Panaghoy
5 Alalahanin mo, O Jehova, kung ano ang nangyari sa amin.+ Tingnan mo at masdan ang aming kadustaan.+
2 Ang aming minanang pag-aari ay ibinigay sa mga taga-ibang bayan, ang aming mga bahay ay sa mga banyaga.+
3 Kami ay naging hamak na mga ulila na walang ama.+ Ang aming mga ina ay tulad ng mga balo.+
4 Kapalit ng salapi ay ininom namin ang aming tubig.+ Kapalit ng isang halaga ay dumarating ang aming kahoy.
5 Malapit na sa aming leeg ang pagtugis sa amin.+ Nanghimagod na kami. Walang kapahingahang natira sa amin.+
6 Sa Ehipto+ ay iniabot namin ang kamay;+ sa Asirya,+ upang mabusog sa tinapay.
7 Ang aming mga ninuno ang siyang nagkasala.+ Wala na sila. Sa ganang amin, ang kanilang mga kamalian ang kinailangan naming pasanin.+
8 Mga lingkod lamang ang namamahala sa amin.+ Walang sinumang umaagaw sa amin mula sa kanilang kamay.+
9 Manganib man ang aming kaluluwa ay ipinapasok namin ang aming tinapay,+ dahil sa tabak sa ilang.
10 Ang amin mismong balat ay nag-init na parang hurno, dahil sa mga hapdi ng gutom.+
11 Ang mga asawang babae sa Sion ay hinamak nila,+ ang mga dalaga sa mga lunsod ng Juda.
12 Ang mga prinsipe mismo ay ibinitin sa pamamagitan lamang ng kanilang kamay.+ Ang mga mukha ng matatandang lalaki man ay hindi binigyang-dangal.+
13 Maging ang mga kabataang lalaki ay bumuhat ng gilingang pangkamay,+ at sa ilalim ng kahoy ay natisod ang mga batang lalaki.+
14 Ang matatandang lalaki ay naglaho mula sa pintuang-daan,+ ang mga kabataang lalaki mula sa kanilang musikang tugtugin.+
15 Ang pagbubunyi ng aming puso ay naglaho. Ang aming sayawan ay napalitan ng pagdadalamhati.+
16 Ang korona ng aming ulo ay nahulog.+ Sa aba namin ngayon, sapagkat kami ay nagkasala!+
17 Dahil dito ay nagkasakit ang aming puso.+ Dahil sa mga bagay na ito ay lumabo ang aming mga mata,+
18 Dahil sa bundok ng Sion na nakatiwangwang;+ mga sorra ang lumalakad doon.+
19 Kung tungkol sa iyo, O Jehova, ikaw ay uupo hanggang sa panahong walang takda.+ Ang iyong trono ay sa sali’t salinlahi.+
20 Bakit mo kami nililimot magpakailanman,+ na iniiwan mo kami sa kahabaan ng mga araw?+
21 Panumbalikin mo kami sa iyo,+ O Jehova, at kaagad kaming manunumbalik. Bigyan mo kami ng mga bagong araw gaya noong sinaunang panahon.+
22 Gayunman, lubusan mo kaming itinakwil.+ Lubha kang nagalit sa amin.+