Isaias
3 Sapagkat, narito! ang tunay na Panginoon,+ si Jehova ng mga hukbo, ay nag-aalis sa Jerusalem+ at sa Juda ng panustos at ng tukod, ng buong panustos na tinapay at ng buong panustos na tubig,+ 2 ng makapangyarihang lalaki at mandirigma, ng hukom at propeta,+ at ng manghuhula at matandang lalaki,+ 3 ng pinuno ng lima-limampu+ at taong lubhang iginagalang at tagapayo at dalubhasa sa mga sining ng mahika, at ng dalubhasang engkantador.+ 4 At mga batang lalaki nga ang gagawin kong kanilang mga prinsipe, at di-makatuwirang kapangyarihan ang mamamahala sa kanila.+ 5 At sisiilin nga ng mga tao ang isa’t isa, ng bawat isa ang kaniyang kapuwa.+ Sila ay sasalakay, ang batang lalaki laban sa matandang lalaki,+ at ang itinuturing na mababa laban sa isang dapat parangalan.+ 6 Sapagkat ang bawat isa ay hahawak sa kaniyang kapatid na lalaki sa bahay ng kaniyang ama, na sinasabi: “Mayroon kang balabal. Dapat kang maging diktador+ sa amin, at ang ibinagsak na karamihang ito ay dapat na mapasailalim ng iyong kamay.” 7 Ilalakas niya ang kaniyang tinig sa araw na iyon, na sinasabi: “Hindi ako magiging manggagamot ng sugat; at sa aking bahay ay walang tinapay ni balabal. Huwag ninyo akong gawing diktador ng bayan.”
8 Sapagkat ang Jerusalem ay nabuwal, at ang Juda ay bumagsak,+ sapagkat ang kanilang dila at ang kanilang mga pakikitungo ay laban kay Jehova,+ sa paggawi nang mapaghimagsik sa paningin ng kaniyang kaluwalhatian.+ 9 Ang mismong anyo ng kanilang mga mukha ay nagpapatotoo nga laban sa kanila,+ at ang kanilang kasalanang gaya ng sa Sodoma ay inihahayag ng mga iyon.+ Hindi nila iyon itinatago. Sa aba ng kanilang kaluluwa! Sapagkat nagdulot sila ng kapahamakan sa kanilang sarili.+
10 Sabihin ninyo na mapapabuti ang matuwid,+ sapagkat kakainin nila ang mismong bunga ng kanilang mga pakikitungo.+ 11 Sa aba ng balakyot!—Kapahamakan; sapagkat ang pakikitungo na ginawa ng kaniyang sariling mga kamay ay gagawin sa kaniya!+ 12 Kung tungkol sa aking bayan, ang mga tagapagbigay-atas nito ay nakikitungo nang may kabagsikan, at mga babae lamang ang namamahala rito.+ O bayan ko, inililigaw ka niyaong mga umaakay sa iyo,+ at ang daan ng iyong mga landas ay kanilang ginulo.+
13 Si Jehova ay tumatayo upang makipaglaban at nakatayo upang maglapat ng hatol sa mga bayan.+ 14 Si Jehova ay papasok upang hatulan ang matatanda sa kaniyang bayan at ang mga prinsipe nito.+
“At kayo ang sumunog sa ubasan. Ang ninakaw sa napipighati ay nasa inyong mga bahay.+ 15 Ano ang ibig ninyong sabihin anupat dinudurog ninyo ang aking bayan, at ginigiling ninyo ang mismong mga mukha ng mga napipighati?”+ ang sabi ng Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo.
16 At sinasabi ni Jehova: “Sa dahilang ang mga anak na babae ng Sion ay nagpalalo at sila ay lumalakad na unat ang kanilang mga leeg at itinitingin nang mapang-akit ang kanilang mga mata, sila ay lumalakad nang patiyad, at sa pamamagitan ng kanilang mga paa ay nagpapakalansing sila,+ 17 paglalangibin nga ni Jehova ang tuktok ng ulo ng mga anak na babae ng Sion,+ at ihahantad ni Jehova ang kanila mismong noo.+ 18 Sa araw na iyon ay aalisin ni Jehova ang kagandahan ng mga pulseras sa paa at ng mga pamigkis sa ulo at ng mga palamuting hugis-buwan,+ 19 ang mga palawit sa tainga at ang mga pulseras at ang mga talukbong,+ 20 ang mga putong at ang mga kadenilya sa paa at ang mga pamigkis sa dibdib+ at ang ‘mga bahay ng kaluluwa’ at ang mga palamuting kabibi na humihiging,+ 21 ang mga singsing sa daliri at ang mga singsing sa ilong,+ 22 ang mariringal na kasuutan at ang mga pang-ibabaw na tunika at ang mga balabal at ang mga supot, 23 at ang mga salaming pangkamay+ at ang mga pang-ilalim na kasuutan at ang mga turbante+ at ang malalaking talukbong.+
24 “At mangyayari nga na sa halip na langis ng balsamo+ ay magkakaroon lamang ng amoy-amag; at sa halip na sinturon, lubid; at sa halip na maarteng ayos ng buhok, pagkakalbo;+ sa halip na isang marangyang kasuutan, pagbibigkis ng telang-sako;+ isang herong tanda+ sa halip na kariktan. 25 Sa pamamagitan ng tabak ay mabubuwal ang iyong mga lalaki, at ang iyong kalakasan naman sa pamamagitan ng digmaan.+ 26 At ang kaniyang mga pasukan ay magdadalamhati+ at mamimighati, at lubusan siyang aalisan ng laman. Uupo siya sa mismong lupa.”+