Ezekiel
29 Nang ikasampung taon, nang ikasampung buwan, noong ikalabindalawang araw ng buwan, ang salita ni Jehova ay dumating sa akin, na nagsasabi: 2 “Anak ng tao, ituon mo ang iyong mukha laban kay Paraon na hari ng Ehipto+ at manghula ka laban sa kaniya at laban sa buong Ehipto.+ 3 Magsalita ka, at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Narito, ako ay laban sa iyo, O Paraon, hari ng Ehipto,+ ang malaking dambuhalang hayop-dagat+ na nahihigang nakaunat sa gitna ng kaniyang mga kanal ng Nilo,+ na nagsabi, ‘Ang aking Ilog Nilo ay akin, at ako—ako ang gumawa nito para sa aking sarili.’+ 4 At lalagyan ko ng mga pangawit ang iyong mga panga+ at pakakapitin ko sa iyong mga kaliskis ang mga isda sa iyong mga kanal ng Nilo. At iaahon kita mula sa gitna ng iyong mga kanal ng Nilo at ang lahat ng isda sa iyong mga kanal ng Nilo na kakapit sa iyong mga kaliskis. 5 At iiwan kita sa ilang, ikaw at ang lahat ng isda sa iyong mga kanal ng Nilo.+ Sa ibabaw ng parang ay mabubuwal ka.+ Hindi ka pipisanin ni titipunin man. Sa mababangis na hayop sa lupa at sa mga lumilipad na nilalang sa langit ay ibibigay kita bilang pagkain.+ 6 At makikilala nga ng lahat ng tumatahan sa Ehipto na ako ay si Jehova,+ sa dahilang sila, bilang suhay, ay naging isang tambo sa sambahayan ng Israel.+ 7 Nang tanganan ka nila sa kamay ay nadurog ka,+ at napangyari mong mabiyak ang kanilang buong balikat. At nang sumandig sila sa iyo ay nabali ka,+ at napangatog mo ang lahat ng kanilang mga balakang.”+
8 “ ‘Kaya ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Narito, magpapasapit ako sa iyo ng isang tabak,+ at lilipulin ko mula sa iyo ang makalupang tao at ang alagang hayop.+ 9 At ang lupain ng Ehipto ay magiging isang tiwangwang na kaguhuan at isang wasak na dako;+ at kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova, sa dahilang sinabi niya, ‘Sa akin ang Ilog Nilo, at ako mismo ang gumawa nito.’+ 10 Kaya narito, ako ay laban sa iyo at laban sa iyong mga kanal ng Nilo,+ at ang lupain ng Ehipto ay gagawin kong mga wasak na dako, katuyuan, isang nakatiwangwang na kaguhuan,+ mula sa Migdol+ hanggang sa Seyene+ at hanggang sa hangganan ng Etiopia. 11 Hindi daraan doon ang paa ng makalupang tao,+ ni daraan man doon ang paa ng alagang hayop,+ at sa loob ng apatnapung taon ay hindi iyon tatahanan.+ 12 At ang lupain ng Ehipto ay gagawin kong tiwangwang na kaguhuan sa gitna ng mga nakatiwangwang na lupain;+ at ang mga lunsod nito ay magiging tiwangwang na kaguhuan sa gitna ng mga wasak na lunsod sa loob ng apatnapung taon;+ at pangangalatin ko ang mga Ehipsiyo sa mga bansa at pananabugin ko sila sa mga lupain.”+
13 “ ‘Sapagkat ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Sa pagwawakas ng apatnapung taon+ ay titipunin ko ang mga Ehipsiyo mula sa mga bayang pinangalatan sa kanila,+ 14 at ibabalik ko ang pangkat ng bihag na mga Ehipsiyo; at ibabalik ko sila sa lupain ng Patros,+ sa lupain na kanilang pinanggalingan, at doon sila magiging isang mababang kaharian. 15 Iyon ay magiging mas mababa kaysa sa ibang mga kaharian, at hindi na iyon magtataas pa ng kaniyang sarili sa ibang mga bansa,+ at gagawin ko silang napakakaunti anupat hindi makapamumuno sa ibang mga bansa.+ 16 At hindi na iyon ang pagtitiwalaan ng sambahayan ng Israel,+ na nagpapaalala ng kamalian dahil sa kanilang pagbaling sa kanila.+ At kanila ngang makikilala na ako ang Soberanong Panginoong Jehova.” ’ ”
17 At nangyari nang ikadalawampu’t pitong taon, nang unang buwan, noong unang araw ng buwan, ang salita ni Jehova ay dumating sa akin, na nagsasabi: 18 “Anak ng tao, si Nabucodorosor,+ ang hari ng Babilonya, ay nagpagawa sa kaniyang hukbong militar ng isang malaking paglilingkod laban sa Tiro.+ Ang bawat ulo ay nakalbo, at ang bawat balikat ay natalupan.+ Ngunit kung tungkol sa kabayaran,+ wala ni anuman para sa kaniya at sa kaniyang hukbong militar mula sa Tiro para sa paglilingkod na isinagawa niya laban dito.
19 “Kaya ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Narito, ibibigay ko kay Nabucodorosor na hari ng Babilonya ang lupain ng Ehipto,+ at tatangayin niya ang yaman nito at lubusang sasamsaman iyon+ at gagawan iyon ng malaking pandarambong; at iyon ay magiging kabayaran para sa kaniyang hukbong militar.’
20 “ ‘Bilang kaniyang kabayaran sa paglilingkod na ginawa niya laban doon ay ibinigay ko sa kaniya ang lupain ng Ehipto, sapagkat kumilos sila para sa akin,’+ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.
21 “Sa araw na iyon ay palilitawin ko ang isang sungay para sa sambahayan ng Israel,+ at sa iyo ay magbibigay ako ng pagkakataon upang magbuka ng bibig sa gitna nila;+ at kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.”