Jeremias
30 Ang salita na dumating kay Jeremias mula kay Jehova, na nagsasabi: 2 “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Isulat mo sa ganang iyo sa isang aklat ang lahat ng mga salita na sasalitain ko sa iyo.+ 3 Sapagkat, “narito! dumarating ang mga araw,” ang sabi ni Jehova, “at titipunin ko ang mga nabihag sa aking bayan, sa Israel at Juda,”+ ang sabi ni Jehova, “at ibabalik ko sila sa lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno, at tiyak na muli nilang aariin iyon.” ’ ”+
4 At ito ang mga salita na sinalita ni Jehova sa Israel at sa Juda. 5 Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova: “Ang ingay ng panginginig ay narinig namin, ang panghihilakbot,+ at walang kapayapaan. 6 Magtanong kayo, pakisuyo, at tingnan kung ang lalaki ay nagsisilang. Bakit ko nakita ang bawat matipunong lalaki na ang kaniyang mga kamay ay nasa kaniyang mga balakang na tila babaing nanganganak,+ at ang lahat ng mga mukha ay naging maputla?+ 7 Ay! Sapagkat ang araw na iyon ay dakila,+ anupat walang ibang tulad niyaon,+ at iyon ang panahon ng kabagabagan para sa Jacob.+ Ngunit maliligtas nga siya mula roon.”
8 “At mangyayari sa araw na iyon,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “na babaliin ko ang pamatok ng isa mula sa iyong leeg, at ang iyong mga panali ay papatirin ko,+ at hindi na siya gagamitin ng mga taga-ibang bayan bilang lingkod. 9 At tiyak na maglilingkod sila kay Jehova na kanilang Diyos at kay David na kanilang hari,+ na ibabangon ko para sa kanila.”+
10 “At ikaw naman, huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod,” ang sabi ni Jehova, “at huwag kang mangilabot, O Israel.+ Sapagkat narito, ililigtas kita mula sa malayo at ang iyong supling mula sa lupain ng kanilang pagkabihag.+ At ang Jacob ay tiyak na babalik at mapapanatag at magiging tiwasay, at walang sinumang magpapanginig.”+
11 “Sapagkat ako ay sumasaiyo,” ang sabi ni Jehova, “upang iligtas ka;+ ngunit magsasagawa ako ng paglipol sa gitna ng lahat ng mga bansa na pinangalatan ko sa iyo.+ Gayunman, sa iyo ay hindi ako magsasagawa ng paglipol.+ At kailangang ituwid kita sa wastong antas, sapagkat talagang hindi kita hahayaang di-naparurusahan.”+
12 Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova: “Walang lunas ang iyong pagkasira.+ Ang iyong sugat ay malala.+ 13 Walang sinumang nagtatanggol ng iyong usapin, para sa iyong sugat.+ Walang pagpapagaling, walang pagsasaayos, para sa iyo.+ 14 Silang lahat na masidhing umiibig sa iyo ang siyang lumimot sa iyo.+ Hindi ikaw ang hinahanap nila. Sapagkat sinaktan kita ng hampas ng kaaway,+ ng pagpaparusa ng isa na malupit,+ dahil sa dami ng iyong kamalian;+ ang iyong mga kasalanan ay dumami.+ 15 Bakit ka humihiyaw dahil sa iyong pagkasira?+ Ang iyong kirot ay di-malunasan dahil sa dami ng iyong kamalian; ang iyong mga kasalanan ay dumami.+ Ginawa ko sa iyo ang mga bagay na ito. 16 Kaya silang lahat na lumalamon sa iyo ay lalamunin din naman;+ at kung tungkol sa lahat ng iyong mga kalaban, paroroon silang lahat sa pagkabihag.+ At ang mga nananamsam sa iyo ay mauukol nga sa pananamsam, at silang lahat na nandarambong sa iyo ay ibibigay ko sa pandarambong.”+
17 “Sapagkat magpapasapit ako ng paggaling para sa iyo, at pagagalingin kita sa iyong mga sugat,”+ ang sabi ni Jehova. “Sapagkat babaing itinaboy ang itinawag nila sa iyo:+ ‘Iyan ang Sion, na hindi hinahanap ninuman.’ ”+
18 Ito ang sinabi ni Jehova: “Narito, titipunin ko ang mga nabihag mula sa mga tolda ng Jacob,+ at ang kaniyang mga tabernakulo ay kahahabagan ko. At ang lunsod ay muli ngang itatayo sa ibabaw ng kaniyang bunton;+ at sa ibabaw ng marapat na kalalagyan nito ay malalagay ang tirahang tore.+ 19 At mula sa kanila ay manggagaling ang pasasalamat, at ang ingay ng mga tumatawa.+ At pararamihin ko sila, at hindi sila mangangaunti;+ at pakakapalin ko ang kanilang bilang, at hindi sila magiging walang-halaga.+ 20 At ang kaniyang mga anak ay magiging gaya noong mga panahong nagdaan, at sa harap ko ay matibay na matatatag ang kaniyang kapulungan.+ At ibabaling ko ang aking pansin sa lahat ng kaniyang mga maniniil.+ 21 At ang kaniyang isa na maringal ay tiyak na manggagaling sa kaniya,+ at mula sa gitna niya ay lalabas ang kaniyang tagapamahala;+ at palalapitin ko siya, at lalapit siya sa akin.”+
“Sapagkat sino nga ang isang ito na nagbigay ng kaniyang puso bilang panagot upang lumapit sa akin?”+ ang sabi ni Jehova. 22 “At kayo ay tiyak na magiging aking bayan,+ at ako ang magiging inyong Diyos.”+
23 Narito! Ang isang buhawi ni Jehova, ang pagngangalit mismo, ay lumabas, isang unos na bumubugso.+ Sa ibabaw ng ulo ng mga balakyot ay iinog iyon.+ 24 Ang nag-aapoy na galit ni Jehova ay hindi mapapawi hanggang sa mailapat na niya at hanggang sa maisagawa na niya ang mga kaisipan ng kaniyang puso.+ Sa huling bahagi ng mga araw ay pag-iisipan ninyo iyon.+