas sa apoy gayunma’y hindi natutupok ang tinikang-palumpong. 3 At sinabi ni Moises: “Liliko ako upang masiyasat ko ang malaking kababalaghang ito, kung bakit hindi nasusunog ang tinikang-palumpong.”+ 4 Nang makita ni Jehova na lumiko siya upang magsiyasat, kaagad siyang tinawag ng Diyos mula sa gitna ng tinikang-palumpong at sinabi: “Moises! Moises!” na dito ay sinabi niya: “Narito ako.”+ 5 Pagkatapos ay sinabi niya: “Huwag kang lumapit dito. Hubarin mo ang iyong mga sandalyas mula sa iyong mga paa, sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay banal na lupa.”+
6 At sinabi niya: “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.”+ Nang magkagayon ay ikinubli ni Moises ang kaniyang mukha, sapagkat natatakot siyang tumingin sa tunay na Diyos. 7 At isinusog ni Jehova: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.+ 8 At bababa ako upang hanguin sila mula sa kamay ng mga Ehipsiyo+ at upang iahon sila mula sa lupaing iyon tungo sa isang lupaing mabuti at maluwang, sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,+ sa kinaroroonan ng mga Canaanita at ng mga Hiteo at ng mga Amorita at ng mga Perizita at ng mga Hivita at ng mga Jebusita.+ 9 At ngayon, narito! ang daing ng mga anak ni Israel ay nakarating sa akin, at nakita ko rin ang paniniil na ipinaniniil sa kanila ng mga Ehipsiyo.+ 10 At ngayon ay halika at isusugo kita kay Paraon, at ilabas mo mula sa Ehipto ang aking bayan na mga anak ni Israel.”+
11 Gayunman, sinabi ni Moises sa tunay na Diyos: “Sino ako upang pumaroon ako kay Paraon at upang ilabas ko mula sa Ehipto ang mga anak ni Israel?”+ 12 Dito ay sinabi niya: “Sapagkat ako ay sasaiyo,+ at ito ang tanda para sa iyo na ako nga ang nagsugo sa iyo:+ Pagkatapos mong mailabas ang bayan mula sa Ehipto, paglilingkuran ninyo ang tunay na Diyos sa bundok na ito.”+
13 Gayunpaman, sinabi ni Moises sa tunay na Diyos: “Sakaling pumaroon ako ngayon sa mga anak ni Israel at sabihin ko sa kanila, ‘Isinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sabihin nila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’+ Ano ang sasabihin ko sa kanila?” 14 At sinabi ng Diyos kay Moises: “AKO AY MAGIGING GAYON SA ANUMANG AKO AY MAGIGING GAYON.”+ At isinusog niya: “Ito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Isinugo ako sa inyo ni AKO AY MAGIGING GAYON.’”+ 15 Pagkatapos ay minsan pang sinabi ng Diyos kay Moises:
“Ito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Isinugo ako sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, na Diyos ni Abraham,+ Diyos ni Isaac+ at Diyos ni Jacob.’+ Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda,+ at ito ang pinakaalaala sa akin sa sali’t salinlahi.+ 16 Yumaon ka, at tipunin mo ang matatandang lalaki ng Israel, at sabihin mo sa kanila, ‘Si Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno ay nagpakita sa akin,+ ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, na nagsasabi: “Walang pagsalang magtutuon ako ng pansin+ sa inyo at sa ginagawa sa inyo sa Ehipto. 17 Kaya sinasabi ko, iaahon ko kayo mula sa kapighatiang+ dulot ng mga Ehipsiyo tungo sa lupain ng mga Canaanita at ng mga Hiteo at ng mga Amorita+ at ng mga Perizita at ng mga Hivita at ng mga Jebusita,+ sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.”’+
18 “At tiyak na makikinig sila sa iyong tinig,+ at paroroon ka, ikaw at ang matatandang lalaki ng Israel, sa hari ng Ehipto, at sasabihin ninyo sa kaniya, ‘Si Jehova na Diyos ng mga Hebreo+ ay nakipagtalastasan sa amin,+ at ngayon ay nais naming yumaon, pakisuyo, sa paglalakbay nang tatlong araw patungo sa ilang, at nais naming maghain kay Jehova na aming Diyos.’+ 19 At nalalaman ko ngang lubos na hindi kayo pahihintulutang yumaon ng hari ng Ehipto malibang sa pamamagitan ng isang malakas na kamay.+ 20 At iuunat ko nga ang aking kamay+ at sasaktan ko ang Ehipto sa pamamagitan ng lahat ng aking mga kamangha-manghang pagkilos na gagawin ko sa gitna niyaon; at pagkatapos nito ay payayaunin niya kayo.+ 21 At bibigyan ko ng lingap ang bayang ito sa paningin ng mga Ehipsiyo; at tiyak na mangyayaring sa pagyaon ninyo, kayo ay hindi yayaong walang dala.+ 22 At bawat babae ay hihingi mula sa kaniyang kapitbahay at mula sa babaing naninirahan bilang dayuhan sa kaniyang bahay, ng mga kagamitang pilak at mga kagamitang ginto at mga balabal, at isusuot ninyo ang mga iyon sa inyong mga anak na lalaki at sa inyong mga anak na babae; at sasamsaman ninyo ang mga Ehipsiyo.”+